Tuesday, August 25, 2009

Surveys

May isang gasoline station na may karatula na nagsasabing walo daw sa sampung Pilipino ang naniniwalang ang kanilang gasolina ay nakakapagbigay ng mas mataas na mileage kaysa sa ibang brand.

Matagal-tagal na rin akong nag-graduate mula sa kolehiyo at parang pinag-aralan namin ito sa Logic 101. Turo sa amin, merong mga pananaw na kung iisipin mo ay lohikal nguni't kung iyong susuriin ay flawed naman. Isa na rito ay 'yung bandwagon thinking. Kumbaga, hindi porke't lahat ng tao ay ganu'n ang pag-iisip nangangahulugan na sila ay tama. Pero, lalo na sa advertisements, parang sinasabi na dahil marami ang naniniwala sa isang bagay, tama ang paniniwalang ito.

Gaya na lang itong ipinaglalandakan ng gasolinahang ito. Parang sinasabi nila na dahil maraming Pilipino ang naniniwalang mahusay ang kanilang gasolina, mahusay nga talaga ang kanilang gasolina. "Fact or opinion?", 'ika nga d'un sa exam papers ko noong elementarya.

Nagkaroon ba ng scientific testing ito? Ano-ano ang kanilang controlled, dependent, at independent variables na ginamit? Baka naman ginamit 'yung Honda Jazz with fuel injection para sa kanilang gasolina, at Ford F-1 para naman sa iba. O baka ang walong pinagtanungan nila ay pawang mga kutsero, at 'yung natirang dalawa ay mga drayber ng ex-pats, na walang pakialam kung gaano kagastos sa gasolina ang kanilang sasakyan.

Marahil, ang isa pang halimbawa ng bandwagon thinking ay itong mga ginagawang surveys para sa susunod na eleksyon. Bakit nga ba nagkakaroon ng survey? Ano ang kahulugan ng mga survey na ito?

Halimbawa, si Manny Villar daw ang pipiliin ng karamihan ng mga botante, ayun sa isang survey. Ang ibig sabihin ba nito, si Manny Villar ang karapat-dapat na maging susunod na pangulo natin? Ito ba ang magiging basehan ng ating pagpili sa darating na eleksyon? At ang survey na ito ay may sample size na isang libo't limang daang katao. Ibig bang sabihin na dahil sa ang pinili ng nakakarami sa isang libo't limang daang na'to ay si Manny Villar, siya rin ang dapat pipiliin ng nalalabing mga anim na pung milyong botante?

"Dasalasanansens!", 'ika nga ni Pugo, mahigit tatlumpong taon na ang nakakaraan.

Ang masaklap nito, si Manny Villar ang nangumisyon sa nasabing survey. Maging ang dating pangulong si Erap ay nangumisyon din na gumawa ng parehang survey. 'Yun nga lang, ang lumabas sa ikinumisyon ni Erap ay ang nangunguna raw sa laban ng pagka-presidente ay nagngangalang Joseph Estrada.

Teka, 'di ba siya rin 'yun? Parang kung sino ang nagbayad para gawin ang survey 'yun din ang sinasabi ng survey na nangunguna sa karera sa pagka-pangulo.

At kung minsan, pareho pang kumpanya ang kinumisyon ng magkaibang tao, at magkaiba rin ang resulta.

Malabo 'ata 'yun. Kung sino ang nagbayad, siya ang nananalo? 'Di kaya para tayong niloloko ng mga politikong ito? At ang gumagawa ng mga survey, 'di lamang kasangkot sa panlolokong ito, kumikita pa sila. Para tuloy ang gandang magnegosyo ng pakuha-kuha lang ng survey. Laway lang ang puhunan. Wala namang aakuhing responsibilidad kung ano ang kalalabasan ng ginawa. Parang, "Bayaran mo ako para marinig mo kung ano ang gusto mong marinig." Ang masaklap noon, may karugtong na, "At paniniwalaan ako ng marami!"

Alam ko, may sinulat si Ms. Winnie Monsod tungkol dito sa mga surveys, at anong kahibangan ang paniwalaan natin ang mga ito. Sayang, 'di ko naitago 'yung naisulat n'ya.

Kaso, kahit mailathala muli ni Ms. Monsod ang dati n'yang artikulo, ang mga survey pa rin naman ang paniniwalaan ng mga tao.

Dasalasanansens!!!!

Saturday, August 22, 2009

Why Tithe?

NOTE: Ito ang ikatlo kong speech sa Toastmasters' Club. Ang pamagat ng assignment ay "Get To The Point". Kailangang may general purpose, tulad ng to inform, to persuade, to inspire, o to entertain. Kailangang meron ding specific purpose at ma-achieve ang mga purpose na ito. Sa pag-deliver ng speech na ito, kailangang mag-project ng sinseridad at conviction, walang pangamba, at hindi nagbabasa ng notes. Siyempre, malalalaman lang ang huli kung nandun kayo't nakita akong nagsalita. At least, makikita n'yo kung naabot ko 'yung malaman ng mga tao kung ano ang aking general at specific purposes. Nakita n'yo ba?

ISA PANG NOTE: May grammatical error dito. Kita n'yo kung saan?

Two dollar bills, one was a hundred while the other was a one-dollar bill, were about to be put out of circulation by the Treasury Department. As they were awaiting to be shredded, the hundred dollar bill said, "Life has been very good. I've been to different places all over the world, like Paris, London, Tokyo, Sydney, and that most beautiful city of all, Cebu. Yes, I've no regrets; life has been good to me."

"How about you," it asked the one-dollar bill. "What places have you been to all your life?"

The one-dollar bill replied, "Church, church, church...."

Tithing is one of the more controversial issues in churches. There are those that say God has never commanded us to tithe, while others claim that tithing is a biblical law. Then there are others who say that giving ten percent of our income is not applicable anymore since St. Paul, in his second letter to the Corinthians, removed such a limit. This way, giving to churches is not called tithing anymore, but called love offering.

I will not delve on the legality of tithing, or how much percentage of one's income should be given. Rather, I will show the benefits of giving. I will also use the words “tithing”, “offering” and “giving” interchangeably.

The first benefit is that I believe tithing helps us to avoid "serving mammon".

Consider this. If something is very precious to you, would you just give it away? Won't you rather hold on to this precious something?

Now, consider another. If something is very precious to you, and you freely gave it away, what then do you cherish more, the thing that you gave away or the recipient of that thing?

Jesus warned us of having to choose between God and mammon (Matthew 6:24 / Luke 16:13). By parting with our material goods, we are also choosing which is more important.

The second benefit is that tithing helps the church to continue with its functions.

We may not be of this world, but we are in this world. That means we have to follow the rules of the world, and one of that is economics.

Our places of worship use electricity. Our ministers and missionaries have their basic needs. All these cost money, and our offerings help to defray these costs.

With our tithes, we become a part to bring into reality that petition "Thy kingdom come".

Third, we are blessed when we tithe.

In Malachi 3:10, God dares the Israelites to bring the whole tithes into His storehouse, and see so much blessings poured onto them. It is as if God had made a game with them, to see who can give more. Of course, it is a game which, fortunately, the Israelites will never win, for they can never out give the Giver.

Although some may question the interpretation of this passage, I, for one, have experienced so much blessings when giving to the church. I may still have problems, especially financial ones, but, whenever there is a very pressing need for money, somehow help always comes.

Of course, it is self-defeating if we give because we expect to receive. We'll just go back to the question "which is more important, God or mammon?" And I'm sure Manny Pacquiao will agree with me when I say, “It is better to give than to receive”.... You know!

Tithing, then, is more of a spiritual act than an economic one. Some say that there should be a sense of sacrifice when we give. I heard one priest say, "Give until it hurts."

Of course, God can provide to His ministers and missionaries. Just as He gave manna to His people as they crossed the desert, He, too, can give to the needs of His workers. So, why tithe?

No, God does not need to receive, but we need to give.

Tuesday, August 4, 2009

Tita Cory (Part 2)

Ang isang pangarap ko sa buhay ay 'yung 'pag ako'y namatay, maraming mga kaibigang dadalaw sa aking burol. Lahat sila'y malungkot, nag-iiyakan, at nagsasabing, "Sayang at wala na siya."

Itinigil ko na ang pag-iisp sa pangarap na ito. Nagiging vivid na kasi. Baka, ayon sa Law of Attraction, ma-attract ko ang aking kamatayan. At, palagay ko, iilan lang ang malulungkot sa aking pag-alis.

Kanina, napanood ko ang Necrological Service para sa dating Pangulong Cory Aquino. Tulad ni Kris, napaiyak din ako. Pero, 'di tulad n'ya, hindi naman ako napahagulgol. Buti na lang at nag-iisa akong nanonood ng TV; nakakahiya naman kung marinig nila ang aking singhot.

Mas lalo kong nakilala si Tita Cory sa mga pahayag ng mga kaibigan. Higit doon, mas lalo kong nalaman, at namangha, sa mga nagawa n'ya.

Ilang ulit nabanggit ang kanyang pagiging matapang, and kanyang pagkakaroon ng integridad, ang kanyang mabuting pamamalakad noong siya ay nasa pamahalaan, ang kanyang paniniwala at pag-asa sa mga Pilipino, at ang ang kanyang malakas na pananalig sa Diyos.

Nabanggit din na dahil ibinigay n'yang ehemplo ang kanyang sarili, na dati'y isa lamang na housewife, nguni't naging presidente, ang isang kaibiga'y maniwala sa sarili at naisakatuparan ang kanyang potensyal.

Ang kanyang duktor naman ay nagsabi na nagtitiwala si Tita Cory sa mga Pilipinong duktor, at gusto n'ya na sila ang tumingin sa kanya.

Ang isang makabagdamdamin sa akin ay noong nagsalita ang kanyang security aide. Sa lahat ng mga nagsalita, siya ang may pinaka-mahinang Inggles. Nguni't, ang kanyang mensahe ang pinaka-"galing sa puso". Sinabi n'ya na binigyan ni Tita Cory ng dangal ang mga "maliliit" na taong naglilingkod sa kanya.

Marahil, hindi lang para sa security aide n'ya ginawa 'yun ni Tita Cory, kun'di para sa buong bayang Pilipino. Ipinakita n'ya sa atin ang ating dangal. Sabi nga, ayon kay Ninoy, "The Filipino people is worth dying for." Nguni't para kay Tita Cory, "The Filipino people is worth living for."

Meron ding nagsabi na dahil kay Tita Cory, naging proud siya na maging Pilipino.

At sa aking palagay, ito ang mas higit na legacy na kanyang iniwan, kesa sa demokrasyang naibalik sa atin.

Habang pinanonood ko ang service, naisip ko, paano kaya ang mangyayari kung sina FVR, Erap, o GMA na ang pumanaw. Marami rin kaya ang magsasabi kung gaano sila kabait at katapat sa kanilang posisyong pinaglingkuran? O matutulad ba sila ni Marcos na hanggang ngayo'y naka-display pa rin, naghihintay may magsabing maaari na siyang ipahinga't ilibing ng walang kahihiyan.

Paano kaya ang aking sariling libing?

Sabi nga nila, noong ipinanganak ka, ika'y umiiyak habang ang lahat ay nakangiti. Sana, sa iyong pagkamatay, ika'y nakangiti habang ang lahat ay umiiyak.

Kay raming nagpapakita ng pagmamahal at pasasalamat kay Tita Cory. Marahil, ang mas mahusay na paraan ng pasasalamat ay iyung ipagpatuloy ang mga nagawa niya: ang pagiging tapat sa tungkulin, ang pagmamahal at talagang paggawa upang makaangat sa buhay ang nakararami sa ating bansa, ang hindi pagwawalang bahala lalo na kung ang ating kalayaan ang nakataya, ang pagtitiwala sa mga Pilipino, at ang malakas na pananalig sa Diyos, 'di lamang sa salita, o sa panlabas na gawa, kun'di na rin sa kalalim-laliman ng puso.

Hindi ako ipananganak sa greatness tulad ni Tita Cory. Hindi ko maaabot ang kanyang naabot, at maging mabuting impluwensiya sa napakarami nating kababayan. Nguni't, kahit sa maliit na paraan, maisakatuparan ko sana ang dasal ni Tita Cory para sa atin, na ang Pilipino ay magkaisa, magtulungan, at umunlad.

Sa ganoon, magiging tunay ang aking pasasalamat sa kanya.

Saturday, August 1, 2009

Tita Cory

Mahirap at malungkot ang mamatayan, lalo na kung ang taong iyon ay malaki ang nagawa para sa'yo. Yan ang naramdaman ko nang mamatay ang aking tatay at ang aking lola. Ang huli ang siyang nag-alaga sa 'kin, nagpalaki, at nagturo.

Ngayong araw, isang tao ang malaki rin ang nakagawa, 'di laman para sa akin, kun'di para sa bansang Pilipinas at, marahil, para sa buong mundo. At yan ay ang dating presidente, Corazon Aquino, o sa mas malambing na ngalan na "Tita Cory". Mga alas-tres ng umaga nang siya ay pumanaw, at isang bayani ang nawala na naman.

Bilib ako kay Tita Cory. Marahil, hindi n'ya naisip na mangyayari sa kanyang buhay ang mga karanasang naganap sa kanya. Isang tahimik at pribadong tao, napasok siya sa pampublikong buhay, sa pulitika, at naging presidente pa ng bansa. Siguro, nakatala na sa buhay n'ya na ganun ang kanyang tatahakin. Hindi naman n'ya plinano ang mga ito. Ito 'yung "ibinigay sa baraha" na kanya, at nilaro naman n'ya sa abot ng kanyang makakaya. At, sa palagay ko, naging mahusay ang kanyang "paglalaro".

Bakit ako nabilib sa kanya? 'Eto ang mga dahilan:

1. Siya'y nasa-background lamang habang ang kanyang asawa'y sikat-na-sikat.

Isang tahimik na maybahay ang ginampanan ni Tita Cory habang ang kanyang asawa'y inaakalang magiging susunod na pangulo ng Pilipinas. Hindi siya "sumakay" sa kasikatan ni Ninoy, at, sa halip, hinayaan ni Tita Cory na magningning ang kanyang asawa sa larangan ng pulitika. Nakilala ko lang si Tita Cory nang mamatay na si Ninoy.

2. Nangampanya siya para kay Ninoy.

Kalakasan ng kapangyarihan ni Marcos noon, nakakulong si Ninoy, nguni't hindi inintindi ni Tita Cory ang kanyang kapakanan nang nangampanya siya para sa kanyang asawa. Kay dali-daling ipahuli ni Marcos si Tita Cory at ipakulong, pero hindi ito ikinatakot ni Tita Cory.

3. Tumakbo siya sa pagkapangulo.

Kalaban ni Tita Cory si Marcos, isang bihasang pulitiko, sanay sa mga dayaan, hawak ang militar at mga taong magpro-proklama ng nanalo, hawak ang mga local officials na kayang-kayang baguhin ang resulta ng mga boto. Nguni't dahil sa tindi ng dasal, at paghimok ng isang milyong lagda, pumayag na siya'y tumakbo. Isang malaking kalokohan, pero lumaban pa rin.

Dito rin ako nabilib kay Doy Laurel upang pumayag na gamitin ang kanyang itinayong partido, at pumayag na tumakbo bilang bise-presidente, upang magbigay daan para kay Tita Cory. Kung hindi n'ya ginawa 'yun, siguradong matatalo sila, kahit hindi na mandaya si Marcos.

4. Itinatag n'ya ang pundasyon para sa mga susunod na mga pangulo.

Sabi ni Ninoy na kawawa ang susunod na pangulo pagkatapos ni Marcos. Siguradong mahihirapan iyun. Ironic, dahil ang sumunod kay Marcos ay ang kanyang asawa.

Hindi nga madali ang sundan ang dalawampung taon na rehimen ng diktatura. Anim na taon lang ang ibinigay kay Tita Cory. Anim na taon, laban sa dalawampung taon? Hindi lang 'yun, may kasama pang coup attempts na lalo lang nagpabagal upang tayo ay makaahon muli. At marami sa ating mga kababayan ang nainip. Ano ang gusto nilang gawin, maging diktador din si Tita Cory upang sa isang iglap ay mabago ang takbo ng bansa? 'Di ba, 'yun ang kanyang kinalaban? 'Di ba, 'yun ang inayawan ng ating mga kababayan?

Noong pahanon ding 'yun nakaranas tayo ng mga walong oras na brown outs araw-araw. Pero may ginawa pa rin si Tita Cory upang maiwasan ang mga 'yun.

Sa aking palagay, si Ramos ang pinakamaswerte dito. Siya ang nagtamasa sa lahat ng mga ginawa ni Tita Cory. Naging maunlad ang Pilipinas sa panahon ni Ramos. Nguni't, sa aking palagay, kun'di dahil sa mga ginawa ni Tita Cory, malamang hindi naging matagumpay ang termino ni Ramos.

5. Naging matatag siya sa kabila ng kanyang sakit.

Mas maraming hirap ang pinagdaanan ni Tita Cory, at isa na marahil dito ang malaman n'yang may taning na ang kanyang buhay. Nguni't, sa kabila noon, hindi nanghina ang kanyang pananalig sa Diyos. Marahil, 'yun ang nagbigay lakas sa kanya, 'di lamang noong nagkaroon siya ng sakit, kun'di na rin noong mga panahong nakakulong si Ninoy at, kalaunan, napatay siya, noong mga coup attempts, at noong kay raming bumabatikos kay Tita Cory, isa na rito na sinasabing wala siyang utak.

Hindi ko sinasabing perpekto si Tita Cory, o naging perpekto ang kanyang pamumuno. Marami rin namang mga nangyari na nakakalungkot, tulad ng pagkamatay ng ilang magsasaka sa Mediola, ang hindi pagbawi ng mga yamang-nakaw ng mga Marcos at ng kanyang mga alagad, ang kulang sa pagpapatupad ng Agrarian Reform lalo na sa sarili nilang hacienda. Ganun pa man, si Tita Cory ay nasa gitna ng kritikal na panahon ng ating bansa, at ginawa n'ya, sa abot ng kanyang makakaya, na walang iniisip para sa sariling kapakinabangan, upang mai-ahon ang ating bayan. At, hanggang sa huling sandali, naniniwala pa rin siya na darating ang panahon na makakabangon din ang Plipinas sa pagkalugmok nito sa kahirapan.

Sabi ni John Maxwell na ang tanging batayan ng isang lider ay kung ma-i-impluwensiyahan n'ya ang kanyang mga tagapasunod o hindi.

Naaala ko noon, isang linggo pagkatapos ng snap elections, at kadedeklara lamang ng Batasang Pambansa na si Marcos ang nanalo, nagkaroon ng isang rally si Tita Cory. Nanawagan siya na i-boycott ang mga kumpanyang tumulong kay Marcos. Bumagsak ang halaga ng mga stocks ng mga kumpanyang ito, ang isa na ay ang San Miguel Corporation. Akala ko hindi magagawa ng mga Pilipino, pero bumagsak din ang benta ng San Miguel beer.

Buti na lang, pagkaraan ng ilang araw, inumpisahan na nina Ramos at Enrile ang kanilang pagrerebelde. Kun'di, baka tuluyang nauhaw ang mga Pinoy sa beer.

Sa pagpanaw ni Tita Cory, ipinagdarasal ko na makita ang mga magagandang nagawa n'ya para sa bayan, kahit hindi n'ya ginusto na malagay siya sa pwesto. At kung ano mang pagkakamali na nagawa n'ya, nawa'y mapatawad siya ng ating kasaysayan.

Salamat, Tita Cory, sa lahat ng iyong nagawa, at sa lahat ng mga aral na iniwan mo sa aming mga Pilipino at sa buong mundo.