Saturday, November 7, 2009

Family Minute - What will your kids remember about their childhood?

NOTE: Subscriber ako sa isang newsletter, Family Minute, kung saan may mga maiikling mensahe, nguni't puno ng insights. Isa dito ay ang sumusunod na artikulo. Nawa'y magustuhan n'yo, at mag-subscribe na rin kayo.

What will your kids remember about their childhood?

Will they cherish the trip to the theme park, the Xbox360, PS3, or the cell phone you bought them? Or will they remember dad cooking pancakes for them, wrestling with them on the floor... and mom writing those special notes for their lunchboxes, or cheering for them at their games? Our children won't reminisce about big events and big-ticket items. Rather, their hearts will be warmed by memories of the love, caring and companionship you showed them day-to-day. Those are the things that will make a lasting impression they will carry with them into the future.

Wednesday, November 4, 2009

Rhetorics 101 by Chiz

Tumiwalag si Chiz sa NPC, Nationalist People's Coalition, at hindi National Power Corporation, although parehong naghahangad sa power, noong isang linggo. Kagulat-gulat ang ginawa nito ni Chiz. Ang isang dahilan, ayon sa kanya, dapat daw ang isang presidente ay hindi kaanib ng isang partido, nguni't ang "partido lamang dapat nya ay Pilipinas at ang kanyang mga kapartido ay lahat ng Pilipino".

Waw! Hebi, mein! Hindi ko alam kung naiintindihan ni Chiz ang kanyang sinasabi, much less ang kanyang ginagawa. At hinahamon pa n'ya ang kanyang mga kalaban na tumiwalag din sa kani-kanilang partido.

Bakit naman sila susunod kay Chiz? Parang sinabi mong naghamon si Bin Laden kay Obama na itapon ang kanilang mga armas at magsuntukan na lang sila. Sa pelikula lang nangyayari 'yun. At kadalasan, 'yung mga naghahamon ng ganoon ay may nakatagong maliit na baril sa kanilang sumbrero.

Kaya hindi ko maintindihan ang dahilan kung bakit ginawa ni Chiz 'yun.

Una sa lahat, ano ba ang ginawa ng partido para sa isang nakaluklok na sa pwesto? Meron bang nangyari na kinampihan ng isang presidente ang kanyang ka-partido kung wala namang ganansya para sa pangulong ito? May partido bang sinalungat ang nakapwesto, at sinundan naman ng huli? Si Marcos, nang hindi sumunod sa kanya ang Nacionalista Party, nagbuo ng panibago, ang KBL.

O, sige, wala pa ngang presidente ang naging beholden sa kanyang partido. Baka, iniisip ni Chiz na siya ang magiging una, kung saka-sakali. Kaya, sumibat na siya sa NPC at baka hindi siya maka-hindi sa kanyang ka-alyansa. Kumbaga, alam mong magkakasala ka kung panonoorin mo ang video nina Hayden at Katrina kaya magpupunta ka na lang sa canteen habang ang mga ka-opisina mo'y nanonood noon. Iwas temptation, 'ika nga.

Ikalawa, sinasabi naman ni Chiz na kahit noon pa man ay hindi siya na-impluwensiyahan ng partido tungkol sa mga desisyon n'ya habang s'ya ay nasa Konggreso.

Ngek! Ibig ba n'yang sabihihn na kung magiging presidente na siya't kasapi pa rin siya sa isang partido, madali na siyang ma-i-impluwensiyahan nito? Ano pinagbago? 'Yung posisyon? Na hindi na siya ang Chiz na kilala ng bayan noong nasa Konggreso siya sa sandaling maging presidente na siya ng bansa?

Marahil tama si Patricia Evangelista, na hindi naniniwala si Chiz na magkakaroon siya ng malakas na conviction kung siya'y naging presidente na, o kaya hindi naman kailangan ng ganung kalakas na conviction habang nasa Konggreso siya.

At paano naman ang perang gagastusin n'ya para sa kanyang pangangampanya? Saan manggagaling 'yun? Sa kanyang bulsa? Kaya n'ya?

At kung hindi n'ya kayang tutustusan ang gastos mula sa sariling bulsa, saan s'ya kukuha? Sa mga donasyon? Mga kaibigan? Mga volunteers?

Paano 'yan? Hindi s'ya tatanaw ng utang na loob sa mga ito? Eh, sigurado namang maniningil ang mga ito.

Lalim, 'pre. Maganda kung magagawa n'ya 'yun. Kaso, ayaw ko 'atang ipagsapalaran ang anim na taon para lang malaman kung tunay na hindi s'ya matatali sa mga taong tumulong sa kanya.

Tungkol naman sa pagkikipagsapalaran, isang malaking sugal ang ginawa ni Chiz. Bagong pulitika ang kanyang inihahain. At isinasama pa ang buong Pilipinas sa kanyang adhikain. Nguni't kailangan nating suriing mabuti ang kanyang sinasabi. Baka retorika lang ang ating naririnig, salita lamang, walang laman, walang aksyon dahil hindi ma-a-aksyonan.

Ang problema, marami ang mag-aakalang tama s'ya.

Sunday, November 1, 2009

Undas

Araw ng Patay ngayon, o 'yung tinatawag na Undas. Sa totoo lang, kamakailan ko lang narinig ang salitang 'yun, Undas. Parang "Hudas". Noong mga nakaraang taon kasi, 'pag dumarating ang November 1, ang naiisip kong salita ay "Bakasyon".

Bihira na akong dumalaw 'pag araw ng Undas. Masyadong ma-trapik, 'di lamang papunta ng sentimeryo...sertemenyo...sermentenyo...pantyon, kun'di maging sa loob nito. Ang hirap pang humanap ng paradahan; baka mabaril lang ako, tulad ng nangyari doon sa buntis, may ilang taon na ang nakakaraan.

Hindi rin ako nakakauwi ng probinsiya. Kaya, ang huling dalaw ko sa libingan ng aking mga lolo't lola ay noong inilibing sila.

Kadalasa'y 'yung susunod na linggo na lang kami dumadalaw. Okay, naman daw 'yun; makakatanggap pa rin kami ng plenary indulgence.

Naalala ko noong bata pa ako nang sumasama ako sa aking Nanay para maglinis ng pantyon ng aking lolo. Sobrang init 'pag nagpupunta kami doon. Sa katunayan, sa sobrang init ng araw, natutunaw at bumabaluktot ang mahahabang kandila na itinitirik namin.

'Pag sumasama naman ako sa aking lola sa Chinese Cemetery, nakikita ko ang mga pagkaing iniiwan ng mga dumadalaw doon. Alam ko namang para sa mga patay nila 'yun, at hindi para sa kanila. Lechon at Tanduay kasi ang kinakain at iniinom ng mga dumalaw.

Ngayon, 'di na kailangang magdala ng pagkain sa senti...pantyon. Marami na'ng fastfood restaurants ang nagtayo ng kanilang mga ad hoc branch doon, tulad ng McDo, Jollibee, Shakey's, atb. Dati kasi, mga maliliit na stalls lang ang makikita mo, kung saan ang ibinebenta'y mga sandwich, softdrinks, chicheria, at kendi. Ngayo'y natabunan na sila ng mga naglalakihang food chains.

Maganda talaga ang ugali nating dalawin at alalahanin ang ating mga yumao. Pero, sana, 'wag lang minsan isang taon, o kung kanilang kaarawan, o kung kanilang kamatayan, o kung bago tayo ikasal. Kailangan nila ang ating dasal. At kung umakyat naman sila sa langit, tayo naman ang kanilang ipagdarasal. Very effective ang kanilang mga dasal pagnagkagayon, gaya ng effectiveness ng mga intercession ni Saint Jude.

Pero, siyempre, mas maganda kung habang buhay sila, inaalala na natin sila, dinadalaw, inaalagaan, nililinisan, pinapaganda, at kung ano-ano pa na ginagawa natin sa mga libingan. 'Wag lang natin silang tirikan ng kandila, maliban na lang kung bertdey nila.

At kung mamatay na sila, hindi tayo manghihinayang sa mga nagdaang panahong pagsasama natin sa kanila. At hindi 'yung parang tayo'y naghahabol-habol.