Showing posts with label Rants. Show all posts
Showing posts with label Rants. Show all posts

Friday, November 19, 2021

Top 5 Reasons Why MOA's Globe was Stolen

Nabulabog kamakailan lang ang buong 'Pinas nang ibinalitang nawawala ang globe sa MOA. Pa'nu nangyari  'yun?  At bakit nagawa 'yun?

Kahit ako'y isang engineering graduate, dahil ang hawak ko ay kuryente, hindi ko alam kung gaano kadali o kahirap buwagin ang isang napakalaking istraktura.

Pero, dahil ako'y ma-usi, naisip kong sagutin bakit nga ba ninakaw 'yung globe ng MOA:

Number 5:  Nasa 'Pinas si David Copperfield.

Number 4:  Nagreklamo na ang Smart.

Number 3:  Gagamiting poste ng DITO.

Number 2:  Hindi naman talaga ito ninakaw.  Aayusin lang ang posisyon ng 'Pinas.  Napakalayo daw kasi ito sa Mainland.

At ang number 1 na dahilan kung bakit ninakaw ang globe ng MOA:

Para makapagyabang ang anak ni BBM ("Talo 'yan ng lolo ko....")!

Sunday, October 11, 2020

Majority Rules?

Kamakailan lang, naglabas ang Pulse Asia na 91% ng mga Pinoy ang nagtitiwala kay Du30 Finger, samantalang 57% lang ang kay Leni. S'yempre, tuwang-tuwa ang mga DDS. Parang ang mataas na approval rating ay katumbas na tama ang ginagawa ng panggulo.  At si Leni?  Sabi ni Kumareng Roque wala naman daw ginawa si VP kun'di mamulitika.

Napa-isip tuloy ako.  Ibig bang sabihin noon, ang pananaw ng nakararami ang s'yang magdidikta kung tama o mali ang isang bagay?  Na ang katotohanan ay depende sa majority?

Naalala ko tuloy 'yung lumang kuwento:

Isang araw, nagkaroon daw ng popularity contest.

'Yung nanalo, isang kriminal, nakalaya.

'Yung natalo, ipinako sa krus.


Saturday, May 23, 2020

Wang-Wang, Revisited

Ang isang gusto kong ginawa ni Noynoy ay 'yung tanggalin n'ya ang mga wang-wang.  Isipin n'yo nga, isang oras ka nang nasa trapik, tapos makakarinig ka ng wang-wang para ikaw ay tumabi o kaya sila ay maka-counter flow.  Kaya, kahit sino na lang, basta't may malaki't mamahaling kotse, nagkakabit ng wang-wang.

Pero, napansin ko, bago magka-ECQ, parang bumabalik na naman ang mga wang-wang.  

At na-confirm ko na bumalik na nga sila, kahit na may dalawang buwan na akong hindi nag-dra-drive.

Ang wang-wang ay isang simbolo, metaphor, 'ika nga. Isa s'yang sagisag ng kapangyarihan, ng nakaka-angat, ng entitled.

'Pag may wang-wang ka, pwede kang ma-una, walang haharang sa 'yo

'Pag may wang-wang ka, pwede kang lumabag sa batas, walang huhuli sa 'yo.

.'Pag may wang-wang ka, pwede mong gawin ang gusto mo, walang kokontra sa 'yo.

Nakakalungkot.

Sabagay, kahit noon pa man, meron nang wang-wang.

Noong panahon ni Kristo, ang mga Pariseo ay gumagamit na ng mga wang-wang, para ipakita sa madlang people ang kabutihang ginagawa nila.

Buti pa ang mga Pariseong ito, at least, may mabuti silang ginagawa matapos nilang mag-wang-wang.

'Di tulad ngayon,  pagdaan ng wang-wang, panay mabahong usok ang iyong maaamoy.

 

Friday, March 13, 2020

Panic Buying

Tatlong oras kaming nakapila sa grocery kagabi.  Normal grocery day lang sana namin, pero napasabay kami sa pag-panic buying ng mga tao.  Sa tagal ng aming pagpila, nakipag-panic buying na rin kami.

'Di ko naman gawain ito.  Kahit noong mga coup d'etat kay Tita Cory at 'yung inaasahang The Big One hindi ako nag-panic buying.  Hindi dahil hindi kami nag-panic; wala lang kaming pang-buying.

Nag-decide akong makisali dahil sa dalawang dahilan:

  1. Nagdeklara si Du30 Finger na magkakaroon ng lockdown ang buong Metro Manila; at
  2. Si Du30 Finger.

Sa totoo lang, noong una pa mang naupo si Du30 Finger, ipinagdasal ko na na sana'y maging matagumpay ang kanyang panunungkulan.  Sana, s'ya na ang maging pinakamahusay na naging presidente ng Pilipinas, lalo na sa mga panahon ngayon.

Kaso, parang gusto ko nang sumigaw ng "Eli, Eli, lama sabachthani".

Alam ko namang marami ang naniniwalang si Du30 Finger na ang pinakamagaling na presidente.  Ang gusto ko lang naman, sana totoo ito sa point of view ng 'Pinas at hindi ng Tsina.

Pasado alas-siyete ng gabi ubos na ang mga sardinas.

Bandang alas-nueve, ubos na ang Safeguard.

Malamang, ang alkohol, ubos na noong Lunes pa lang.

Buti't marami ako nito sa bahay,  iba-iba pa ang brand:  Black Label, Chivas, Tanduay....

Sunday, February 17, 2019

Top Five New Names ng Ating Bansa

Kamakailan lang, nag-suggest si DU30 Finger na palitan ang pangalan ng ating pinakamamahal na bansa.  Wala nga lang s'yang originality dahil ang gusto n'yang pangalan ay iminungkahi na rin ng dati ring panggulo, si the Unreal McCoy.

Hindi naman sa inaayawan ko ang suggestion, pero, dahil tayo ay nasa isang demokrasya at wala sa isang diktadura.... Teka, mali 'ata ako ng bansa.

Ne-waze, ang gusto ko lang sana ay dumami ang mga suggestions para makapili tayo ng pinakamagandang pangalan.  Brainstorming baga, kung saan isinasaad na "quantity breeds quality".

At kung ang akala ninyo ang pinagsasasabi ko ay tungkol sa pag-aalaga ng manok na pansabong, 'wag nyo nang ituloy ang pagbabasa at baka sumakit lang ang ulo n'yo.

Kung kaya, maliban sa "Maharlika", narito ang aking mga mungkahing bagong pangalan ng ating republika:

Number 5:  Maalikaya
Mga Misis, kung natawa si Mister dito, magduda na kayo.

Number 4:  Republika ng Cronus
At ang tawag sa mga mamamayan nito ay Cronies.

Number 3: Republika ng Independyenteng Pilipinas
Ang isang impetus upang palitan ang pangalan ay dahil nanggaling daw ito sa pangalan ng isang Kastilang hari, at ang salitang "Pilipinas" ay may connotation na colony pa rin tayo ng España (yung bansa, hindi 'yung kalye).  Eh, 'di, lagyan natin ng salitang Independyente upang ipakita sa buong mundo na malaya na tayo.  (Malapit na nga lang mamatay.)

Number 2:  Hacienda Pilipinas
'Ika nga ni Brother Bo, and Pilipinas ay isang napakalaking Hacienda dahil lagi na lang tayong umaasa sa haciendero (presidente) upang lutasin ang ating mga problema.

At ang Number 1 na bagong pangalan ng Pilipinas:  Feilubin, province of China.

Saturday, May 21, 2016

Vigilantism

Cebu offers reward for killing criminal - The Philippine Star, May 20, 2016

Ayan na po.  May sumunod na sa mga yapak ni Duterte.  Sabi ng mayor ng Cebu City magbibigay s'ya ng pabuya sa pagpatay ng kriminal.  Pipti tausan pesoses.  At 'yun ay kung patay.  Kung humihinga pa, payb tausan pesoses lang.

Kaya, kung gusto mong maging taymis ten ang iyong kita, tuluyan mo na.  Siguraduhin mong tatanggapin ng morge ang iyong tinira.

May panuntunan naman si Mayor.  Dapat daw, ang gagawing pagpatay ay legal, at ang gagamiting baril ay lisens'yado.

Teka-teka, pa'no kung mapagkamalan kang magnanakaw?  Wala kang kamuang-muang, bigla ka na lang tetepokin.  At makakapagreklamo ka pa ba kung ilegal ang ginawang pagpatay sa 'yo?

In the first place, legal nga ba ang pagpatay sa isang kriminal?  'Di ba, bawal nga ang death penalty dito sa 'Pinas?  

Nasa Bill of Rights din natin na walang sinumang dapat bawian ng buhay ng walang due process of law.  At ang taong pinaghihinalaang nagkasala ay magkakaroon ng isang paglilitis na walang kinikilingan.

"Walang kinikilingan"?  Aba, pipti tausan ang pinag-uusapan natin dito.  May ganans'ya ang hukon at berdugo (na iisang tao lamang) sa kasong ito.

Ewan ko nga ba.  Sinimulan kasi ng nasa taas.  Ang utos, kapag pumalag sa aresto, shoot to kill.  Kaya kapag napagkamalan ka, o kaya'y may kaaway ka't sinabing ikaw ay isang kriminal, patay kang bata ka....literally.

Ang dahilan naman nina Mayor at Presidente ay upang protektahan ang mga tao.  Para nga naman mawala na ang mga kriminal, yariin agad.

Buti naman hindi ganyan ang aking Diyos.  Ang sa Kanya, isang tupa lang ang mapa-ibang landas, hahanapin N'ya ito at ibabalik sa kawan.  At hindi lang ito literal.

Mahirap din naman kung maisasakatuparan itong utos ni Mayor at ni Presidente.  Kung nagkataon, baka wala na tayong maibotong politiko sa susunod na eleksyon.

Saturday, November 24, 2012

Five Good Things About "The Twilight Saga: Breaking Dawn - Part 2"
































Breaking Bone-head

Kung may balak kayong manood ng "Breaking Dawn Part Two", ipinapayo ko na, sa ikabubuti ng inyong kaluluwa, mas mainam pang ipunin n'yo na lang ang inyong ipampapanood, at manood na lang kayo ng pelikulang Pilipino sa darating na MMFF, kahit na ang bida ay si Lito Lapid.

Hindi ko sinasabing napakapangit ang huling installment ng "Twilight Saga", ang sinasabi ko lang  ay wala nang papangit pa rito.

At least, sa mga pelikula ni Dolphy, kung saan may mga eksenang nananaginip siya, alam mong ang iyong pinapanood ay hindi totoo, at maya-maya lang ay magigising na siya.

Pero sa "Breaking Dawn", masyado ka nang na-involve sa mga eksena, nalungkot ka na't may mga bida nang namatay, nagsaya ka na't pinugutan na ang mga kontrabida, tapos malalaman mong lahat pala'y isang vision lamang.

'Di ko lang alam kung ang mga Pilipino'y sobrang mabait.  Kasi, sa halip na magmura, tumawa lang ang audience nang matutunan nilang naloko na sila.

O, baka naman ang akala lang ng lahat, ang pinapanood nila'y isang comedy.

Pero ang natawa lang sa aming pamilya ay si Panganay.

Hindi n'ya kasi ito napanood.

Thursday, December 22, 2011

Pandinig

Kung minsan, gusto ko na ang maging bingi, lalo na ngayong ala-una ng madaling araw at ang kapitbahay ko ay maingay na kumakanta ng "Bikining Itim". Okay lang sana kung Sabado o Linggo ngayon, pero Huwebes pa lang at gigising ako maya-maya ng alas-kwatro para mag-ayos at pumasok sa opisina.

Kung ako man ay maging bingi, hindi lang ang sintunadong kapitbahay ang hindi ko maririnig, kun'di pati na ang pagbubunganga ng isa pang kapitbahay na madalas mag-away, ang pagbubusina ng drayber sa aking likod pagkatapos na pagkatapos magpalit ang traffic light sa berde, at ang malakas na stereo ng nagdadaang motorsiklo, tricycle, o kotseng may drayber na nagpapapansin. Hindi ko na rin maririnig ang mga awitin ni Willie Revillame, ang pagsagot ni Manny Pacquiao sa nag-i-interview sa kanya pagkatapos ng kanyang panalo, ang mga pasabog ni Boy Abunda, at ang mga reklamo ni Miriam Defensor-Santiago.

'Ika nga ni Ka Freddie, "Mapalad ka o kaibigan, napakaingay ng mundo / Sa isang binging katulad mo, walang ingay, walang gulo."

Siyempre, malungkot din ang maging bingi. Hindi ko na rin maririnig ang halakhak ng isang sanggol, ang mga musika nina Bach, Beethoven, at Ryan Cayabyab, at ang "I love you" ng aking asawa't mga anak.

Ang pagkawala raw ng pandinig ang pinakamasaklap na pagkawala ng isa sa mga senses. Kung mabulag ang isang tao, magagamit pa n'ya ang sense of touch para "makakita". Kung mapipi nama'y makakapag-sign language pa siya. Pero, 'pag nabingi, ano ang kanyang ipapalit upang ma-enjoy n'ya ang theme song nilang mag-asawa?

Marahil, hindi na ko dapat magreklamo, kahit na ikatlong "My Way" na ang aking narinig buhat pa kanina. Pasalamat ako't nakakarinig pa ako. Tutal, paminsan-minsan lang naman magwala ang aking kapitbahay.

Ngayon, kung hindi sila nag-iisip o kaya'y wala silang pakialam na nakakabulahaw na sila, bahala na ang Diyos. Siguro, may lugar sa Impiyerno na kahit na mamaos-maos na sa lakas ng kanilang pagkanta, ang makukuha nilang iskor ay isa pa ring malaking itlog.

Basta ako, kailangan ko na'ng matulog at magpahinga, para makakuha ng sapat na lakas. Mamayang hapon, sa Christmas Party sa'ming opisina, babanat ako ng Hagibis.

Tuesday, March 15, 2011

Hoax

Sayang at isa lamang hoax ang nagkalat na text message kahapon na nagsasabing kung uulan ngayon ay magsuot ng kapote, magpayong, o, dili kaya'y manatili na lang sa loob ng isang building. Ang warning ay dahil may sumabog na nuclear plant sa Fukumi, Japan. Delikado raw maulanan, kasi'y maaring kang masunugan ng balat, makalbo, magkaroon ng cancer o kung ano pang sakit, na, marahil, ay sanhi ng radioactive particles na dala ng ulan.

Kung naging totoo sana ito at biglang umulan, maghahanap agad ako ng isang gagamba, magpapaulan, at magpapakagat sa gagamba. Pag nagkagayon, ako'y magiging isa nang Spiderman.

Meron akong kakilalang naniwala. Gayon din ang kanyang nasa-isip. Kaya't dali-dali s'yang naghanap ng gagamba at nagpakagat. Kaso, hindi umulan.

Nayon, isa na s'yang tanga.

Friday, February 4, 2011

Tumatanda Ka Na, Frend

Isang email ang ipinadala sa akin ng aking ka-opisina. Nakakatuwa s'ya, although may parinig.

Sa mga kapwa kong matatanda na magbabasa nito, nawa'y tamaan kayo.

At sa mga nakakabata naman, may araw rin kayo.

Hehehe.

>> Tumatanda ka na, frend.
>>
>> Nasa Friday Magic Madness na
>> 'yung mga paborito mong kanta.
>> Nakaka-relate ka na sa Classic MTV.
>> Lesbiana na yung
>> kinaaaliwan mong child star dati.
>> Nanay o Tatay na lagi
>> ang role ng crush na crush mong
>> matinee idol noon.
>>
>> Dati, 'pag may panot,
>> sisigaw ka agad ng "PENDONG!".
>> Ngayon, 'pag may sumisigaw nu'n,
>> ikaw na 'yung napapraning.
>> Parang botika na ang cabinet mo.
>> May multivitamins, vitamin E,
>> vitamin C, royal jelly,
>> 'tsaka ginko biloba.
>>
>> Dati, laging may inuman.
>> Sa inuman, may lechon, sisig,
>> kaldereta, inihaw na liempo, pusit,
>> at kung anu-ano pa.
>> Ngayon, nagkukumpulan na lang kayo
>> ng mga kasama mo
>> sa Starbucks
>> at o-order ng tea.
>>
>> Wala na ang mga kaibigan mo noon.
>>
>> Ang dating masasayang tawanan
>> ng barkada sa canteen,
>> napalitan na
>> ng walang katapusang pagrereklamo
>> tungkol sa kumpanya ninyo.
>> Wala na ang best friend mo
>> na lagi mong pinupuntahan
>> kapag may problema ka.
>> Ang lagi mo na lang kausap ngayon
>> eh ang ka-opisina mong
>> hindi ka sigurado
>> kung binebenta ka sa iba
>> pag nakatalikod ka.
>>
>> Ang hirap na'ng magtiwala.
>>
>> Mahirap na'ng makahanap
>> ng totoong kaibigan.
>> Hindi mo kayang pagkatiwalaan
>> ang kasama mo araw-araw
>> sa opisina.
>> Kung sabagay,
>> nagkakilala lang kayo
>> dahil gusto ninyong kumita ng pera
>> at umakyat sa
>> tinatawag nilang
>> "corporate ladder".
>> Anumang pagkakaibigang umusbong
>> galing sa pera at ambisyon
>> ay hindi talaga totoong pagkakaibigan.
>> Pera din at ambisyon
>> ang sisira sa inyong dalawa.
>>
>> Pera.
>> Pera na ang nagpapatakbo ng buhay mo.
>>
>> Alipin ka na ng Meralco, PLDT, SkyCable,
>> Globe, Smart, at Sun.
>> Alipin ka ng Midnight Madness.
>> Alipin ka ng tollgate sa expressway.
>> Alipin ka ng credit card mo.
>> Alipin ka ng ATM.
>> Alipin ka ng BIR.
>>
>> Dati-rati masaya ka na
>> sa isang platong instant pancit canton.
>> Ngayon, dapat may kasamang Italian chicken
>> ang fettucine alfredo mo.
>> Masaya ka na noon 'pag
>> nakakapag-ober-da-bakod kayo
>> para makapag-swimming.
>> Ngayon, ayaw mong lumangoy
>> kung hindi Boracay o
>> Puerto Galera ang lugar.
>> Dati, sulit na sulit na sa 'yo
>> ang gin pomelo.
>> Ngayon, pagkatapos ng ilang bote ng red wine,
>> maghahanap ka ng San Mig Light o
>> Vodka Cruiser.
>>
>> Wala ka nang magawa.
>> Sumasabay ang lifestyle mo
>> sa income mo.
>> Nagtataka ka kung bakit
>> hindi ka pa rin nakakaipon
>> kahit tumataas ang sweldo mo.
>> Yung mga bagay na gusto mong bilhin dati,
>> na sinasabi mong hindi mo kailangan,
>> abot-kamay mo na.
>> Pero kahit nasa iyo na
>> ang mga gusto mong bilhin,
>> hindi ka pa rin makuntento.
>>
>> Frend, gumising ka.
>>
>> Hindi ka nabuhay sa mundong ito
>> para maging isa lang
>> sa mga baterya ng mga machines
>> sa Matrix.
>> Hanapin mo ang dahilan
>> kung bakit nilagay ka rito.
>> Kung ang buhay mo ngayon ay
>> uulit-ulit lang
>> hanggang maging singkwenta anyos ka na,
>> magsisisi ka.
>> Lumingon ka kung paano ka nagsimula,
>> isipin ang mga tao
>> at mga bagay
>> na nagpasaya sa yo.
>> Balikan mo sila.
>>
>> Ikaw ang nagbago,
>> hindi ang mundo.

Wednesday, September 1, 2010

Major, Major Mistake (Part 2)

Nakakalungkot talaga ang nangyaring pang-ho-hostage ni Rolando Mendoza noong nakaraang linggo. Nakaka-disappoint din na hindi nanalo si Venus Raj sa Ms. Universe, ang haka-haka'y isang major, major mistake ang kanyang sagot.

Ang kaso, mas nakakalungkot at mas nakakadismaya ang mga reaksyon ng ating mga kabababayan sa mga nangyari. Para bang sila ang magaling.

Naalala ko tuloy ang sinabi ni Jesus, "Ang panukat na ipinansukat mo ang s'yang ipangsusukat sa'yo." At, "Bakit mo tinatanggal ang puwing mula sa iyong kapatid samantalang may troso naman sa iyong mga mata?"

Marahil nga, ako naman ang humuhusga sa kanila ngayon. Kaso, naaasar talaga ako.

"I'm ashamed of being a Filipino."

"Only in the Philippines will you see such bumbling cops."

"We have voted a retarded president."

"Her answer was a major, major mistake."

Hindi ko rin maintindihan 'yang mga Tsino na galit na galit sa ating mga Pilipino. Siguro, dahil tinanggihan nating inumin ang kanilang melamine, o kaya dahil hindi natin pinapasok sa 'Pinas ang kanilang SARS kaya gumaganti sila sa galit ngayon.

Hindi naman natin isinisi sa bawa't Tsino ang mga pangyayaring iyon. Sana nama'y mali akong isiping isinisisi nila sa bawa't 'Pinoy ang nangyari sa hostage-taking.

Well, kung kayo'y Pinoy at ikinahihiya n'yo ang maging Pilipino, inaasahan kong wala na kayo dito sa 'Pinas, sampu ng inyong kamag-anak. Kahit magsalita ng Pilipino, o Tagalog, o Cebuano, o anumang lengguwahe ng 'Pinas ay hindi n'yo gagawin. Mag-i-Inggles, mag-i-Intsik, mag-a-Arabo, o anumang banyagang salita ang inyong gamitin. Kayo't tumira na lang sa US of A, o sa Yuropa, o, mas mabuti, sa Hong Kong. At siguraduhin ninyong uminom kayo ng katakot-takot na glutathione pills at oras-oras ay gumamit kayo ng papaya soap, para magmukha na kayong forenjer, at mawala na ang bahid ng inyong pagka-Pinoy.

And if you're a non-Pilipino who hates our country, our leader, and our people very much, I hope you will never set foot in our beautiful islands. For if you do, you just might wet your pants.

Tuesday, August 31, 2010

Major, Major Mistake (Part 1)

Dalawang balitang ikinasikat (naging notorious?) ang 'Pinas ay ang pag-hostage ni Rolando Mendoza at ang pagpwesto ni Venus Raj sa Ms. Universe.

Hindi ko na dadagdagan ang mga usapin tungkol sa mga nangyari, kung ano ang mga dapat ginawa ng pulis at ni Venus. Una, wala ako roon noong nangyayari ang mga ito. Hindi ko kayang magdesisyon sa buhay (o pagkamatay) ng mga tao. Wala rin ako sa entablado upang sagutin ang hinayupak na tanong ni William Baldwin.

At ikalawa, hindi ako isang heneral na sanay magplano kung paano atakihin ang isang kalaban, at lalong-lalo nang hindi ako isang beauty contestant.

Ang reklamo ko lang ay ang naging reaksyon ng mga tao, lalo na ng ating kapwa-Pilipino. Para kasing ang huhusay nila, na alam nila ang gagawin kung sila ang nasa katayuan ng mga pulis o ni Venus.

"We elected a retarded president." My golay! Please, move on! Walang halong salamankang tinambakan ni Noynoy ang inyong kandidato. Walang daya 'yan, 'di tulad noong 2004.

"Major, major mistake 'yung sagot n'ya." Kayo kaya sumagot noon, sa harap ng maraming tao, and with very limited time. Extemporaneous. Eh, kung 'yung mga job applicants, alam na nila na itatanong sa kanila 'yun, hindi pa rin nila masagot ng maayos, 'yun pa kayang biglaang itatatanong sa'yo at biglaan mo ring sasagutin. Biruin mo, dalawampu't dalawang taon ang kanyang gugunitain para makasagot ng maayos.

Ngayong iniisip ko ang sagot ni Venus, lalo na sa mga interviews, nakita ko ang wisdom ng kanang sagot. Marahil, hindi nga lang n'ya naipaliwanag o maipaliwanag ng maayos.

Noong baguhan pa ako sa kumpanyang pinagtratrabahuhan ko ngayon, may isang senior engineer ang nagsabi sa akin, "Kung magkamali ka, ok lang. Kung uulitin mo ang iyong pagkakamali, iumpog mo ang ulo mo sa pader."

Throughout the years, natutunan ko na ang isang pagkakamali ay hindi pagkakamali kung may natutunan ka dito at hindi mo na uulitin. Ang tawag na dito, "learning experience".

'Yan din ang sinasabi ko sa aking staff. Feeling ko, mas empowered sila dahil doon.

Kaya nagtataka ako sa ibang managers na may patakarang "Do it right the first time." Tuloy, ang mga tauhan nila'y parang takot kumuha ng responsibilidad. Ayaw gumalaw kung walang payak na utos. At kung ano lang ang sabihin sa kanila, 'yun ang gagawin nila.

Walang initiative kumbaga.

Marahil, 'yun ang ibig sabihin ni Venus. Kung meron mang "pagkakamali" s'yang nagawa, dahil may natutunan s'ya't hindi na n'ya inulit 'yun, at sa halip ay naitama n'ya, hindi n'ya itinuturing na isang pagkakamali ang kanyang nagawa. Sa halip, isa itong challenge sa kanya.

Marahil, 'yun din ang ating isipin sa nangyaring pang-ho-hostage ni Mendoza. 'Di ba't lalo nating nakita ang kakulangan ng ating pulisya? Hindi ba "learning experience" sa atin lahat ito?

Kung nakinig kayo sa sinabi ni Noynoy noong kanyang inagurasyon, sinabi n'yang "[p]alalakasin at palalaguin natin ang bilang ng ating kasundaluhan at kapulisan."

Ang kaso, s'ya'y na-overcome of events na.

Dalawang buwan laban sa ilang taong pagkaka-pabaya sa ating pulisya. Hindi fair.

At least, may dahilan na kung bakit kailangang gumastos ng malaki para sa ating mga sundalo't pulis.

Kaya, sa mga kapwa ko Pinoy na bumabatikos kay Noynoy, sa ating kapulisan, at kay Venus, nawa'y 'wag kayong malagay sa sitwastyong kailangan n'yong gawin ang kanilang ginawa.

Sunday, July 11, 2010

Sex Education Program

"Nay, paano ako ginawa?", tanong ng pitong gulang na si Totoy.

"Ha? Ah, eh, itanong mo sa tatay mo."

"Tay, paano ako ginawa?"

"Ha? Ah, eh, isang ibon ang nagdala sa'yo sa amin."

"Hindi naman ganyan ang nakita ko sa magazine na nakaipit sa kama n'yo, eh."

Isa sa pinakamainit na isyu ngayon ay ang pagtuturo ng Sex Education sa paaralan.

Sang-ayon naman ako dito, para naman malaman ni Totoy na hindi lang ang mga stork ang marunong gumawa ng babies. Baka kasi hindi marunong magpaliwanag ng maayos ang mga magulang.

Pero, hindi naman dapat ipaubaya lahat ng pagtuturo sa titser. Malay mo, single pa si Miss.

Sa aking palagay, ang Sex Education ay 'di lamang tungkol sa pagtatalik, o sa mga paraang hindi mabubuntis si babae.

Sino nga ba ang nagsabi noon, parang si James Dobson, isang author ng maraming libro tungkol sa pamilya. Nasabi na ang pagtuturo ng Sex Education sa mga bata na walang kasamang pagtuturo ng moralidad at values ay parang binibigyan mo sila ng baril, may bala, nakakasa, at hindi mo itinuturo ang tamang paggamit nito.

Kaya, bilang isang ama ng dalawang dalagita, 'eto ang limang kursong nais kong makita sa programa ng gobyerno, at limang kursong ayaw ko.

Five Sex Education Courses I'd Like To See


Course No. 5:
S. E. 101: Body Anatomy

Course No. 4:
S. E. 102: Look What's Happening To My Body (Females only)

S. E. 102: Look What's Happening To My Body (Males only)

Course No. 3:
S. E. 221: Responsible Parenthood

Course No. 2:
S. E. 401: Basic Sexual Intercourse

At ang pinakagusto kong makita sa programa:
S. E. 201: Morals and Values

Five Sex Education Courses I'll Hate To See


Course No. 5:
S. E. 112: How To Have A Sexy Body
Instructor: Dr. Vicki Belo

Course No. 4:
S. E. 321: Paano Makaiwas Magkaroon Ng Anak Sa Labas
(Taught in Filipino)

Course No. 3:
S. E. 320: When Love Cannot Wait

Course No. 2:
S. E. 421: Advanced Sexual Intercouse
Textbook: "How to Drive Your Man Wild in Bed"

At ang pinakaayaw kong makitang kurso:
S. E. 422: Advanced Sexual Intercourse
(laboratory)
Fridays, 1 - 6 pm
Room: Sampaguita Room, Victoria Court, Baclaran (Behind Heritage Hotel)

Saturday, July 3, 2010

Walang Wang-Wang (Driving in Metro Manila, Part 6)

Ang kagandahan na ang ang isang lider ay galing "from the ranks" ay naiintindihan n'ya ang damdamin ng mga nasa ilalim n'ya dahil naranasan din n'ya ang mga nararanasan ng mga ito. 'Di tulad ng mga taong pinalad sa "gene pool lottery" at ipinanganak na mayaman; ang mga ito'y binigyan ng mga leadership positions nguni't masyadong out-of-touch sa kanilang pinamumunuan. Ang kanilang pamamalakad ay napaka-insensitibo sa nakararami.

S'yempre, meron din namang mga galing sa ibaba na super-ambisyoso. Sila 'yung tulad ng mga langaw na nakatuntong lang sa kalabaw ay akala nila na nakahihigit sila sa iba, na natapos na ang mga araw na s'ya ay naninilbihan kaya't dapat s'ya naman ang pagsilbihan.

Kaya naman nakakatuwa ang mga binanggit ni P-Noy noong nakaraang katapusan.

"Kayo ba ay nagtiis na sa trapiko para lamang masingitan ng isang naghahari-hariang de-wang-wang sa kalsada? Ako rin," wika ni P-Noy. "Walang lamangan, walang padrino at walang pagnanakaw. Walang wang-wang, walang counterflow, walang tong. Panahon na upang tayo ay muling magkawanggawa."

Ilang beses marahil na s'ya'y naipit sa trapiko sa Quezon Blvd patungong Senado, tapos may isang aide ng isang congressman ang biglang pa-i-ingayin ang kanyang sirena na parang nagsasabing "humabi kayo d'yan at may isang importanteng tao ang daraan".

O kaya'y naka-abang s'ya sa Tandang Sora, tapos may mga naglalakihang SUV na nag-counter flow dahil maluwang naman ang kabilang lane. Pagdating n'ya sa kanto ng Visayas Ave, 'yung mga nag-ka-counter flow ay bumabalik sa dapat n'yang lane, at pagkataos ng intersection ay maluwag na. Marahil naisip ni P-Noy na kung hindi nag-counter flow ang mga ito, hindi makakabuhol-buhol ang trapiko sa intersection.

Hindi rin naman s'ya isang ambisyosong tao; hindi s'ya nag-apply bilang standard bearer ng LP. Sa halip, ito'y inialok sa kanya, at ilang araw pa n'yang pinagdasal bago s'ya pumayag.

Kaya ang kanyang pahayag na walang wang-wang ay mula sa isang taong tunay na nagdusa, at ngayong may oportunidad na s'ya, nais n'yang mabago ang pag-aabuso ng mga taong nakatataas, o ng mga langaw na nakatuntong sa taas.

Mababaw para sa isang presidente? Hindi po, dahil sa mga maliliit na bagay na ito, na malaki para sa aming mga maliliit na tao, nagsisimula ang malalaking maaari pang gawin ni P-Noy.

Kaya naman nagtataka ako ay Binay kung ano ang ikinaiinis n'ya sa pahayag nito ni P-Noy. Dapat, tinignan n'ya kung ano ang konteksto nang sinabi ni P-Noy na walang wang-wang. Hindi ang paggamit ng wang-wang, per se, ang pinupuntirya ni P-Noy, kun'di ang pang-aabuso ng mga nasa itaas, na, sa halip manilbihan ay sila pa ang nag-de-demand na pagsilbihan.

Siyempre naman, kung may dalang naghihingalong pasyente ang isang ambulansya, hindi ba dapat gumamit ng wang-wang?

Kung may sunog at nag-re-responde ang isang bumbero, hindi ba dapat gumamit ng wang-wang?

At kung may nagbabarilan sa isang bar sa Makati at nais pumunta ni meyor, hindi ba dapat gumamit ng wang-wang?

Tuloy, naging parang wang-wang si Binay -- hindi dapat patunugin dahil wala namang emergency. Ingay lang ang lumabas.

Sunday, June 13, 2010

Disenfranchised! (Musing)

Nasa BDO kami kaninang hapon. Kahit Linggo, bukas ito sa SM.

May karatula na nagsasabing sarado sila bukas dahil sa selebrasyon ng "Independence Day". Opo, may quotations sa kanilang karatula.

Alam n'yo naman marahil kung ano ang ibig sabihin ng may quotations -- hindi literal ang ibig sabihin ng nasa loob ng quotes.

Kaya, parang sinasabi ng BDO na wala naman talaga tayong Independence. Lokohan lang ang pagdiriwang na ito.

Napag-isip-isip ko ito, lalo na 'yung araw ng eleks'yon. Halos lahat ng nakausap ko ay walang authority para gumawa ng desisyon. Kung ano lang ang sinabi sa kanila, 'yun lang ang gagawin nila.

Kaya inis na inis ako. Panay lang sila satsat, kulang naman sa gawa. Pawang mga walang "b".

Pero, kasalanan ba nila 'yun? Is it just a matter of attitude? O, baka naman, gan'un ang turo o utos sa kanila?

Baka naman hindi lang isolated case ang nangyari sa paaralang iyon, kun'di sa buong 'Pinas. Na walang maglalakas-loob gumawa ng desisyon; lahat ipapasa sa mas nakakataas sa kanila.

Kawawa naman tayo, kung gan'un. Parang wala na tayong kapangyarihan para pagandahin ang ating buhay. Aasa na lang tayo sa kung sino ang nakaupo sa gobyerno.

At kung hindi tayo pagsisilbihan ng maayos, hihintayin na lang nating matapos ang kan'yang termino at iboboto ang kalaban.

Napaka-passive naman. Hindi naman siguro 'yun ang ibig sabihin ni Kristo nang sinabi N'yang "Blessed are the meek, for they shall inherit the earth." Kasi, kung gan'un, tayo na sana ang nagma-may-ari ng mundo.

Sabagay, sa daming Pinoy na nagkalat sa balat ng lupa, baka nga ma-angkin na natin na daigdig.

Pero, mabalik tayo sa eleks'yon.

Ngayon, alam ko na kung sino ang iboboto ko sa darating na halalan -- 'yun 'yung taong makakapag-empower sa ating mga Pinoy. 'Yung makakatulong sa ating magkaroon tayo ng tiwala sa ating sarili. 'Yung s'ya mismo'y naniniwala sa atin.

Kaya, buti na lang at hindi nanalo si Villar. S'ya raw ang tatapos sa kahirapan. Parang knight in shining armor. Parang hero. Parang X-men.

At ang mga kababayan naman nati'y naniniwala sa kanya. At paano n'ya tatapusin ang kahirapan? Ang akala ng mga tao'y mamimigay s'ya ng limpak-limpak na pera.

Ayun! Ginagawa lang tayong pulubi.

Actually, tingin ko maraming taong naging empowered; sila 'yung mga umaalis ng bansa. At dahil doon, kita mo naman ang resulta -- very productive sila. Asenso na rin ang kanilang buhay.

Kung may maimumungkahi ako kay PE Noy (President-Elect Noy), ang sasabihin ko'y gumawa s'ya ng hakbang para ma-empower tayong mga Pilipino sa araw-araw nating buhay.

Gaya ng ginawa ng kanyang ina, lalo na noong tapos na ang kanyang termino.

At kung magawa ni Noynoy 'yun, mas magiging makabuluhan ang pagdiriwang ng ating Independence Day.

Monday, May 10, 2010

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 4

11:50 am
Isang babae ang lumapit sa amin.

"Paki-tignan nga ang problema nito?"

Ah, s'ya 'yung taga-COMELEC.

Kaso, bakit ganoon? Naka-T-shirt at jeans lang s'ya. Mukhang wala rin s'yang kapangyarihang magdesisyon.

"Miss," sabi ko. "Wala 'yung pangalan ko sa listahan kaya nagpunta ako sa COMELEC upang tignan kung maaari akong makaboto. 'Eto, binigyan nila ako ng papel na nagsasabing pinapayagan akong makaboto."

Actually, hindi ko maintindihan 'yung nakasulat sa papel. Panay mga letra lang. Assumption ko lang 'yun.

Sigurado akong 'yung ibang nakakita sa sulat ay hindi rin naintindihan ang ibig sabihin. At dahil sinabi kong pinapayagan akong makaboto, nag-assume din marahil sila na 'yun ang ibig sabihin ng nakasulat sa papel ko.

"Taga-bantay lang po ako dito."

Sabi ko na nga ba, eh. Wala rin itong magagawa.

"Wala bang p'wedeng magdesisyon?"

"Samahan ko po kayo."

Ngayon naintindihan ko na kung bakit sila matulungin. Naghahanap sila ng mapapasahan ng aking problema.

Lumipat kami sa ibang building at may hinanap s'yang kasamahan. Isang bading na naka-sando ang kanyang kinausap.

Patay, ito ba ang pinaka-bossing ng COMELEC watchers dito? Hindi ko s'ya minamaliit dahil s'ya ay bading, pero hinuhusgahan ko s'ya dahil napaka-casual ng kanyang suot.

"Wala kasi ang pangalan ko sa listahan...." Dapat pala nag-record na lang ako ng aking kuwento at patutugtugin tuwing may bagong tao akong nakakausap.

"Itanong mo na lang kay Ate...." Hindi ko maalala ang pangalang sinabi n'ya. Pero, at least, ate ang tawag n'ya. Ibig sabihin, mas may ranggo sa kanya.

12:05 pm
Lumabas kami at lumapit sa isang tent, kung saan mukhang central HQ ng mga titser.

May isang nilapitang babae ang kasama kong taga-COMELEC. Lapit din ako.

"Wala po ang pangalan ko sa listahan...." Kung nasa-1970's lang kayo, maiintindihan n'yo ang kasabihang "parang sirang plaka".

May pumapel na namang lalaki.

"Hindi ka talaga makakaboto kung wala ka sa listahan. Tinanggal na ang pangalan mo."

"Maaari n'yo po bang isulat n'yo na hindi ako nakaboto dahil wala ang pangalan ko sa listahan, tapos ay inyong pirmahan?"

"Hindi kami authorized gawin 'yun."

Kung may anak lang ako sa paaralang ito baka na-i-pull out ko na.

"Ang hinihingi ko lang po ay isulat n'yo ang inyong sinabi at pirmahan."

Nanginging na ang mga tuhod ko dahil sa inis at gutom. Pero, nangingibabaw ang gutom.

"Halika, sumama ka sa akin," sabi ni Ate Something.

12:15 pm
Umakyat kami, kasama 'yung taga-COMELEC, sa isang hagdan at nagtungo sa isang opisina. Naka-air con! Sarap ng lamig.

"May problema po ito," sabi ng titser sa isang babaeng may edad na.

S'ya ang principal ng school. Sa wakas, a person of authority.

"Kasi po wala ang pangalan ko sa listahan...." Siguro naman ito na ang huling pagkakataong ikukuwento ko ito.

Kinuha n'ya ang papel ko at may inutusan. "Paki-dala nga ito sa PPCRV."

Meron pala noon dito? Sana, doon agad ako nagkonsulta.

Pinapasok n'ya ako sa kanyang opisina at pinaupo sa silya. Samantala, nagpaalam na 'yung taga-COMELEC, dala ang packed lunch nila ng kaibigang badaf. At least, hindi n'ya ako iniwan.

Bumalik 'yung taong inutusan n'ya.

"Wala na nga raw po ang pangalan n'ya sa listahan. Ang ibig sabihin ng nakasulat sa papel ay 'failed to vote'."

So, 'yun pala ang ibig sabihin noon. Parang hindi ko 'yun mahuhulan dahil hindi naman tugma sa initials noong nakasulat as against sa mga katagang "failed to vote".

Sabi ko nga ba. Kung dumiretso ako sa PPCRV naintindihan ko 'yung nakasulat, at nalaman ko ang aking gagawin. Nasa bahay na sana ako ngayon, nag-i-Internet.

"Naiintindihan ko naman po na hindi ako makakaboto dahil 'sakto lang ang mga balota. Ang hinihingi ko lang po ay 'yung may magsulat sa isang papel ang dahilan na hindi ako makakaboto at pirmahan."

"Kailangan mo ba 'yun?"

"Opo."

"Sige, gagawa ako ng kasulatan."

Kaya siguro s'ya ang principal, at 'yung iba'y mga guro lang, kasi may "b" s'ya. 'Yung kasabihang "the buck stops here" ay buhay na buhay sa kanya.

Sa wakas ay hindi ko na uulit-ulitin ang aking kwento.

Kinuha ko ang papel, nagpasalamat at umuwi na.




Tatapucn

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 3

11:05 am
Pumila na rin ako, bahala na kung saang kuwarto ako makarating. Bigla kong naisip, tanggapin kaya ng titser itong munti kong papel? Buti pa itanong ko muna.

"Miss," tawag ko sa babaeng nakausap ko kanina, 'yung tumutulong sa mga boboto. "Wala kasi 'yung pangalan ko sa listahan, tapos nagpunta ako sa COMELEC sa munisipyo, at binigyan ako ng papel na pinapayagan akong bumoto. Tanggapin kaya sa loob itong papel ko?", sabay pakita sa maliit kong papel.

"Hindi ko po alam. Paki-tanong na lang sa loob."

"Eh, miss, paano kung 'di n'ya tanggapin? Nasayang lang ang oras ko sa pagpila."

"Oo nga po. Sandali lang po't ipapatanong ko."

Kinuha n'ya 'yung papel ko at pinatanong sa isa n'yang kasamahan.

Mabilis-bilis din ang takbo ng aming pila, pero mabagal ang pagbalik ng may hawak ng aking papel. S'yempre, concerned na ako.

"Miss, may balita na?"

"Sandali lang po."

Lumabas din ang taong pumasok.

"Hindi raw po kayo makakaboto. 'Sakto lang daw ang balota sa mga taong nakalista."

"Paano na ngayon 'yan? Sabi ng COMELEC p'wede akong bumoto."

"Tanong n'yo na lang po sa baba."

"Galing na ako kanina doon, wala 'yung pangalan ko sa Master's List, nagpunta ako sa COMELEC, at, 'eto, pinapayagan akong bumoto."

"Hindi ko kayo masasagot d'yan. Mabuti pa magtanong na lang po kayo sa baba."

Tumutulong naman s'ya kaya 'di ko na s'ya inaway.

"Miss, 'pag balik ko, dito ulit ako sa pila, ha?"

11:15 am
Nakarating muli ako sa mahabang mesa sa may gate. Nakita ko 'yung titser na sumama sa amin papuntang COMELEC. Hindi naman s'ya nagalit dahil iniwanan ko sila kanina.

"Pano po ito, hindi raw ako p'wedeng bumoto kasi wala ang pangalan ko. Nagpunta na po ako kanina sa COMELEC at ok naman daw akong bumoto."

"Paki-tignan nga ang pangalan nito sa Master's List," utos ng parang bossing nila sa isang guro.

"Tinignan ko na po kanina 'yan at wala ang pangalan ko po d'yan. Kaya nga po nagpunta ako sa COMELEC, at pinayagan naman akong bumoto. Siya nga po ang kasama namin kanina," sabay turo sa titser sa sumama sa amin.

"Oo nga, kasama namin 'yan," pero ayaw n'yang tumingin sa akin, na parang sinasabing, "tapos na ang trabaho ko sa'yo; sinamahan na kita. Iba naman ang mamroblema sa'yo."

Pinakita ko ang kaprasong papel galing sa COMELEC. Panic sila.

"Ano ang sabi sa taas?", tanong ni bossing.

"Pinapunta po ako dito sa inyo. Tapos, 'sakto lang daw po ang balota nila. Pa'no na po 'yan?"

May isang lalaking pumapel. "Hindi ka nga nila pabobotohin kasi, kung wala ang pangalan mo sa listahan, wala kang balota."

"Ok," sabi ko. Kung talagang hindi puwede, bakit ko pa ipagpipilitan ang sarili ko.

"Paki-sulat na lang po dito sa papel 'yung sinabi n'yo, at paki-pirmahan," sabi ko sa lalaki.

"Hindi ko gagawin 'yan!"

"Bakit po? Ang hinihiling ko lang ay isulat n'yo lang po ang sinabi n'yo at inyong pirmahan."

"Hindi kami authorized gawin 'yan!?

Hah? Eh, sino naman kaya ang nag-authorize na pumapel s'ya?

Mukhang naawa naman sa akin si bossing at may tinawag s'yang lalaki. "Paki-samahan na nga s'ya sa itaas."

11:30 am
Pumunta ako sa dating pwesto ko sa pila. Wala namang umangal. 'Yung lalaking sinamahan ako'y pumasok sa kuwarto upang kausapin ang nagbabantay na guro.

Maya-maya'y lumabas s'ya.

"Halika po kayo," sabi n'ya.

Pumasok ako sa kuwarto't pinalapit sa taga-bantay.

May bumoboto pa kaya hindi ko ginagambala 'yung titser. Matagal-tagal ding nag-thumb mark, naglinis ng mga daliri, at pumirma 'yung hinihintay ko. May isang mama, nakaupo sa isang desk, ang nagreklamo sa nagbabantay ng pinto. Nilapitan naman ako ng huli.

"Boboto po ba kayo?"

"Hindi, may itatanong lang ako dito." Kung sa kalye, inis na inis ako sa mga drayber na sumisingit, gagawin ko pa kaya ang laktawan ang pila?

"Makakaboto po ba ako?" tanong sa titser, nang umalis na 'yung taong kakaboto lamang.

"Nasa listahan po ba ang pangalan n'yo?"

"Wala po. At wala din po sa Master's List sa baba. Kaya po pumunta kami sa COMELEC at, 'eto," sabay pakita sa papel, "pinayagan nila akong bumoto."

Teka, parang nabasa ko na itong ganitong scenario sa email. 'Yung kwento ng kawawang taong gustong kumuha ng TIN, at kung saan-saan s'ya pinapunta. Tawang-tawa ako habang binabasa ko 'yun.

Pero, ngayon, hindi ako natatawa.

"Paki-tignan d'yan sa folder kung nad'yan ang pangalan mo."

Iba ito. Nakalagay ang orihinal na form na pi-ni-fill-up kapag nagpaparehistro. Baka sakali, dito ako makakita ng pag-asa.

Hanap. Hanap. Hanap.

Kaso, wala rin.

"Wala po, eh."

"Kelan ka huling bumoto."

"Noon pong 2001."

Hindi ako bumoto noong 2004. Sino ba naman ang pipiliin mo? Si GMA o si FPJ? Tapos, noong 2007, wala rin akong mapili.

"Ah, tinanggal na ang pangalan mo. Kaya, hindi ka makakaboto."

"Eh, bakit sinabi ng COMELEC na pu-pwede akong bumoto."

"'Di ko alam."

"Pwede po ba paki-sulat na lang dito sa papel na hindi ako nakaboto kasi wala ang pangalan ko sa listahan?"

"Hindi kami authorized gawin 'yan."

Bakit hindi? Ang hinihingi ko lang ay i-dokumento ang kanilang pinagsasasabi. Bawal ba 'yun?

"Teka, nasaan ba 'yung taga-COMELEC?" sabi ni Ma'm.

Aba, may big shot pala dito. Baka, ito, makakapag-desisyon.

Hindi ko naman ipagpipilitan na ako'y makaboto. Kung makaboto man ako, paano naman 'yung taong "kinunan" ko ng balota? Problema din 'yun. Ang hinihingi ko lang ay 'yung magkaroon sana ng lakas ng loob ang mga tao na panindigan nila ang kanilang sinabi.

Ang problema, parang walang "b" ang mga ito. 'Yan ba ang gusto nilang ituro sa kanilang mga mag-aaral?

E-2-2-loy

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 2

9:15 am
Sa wakas ay nakita ko rin ang pangalang "Baltazar". Lima pala ang nakarehistro doon. Kaso, walang "Danilo". Problema yan!

Ilang beses naming tinignan ang listahan. Pati na nga sa listahang may markang D-E-F-G ay tinignan na rin namin, baka may "Danilo" doon. Pero wala talaga ang pangalan ko.

Marami ring ganoon ang sitwasyon. May isang guro doon na nagsabing magpunta raw kami sa COMELEC, sa munisipyo, at doon magtanong kung may record kami.

Ayan, mukha talagang uuwi na ako.

"Sasamahan ko kayo doon," sabi ng isang titser na nagprisinta.

Parang ayaw pa akong pauwiin.

Pumunta kami sa Barangay Hall upang magpalista bago sumakay sa sasakyan ng barangay.

9:30 am
Sumakay kami sa isang sasakyan ng pulis, 'yung open na open sa likod, at nakaupo kami sa magkabilang bench.

"Ano ba namang sasakyan ito. Nakakahiya! Sana, walang makakita sa akin sa opisina," wika ng isang babae. 'Di ko naman nakita kung sino 'yung nagsasalita, pero, alam ko, wala kaming nakasabay na maganda. Feeling n'ya siguro'y para s'yang isang kriminal na nahuli.

Hindi ko naman problema 'yun. Ang inaalala ko lang, baka isipin ng mga kalaban ni meyor na mga supporters n'ya kami at kami'y ma-ambush.

9:40 am
Nakarating kami sa munisipyo ng Las Piñas. Marami-rami na ring tao ang naroon.

May isang mesa sa labas ng opisina ang inuupuan ng ilang tao. Sa mesa ay may mga maliliit na papel kung saan doon mo isusulat ang iyong pangalan, prisinto, cluster, at polling place. Siyempre, hindi ko matandaan 'yung huling dalawa.

Pagka-fill up ng papel, ibibigay ito sa COMELEC, na nasa loob ng isang maliit na kwarto.

Pero, sa totoo lang, naisip ko lang ito. Wala naman kasing nagsasabi kung ano ang dapat namin gawin. Buti na lang nga't tama ang naisip ko.

Maraming nais magbigay ng papel at nagsisiksikan sa pintuan ng opisina.

Meron na ring mga nauna sa amin at naghihintay na lang ng resulta. Pero, naroon pa rin sila sa bungad, kaya kumpulan sa pinto.

"Gumawa po tayo ng dalawang pila para maging maayos ang pag-asikaso sa inyo," sigaw ng isang pulis, mula sa loob ng kwarto.

Kaso, maraming ayaw makinig. Palibhasa, naroon na sila sa may pinto, at kung pipila pa sila ay malalayo sila.

Meron namang mga gumawa na ng pila, at kasama ako doon. 'Yun nga lang, iisang pila lang ang nagawa.

"Dalawang pila lang po," sabi muli ng pulis.

Hindi na nadagdagan 'yung isang pila; ayaw tuminag ng mga taong malapit sa pinto.

"Dalawang pila po. Hindi po kayo maaasikaso hangga't hindi kayo nakapila."

"Unahin n'yo na kaming nakapila para mapilitang pumila rin ang iba," sagot ko naman.

"Gumawa po tayo ng dalawang pila," sigaw pa rin ng pulis.

Hindi ko alam kung hindi n'ya ako narinig o hindi n'ya naintindihan ang logic ng sinabi ko.

Sa medyo malayong lugar, may mga pulis na nakaupo lamang, tinitignan kami. Siguro, hindi nakatiis 'yung isa't lumapit sa amin.

"Pila lang po tayo," sabi n'ya.

"Kayo na lang po ang mag-ayos ng pila. Wala kasing gagawa n'yan kung hahayaan n'yo na kami-kami lang," sabi ko naman.

Lumakad-lakad ang pulis. "Pila lang po tayo."

Bingi ba ang mga pulis sa Las Piñas? Mahina ba ang boses ko? O ayaw lang nilang umaksyon?

Kung hindi lang ako mahiyain, ako na ang mag-aayos ng pila.

"Dapat kasi kunin na lang nila 'yung mga papel, tapos tatawagin na lang 'pag tapos na, para hindi nagkakagulo d'yan sa may pinto," wika ng isang nakatayong naghihintay na lang. Maaga s'ya kaya't naipasa na n'ya ang kanyang papel. 'Yun nga lang, medyo matagal na s'yang naghihintay.

Siguro, may nakarinig sa kanya. Isang nakapila ang itinaas ang kamay at maya-maya'y ipinasa na ng iba ang kanilang papel sa kanya. S'yempre, may I abot na rin ako. Tapos, kanyang ibinigay sa loob ang mga ito.

Ayan, eh, 'di, nakaalis din ako sa pila at nakapaghanap ng mauupuan.

Mangilan-ngilan lang ay may mga taong tinawag na. May isang lalaking pumunta sa pinto, tapos umalis, umiiling-iling.

"'Di raw ako pwedeng bumoto," sabi n'ya sa walang partikular na kausap.

"Bakit daw?" tanong ng isang babae.

"Wala daw ang record ko."

"Bakit daw wala?"

"Walang sinabi."

"Aba, dapat sabihin nila! Karapatan mo ang bumoto." Siguro, kung sa babae nangyari ito, nilusob na n'ya 'yung taga-COMELEC.

"Kelan kayo huling bumoto?" Tanong ni girl.

"Noong para sa Barangay Chairman." (Kelan kaya 'yun?) May ipinakita pa s'yang voter's ID.

"Uuwi na lang ako," sabi n'ya.

Dapat 'ata sinundan ko na lang s'ya.

10:05 am
"Baltazar!" sigaw ng pulis na nagpapapila sa amin.

"Baltazar!" sigaw ko, patakbong palapit sa kanya. Baka kung kanino pa mapapunta ang aking papel.

"Pwede ka na raw bumoto."

Ibinigay n'ya ang munti kong papel na may nakasulat na hindi ko maintindihan ang ibig sabihin.

Ganoon lang ba 'yun? Ni walang pirma.

Naisip ko, kung mandadaya ako, maaari ko lang palang mag-fill up ng maraming papel, tapos sulatan ko ng tulad ng nakasulat ng sa akin. Tapos, ipakita ko lang ito sa prisinto at makakaboto na ako.


Parang may mali.

Nakita ko 'yung gurong sinamahan kami, at sinabing hintayin na namin ang iba pa naming kasamahan.

10:45 am
Kay tagal ko na ring naghihintay. Baka abutin pa ako ng pananghalian, kaya ipinasya ko nang umalis sa munisipyo. Hindi ko makita 'yung gurong kasama namin kanina para magpaalam.

Madali lang naman bumalik sa eskuwelahang aking pagbobotohan. Pitong piso lang ang pasahe. Pero, hindi rin ako nakasakay agad. Kakaunti lang ang nag-bi-biyahe patungog Pulang-Lupa.

11:00 am
Nakarating din ako sa paaralan. Nagpunta ako sa aking prisinto at pumila.

Dalawang pintuan ang kuwarto ng prisinto. May nakatayong poll watcher sa tig-isang pinto.

"Saan po ba ang pila para sa prisintong ito?", aking tanong.

"Hindi ko po alam."

"Para saan itong pilang ito?", sabay turo sa pila sa harapan n'ya.

"Yan siguro."

"Eh, 'yung pila sa kabilang kuwarto, saan ang pila?"

"Hindi ko rin alam."

Teka, teka, teka. Hindi n'ya 'ata gusto ang mga sagot n'ya. Para saan ba s'ya? Display? Hindi naman s'ya gwapo.

Tinanong ko 'yung nasa kabilang pinto, "Saan po 'yung pila para sa prisintong ito?"

"'Yan," sabay turo sa pilang nasa harapan n'ya.

"Saan 'yung pila para sa kabilang kuwarto?"

"Yan din."

"Paano malalaman noong nakapila kung papasok na s'ya sa kuwartong ito o hihintayin pa n'ya ang nasa harap n'ya kung saan ito papasok?"

Hindi na s'ya sumagot. Marahil, hindi n'ya naintindihan ang tanong ko. Tumalikod na lang s'ya na wari'y busy.

Iisa nga lang ang pila ng dalawang kuwarto. Hindi mo alam kung saang kuwarto ang iyong sinusundan. Maluwag pa naman 'yung aming prisinto at sa kabila'y masikip. Paano ko malalaman na pwede na pala akong pumasok sa aming kuwarto kung 'yung kasunod ko ay nasa labas pa?

Hirap initindihin. 'Ika nga ni Yul Brynner sa The King And I, "It's a puzzlement!"

E-2-2-loy

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 1

09 May 2010, 10:00 pm
Sabi ko na nga ba dapat noon pa ako gumawa ng listahang iboboto ko bukas. Ayan, wala nang isip-isip tuloy.

S'yempre, Noy-Mar ako.

Bakit s'yempre?

Kasi, ayaw ko kay Villar. Lalo na kay Erap. Si Gibo? Ayaw ko rin. Si JC sana, hindi dahil relihiyoso ako, na hindi naman talaga, pero parang napakabata pa n'ya. Saka, lalamunin lang s'ya sa gobiyerno kung wala pa s'yang pondo "sa loob".

Saka, noon pa, paborito ko na ang LP. Parang, kung ang laban ay Crispa versus Toyota, lagi akong kampi sa Tanduay.

Limang taga-LP ang inilista ko sa pagka-Senado. Ang mga ito'y malamang matatalo.

'Di ko naman maintindihan sa mga tao. Gusto nila si Noynoy, dahil daw para mawala ang korapsiyon. Eh, isang bahagi lang ng gobiyerno si Noynoy. Isang bahagi pa, na malaki rin ang pangungurakot, ay ang Senado.

Paanong mapapaayos ni Noynoy ang takbo ng bansa kung wala naman s'yang magiging katulong sa Senado?

Kaya, nakaka-inis lang. Siguradong Revilla, Estrada, Defensor, Enrile, at kung sino-sinong wala namang naitutulong ang mananalo.

'Yung pitong iba ay taga-Kapatiran. Hindi ko kilala sila pero alam ko namang, kahit papano, may integridad ang mga ito, kesa sa mga kandidatong iboboto ng karamihan.

Sa Las Piñas ako boboto, kahit sa Parañaque ako nakatira, kaya wala akong iboboto sa pagka-konggresista at mga konsehal. Wala naman akong kilala sa kanila. Pero, baka si Nene Aguilar at ang kanyang bise pa rin ang iboto ko. Mahusay naman ang kanilang pamamalakad.

Balak kong maagang magising para maaga rin sa prisinto. Sana, bago pa mag-alas-otso, naroon na ako.

10 May 2010, 5:00 am
Tinugtog ng aking cellphone ang "Sweet Jamming" ring tone. Maaga siya para nga maaga akong makarating sa prisinto.

Kaso, tinatamad pa akong bumangon kaya't pinindot ko ang snooze.

5:05 am
Tumugtog ulit ang aking cellphone. Pinindot ko muli ang snooze.

5:10 am
Muling tumunog ang aking cellphone. In-adjust ko ang oras ng pag-alarm; mamayang alas-sais na lang ako babangon.

6:00 am
Tumunog ang aking cellphone. Kung may balak akong bumoto, dapat ay bumangon na ako. Ayaw kong abutin ng gabi sa prisinto.

7:30 am
Umalis na ako ng bahay. Malayu-layo pa ang aking biyahe.

8:15 am
Dumaan muna ako sa opisina upang iwan ang aking kotse. Baka mahirapan akong pumarada sa prisinto. Madali lang namang sumakay papunta doon.

8:20 am
Walang dumadaan na jeep patungong Baclaran. Panay may karatulang "COMELEC" ang mga dumadaan. Mukhang inarkila ng COMELEC ang mga ito, marahil upang gawing libreng sasakyan ng mga bumoboto.

Meron din namang mga jeep na may markang "Bernabe".

'Di ba bawal 'yun?

8:45 am
Hindi naman trapik patungong Pulang-Lupa, kun'saan naroon ang eskuwelahang aking pagbobotohan.

Pagdating ko sa paaralan kay haba na ng pila, lampas gate. Pero, hopeful ako na sa aking prisinto'y maikli lang ang pila. Ganoon naman madalas 'yun kaya kahit hindi na ako nakatira sa Las Piñas ay dito pa rin ako bumoboto. Ang isa pa, hindi rin ako nakapagparehistro noong nakaraang Disyembre.


9:00 am
Hinanap-hanap ko ang aking pangalan nguni't wala doon. May isang babae, mukhang poll watcher, ang lumapit sa akin.

"Ano po ang kailangan n'yo?"

"Miss, wala ang pangalan ko dito sa listahan."

"Paki-tingin n'yo na lang po sa baba, may isang mesa malapit sa gate. May Master's List po doon at baka makita n'yo ang pangalan n'yo doon."

Akala n'ya siguro naliligaw ako ng prisinto.

9:05 am
May mga nagkukumpulan sa isang mahabang mesa. Sa aking palagay 'yun na ang dapat kong pagtanungan.

May nakita akong mga gurong nakaupo doon at tinanong ko kung naroon sa Master's List ang aking pangalan.

Hindi lang iisang listahan 'yun. Naka-staple ang mga papel, at sa unang pahina ay may mga letra (A-B-C, D-E-F-G, etc.), na ang ibig sabihi'y 'yun ang mga unang letra ng apelyidong nasa listahan nila.

Nilapitan ko ang titser na may hawak ng listahang may nakasulat ng A-B-C. Ibinigay ko ang aking pangalan.

"Paki-tingin nga d'yan 'yung 'Danilo'," sabi ng isang titser.

"Hindi po," singit ko. "'Baltazar' po ang apelyido ko. 'Danilo' ang first name."

Wala s'yang nagawa. Binuksan n'ya ang kanyang listahan.

Ang kaso, hindi pala nakaayos ang mga pahina. Kumbaga, kung ang huling pangalan sa isang papel ay Andaya, ang unang pangalan naman sa susunod na papel ay Borsoto. At walang page number ang mga pahina.

Patay! Iisa-isahin din pala ang mga papel upang hanapin ang aking pangalan. Mukhang matatagalan ako bago makaboto.

Gusto ko na sanang umuwi. Tutal, sigurado na naman si Noynoy. At 'yung mga iboboto ko sa Senado ay sigurado rin...siguradong matatalo.

Pero, naisip ko, karapatan at tungkulin ko ang bumoto. At least, nakapamili ako kung sino ang gusto kong manungkulan. Tutal, konting tiyaga lang ito. Malamang, bago mag-alas-onse tapos na ako. By twelve, nasa bahay na ako.

E-2-2-loy