Sunday, December 25, 2011

Pasko

Sinabi ni Brother Eli na hindi siya naniniwala na ang birthday ni Hesus ay Dec 25. Kasi, 'ika n'ya, malamig ang panahon kapag Disyembre, kaya hindi maaaring ipag-utos ni Augusto Ceasar ang pagtatala ng mga tao. Maiisip ni Ceasar na dahil ma-yelo ang daan, malamang magkakadulas-dulas ang mga tao, o hayop, sa paglalakbay.

Dasalasanansens! Sino bang mananakop, lalo na noong unang panahon, ang naisip ang kapakanan ng kanyang nasasakupan? Basta, kung ano ang ginusto n'ya, dapat itong sundin, kesihoda pa kung ang mga tao'y manigas sa tag-lamig o mamatay ng uhaw sa tag-init, o kung ano pang inconvenience ang abutin nila sa gitna ng thermometer.

Sabi din ni Brother Eli na wala naman sa Bibliya na ipinanganak si Hesus noong Disyembre 25.

Siyempre, wala nga. Una, hindi naman ginagamit ng mga Hudyo ang Julian calendar noon, lalo na ng mga nagsusulat ng Bibliya. Ikalawa, hindi nakaugalian ng mga nagtitinda na magregalo ng kalendaryo sa kanilang mga suki. At ikatlo, hindi election year noong ipinangak si Hesus, kaya ang mga politiko'y hindi nag-aabot ng mga pocket calendar, kung saan nakalarawan sa kabilang side ang kanilang mukha, kahit sa sinong makasalubong nila.

Ayon sa mga historian, ang araw ng Kapaskuhan ay dating araw kung saan ipinagdiriwang ang isang paganong piyesta, gaya ng winter's solstice, kung saan magtatapos ang pinakamahabang gabi ng taon, o ang Saturnalia, bilang piyesta ng isang mahalagang diyos.

Marahil, kaya ginawa ng Simbahang Kristiyano ang pagpapalit ng piyesta ay upang mabago ang pag-iisip ng mga paganong ito at, sa halip, ay si Kristo ang kanilang ipagdiwang.

Ang problema, mukhang nababalik tayo sa pagiging pagano.

Sa halip na si Kristo ang ating ipagdiwang, nagiging si Santa Claus.

Sa halip na maging masaya tayo sa regalo ng Diyos sa atin, na ibinigay N'ya ang Kanyang kaisa-isang Anak, nagsasaya tayo sa mga regalong ibinigay sa atin ng ating mga kamag-anak, kaibigan, ka-opsina, kaklase, supplier, subordinate, estudyante, o iba pang sipsip.

Sa halip na kumakanta tayo ng "Alleluiah" bilang papuri at pasasalamat sa Diyos dahil binigyan muli tayo ng bagong buhay, kumakanta tayo ng "My Way" na nakamamatay.

Kaya marahil binibigyan ng emphasis ng Simbahan ang paghahanda sa Pasko: nariyan ang Adviento at ang Simbang Gabi. Marahil, dahil sa antisipasyong ito, lalong magiging religiously important ang piyestang ito.

Nawa'y kahit sa ginta ng ingay ng mundo - na punong-puno ng advertiesments para sa perpektong regalong Pamasko, ng gabi-gabing videoke ng kapitbahay, ng nagsisikipang mga mall - hindi natin malimutan ang tunay na dahilan kung bakit may specific na araw na idineklara ang Simbahan, kahit walang nakakasiguro sa eksaktong petsa, para ipagdiwang ang kapanakan ng ating Tagapag-ligtas.

Mula sa aking pamilya, nawa'y magkaroon kayo, at ng inyong pamilya, ng isang makabuluhang Pasko!

Thursday, December 22, 2011

Pandinig

Kung minsan, gusto ko na ang maging bingi, lalo na ngayong ala-una ng madaling araw at ang kapitbahay ko ay maingay na kumakanta ng "Bikining Itim". Okay lang sana kung Sabado o Linggo ngayon, pero Huwebes pa lang at gigising ako maya-maya ng alas-kwatro para mag-ayos at pumasok sa opisina.

Kung ako man ay maging bingi, hindi lang ang sintunadong kapitbahay ang hindi ko maririnig, kun'di pati na ang pagbubunganga ng isa pang kapitbahay na madalas mag-away, ang pagbubusina ng drayber sa aking likod pagkatapos na pagkatapos magpalit ang traffic light sa berde, at ang malakas na stereo ng nagdadaang motorsiklo, tricycle, o kotseng may drayber na nagpapapansin. Hindi ko na rin maririnig ang mga awitin ni Willie Revillame, ang pagsagot ni Manny Pacquiao sa nag-i-interview sa kanya pagkatapos ng kanyang panalo, ang mga pasabog ni Boy Abunda, at ang mga reklamo ni Miriam Defensor-Santiago.

'Ika nga ni Ka Freddie, "Mapalad ka o kaibigan, napakaingay ng mundo / Sa isang binging katulad mo, walang ingay, walang gulo."

Siyempre, malungkot din ang maging bingi. Hindi ko na rin maririnig ang halakhak ng isang sanggol, ang mga musika nina Bach, Beethoven, at Ryan Cayabyab, at ang "I love you" ng aking asawa't mga anak.

Ang pagkawala raw ng pandinig ang pinakamasaklap na pagkawala ng isa sa mga senses. Kung mabulag ang isang tao, magagamit pa n'ya ang sense of touch para "makakita". Kung mapipi nama'y makakapag-sign language pa siya. Pero, 'pag nabingi, ano ang kanyang ipapalit upang ma-enjoy n'ya ang theme song nilang mag-asawa?

Marahil, hindi na ko dapat magreklamo, kahit na ikatlong "My Way" na ang aking narinig buhat pa kanina. Pasalamat ako't nakakarinig pa ako. Tutal, paminsan-minsan lang naman magwala ang aking kapitbahay.

Ngayon, kung hindi sila nag-iisip o kaya'y wala silang pakialam na nakakabulahaw na sila, bahala na ang Diyos. Siguro, may lugar sa Impiyerno na kahit na mamaos-maos na sa lakas ng kanilang pagkanta, ang makukuha nilang iskor ay isa pa ring malaking itlog.

Basta ako, kailangan ko na'ng matulog at magpahinga, para makakuha ng sapat na lakas. Mamayang hapon, sa Christmas Party sa'ming opisina, babanat ako ng Hagibis.

Sunday, September 4, 2011

Guro (Part 2)

Kamakailan, pinapasok ng titser ni Panganay ang mga estudyante n'ya, isang Linggo ng gabi, sa may Makati. Mag-se-set up daw ng exhibit, bilang exam nila.

Pero, ang kuwento ni Panganay, wala naman daw silang ginawa. Sa halip, 'yung mga kasamahan ni titser ang nagtrabaho.

Tapos nito, pinapasok ulit sila noong Huwebes, para sa kanilang finals.

Alas-onse natapos ang isang finals ni Panganay. Alas-dos naman 'yung klase nitong nasabing titser. Kaya, mahaba-haba din ang hinintay ng aking anak. Napagastos pa tuloy ng pananghalian.

Dumating ang alas-dos, at naghintay ang klase. Late si titser, mga kinse minutos. 'Pag dating, nakipagkuwentuhan sa ilang mga estudyante.

So, si Panganay, nagtanong, "Sir, ano ang gagagawin natin?"

Tuloy si titser sa pakikipag-usap sa ibang estudyante. Na-isnab si Anak.

"Sir, ano ang gagawin natin?"

Wiz narinig si titser.

Hintay...hintay...hintay....

"Sir, ano ang gagawin natin?" Ngayon, hindi lang si Panganay ang nagtanong.

Aba, parang walang narinig ang titser.

Quarter to three....

"Sir, pwede na akong umalis? May klase pa ako ng three," sabi ng isa.

Tumingin si titser sa kanya.

"Yes, sir, aalis na rin ako. May klase rin ako," wika naman ng isa pa.

"Sige, kung umalis kayo, wala kayong finals."

Alas-tres....

"Sir, kailangan ko na talagang umalis. May pasok pa ako."

"Ako rin, sir."

"Okay," sabi ni titser. "Let's all leave."

Meralco Kilo-WHAT??? Ano ba namang titser ito? Mula alas-onse hanggang alas-tres, walang nangyari sa buhay ni Panganay. Apat na oras ang nasayang, at hindi na maibabalik pang muli.

Ewan ko ba, bakit merong mga gurong gan'un. Kung ano ang maisipang ipagawa sa mga mag-aaral, na wala namang katuturan.

Meron naman iba d'yan, pa-terror, na iniisip nila'y hindi sila magaling magturo kung maraming nakakapasa. Kaya't natutuwa sila kung maraming bumabagsak.

'Di ko alam kung ano ang gusto nilang palabasin. Parang, akala nila, sila ang hari sa mundong ito.

Well, sa tutuusin, sila nga ang hari sa classroom. Ang kaso, masyado nilang inaabuso ang kanilang authority.

Nalimutan na nilang mga titser nila. At sa lahat ng oras, sila'y nagtuturo.

'Di lamang sa kanilang mga lectures, pati na rin sa kanilang mga actions.

Saturday, September 3, 2011

Guro (Part 1)

And fit all thy sons with wings
To lend us flight with the sowing of our gifts.


- MPPA hymn

Nagkaroon ng parangal sa kanilang dating mga guro ang unang batch na aking tinuruan. Kaya, mula Pasay, tinahak ko ang EDSA, rush hour, at first Friday pa. Gumagalaw naman ang traffic, mga 5 kph ("Now, class, convert that to meters per second.") Ayun, dalawang oras ang aking naging biyahe.

Lagi akong naliligayahang makitang muli ang mga naging nakilala, mga naging kaibigan. Mga tanong, "Saan ka na ngayon?", "Kumusta?", na sinasagot naman ng "Manager sa isang multi-national corporation.", "May sariling negosyo.", "Lawyer.", "Doctor.", at iba pang kainggit-inggit.

Kaya nga ako umalis sa pagtuturo, naisip ko na 'pag dumating ang panahon at ako'y naghanap ng ibang trabaho, baka maging bossing ko pa ang mga ito.

Patay! Gagantihan ako ng mga 'yun dahil sa aking mga mahihirap na long exams, walang-patid na assignments, at mga surprise quizzes, na sa sobrang dalas ay hindi na sila surprising.

Pero, nakakasiya ding malaman ang kinalalagyan ng mga dati kong estudyante.

Merong isang duktor na sa kanilang probinsiya nag-pra-practice.

Merong isang Environmental Scientist, base sa Tate, at may research sa Los Baños.

Merong isang gumagawa ng mga pelikula, na nakakuha na ng dalawampu't isang (21) karangalan locally, at dalawampu't isang karangalan abroad.

Nakaka-aliw.

Naisip ko: sila ang mga tunay na successful sa buhay, mga taong masaya sa kanilang ginagawa. Sila na napayabong ang kanilang mga talento't kakayahan, at ngayo'y "ibinabalik" sa bansa at sa mundo, sa pamamagitan ng kanilang pagsisilbi.

Naisip ko rin: hindi nasayang sa kanila ang ginastos ng bayan.

Sunday, June 26, 2011

Ang Noli Bilang Isang Blog

Sinimulan kong basahin ang Noli Me Tangere na-download ko sa Project Gutenberg. Buti na lang at may epub format, kun'di'y maloloka ka sa kababasa ng txt format; mahirap na ngang basahin 'yung Tagalog n'ya (isinalin ni G. Pascual H. Poblete mula sa "wicang Castila" noong taong 1909, mahigit isang daang taon na ang nakakaraan), magbabasa ka pa tulad ng "...cagagawán n~g m~ga lindól at m~ga bagyó..."

Unang binasa ko ang nobelang ito noong ako'y nasa-High School pa, mahigit tatlumpong taon na ngayon (nagpaghahalata ang aking edad). At tulad ng lahat ng mga Pinoy, maliban na lang marahil sa mga titser ng Filipino, ay ito rin ang huli kong pagbasa nito.

Nakakalungkot, pero may dahilan ako. 'Yung kasing librong aking ginamit noon ay na-publish bago pa nagkaroon ng WWII (World War Two, at hindi World Wide II), siguro mga taong 1930's. 'Yun ang hinahanap kong translation, na dati'y mabibili lamang sa National Library, pero hindi na rin available ngayon doon.

Ayaw ko kasi 'yung mga nasa-bookstore ngayon; mas para silang textbook kesa nobela, 'yun meron pang "MGA TULONG SA PAG-AARAL" kada dulo ng bawat chapter. Bakit, 'yun bang mga katha nina Stephen King at Nicolas Sparks ay may kasamang "GLOSSARY"?

Abridged na rin 'yung mga librong binabasa ng mga High School students ngayon. Marahil, dahil na ngang mahirap nang basahin ang nobela sa wikang Tagalog, tinanggal na ang ilang mga nakasulat sa orihinal, mga ilang paglalarawan o descriptions ng noong panahon na 'yun, o kaya'y mga paniniwala ni Rizal, lalo na 'yung tungkol sa relihiyon. Nag-concentrate na lang ang mga kasalukuyang libro sa main story ng Noli.

Na sayang din naman. Maraming nawawawala dahil sa abridgment.

Kaya sinimulan ko muling basahin ang Noli, sa edition na luma na ang pagkaka-translate.

Siguro, kung nabubuhay si Rizal ngayon, isang blog ang kanyang isusulat, sa halip na isang libro. Mas marami kasing nagbabasa ngayon ng blog kesa libro. Ang isa pa, ang tema ng libro ay pasok na pasok sa blog. Mga komentaryo tungkol sa mga nangyayari noon, na parang si Professional Heckler sa ngayon.

Umpisa pa lang, tawang-tawa na ako. Inilarawan ni Rizal kung paano ang naging reaksyon ng mga tao tungkol sa biglaang paghahanda ng isang hapunan ni Kapitang Tiago:

"Cawangis ng kisláp ng lintíc ang cadalîan ng pagcalaganap ng balítà sa daigdigan ng mga dápò, mga langaw ó mga 'colado' (mga taong nagpupunta sa mga handaan kahit hindi imbitado - B.), na kinapal ng Dios sa canyang waláng hanggang cabaitan, at canyang pinararami ng boong pag-irog sa Maynílà."

Pinakita n'ya ang bahay ng Kapitan, na "natatayô sa pampang ng ilog na sangá ng ilog Pasig, na cung tawaguin ng iba'y "ría" (ilat) ng Binundóc, at gumáganap, na gaya rin ng lahát ng ilog sa Maynílà, ng maraming capacanang pagcapaliguan, agusán ng dumí, labahan, pinangingisdâan, daanan ng bangcang nagdádala ng sarisaring bagay, at cung magcabihirà pa'y cucunán ng tubig na inumín, cung minamagalíng ng tagaiguib na insíc."

Ganito naman niya ipinakita ang sala:

"Nasasalas ang mangagsisicain, sa guitnâ ng lubháng malalakíng mga
salamín at na ngagníningning na mga araña: at doon sa ibabaw ng
isáng tarimang pino ay may isáng mainam na "piano de cola",
na ang halaga'y camalácmalác, at lalò ng mahalagá ng gabíng itó, sa
pagca't sino ma'y walang tumútugtog. Doo'y may isáng larawang "al
óleo" ng isáng lalaking makisig, nacafrac, unát, matuwíd, timbáng
na tulad sa bastóng may borlas na tagláy sa mga matitigás na daliring
puspós ng mga sinsíng: wari'y sinasabi ng larawan:

--¡Ehem! ¡masdán ninyó cung gaano carami ang suot co at aco'y hindî
tumatawa!"

Tungkol naman kay Kapitan Tiago, may isang mahigpit na karibal ang ginoo, si Donya Patrocinio, sa pagyayabang sa pagpapakita kung gaano sila ka-relihiyoso. Kung ang Kapitan ay nag-alay sa isang imaheng Birhen ng isang bastong gawa sa pilak at may mga esmeralda't topacio, ang Donya nama'y magbibigay ng isang bastong gawa sa ginto na may mga brilyante. Ganoon na lamang ang pataasan ng dalawa hanggang sa huli'y tinalo ng babae ang lalaki at "umaasa ang mmga cacampí ni Doña Patrociniong pagcamatáy nito'y maguiguing 'canonizada', at si Capitang Tiago ma'y sásamba sa canyá sa mga altar, bagay na sinasang-ayunan ni Capitang Tiago at canyáng ipinangangaco, mamatáy lamang agád."

Alam din naman natin ang kwento ni Maria Clara, na ang tunay na ama ay si Padre Damaso. Kaya, nang ipinanganak ang babae, ito'y mas mukhang Kastila kesa Pinoy. Malayo ang pagkakahawig ni Maria Clara kay Kapitan Tiago, pero, "anáng mga nahihibáng na mga camag-anac, na caniláng nakikita ang bacás ng pagcâ si Capitang Tiago ang amá, sa maliliit at magandáng pagcacaanyô ng mga tainga ni María Clara."

May mga romantikong sandali rin ang nobela. Isa na rito ay ang usapan nina Maria Clara at Ibarra sa azotea, na parang ligawan nina Romeo at Juliet sa balkonahe. Tinanong ni Maria Clara kung hindi siya nalimutan ni Ibarra habang ang lalaki'y nasa ibang bayan, at kayraming magagandang babae ang naroroon, na isinagot naman ni Ibarra na, "cung minsa'y náliligaw acó sa mga landás ng mga cabunducan, at ang gabíng doo'y untîuntì ang pagdatíng ay naráratnan acóng naglácad pa't hinahanap co ang aking daan sa guitnâ ng mga 'pino', ng mga 'haya' at ang mga 'encina'; cung nagcácagayón, cung nacalúlusot ang iláng mga sínag ng buwán sa mga puáng ng masinsíng mga sangá, wari'y nakikinikinita co icáw sa sinapupunan ng gubat, tulad sa isáng nagpapagalagalang aninong gágalawgaláw at nagpapacabicabilâ sa liwanag at sa mga carilimán ng malagóng caparangan, at sacâ ipinarírinig ng 'ruiseñor' ang canyáng ibá't ibáng cawiliwiling huni, inaacálà cong dahil sa icáw ay nakikita't icáw ng siyáng sa canyá'y nacaaakit."

Marahil, isang dahilan ang pagka-ban nito sa maraming Catholic schools ay hindi lamang 'yung pagpapakita ni Rizal sa mga pagmamalabis ng mga Kastilang pari, kun'di pati na rin sa mga pananaw ni Rizal tungkol sa Simbahan sa Pilipinas noong panahon na 'yun. Isang masakit, nguni't makatotohanang pananalita ang sinabi ni Rizal:

"At icáw, Religióng ilinaganap na talagáng úcol sa sangcataohang nagdaralità, ¿nalimutan mo na cayâ ang catungculan mong umalíw sa naaapi sa canyáng carukhâan, at humiyâ sa macapangyarihan sa canyáng capalalûan, at ngayó'y may laan ca lamang na mga pangácò sa mga mayayaman, sa mga táong sa iyó'y macapagbabayad?"

Ang nobela'y nagsisimula nang maging dark pagkatpos malaman ni Ibarra na ang bangkay ng kanyang ama ay ipinahukay ni P. Damaso upang ilibing sa libingan ng mga Insik. Subali't ang nautusa'y palibhasa'y tinatamad, kesyo umuulan noong araw na 'yun, kesyo malayo pa ang libingan ng mg Insik, kesyo mas mabuti pa ang malunod kaysa malibing kasama ng mga Insik, minabuti ng nautusan na itapon na lang ang bangkay sa ilog. Tapos rin nito'y ang kuwento nina Crispin at Basilio, na pinagbintangang nagnakaw ng mga "onsa". Sumunod din ang kuwento ni Sisa, na minalas sa kanyang asawa.

Wala pa ako sa one-fourth ng libro. Pero, tatapusin ko ito, at aking i-e-enjoy na parang nagbabasa ng isang New York Times bestseller. Nakakalungkot kung ang nobelang ito ay hindi ko mabasa ng walang kinakatakutang recitation o quiz.

At least, para naman sa isang-daa't limampung birthday ng ating bayani, isa na itong handog ko sa kanya, ang ma-appreciate at matuto sa isa sa pinaka-mahusay na work of literature na naisulat kailan man.

Sunday, June 12, 2011

Ang Pentecoste ng Ating Bayan

Atin ngayong ipinagdiriwang ang ika-isang daa't labintatlong taon ng ating kalayaan (2011 minus 1898 equals 113. Medyo naaalala ko pa ang aking History.)

Ang ibig sabihin noon, mahigit isang daang taon na nang may sumigaw ng "Mabuhay ang Pilipinas!" Dati kasi, ang isinisigaw ay "Mabuhay ang Katipunan!", "Mabuhay ang mga Ilocano/Tagalog/Cebuano o ano pang rehiyon", o kaya'y "Mabuhay tayong lahat! (at "Mamatay ang mga Kastila!")

Walang takot na iniwagayway ang bandila na ginawa pa sa Hongkong. Dito rin narinig ang Marcha Nacional Filipino, na ngayo'y ating kinakanta tuwing Lunes ng umaga sa mga eskuwelahan o kaya'y tuwing last full show sa sinhehan, although ang balita ko'y ang asawa ni Julian Felipe ang talagang nakapag-compose nito. Hindi ko naman ito pinaniniwalaan, kasi'y bastos na tao ang nagkuwento sa akin nito (Di-di-di-jan, di-jan.....).

Mula sa araw na 'yun, isang bandila, na naka-pattern sa bandila ng Cuba, ang sumagisag sa isang bansa. Kaya, magmula noon, ang lahat ng Grade School students, mula Aparri hanggang Jolo (Isang libo't isang tuwa....este, iba pala 'yun), sa tuwing malalapit ang June 12, ay pinagdadala ng kanilang mga guro ng isang bond paper at mga Crayola na kulay red, blue, at yellow. (Siyempre, hindi na 'yung puti; puti na kasi ang kulay ng bond paper.) Samahan pa ng isang barbecue stick.

Dati'y kanya-kanya ang mga rebolusyon. May kay Diego't Gabriela, may kay Hermano, at iba't iba pang mga namumo ng kani-kanilang himagsikan. 'Yun nga lang, ang ipinaglalaban ay pansarili lamang; masyado na silang nahihirapan sa pamamalakad ng mga Kastila, kaya't nagsabi sila ng "Tama na! Sobra na! Palitan na!" (Akala n'yo, unang narinig n'yo 'yun noong taong 1986, 'no?)

Pero, nang malauna'y nagkaroon na rin ng kamalayang Pilipino, gaya ng pagkakaroon ng kamalayang ito ni Christopher de Leon. (Kung hindi mo ito naintindihan, ang ibig sabihin lang ay hindi ka na Martial Law baby.)

Kaya, noong ika-12 ng Hunyo, mahigit isang daang taon ang nakakaraan, nadagdagan ang mundo ng isang bansa, na matapang na sumisigaw ng "May presidente na kami! At Pilipino pa!"

At mula noo'y ipinagdiriwang natin, sa petsang ito, ang kaarawan ng ating bansang Pilipinas.

Sakto namang ipinagdiriwang din ngayon ng Simbahang Katolika ang Pentecost Sunday, kung saan bumaba ang Espirito Santo sa mga disipulo ni Kristo.

Ito raw ang bertdey ng Simbahan, nguni't walang nakakaalam kung ano na ang edad nito. Wala naman kasing makapagsabi kung kelan talaga ipinanganak si Hesus. Hindi naman Siya iniluwal ni Maria ng saktong 0 B.C. o 0 A.D. Basta, kung anong taon nangyari ang pagbaba ng Espiritu Santo, nasisiguro kong mahigit dalawang libong taon na ang nakakalipas.

Bago pa rito, nag-aaway-away ang mga disipulo para malaman kung sino ang pinaka-astig sa kanila, kung sino ang uupo sa kanan at sa kaliwa ni Hesus, pagdating ng araw.

Tapos, nang hulihin si Hesus, ang lahat naman ng mga ito, maliban sa isa, ay nagsipagtakbuhan.

Kaya, maraming linggo ring nag-TNT ang mga ito, sa upper room, kahit na nga ba nagpakita sa kanila si Hesus, kahit na nga ba sinabi sa kanila na "Ako'y lagi ninyong kasama hanggang sa wakas ng panahon", at kahit na ilang ulit na sabihan sila ng "ang kapayapaa'y sumainyo." (Marahil, sa takot ng mga disipulo, hindi na sila nakasagot ng "At sumainyo rin.")

Pero, nang dumating ang araw na ito, nawala na ang pagiging makasarili ng mga disipulong ito. Nawala na rin ang kanilang takot, at, sa halip, ay sila'y naging matapang upang ipinahayag, hindi ang kanilang sarili, nguni't, sa mas mataas na antas (nag-level up na sila), ang kadakilaan ng Diyos.

At simula noong araw na 'yun, sila'y naging isa, sa ngalan ng Diyos.

Nagkaroon pa rin ng mga pag-aaway. Marahil ay hindi maiiwasan 'yan. Nguni't kung malaman na nila ang kagustuhan ng Diyos, ang lahat ay sumasang-ayon. Walang nag-pro-protesta sa COMELEC. Walang dinadala sa Bundok Buntis. Walang tumatambang sa Maguindanao.

Sana nga, maging gayon din ang Pilipinas. 'Wag na tayong matakot sa ibang bansa, na lagi nating iniisip ay mas magaling sila kesa sa atin. Tama na 'yung TNT, 'di lamang sa ibang bayan, kun'di pati na rin sa ating sarili.

Tama na 'yung mga pansariling pag-iisip. Sa halip, itaas natin ang ating kamalayan, na ang ating pag-isipan at gawin ay kung paano mapapabuti ang ating bayan.

Ating ideklara sa buong mundo ang kagalingan ng Pilipino at ng Pilipinas.

Na kung matanto natin ang ikabubuti ng bansa, sana'y lahat ay umayon, at gawin ang mga ito nang "walang pag-iimbot at nang buong katapatan."

Nang sa gayon, pagkaraan pa ng 1,887 pang taon, ipinagdiriwang pa rin natin ang ating Kalayaan sa petsang ito.

MABUHAY ANG PILIPINAS!!!!

Tuesday, March 15, 2011

Hoax

Sayang at isa lamang hoax ang nagkalat na text message kahapon na nagsasabing kung uulan ngayon ay magsuot ng kapote, magpayong, o, dili kaya'y manatili na lang sa loob ng isang building. Ang warning ay dahil may sumabog na nuclear plant sa Fukumi, Japan. Delikado raw maulanan, kasi'y maaring kang masunugan ng balat, makalbo, magkaroon ng cancer o kung ano pang sakit, na, marahil, ay sanhi ng radioactive particles na dala ng ulan.

Kung naging totoo sana ito at biglang umulan, maghahanap agad ako ng isang gagamba, magpapaulan, at magpapakagat sa gagamba. Pag nagkagayon, ako'y magiging isa nang Spiderman.

Meron akong kakilalang naniwala. Gayon din ang kanyang nasa-isip. Kaya't dali-dali s'yang naghanap ng gagamba at nagpakagat. Kaso, hindi umulan.

Nayon, isa na s'yang tanga.

Tuesday, February 15, 2011

Beleyted Hapi Balentayms Dey

Natanggap ko kahapon itong text message mula sa isang kaibigan:

"Lord, and asawa ko ang ka-date ko tonite...sana ganon din sa mga kaibigan ko para patas...!"

Natawa ako sa unang pagbasa. Naisip ko tuloy ang mga kakilala kong may mga ka-Valentine's na hindi naman nila asawa.

Pero, napag-isip-isip ko: kung ang ka-date ko sa Valentine's Day ay ang aking Misis, at ang ka-date naman ng aking kaibigan ay 'yung hindi n'ya asawa, tingin ko, mas lamang ako.

Friday, February 4, 2011

Tumatanda Ka Na, Frend

Isang email ang ipinadala sa akin ng aking ka-opisina. Nakakatuwa s'ya, although may parinig.

Sa mga kapwa kong matatanda na magbabasa nito, nawa'y tamaan kayo.

At sa mga nakakabata naman, may araw rin kayo.

Hehehe.

>> Tumatanda ka na, frend.
>>
>> Nasa Friday Magic Madness na
>> 'yung mga paborito mong kanta.
>> Nakaka-relate ka na sa Classic MTV.
>> Lesbiana na yung
>> kinaaaliwan mong child star dati.
>> Nanay o Tatay na lagi
>> ang role ng crush na crush mong
>> matinee idol noon.
>>
>> Dati, 'pag may panot,
>> sisigaw ka agad ng "PENDONG!".
>> Ngayon, 'pag may sumisigaw nu'n,
>> ikaw na 'yung napapraning.
>> Parang botika na ang cabinet mo.
>> May multivitamins, vitamin E,
>> vitamin C, royal jelly,
>> 'tsaka ginko biloba.
>>
>> Dati, laging may inuman.
>> Sa inuman, may lechon, sisig,
>> kaldereta, inihaw na liempo, pusit,
>> at kung anu-ano pa.
>> Ngayon, nagkukumpulan na lang kayo
>> ng mga kasama mo
>> sa Starbucks
>> at o-order ng tea.
>>
>> Wala na ang mga kaibigan mo noon.
>>
>> Ang dating masasayang tawanan
>> ng barkada sa canteen,
>> napalitan na
>> ng walang katapusang pagrereklamo
>> tungkol sa kumpanya ninyo.
>> Wala na ang best friend mo
>> na lagi mong pinupuntahan
>> kapag may problema ka.
>> Ang lagi mo na lang kausap ngayon
>> eh ang ka-opisina mong
>> hindi ka sigurado
>> kung binebenta ka sa iba
>> pag nakatalikod ka.
>>
>> Ang hirap na'ng magtiwala.
>>
>> Mahirap na'ng makahanap
>> ng totoong kaibigan.
>> Hindi mo kayang pagkatiwalaan
>> ang kasama mo araw-araw
>> sa opisina.
>> Kung sabagay,
>> nagkakilala lang kayo
>> dahil gusto ninyong kumita ng pera
>> at umakyat sa
>> tinatawag nilang
>> "corporate ladder".
>> Anumang pagkakaibigang umusbong
>> galing sa pera at ambisyon
>> ay hindi talaga totoong pagkakaibigan.
>> Pera din at ambisyon
>> ang sisira sa inyong dalawa.
>>
>> Pera.
>> Pera na ang nagpapatakbo ng buhay mo.
>>
>> Alipin ka na ng Meralco, PLDT, SkyCable,
>> Globe, Smart, at Sun.
>> Alipin ka ng Midnight Madness.
>> Alipin ka ng tollgate sa expressway.
>> Alipin ka ng credit card mo.
>> Alipin ka ng ATM.
>> Alipin ka ng BIR.
>>
>> Dati-rati masaya ka na
>> sa isang platong instant pancit canton.
>> Ngayon, dapat may kasamang Italian chicken
>> ang fettucine alfredo mo.
>> Masaya ka na noon 'pag
>> nakakapag-ober-da-bakod kayo
>> para makapag-swimming.
>> Ngayon, ayaw mong lumangoy
>> kung hindi Boracay o
>> Puerto Galera ang lugar.
>> Dati, sulit na sulit na sa 'yo
>> ang gin pomelo.
>> Ngayon, pagkatapos ng ilang bote ng red wine,
>> maghahanap ka ng San Mig Light o
>> Vodka Cruiser.
>>
>> Wala ka nang magawa.
>> Sumasabay ang lifestyle mo
>> sa income mo.
>> Nagtataka ka kung bakit
>> hindi ka pa rin nakakaipon
>> kahit tumataas ang sweldo mo.
>> Yung mga bagay na gusto mong bilhin dati,
>> na sinasabi mong hindi mo kailangan,
>> abot-kamay mo na.
>> Pero kahit nasa iyo na
>> ang mga gusto mong bilhin,
>> hindi ka pa rin makuntento.
>>
>> Frend, gumising ka.
>>
>> Hindi ka nabuhay sa mundong ito
>> para maging isa lang
>> sa mga baterya ng mga machines
>> sa Matrix.
>> Hanapin mo ang dahilan
>> kung bakit nilagay ka rito.
>> Kung ang buhay mo ngayon ay
>> uulit-ulit lang
>> hanggang maging singkwenta anyos ka na,
>> magsisisi ka.
>> Lumingon ka kung paano ka nagsimula,
>> isipin ang mga tao
>> at mga bagay
>> na nagpasaya sa yo.
>> Balikan mo sila.
>>
>> Ikaw ang nagbago,
>> hindi ang mundo.