Sunday, August 12, 2012

A Lesson From Mom

May carinderia kami sa Zurbaran Market noong bata pa ko, ilang dekada na ang nakakaraan.  Kay sasarap ng mga niluluto ng aking Mommy, parang para sa pamilya n'ya ang kanyang niluluto, at hindi basta para sa mga customer.

Ang isa sa mga paborito kong putahe ay 'yung Pork Adobo with Egg, lalo na kung halos lunurin na ng sauce ang aking kanin.  Mura lang ang benta namin noon, dalawampiso para sa baboy at singkuwenta sentimos para sa itlog.  Yep, pwedeng, umorder ng magkahiwalay. Pero, kahit itlog lang ang iyong hingin, pwedeng-pwede pa ring lunurin ang 'yong kanin ng sauce,  meron pang kasamang libreng mainit na sabaw.

Sa paligid ng aming tindahan ay may mga batang nagtitinda ng tiket ng sweepstakes.  Hindi pa uso ang lotto noon, at wala pang nakatayong off-fronton ang karera at jai-alai.  Kaya't ang mga taong nais yumamang bigla ay bumibili ng mga tiket.

Magkakapatid ang mga batang ito, tatlo sila, edad mga anim hanggang sampung taon.  Sa amin sila nanananghalian, kadalasa'y kasama ang kanilang ina. Tuwing ala-una na ng hapon sila kumakain, 'pag madalang nang dumating ang customer.  Kaya madalas ay kasabay namin silang mananghalian.

Ang madalas nilang kaini'y 'yung itlog ng adobo, isang kanin (na nagkakahalaga ng beinte-singko sentimos) na binudburan ng sauce at libreng sabaw.  Wala pa ngang piso'y makakapag-pananghalian na sila.

Minsan, nakasabay naming kumain  'yung magkakapatid, hindi kasama ang nanay.  'Yun pa rin ang order ng tatlo: tig-isang itlog at kanin.  Bigla, sinabi ng aking Nanay sa aming serbidora, "Akin na nga 'yang kapirasong baboy."  Isinalin ang baboy sa isang platito at inabot kay Mommy.  Akala ko kakainin n'ya, pero, sa halip ay inihain n'ya sa mga bata.

Ewan kung naulit pa ito, baka hindi na.  Siguro, sobra siyang naawa sa mga bata, lalo na't wala ang kanilang ina.  Pero, sa isang pagkakataon, nakita ko mismo ang isang gawang Kristiyano.  Walang fanfare.  Hindi nga nakaimik ang mga bata sa ginawa ni Mommy. 

Hindi rin naman ginawa ni Mommy ito para maka-score siya ng points sa taas.  Basta, bigla na lang, naisip n'yang mamigay.  'Ni hindi s'ya humingi ng bayad, kahit isang tiket man lang ng sweepstakes.

Matagal nang nangyari ito.  Hindi man siya naka-score ng malaking points sa itaas, pero nakapagtanim naman siya ng isang magandang halimbawa para sa kanyang anak.

'Di sana malanta.

Sunday, May 13, 2012

Mother's Day 2012

Ito ang unang Mother's Day ko na hindi namin ilalabas ang aking biyenang babae o tatawagan ng long distance ang aking nanay. Pareho na silang pumanaw, 'yung biyenan ko noon nakaraang Agosto samantalang ang aking nanay ay itong Marso.

Ma-mi-miss ko ba ang hindi namin pagkain sa labas o ang hindi ko pagtawag? Tingin ko hindi. Kasi, minsan lang sa isang taon ko ito ginagawa, kung Mother's Day lang.

At, marahil, 'yun ang mas nakakalungkot.

Kasi, naipapakita ko lang sa kanila kung gaano sila ka-importante sa akin tuwing may okasyon, kadalasan tuwing Mother's Day lang.

Sana, nadalas-dalasan ko ang pagtawag, ang pakikipag-usap man lang sa aking mga Mommy.

Minsan, naiisip ko na kaya lang hyped-na-hyped ang Mother's Day ay para lumaki ang kita ng mga flower shop, ng mga restoran (at hindi lang McDo o Jollibee), at ng Red Ribbon. Pero, naisip ko ngayon, kaya siguro may ganitong okasyon ay para ipaalala sa atin na may mga taong mahalaga sa ating buhay.

At hindi nagtatapos ang paalala na ito sa ating mga ina. Kung minsan, na-te-taken for granted na ang mga taong mahal natin, ating asawa, mga anak, kaibigan, magulang, etsetera, etsetera.

May bahid ba ng pagsisisi at naging kulang ang pagpapakita ko ng pagmamahal sa aking mga Nanay? Mukha.

Well, wala na sila. Wala na akong magagawa.

Sisiguraduhin ko na lang na alam ng mga mahal ko sa buhay, na buhay pa ngayon, na talagang mahal ko sila.

Nang sa ganoon, hindi ako magsisi 'pag dating ng panahon.

Sunday, April 1, 2012

April Fool's Day Noon

Sakto ang Araw ng Palaspas ngayon, na pumatak ng ika-una ng Abril, April Fool's Day.

Para kasing isang prank ang nangyari kay Hesus itong araw na ito.

Pumasok Siya sa Herusalem, at ang lahat ng tao'y sinalubong Siya na para Siyang isang hari. Ang lahat ay nagbubunyi sa Kanya, sumisigaw ng "Hossana!" Tanggap na tanggap Siya ng mga o, tulad ng mga Pilipino sa pagtanggap kay Pacman, tulad ng mga Fil-Am kay Jessica Sanchez, o tulad ng pagtangkilik ni Conrado de Quiros kay P-Noy.

Kaso, hindi pa nagtatapos ang linggo, 'etong mga tao ring ito ang sisigaw at hihinging ipako Siya sa krus.

Parang sinasabi ng mga tao kay Hesus, "'Yung nakaraang Linggo, dyok lang 'yun. April Fool's Day!"

Ang hindi nila alam, isang prank din ang ginagawa ni Hesus sa kanila. Hindi nga lang nakakasakit o nakakaasar ang prank na ito. Sa halip, nakakapagbigay-buhay pa nga.

Sapagka't sa pamamagitan ng pagkamatay ni Hesus sa paraang "nakakahiya", nasalba N'ya tayo sa kamatayan...sa kamatayan ng kaluluwa.

Marahil, ang pinaka-"kawawa" na nilalang na nakatanggap ng prank na ito ni Hesus ay ang demonyo.
"April Fool's Day!" ang marahil na sinabi sa kanya ni Hesus.

Buti na lang at hindi tayo ang nasa-receiving end.