Friday, November 19, 2021

Top 5 Reasons Why MOA's Globe was Stolen

Nabulabog kamakailan lang ang buong 'Pinas nang ibinalitang nawawala ang globe sa MOA. Pa'nu nangyari  'yun?  At bakit nagawa 'yun?

Kahit ako'y isang engineering graduate, dahil ang hawak ko ay kuryente, hindi ko alam kung gaano kadali o kahirap buwagin ang isang napakalaking istraktura.

Pero, dahil ako'y ma-usi, naisip kong sagutin bakit nga ba ninakaw 'yung globe ng MOA:

Number 5:  Nasa 'Pinas si David Copperfield.

Number 4:  Nagreklamo na ang Smart.

Number 3:  Gagamiting poste ng DITO.

Number 2:  Hindi naman talaga ito ninakaw.  Aayusin lang ang posisyon ng 'Pinas.  Napakalayo daw kasi ito sa Mainland.

At ang number 1 na dahilan kung bakit ninakaw ang globe ng MOA:

Para makapagyabang ang anak ni BBM ("Talo 'yan ng lolo ko....")!

Sunday, October 11, 2020

Majority Rules?

Kamakailan lang, naglabas ang Pulse Asia na 91% ng mga Pinoy ang nagtitiwala kay Du30 Finger, samantalang 57% lang ang kay Leni. S'yempre, tuwang-tuwa ang mga DDS. Parang ang mataas na approval rating ay katumbas na tama ang ginagawa ng panggulo.  At si Leni?  Sabi ni Kumareng Roque wala naman daw ginawa si VP kun'di mamulitika.

Napa-isip tuloy ako.  Ibig bang sabihin noon, ang pananaw ng nakararami ang s'yang magdidikta kung tama o mali ang isang bagay?  Na ang katotohanan ay depende sa majority?

Naalala ko tuloy 'yung lumang kuwento:

Isang araw, nagkaroon daw ng popularity contest.

'Yung nanalo, isang kriminal, nakalaya.

'Yung natalo, ipinako sa krus.


Friday, October 9, 2020

Top 5 Reasons Bakit Hindi Ako Bobo

Kamakailan lang nalathalang ang mga Pinoy daw ang isa sa may pinakamababang low IQ sa buong South East Asia.

Sa iskor na 86, dinaig tayo ng mga bansang Singapore (108),  Vietnam (94), Malaysia (92), Brunei, Cambodia, Thailand (tig-91), Laos (89), Myanmar at Indonesia (tig-87).  Hindi ko nakita kung ilan ang nakuha ng East Timor, pero hindi nangangahulugang mas mababa ang IQ nila kesa 'Pinas.

Kamakailan lang din lumabas ang balitang 91% ng mga Pinoy ang nagtitiwala pa rin kay Duterte.

Nguni't, mabalik tayo sa usapang-IQ.

S'yempre, 'pag sinabing average, hindi lahat ng tao ay may ganoong iskor. May mga taong may IQ na mas mataas sa 86, at meron namang mas mababa pa roon.

Nasisiguro kong isa na ako sa mga iilang Pinoy na may IQ na mas mataas sa 86.

Bakit, 'ka mo?  Narito ang aking mga dahilan:

  1. Hindi ako nakipagsiksikan sa Manila Bay para tignan 'yung fake white sand.

    Naglaho ang social distancing para lang magisnan ang tinambak na dolomite sa Manila Bay.

    Sabagay, hindi ko rin naman sila masisisi.  Bago nga naman matapos ang taon, malamang inanod na ang mga buhangin.

    Pero, kahit na.  Hindi ko ipagpapalit ang aking kalusugan sa P389.8M.... Teka, ganoon kamahal 'yun?

  2.  Naintindihan ko ang salitang "komunista". 

    Bakit nga ba ang mga pumupuna sa gobyerno ay binabansagang "komunista"?  Tapos, halos halikan naman ang p'wit ng bansang Tsina?  Sino ba ang talagang komunista? Gustong lipulin ang mga komunista (kuno) na mga Pinoy pero hinahayaan namang sakupin ang ating bansa ng komunistang Tsina.

    O baka colonial mentality lang 'yan?  Pera-pera?  Kabobohan?

    Bawal Judgmental!

  3. Wala akong ibinoto sa mga senador na nanalo noong nakaraang eleksyon...

    Sabi ng FB friend kong DDS, napakabobo nating mga Pinoy kasi ang mga ibinoboto natin ay pawang mga corrupt na politiko.

    Sa puntong ito may punto s'ya.

  4. ... at proud akong amining binoto ko si Leni.

    Kasama ka sa statistics kung hindi mo ito na-gets.
At ang number 1 na dahilan kung bakit masasabi kong hindi ako bobo:
  1. Kahit kelan hindi ko pinaniwalaan sina Jay Sonza at Mocha.

Saturday, May 30, 2020

Top Five Wang-Wang Quotes sa Panahon ng ECQ

Ayan, bumalik na naman ang wang-wang mentality.  Kaya naman, naisip kong mangolekta ng mga quotes na nagpapapakita ng sense of entitlement.  Narito ang aking top five:

5. "Sarap ng buhay!"

4.  "Kinumusta rin po natin ang kalagayan ng 322 OFWs natin sa Matabungkay Lian Batangas."

3.  "Bakit bibigyan yung middle [class] eh may trabaho sila?"

2.  "Sabi mo, the law is the law. Well, akin na 'yun."

At ang number 1 wang-wang quote habang nasa-ECQ:

1.  "Happy birthday, General."


Image

Saturday, May 23, 2020

Wang-Wang, Revisited

Ang isang gusto kong ginawa ni Noynoy ay 'yung tanggalin n'ya ang mga wang-wang.  Isipin n'yo nga, isang oras ka nang nasa trapik, tapos makakarinig ka ng wang-wang para ikaw ay tumabi o kaya sila ay maka-counter flow.  Kaya, kahit sino na lang, basta't may malaki't mamahaling kotse, nagkakabit ng wang-wang.

Pero, napansin ko, bago magka-ECQ, parang bumabalik na naman ang mga wang-wang.  

At na-confirm ko na bumalik na nga sila, kahit na may dalawang buwan na akong hindi nag-dra-drive.

Ang wang-wang ay isang simbolo, metaphor, 'ika nga. Isa s'yang sagisag ng kapangyarihan, ng nakaka-angat, ng entitled.

'Pag may wang-wang ka, pwede kang ma-una, walang haharang sa 'yo

'Pag may wang-wang ka, pwede kang lumabag sa batas, walang huhuli sa 'yo.

.'Pag may wang-wang ka, pwede mong gawin ang gusto mo, walang kokontra sa 'yo.

Nakakalungkot.

Sabagay, kahit noon pa man, meron nang wang-wang.

Noong panahon ni Kristo, ang mga Pariseo ay gumagamit na ng mga wang-wang, para ipakita sa madlang people ang kabutihang ginagawa nila.

Buti pa ang mga Pariseong ito, at least, may mabuti silang ginagawa matapos nilang mag-wang-wang.

'Di tulad ngayon,  pagdaan ng wang-wang, panay mabahong usok ang iyong maaamoy.

 

Friday, May 22, 2020

Writing Tip: Give Your Protagonist A Dilemma

Isang writing tip ang nabasa ko: bigyan ang bida ng dilemma.  Pwedeng ang mga choices ay between the lesser of two evils o kaya'y the greater of two goods.  Siyempre, hindi pwedeng ang isa ay evil at ang isa ay good; no contest 'yan.

Kamakailan lang, may isang pangyayari ang nagbigay sa akin ng inspirasyong magsulat.  Dalawang positive values ang naisip kong pagsabungin, at isa lang ang pwedeng piliin ng bida.

Kaso, nag-give up na rin akong isulat ang kwento. Kasi, kahit anong sitwasyon ang isipin ko, kahit paano ko pagbalig-baligtarin ang aking istorya, hindi ko maisip kung paano tatalunin ng gentlemanliness ang integrity.

Friday, March 13, 2020

Panic Buying

Tatlong oras kaming nakapila sa grocery kagabi.  Normal grocery day lang sana namin, pero napasabay kami sa pag-panic buying ng mga tao.  Sa tagal ng aming pagpila, nakipag-panic buying na rin kami.

'Di ko naman gawain ito.  Kahit noong mga coup d'etat kay Tita Cory at 'yung inaasahang The Big One hindi ako nag-panic buying.  Hindi dahil hindi kami nag-panic; wala lang kaming pang-buying.

Nag-decide akong makisali dahil sa dalawang dahilan:

  1. Nagdeklara si Du30 Finger na magkakaroon ng lockdown ang buong Metro Manila; at
  2. Si Du30 Finger.

Sa totoo lang, noong una pa mang naupo si Du30 Finger, ipinagdasal ko na na sana'y maging matagumpay ang kanyang panunungkulan.  Sana, s'ya na ang maging pinakamahusay na naging presidente ng Pilipinas, lalo na sa mga panahon ngayon.

Kaso, parang gusto ko nang sumigaw ng "Eli, Eli, lama sabachthani".

Alam ko namang marami ang naniniwalang si Du30 Finger na ang pinakamagaling na presidente.  Ang gusto ko lang naman, sana totoo ito sa point of view ng 'Pinas at hindi ng Tsina.

Pasado alas-siyete ng gabi ubos na ang mga sardinas.

Bandang alas-nueve, ubos na ang Safeguard.

Malamang, ang alkohol, ubos na noong Lunes pa lang.

Buti't marami ako nito sa bahay,  iba-iba pa ang brand:  Black Label, Chivas, Tanduay....

Sunday, September 29, 2019

Thought Experiment

Isang water jug ang give-away sa aming huling High School reunion (not in the picture).  Biglang may naisip akong thought experiment: kung lagyan ko ng tubig ang jug, tapos isara ko ng mabuti, at inalog ko ito ng inalog, dahil sa transfer of energy iinit ang tubig hanggang ito ay kumulo.

'Yun ang theory.

Tapos, naisip ko:  Ano kaya kung ang mga bansang US of A, Tsina, at, siyempre, Pilipinas ay isinagawa ang eksperimentong ito.  Hindi ko alam kung gaano katagal o kabilis ang pag-alog nito, pero ilan kayang tao ang kinakailangan upang mapakulo ang tubig sa jug?

'Eto ang mga sagot ko:

Sa US of A:
  • Tanong:  Ilang TNT'ng Pinoy ang kailangan upang alugin ang water jug hanggang kumulo ang tubig?
    Sagot:  Isa.  Mataas 'ata ang OT pay sa abroad.

  • Tanong:  Ilang Mexikano ang kailangan upang pakuluin ang tubig?
    Sagot:  Wala.  Ipinagbawal na ni Trump ang magtrabaho ang mga Mexikano sa US.

  • Tanong:  Ilang puti ang kailangan?
    Sagot:  Wala.  Para lang daw sa mga Mexikano ang trabahong iyon.

  • Tanong:  Ilang blonde ang kailangan?
    Sagot:  100.  Isa ang hahawak sa jug at 99 ang aalog sa kanya.

  • Tanong:  Ilang gay ang kailangan?
    Sumunod na tanong:  Nasan 'yung jug?
Sa China naman:
  • Tanong:  Ilang Tsino sa mainland ang kailangan upang alugin ang jug?
    Sagot:  Dalawa.  Isang taga-alog at isang taga-hawak ng bayoneta.

  • Tanong: Ilang Tsino sa West Philippine Sea ang kailangan?
    Sagot:  Wala.  Hahayaan nila ang mga Pinoy na alugin ang jug, at tapos ay kukunin nila ito 'pag kumulo na ang tubig.  Sila naman daw ang may-ari ng jug.
At, siyempre, hindi pahuhuli ang mga Pinoy:
  • Tanong:  Ilang cabinet secretaries ang kailangan?
    Sagot:  Wala.  Hindi nga nila alam paano patakbuhin ang kanilang departamento, 'yun pa kayang pag-alog ng jug?

  • Tanong:  Ilang DDS?
    Sagot:  Kahit isa lang.  Subukan mong pahawak sa DDS kung hindi kumulo agad ang dugo mo.

  • Tanong:  Ilang preso na nakagawa ng heinous crime ang kailangan?
    Sagot:  Marami.  Ang pag-alog daw ng water jug ay isang sign of good conduct.

    Kaso nga lang, disqualified sila sa pag-alog ng jug.

  • Tanong:  Ilang Millennials?
    Sagot:  Baka wala.  Hindi nga nila pinaniniwalaan 'yung mga atrocities na nangyari noong Martial Law, 'eto pa kayang thought experiment lang?

  • Tanong:  Ilang Du30 Finger ang kailangan upang alugin ang water jug hanggang kumulo ang nilalamang tubig?
    Sagot:  Wala.  Pero, "P#@!, ipinapangako ko, in 3 months lang, kukulo ang tubig.  Kung hindi, I shall resign."

Sunday, March 3, 2019

Respeto

Praise no one before he speaks, for it is then that people are tested. - Sirach 27:7

Si Du30 Finger talaga ang una naming choice para sa pagka-presidente.  Sabi ko, naayos naman n'ya ang Davao.  Baka sakali, maayos n'ya ang bansa.

Nawalan na ako ng gana nang ikinuwento n'ya na minura n'ya ang Papa dahil sa trapik.  Proud pa s'ya nang isinasalaysay n'ya ito.

Hindi naman dahil sa ako'y Katoliko, pero kung basta ganun-ganoon lang maaaring n'yang murahin and isa sa pinakarerespetong tao sa mundo, ibig sabihin ay walang s'yang nirerespeto.

At sa isang taong may makapangyarihan, napaka-delikado noon.

Dapat Mayor Muna


Naulit pa ito nang sinabi ng ngayo'y panggulo na "dapat mayor muna ang nauna" kay Jacqueline Hamill.

Hindi lang n'ya binastos ang patay, pati ang kanyang pagkababae ay binastos din.

At hindi dahilan na "ganoon talaga ang mga lalaki magsalita".

Ang tunay na lalaki, may respeto.  Gentleman 'ika nga.

From The Fullness Of The Heart


Ang (tunay) na Panginoon na ang nagsalita:  [K]ung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi."- Lucas 6:45

Hindi ko naman sinasabi na kung masama ang lumalabas sa bibig ng isang tao, masama na 'yung taong 'yun.  Tanging Diyos lamang talaga ang nakakakaalam kung anong klaseng tao s'ya.

Pero, ang sabi sa Bibliya:  Huwag mo munang pupurihin ang isang tao hanggang hindi nagsasalita, sapagkat doon mo pa makikilala ang tunay niyang puso't diwa. - Sir 27:7

Sa Darating Na Eleksyon


Hindi ko ibinoto si Du30 Finger dahil sa mga salitang nanggaling sa bibig n'ya.  At hindi naman ako nagsisisi.

Sa darating na eleksyon, ganoon din ang gagawin ko.  Pakikinggan kong mabuti ang mga sinasabi ng mga kumakandidato, 'di lamang tungkol sa kampanya, kun'di pati na rin sa mga ordinaryong kuwento ng buhay.

At, hindi ko iboboto ang:
  1. nagsasabing sila ay para kay Panggulong Du30 Finger (Bakit, hindi ba sila para sa mamamayan?);
  2. ayaw makipag-debate (Paano ko sila makikilala?);
  3. sinabing masama para sa mga Pinoy ang sobrang demokrasya (Martial Law, okay?);
  4. nais ibalik ang Death Penalty (Para maging legal ang Operation Tokhang?);
  5. nag-premature campaigning ('Di pa nga nananalo, nandadaya na.); at,
  6. ang may apelyidong Marcos, Enrile, Revilla, o Ejercito.

Monday, February 25, 2019

Sino Ang Panginoon Mo?

Minsan, napadpad ako sa Facebook homepage ng isang taga-DDS.Ito 'yung tungkol sa sinabi ni Jay Sonza na napaka-dramatic daw ni Maria Ressa.

Grabe, daming comments.  Ang masaklap noon, damang-dama mo ang galit ng mga nakasulat.

"Kapal ng mukha n'ya."

"Ipakulong 'yan, p#!@ng !n@ng 'yan!"

"Dapat, ipapatay 'yan."

Pero, s'yempre, hindi naman nanggaling sa vacuum ang mga 'yan.  Kelan lang, 'yung panggulo nila, sinabing holdapin daw ang mga obispo, at patayin kung lumaban.

Marami pa tulad n'yan ang sinabi n'ya, kahit noon pa.

Si Hesus Ang Nag-sermon

Ibang-iba naman 'yung napakinggan ng mga nagmisa noong nakaraang Linggo.

"[I]bigin ninyo ang inyong kaaway, at gawan ninyo ng kabutihan ang namumuhi sa inyo. Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo, at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo." - Lukas 6:27-28

Sabi ng pari na nag-misa sa amin, hindi na raw n'ya kailangang mag-homily pa.  Si Hesus na mismo ang nagsasalita. 

Hindi Lang Pang-Katoliko...

At dahil galing ang mga salita kay Hesus, hindi masasabing ang mga binasa noong Linggo ay pang-Katoliko lamang.  Pare-pareho naman ang sinasabi ng kapitulo sais, bersikulo bente-siyete hanggang bente-otso ni San Lukas, kahit ano pa ang Bibliya mo: Katoliko, Protestante, o kahit na pang-INC.

Samakatuwid, ang sinabi ni Hesus ay para sa pangkalahatan, o para sa mga naniniwala sa Kanya.

'Yun marahil ang key doon.  

Kalimutan mo na ang mga pari, mga obispo, ang Papa.  Tignan mo lang si Hesus.

S'ya ba ang tunay mong Panginoon?

Kung ganoon, bakit ka galit na galit sa mga taong wala namang ginawa sa 'yo?

Bakit tumatawa ka pa kapag binabastos ang isang babae?

Bakit gusto mong ipapatay ang mga taong makasalanan?

May eleks'yon o wala, kailangang mamili ka:

Sino nga ba ang Panginoon mo?

Sunday, February 17, 2019

Top Five New Names ng Ating Bansa

Kamakailan lang, nag-suggest si DU30 Finger na palitan ang pangalan ng ating pinakamamahal na bansa.  Wala nga lang s'yang originality dahil ang gusto n'yang pangalan ay iminungkahi na rin ng dati ring panggulo, si the Unreal McCoy.

Hindi naman sa inaayawan ko ang suggestion, pero, dahil tayo ay nasa isang demokrasya at wala sa isang diktadura.... Teka, mali 'ata ako ng bansa.

Ne-waze, ang gusto ko lang sana ay dumami ang mga suggestions para makapili tayo ng pinakamagandang pangalan.  Brainstorming baga, kung saan isinasaad na "quantity breeds quality".

At kung ang akala ninyo ang pinagsasasabi ko ay tungkol sa pag-aalaga ng manok na pansabong, 'wag nyo nang ituloy ang pagbabasa at baka sumakit lang ang ulo n'yo.

Kung kaya, maliban sa "Maharlika", narito ang aking mga mungkahing bagong pangalan ng ating republika:

Number 5:  Maalikaya
Mga Misis, kung natawa si Mister dito, magduda na kayo.

Number 4:  Republika ng Cronus
At ang tawag sa mga mamamayan nito ay Cronies.

Number 3: Republika ng Independyenteng Pilipinas
Ang isang impetus upang palitan ang pangalan ay dahil nanggaling daw ito sa pangalan ng isang Kastilang hari, at ang salitang "Pilipinas" ay may connotation na colony pa rin tayo ng España (yung bansa, hindi 'yung kalye).  Eh, 'di, lagyan natin ng salitang Independyente upang ipakita sa buong mundo na malaya na tayo.  (Malapit na nga lang mamatay.)

Number 2:  Hacienda Pilipinas
'Ika nga ni Brother Bo, and Pilipinas ay isang napakalaking Hacienda dahil lagi na lang tayong umaasa sa haciendero (presidente) upang lutasin ang ating mga problema.

At ang Number 1 na bagong pangalan ng Pilipinas:  Feilubin, province of China.

Saturday, September 29, 2018

Ma, Anak N'yo Ba Talaga Ako?

May lumabas na commercial sa TV kung saan ang isang insecure na musmos ang nagtanong kung tunay s'yang anak ng Mama at Papa n'ya:

ANAK:  Ma, anak n'yo ba talaga ako ni Papa?

NANAY:  Oo naman, anak. Bakit?

ANAK:  Bakit magaling kayo ni Papa sa Math, ako hindi.

At dahil ito ay isang commercial, sanitized na ang tugon ng ina.

Pero, sa tunay na buhay, malamang iba ang magiging sagot.  At ang mga ito ang aking top 5 answers:

5.  NANAY:  Anak, nahirapan din ako.  Magaling lang akong mangopya.

4.  NANAY:  Anak, nahirapan din ang Papa mo.  Sa kanya ka nagmana.

3.  NANAY:  Anak, sasabihin ko na ang totoo habang bata ka pa.  Napulot ka lang namin sa kalye.

2.  NANAY:  Anong hindi magaling?  Wala ka ngang line of 7 sa Math.

     ANAK:  68 ang grade ko, Mama.

     NANAY:  See, hindi line of 7.

At ang  number 1 sagot ng Nanay:

1.  NANAY (Sabay yakap at halik sa ulo ng anak):  Pang-Miss Universe talaga ang beauty ng anak ko!

Wednesday, September 26, 2018

Ang Mamatay Ng Dahil Sa'yo

Gusto raw palitan ni Tito Sen ang huling linya ng ating pambansang awit, mula sa "Ang mamatay ng dahil sa'yo", ay gagawing "Ang ipaglaban ang kalayaan mo."  Masyado raw defeatist  ang kasalukuyang linya.

Sa huli'y hindi na rin n'ya ipinagpatuloy ang mungkahing ito.  Marami raw mahinang umintindi (bobo?), kaya, ayawan na.

"Ayaw n'yo?  Huwag!"

Pero, bago muna nating i-dismiss ang panukalang ito, maganda rin naman sigurong suriin natin ito.  Malay mo, baka nga may punto naman si Tito Sen.

Sino na nga ba ang handang magpakamatay para sa bayan?

Ayon kay Du30 Finger, hindi ang mga sundalo.  Hindi raw papayag ang mga ito na pumunta sa Spratley para makipagbanatan sa mga Tsino dahil iisipin ng mga sundalong suicide mission and kanilang gagawin.  Magkakaroon lang daw ng coup d'etat kung uutusan n'ya ang Hukbong Sandatahan na magtapang-tapangan sa area na 'yun.

Eh, kung walang tiwala ang Commander-in-Chief sa kanyang mga sundalo, sino pa ang gustong "mamatay ng dahil sa 'yo"?

Paano naman 'yung sinabi ni Ninoy na "The Filipino is worth dying for"?  Ayan nga't gustong palitan ang mga mukha nila ni Cory sa limang-daang piso, at si Lapu-lapu ang ilalagay.  'Di kaya nagsisisi si Ninoy?

'Yung mga politiko nais daw maglingkod sa bayan? Redi ba sila?

Eh, 'yung mga opisyales nga ng Tacloban, nagsipagtakbuhan sa Maynila noong dumaan ang Yolanda. 

Ang mga kabataan, ang "Pag-asa ng Bukas", ayon kay Rizal?  Baka mas gugustuhin pa nilang magpakamatay para sa mga gadget nila kesa sa bayan.

Kaya, nakakalungkot.  Baka nga wala nang gustong mamatay para sa bayan.

Sabagay, kahit siguro noon. Sino bang bayani ang talagang nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan?  Parang iilan lang.

Pero, sa palagay ko, marami rin.

Sila ang mga ordinaryong taong lumaban sa mga mananakop, mula sa mga Kastila hanggang sa mga Hapon.

At meron ding mga taong hanggang ngayo'y lumalaban para sa ating mga karapatang pantao.

Kahit walang kalyeng naka-pangalan sa kanila.

Kaya hangga't may isang Pilipinong handang ibuwis ang kanyang buhay para sa bayan, relevant pa ring kantahin ang linyang "Ang mamatay ng dahil sa 'yo."


Sunday, September 23, 2018

Five Signs Na Malapit Nang Ma-dedo Si Du30

Nagsulputan ang mga bali-balitang may sakit daw and Panggulo, este, Pangulo, at malapit na itong mamatay.  Kesyo, kaya raw s'ya nagpunta sa Israel ay upang magpagamot.  Meron namang mga litratong na-post kung saan nangingitim ang kanyang mukha.  O kaya'y hindi na s'ya napagkikita sa mga public occasions.

Hindi ako sang-ayon sa mga haka-hakang ito, lalo na 'yung sinasabing kaya s'ya nangingitim ay dahil wala pa s'ya sa impiyerno'y sinusunog na ang kanyang kaluluwa. 

Pero may mga palatandaan naman kung talagang malapit na s'yang sumakabilang-buhay.  Eto ang aking top 5 signs:

5.  Pumuputi s'ya; dati na s'yang maitim.

4.  Sa wakas ay napagtanto na rin n'yang mayroon pala s'yang pusong babae. (Ahahayyy!)

3.  Nanalo si Bongbong sa protesta n'ya.

2.  Nangumpisal si Presidente kay Bishop Villegas.

At ang number 1 senyales na malapit na s'yang ma-dedo....

1.  Nangako s'yang in 3 to 6 months buhay pa siya.  ("Maniwala kayo sa akin....")

Saturday, June 10, 2017

Batman (R.I.P., Mr. Adam West)

Tanong:  Ano ang sinasabi ni Robin 'pag nakakakita s'ya ng usok?

Sagot:  Holy smoke!


Tanong:  Eh, 'pag nakakakita s'ya ng baka?


Sagot:  Holy cow!


Tanong:  Eh, kung makita n'ya si Joker?


Sagot:  Holy ka!


Kapapanood lang naming magpamilya ang Wonder Woman.  Pagkalabas namin, tanungan kung ano ang mas gusto: Marvel o DC?

Ang sagot ko, DC.  Dahil kay Batman.  At dahil kay Adam West.

Although, noong bata ako, hindi ko maintindihan ang logic ng mga villains.  Kung gusto talagang nilang mapatay si Batman, bakit iniiwanan na lang basta nila ang Caped Crusader habang nasa bingit  ito ng kamatayan?  Bakit hindi sila mag-iwan man lang ng isang henchman?  Kaya tuloy, sa tulong ng kanyang ever reliable utility belt, nakakatakas si Batman.

Ngayon ko lang naintindihan, ngayong matanda na ako, na comedy pala ang palabas na 'yun.  Pero, noong bata ako, 'kala ko seryoso s'ya.

Meron ngang isang episode na sinabi ni Batman. "No one is above the law. And no one is below it."

Profound, 'di ba?

At super sexy pa nina Catwoman at Batgirl.

Kaya, sino ang mag-aakalang comedy ito?

Maganda rin ang portrayal ni Adam West bilang Batman.  Hindi s'ya cynical.  Para sa kanya, may kabutihang natatago sa lahat ng tao.

Hindi rin s'ya vengeful.  Kinakalaban n'ya ang mga kriminal upang panatilihing safe ang Gotham City.  Ni hindi nga binanggit na gusto n'yang paghigantihan ang pumatay sa kanyang mga magulang.

from ign.com
Kamakailan lang ay namatay na si Adam West. Wala man s'yang ibang pinasikat na palabas, para sa akin ang kanyang Batman ang aking pinaka-paborito.  Boring man, gusto ko pa rin s'ya ang lumalaban para sa akin.

At least, alam kong hindi s'ya sasama sa Operation Tokhang.

Saturday, May 21, 2016

Vigilantism

Cebu offers reward for killing criminal - The Philippine Star, May 20, 2016

Ayan na po.  May sumunod na sa mga yapak ni Duterte.  Sabi ng mayor ng Cebu City magbibigay s'ya ng pabuya sa pagpatay ng kriminal.  Pipti tausan pesoses.  At 'yun ay kung patay.  Kung humihinga pa, payb tausan pesoses lang.

Kaya, kung gusto mong maging taymis ten ang iyong kita, tuluyan mo na.  Siguraduhin mong tatanggapin ng morge ang iyong tinira.

May panuntunan naman si Mayor.  Dapat daw, ang gagawing pagpatay ay legal, at ang gagamiting baril ay lisens'yado.

Teka-teka, pa'no kung mapagkamalan kang magnanakaw?  Wala kang kamuang-muang, bigla ka na lang tetepokin.  At makakapagreklamo ka pa ba kung ilegal ang ginawang pagpatay sa 'yo?

In the first place, legal nga ba ang pagpatay sa isang kriminal?  'Di ba, bawal nga ang death penalty dito sa 'Pinas?  

Nasa Bill of Rights din natin na walang sinumang dapat bawian ng buhay ng walang due process of law.  At ang taong pinaghihinalaang nagkasala ay magkakaroon ng isang paglilitis na walang kinikilingan.

"Walang kinikilingan"?  Aba, pipti tausan ang pinag-uusapan natin dito.  May ganans'ya ang hukon at berdugo (na iisang tao lamang) sa kasong ito.

Ewan ko nga ba.  Sinimulan kasi ng nasa taas.  Ang utos, kapag pumalag sa aresto, shoot to kill.  Kaya kapag napagkamalan ka, o kaya'y may kaaway ka't sinabing ikaw ay isang kriminal, patay kang bata ka....literally.

Ang dahilan naman nina Mayor at Presidente ay upang protektahan ang mga tao.  Para nga naman mawala na ang mga kriminal, yariin agad.

Buti naman hindi ganyan ang aking Diyos.  Ang sa Kanya, isang tupa lang ang mapa-ibang landas, hahanapin N'ya ito at ibabalik sa kawan.  At hindi lang ito literal.

Mahirap din naman kung maisasakatuparan itong utos ni Mayor at ni Presidente.  Kung nagkataon, baka wala na tayong maibotong politiko sa susunod na eleksyon.

Saturday, November 7, 2015

"Excited Kasi" - Opening Scene (NANOWRIMO 2015)


AUTHORS NOTE:  Noong mga nagdaang NANO, panay Biblical Stories ang ginawa ko, at sa wikang Inggles.  Ngayon, dahil sa AlDub, na-inspire akong magsulat ng Romance, sa wikang Filipino.  'Eto ang opening scene ng isinusulat kong nobela, na pinamagatang "Excited Kasi".  Edited na s'ya.  Mukha namang may potensyal.
             Sige na, Kuya, baka p’wede na akong umakyat,” sabi ni Cecile kay Mamang Guard.


Miss, masyado pang maaga. Wala pang six thirty, 'no? Wala pang tao doon,” sabi ni Mamang Guard, napapangiti kahit makulit ang kausap.

Eh, Kuya, wala naman akong mapuwestuhan dito.”

Kasi naman. Hindi mo ba alam na ang pasok ng mga opisina ay alas-otso?”

Sorry na, Kuya. First day ko ngayon. Excited kasi.”

May Starbucks d’yan malapit dito. Doon ka muna magpalipas, kahit isang oras lang. Pagbalik mo papapasukin na kita.”

Eh, Kuya, first day ko nga, wala pa akong sahod. Tapos, pagagastusin mo ako. Sa Starbucks pa.”

Napansin ni Cecile na hindi na nakatingin sa kanya si Mamang Guard at parang nanigas ang katawan nito.

Good morning, sir!” sabay saludo ni Kuya.

Good morning.”

Nakita ni Cecile ang likod ng lalaki habang naghihintay ito sa elevator.  Itim pa ang buhok.  Sa palagay ni Cecile ay matanda na ang lalaki, at nagpapatina na lamang. Matipuno pa ang kanyang katawan.  "Marahil nagpupunta sa gym," isip ng babae. Tinantya rin ni Cecile na kasing tangkad ng lalaki ang kaibigan n'yang si Tibo.  Kaya't sa tinging n'ya'y mga five-nine o five-ten ang lalaki.

Pumasok sa elevator ang lalaki at humarap kay Cecile.  Laking gulat ng babae.  Mestiso at mukhang batang-bata pa.  Hindi s'ya magtataka kung wala pang trenta anyos ang lalaki.  Makinis ang mukha, walang tagyawatClean-shaven.  Manipis ang salamin sa mata, kaya't hindi nagmumukhang nerd.  Matangos ang ilong, kaya't hindi dumudulas ang salamin.  Walang tiyan.  "Siguradong nagpupunta sa gym," wari ni Cecile.

Tinignan ni Cecile ang sapatos.  Napakalinis nito.  Naisip n'ya na maayos sa katawan ang lalaki.

Hindi namalayan ni Cecile na nakatingin na pala sa kanya ang lalaki, kaya't laking gulat n'ya nang tinignan n'ya muli ang mukha.  Nanlaki ang mga mata n'ya. Nagtama ang kanilang mga paningin, at hindi makawala si Cecile sa pagkakatitig sa kanya ng lalaki.  Nakahinga ang dalaga nang biglang magsara ang pinto ng elevator.

Bumaling si Cecile kay Mamang Guard. 

Sino ‘yun?” tanong ni Cecile.

Si Mr. Kalaw,” sagot ni Kuya. Tinignan n'ya ang relong nakasabit sa dingding. “Napaaga ng dating.”

May-ari?”

Hindi. Manager d'yan sa taas.”

Nahalata ni Cecile na namutla ang guwardya.

Eh, bakit parang takot na takot ka, Kuya? Mabagsik ba ‘yun?”

Ssshh, baka ka marining,” sabi ni Mamang Guard. “Hindi naman mabagsik, istrikto lang.”

May pinagkaiba ba roon?”

Nakita ni Cecile na nagsusulat si Mamang Guard sa isang logbook, kaya't hindi na n'ya hinintay ang sagot.  

Bumalik sa kanyang pag-iisip ang kararating na lalaki. Sa loob-loob n'ya'y masyado itong seryoso.  "Sayang, guwapo pa naman," isip n'ya.  Nasabi n'ya sa sarili na kung liligawan s'ya ng lalaki ay maba-basted lang agad sa kanya.  Hindi pa man ito nag-uumpisa'y sasabihin n'ya agad na walang pag-asa ang lalaki sa kanya.  "Pero, talagang guwapo s'ya," pangiting inamin ni Cecile sa sarili.

Biglang nahinto ang kanyang pagmumuni-muni ng may narinig s'yang may kumakausap sa kanya.

Miss, pwede ka nang umakyat," sabi ni Mamang Guard.

Ha, ano po 'yun?"

Sabi ko, pwede ka nang umakyat."

May tao na po ba?” sabi ni Cecile.

Si Mr. Kalaw.”

Ano?”

Oo, basta't may tao na roon, p’wede na kaming magpaakyat.”

Napakamot ng ulo si Cecile. 

“Eh, Kuya,” sabi n’ya. “Saan nga ‘yung sinasabi mong Starbucks?”



Sunday, November 1, 2015

NANOWRIMO 2015

Umpisa na naman ng NANOWRIMO o ang National Novel Writing Month.  Ito ay nagaganap tuwing ika-Nob kada taon.  Ang layunin ay makapagsulat ng limampung libong (50k) salita sa loob ng tatlumpung araw.

Siyempre, kung magagawa mo ito sa loob ng dalawampung araw, mas mabuti.

Ngayon, para magawa ko ito, magta-target ako na makapagsulat ng 1,667 words every day.   Mahirap kasing isiping maaabot ko 'yung 50k.  Parang pera.

Matagal ko na itong pinaghandaan.  Sa katunayan, isang linggo akong nagbakasyon upang makagawa lang ng balangkas para sa event na ito.

'Yun nga lang, naubos ang oras ko sa kakapanood ng mga past shows ng AlDub.

Ready na sana ako.  Hindi naman kailangang kumpleto ang paghahanda.  Pwedeng, along the way, isulat ang ano mang pumasok sa isip.  Tutal, first draft pa lang ito.  Hindi kinakailangang makapagsulat ng masterpiece agad.

Kaso, biglang nagbago ang isip ko.  Siguro sa kakapanood ng AlDub.  Biglang gusto ko nang isulat at tapusin ang Pinoy kong nobela, "Excited Kasi".  Matagal ko nang naisip ito, mahigit limang taon na.  Medyo nasimulan ko na rin.  Pero, nahinto ako.  Hindi dahil sa tinamad ako, kun'di natakot akong tapusin.  Baka walang magkagusto.

Hehehe.  Dassalatanansens.  Eh, 'di, kung ayaw kong ma-reject, eh, 'di, 'wag kong piliting ma-publish.

Pero, malay mo.  Baka maganda ang kalabasan.  Baka bilhin ito ng Simon & Schusler, o ma-self-publish, o ma-upload sa Wattpad.  Tapos, may magkagustong movie producer at sabihing isasapelikula n'ya ang nobela ko.  Ayos 'yun!

Pero, papayag lang ako kung sina Alden at Maine ang magiging bida.

Friday, October 30, 2015

2015 Vacation - Day 5

"And now, the end is near...."

Hindi ko na itutuloy, baka mabaril pa ako. Newaze, alam ko namang alam na alam n'yo na kung ano ang kantang ito: Be My Lady.

Sabi nga nila, ang lahat ay may katapusan. Ang hindi ko lang alam ay kung kelan matatapos ang pagbabayad ko ng utang.  'Di natin masabi, baka bukas-makalawa ma-dial ni Bossing ang cellphone number ko.  O kaya madiskubre ng Eat Bulaga si Bunso.

Kung Showtime ang makakadiskubre, malamang tuloy pa rin ang pagbabayad ko ng utang.

Nalilihis ako.

Ito na ang huling araw ng aking bakasyon.  Oo nga't meron pang Sabado't Linggo, pero, officially, hanggang Biyernes na lang ang bakasyon ko.  Ang ibig sabihin, bukas, pwede na akong tawagan at papuntahin sa opisina.

At least, may accomplishment ako ngayong linggo: Maliban n'ung Lunes, napanood ko ang lahat ng episode ng Kalyeserye.

Maliban doon, wala na.

Siguradong mahihirapan akong kumuha ng buwelo para sa Lunes.  Affected din kasi ako ng First Law of Motion ni Pareng Isaac.  Isang linggo akong at rest, kaya napakalaking force ang kailangan para maging in motion ako.

Hay!  Bakit pa kasi kinain ni Adan 'yung mansanas.

On second thought, hindi naman dapat isiping parusa ang pagtratrabaho.  Ang Diyos nga nagtrabaho at napagod, tayo pa kayang mga tao lamang?

Kailangan nga siguro ng tao ang magtrabaho.  Pero, naniniwala ako na hindi dapat tayo i-define ng ating trabaho.  'Yun bang mas big time ka kung ikaw ay duktor, at naaangatan mo 'yung mga taong nagmamaneho ng dyip.

Sa kabilang dako naman, 'di dapat isipin ng mga nagmamaneho ng dyip na small time sila kumpara sa mga duktor.

Patas-patas lang, basta't hindi gumagawa ng masama.

Kaya, mas mabuti pa 'yung jeepney driver na nanunukli ng singkwenta sentimos kesa kay congressman na nangungurakot ng singkwentang milyones.

Kailangan talaga nating magtrabaho.  'Ika nga ni Papa Kiko, sa kanyang Laudato Si, ang trabaho ay parte ng kahulugan ng buhay dito sa mundo.  Kailangan nating magtrabaho upang mapa-unlad natin ang ating sarili, at magkaroon ng personal fulfillment.

Waw! Hebi agen.

Dapat, magkaroon ang mga tatakbo sa pagka-pangulo ng mga konkretong programa ukol sa pagkakaroon ng mga trabaho para sa mamamayan.  Hindi 'yung motherhood statement lamang na "tatanggalin ko ang kahirapan".

Masarap pakinggan,  pero, dapat masagot nila ang tanong na  "Papano?"