Sabi ko na nga ba dapat noon pa ako gumawa ng listahang iboboto ko bukas. Ayan, wala nang isip-isip tuloy.
S'yempre, Noy-Mar ako.
Bakit s'yempre?
Kasi, ayaw ko kay Villar. Lalo na kay Erap. Si Gibo? Ayaw ko rin. Si JC sana, hindi dahil relihiyoso ako, na hindi naman talaga, pero parang napakabata pa n'ya. Saka, lalamunin lang s'ya sa gobiyerno kung wala pa s'yang pondo "sa loob".
Saka, noon pa, paborito ko na ang LP. Parang, kung ang laban ay Crispa versus Toyota, lagi akong kampi sa Tanduay.
Limang taga-LP ang inilista ko sa pagka-Senado. Ang mga ito'y malamang matatalo.
'Di ko naman maintindihan sa mga tao. Gusto nila si Noynoy, dahil daw para mawala ang korapsiyon. Eh, isang bahagi lang ng gobiyerno si Noynoy. Isang bahagi pa, na malaki rin ang pangungurakot, ay ang Senado.
Paanong mapapaayos ni Noynoy ang takbo ng bansa kung wala naman s'yang magiging katulong sa Senado?
Kaya, nakaka-inis lang. Siguradong Revilla, Estrada, Defensor, Enrile, at kung sino-sinong wala namang naitutulong ang mananalo.
'Yung pitong iba ay taga-Kapatiran. Hindi ko kilala sila pero alam ko namang, kahit papano, may integridad ang mga ito, kesa sa mga kandidatong iboboto ng karamihan.
Sa Las Piñas ako boboto, kahit sa Parañaque ako nakatira, kaya wala akong iboboto sa pagka-konggresista at mga konsehal. Wala naman akong kilala sa kanila. Pero, baka si Nene Aguilar at ang kanyang bise pa rin ang iboto ko. Mahusay naman ang kanilang pamamalakad.
Balak kong maagang magising para maaga rin sa prisinto. Sana, bago pa mag-alas-otso, naroon na ako.
10 May 2010, 5:00 am
Tinugtog ng aking cellphone ang "Sweet Jamming" ring tone. Maaga siya para nga maaga akong makarating sa prisinto.
Kaso, tinatamad pa akong bumangon kaya't pinindot ko ang snooze.
5:05 am
Tumugtog ulit ang aking cellphone. Pinindot ko muli ang snooze.
5:10 am
Muling tumunog ang aking cellphone. In-adjust ko ang oras ng pag-alarm; mamayang alas-sais na lang ako babangon.
6:00 am
Tumunog ang aking cellphone. Kung may balak akong bumoto, dapat ay bumangon na ako. Ayaw kong abutin ng gabi sa prisinto.
7:30 am
Umalis na ako ng bahay. Malayu-layo pa ang aking biyahe.
8:15 am
Dumaan muna ako sa opisina upang iwan ang aking kotse. Baka mahirapan akong pumarada sa prisinto. Madali lang namang sumakay papunta doon.
8:20 am
Walang dumadaan na jeep patungong Baclaran. Panay may karatulang "COMELEC" ang mga dumadaan. Mukhang inarkila ng COMELEC ang mga ito, marahil upang gawing libreng sasakyan ng mga bumoboto.
Meron din namang mga jeep na may markang "Bernabe".
'Di ba bawal 'yun?
8:45 am
Hindi naman trapik patungong Pulang-Lupa, kun'saan naroon ang eskuwelahang aking pagbobotohan.
Pagdating ko sa paaralan kay haba na ng pila, lampas gate. Pero, hopeful ako na sa aking prisinto'y maikli lang ang pila. Ganoon naman madalas 'yun kaya kahit hindi na ako nakatira sa Las Piñas ay dito pa rin ako bumoboto. Ang isa pa, hindi rin ako nakapagparehistro noong nakaraang Disyembre.
9:00 am
Hinanap-hanap ko ang aking pangalan nguni't wala doon. May isang babae, mukhang poll watcher, ang lumapit sa akin.
"Ano po ang kailangan n'yo?"
"Miss, wala ang pangalan ko dito sa listahan."
"Paki-tingin n'yo na lang po sa baba, may isang mesa malapit sa gate. May Master's List po doon at baka makita n'yo ang pangalan n'yo doon."
Akala n'ya siguro naliligaw ako ng prisinto.
9:05 am
May mga nagkukumpulan sa isang mahabang mesa. Sa aking palagay 'yun na ang dapat kong pagtanungan.
May nakita akong mga gurong nakaupo doon at tinanong ko kung naroon sa Master's List ang aking pangalan.
Hindi lang iisang listahan 'yun. Naka-staple ang mga papel, at sa unang pahina ay may mga letra (A-B-C, D-E-F-G, etc.), na ang ibig sabihi'y 'yun ang mga unang letra ng apelyidong nasa listahan nila.
Nilapitan ko ang titser na may hawak ng listahang may nakasulat ng A-B-C. Ibinigay ko ang aking pangalan.
"Paki-tingin nga d'yan 'yung 'Danilo'," sabi ng isang titser.
"Hindi po," singit ko. "'Baltazar' po ang apelyido ko. 'Danilo' ang first name."
Wala s'yang nagawa. Binuksan n'ya ang kanyang listahan.
Ang kaso, hindi pala nakaayos ang mga pahina. Kumbaga, kung ang huling pangalan sa isang papel ay Andaya, ang unang pangalan naman sa susunod na papel ay Borsoto. At walang page number ang mga pahina.
Patay! Iisa-isahin din pala ang mga papel upang hanapin ang aking pangalan. Mukhang matatagalan ako bago makaboto.
Gusto ko na sanang umuwi. Tutal, sigurado na naman si Noynoy. At 'yung mga iboboto ko sa Senado ay sigurado rin...siguradong matatalo.
Pero, naisip ko, karapatan at tungkulin ko ang bumoto. At least, nakapamili ako kung sino ang gusto kong manungkulan. Tutal, konting tiyaga lang ito. Malamang, bago mag-alas-onse tapos na ako. By twelve, nasa bahay na ako.
E-2-2-loy
No comments:
Post a Comment