Nagmamaneho ako ngayon sa Kaingin Road, pauwi sa amin sa Betterliving. Tinatahak ko ang kalyeng kakasemento lang ng congressman/mayor/counselor itong nakaraang Abril para sa local elections, at binubutas ngayon ng MWSS.
Naisip ko, mahigit sampung taon nang ako'y unang magmaneho. Naaalala ko pa, noong nasa College ako, ayaw na ayaw ko ang magkaroon ng kotse. "Bakit pa?", tanong ko. Kung may gusto akong puntahan, sasakay lang ako ng bus at makakarating na ako sa aking paroroonan. Maaari pa akong matulog sa daan. At higit sa lahat, may student's discount pa. At dahil wala akong interes sa mga sasakyan, hindi ako nakakakilala ng mga modelo't gawa. Hindi ko ma-differentiate ang Toyota, ang Mitsubishi, at ang Mazda. Hindi ko alam ano ang Corolla at ano ang Corona. Kahit nga Sarao at Francisco, hindi ko rin makita ang pagkaka-iba. Ang nakikilala ko lang ay ang Volkswagen Beetle. Sabagay, sino ang hindi nakakakilala doon?
Ngayong matagal-tagal na akong nagmamaneho, nakikilala ko na rin ang iba't ibang uri ng sasakyan. Para na rin ito sa aking survival.
"Naku, Volvo 'yan! Kailangang makaiwas ako. Sige na, mag-overtake na kayo sa akin para malayo ako d'yan."
"Ay, Kia lang 'yan. Masingitan nga. Ayaw mong magbihay, ha? Sige, gigitgitin kita!"
Masuwerte ako sapagka't tumira kami sa mga bahay na kung saan hindi matrapik papauwi. Tulad ng nasa Baclaran kami, minsa'y inabot ako ng isang oras sa pagmamaneho mula bahay hanggang opisina. Hindi ko na inulit 'yun. Tutal, kinse minutos lang naman kung ako'y maglalakad.
Ganu'n pa man, may mga napansin ako na magsasabi sa akin na magiging mabagal ang daloy ng trapiko sa ang aking daraanan. Heto ang mga clues na iyon:
1. Nagkasya ang limang sasakyan sa tatlong lanes.
Ang normal, 'yung broken lines ay naghahati sa kalye ng mga lanes. Ang ibig sabihin, dapat isang sasakyan lamang sa isang lane. Kapag may mga sasakyan na sa ibabaw ng mga broken lines na ito, asahan mong magiging mabagal ang iyong pag-usad.
Sa totoo lang, hindi masyadong reliable ang clue na ito. Kahit hindi matrapik, makakakita ka pa rin na mga wala sa tamang lane at nasa ibabaw ng broken lines.
2. Pati mga motorsiklo ay nakahinto.
Sa dahilang naokupahan na ng mga sasakyan ang bawa't espasyo ng kalye, hindi na makasingit ang mga motorsiklo. Kaya sa sidewalk na lang sila dumadaan. Ang kaso, nakaharang din ang mga sidewalk vendors. Kaya babalik na lang ulit sila sa kalye.
Isipin mo na lang 'yung mga pedestrians. Saan kaya sila dumadaan?
3. Blinking ang traffic lights.
Ang talagang ibig sabihin ng blinking traffic lights ay "Proceed with caution." Dito sa Metro Manila, ang ibig sabihin ay "Proceed with courage." Kailangang matapang ka upang makatawid ng intersection. Kapag nabigyan ka ng tiyempong makaurong ng one inch, dapat kunin mo 'yun. Kun'di, maghapon ka doon, at lahat ng nasa likod mo ay bubusina sa'yo.
4. May nakatayong MMDA sa tabi.
Nagsawa na 'yun sa kaka-direct ng trapiko. Sinasabi n'ya sa kanyang sarili, "Bahala nga kayo d'yan!"
5. May nagtitinda ng mani sa gitna ng kalye; nasa kariton ang kanyang paninda.
Hindi nakakapagtaka na merong mga nagtitinda sa gitna ng kalye, lalo na sa mga intersections. 'Pag huminto ang mga sasakyan, dali-dali ang mga itong magpupuntahan sa gitna upang ialok ang kanilang paninda, tulad ng dyaryo, yosi, Stork, sampaguita, basahan, at chicharon na may suka.
'Pag umandar na ang mga kotse, madali lang ang mga itong tumabi sa daan, mauuna ang mga nagtitinda ng chicharon, tapos, ang mga nagtitinda ng basahan at sampaguita, at susundan ng mga may dyaryo, yosi, at Stork. Mahuhuling tatabi ang mga namamalimos. Kayang-kaya nila ang tumabi agad. Pero, paano na 'yung mga may kariton? Sa sobrang laki ng kanilang dala, hidni agad sila makakatabi. Makakapaglako lang sila kung sobrang trapik para hindi sila mabangga o masagasaan.
6. Walang sumasalubong na mga sasakyan.
Magtataka ka sapagka't halos hindi umuusad sa iyong direksyon ng kalye, pero walang sasakyan sa kabilang direksyon. Marahil naipit na ang mga iyon dahil nagkaroon na ng grid-lock, o kaya naharang na ang kanilang daan dahil sa....
7. May mga nagka-counter-flow.
Dahil may limang sasakyan na ang nagpupumilit magkasya sa kalyeng may tatlong lanes, at okupado na ng mga sidewalk vendors ang tabi, at dahil maluwag naman ang kabilang direksyon, doon na lang dadaan ang ibang mga drayber. Hindi nila alam, mas lalo silang makakapagpabagal sa daloy ng trapiko. Hindi bale na, basta mauna lang sila. Wala silang pakialam sa mga ibang nagtiya-tiyagang bagtasin ang trapiko sa maayos na paraan.
Kilalang matiyaga ang mga Filipino. Dalawampung taong nagtiis tayo kay Marcos, at ngayo'y pinagtitiisan na naman natin si GMA. Pero, bakit sa pagmamaneho nawawala ang ating pasensya? Kelan lang may namaril at nakapatay dahil sa alitan sa trapiko. Kung atin lang hahabaan ang ating pisi at pasensiya....
Teka, mam'ya ko na lang itutuloy ang aking pag-iisip. Uunahan ko lang itong pedicab na nasa aking harap. Kanina pa ito, ang bagal-bagal kumilos. Busina na ako ng busina ayaw pa ring tumabi. Nakakaasar na siya!