Thursday, June 25, 2009

"Take Up Your Flag...."

NOTE: Medyo huli na itong aking artikulo. Pang-Independence Day sana ito.

Meron akong desk calendar, gawa ng Salesian Mission, na ang nakalagay ay mga paintings ni Joey Velasco.

Si G. Velasco ay isang social-realist artist kung saan inilalarawan n'ya ang mga ordinaryong kaganapan, nguni't sa isang relihiyosong konteksto.

Ang isang paborito ko ay ang kanyang Last Supper kung saan si Kristo ay napapaligiran ng labindalawang gusgusing bata. Sira na ang kanilang hapag, parang orange juice ang kanilang inumin, na nakalagay sa plastic cups. Kahit tinapay ang hinahati ni Kristo, ang mga bata'y kanin pa rin ang kinakain, gamit ang kanilang kamay. May isang pusa pa na nakikisalo sa isang batang sa lapag kumakain, samantalang may isa pang pusa na nakamasid sa kanila, naghihintay marahil ng mga tira. Isang batang lalaki ang may hawak sa kaliwang kamay ang isang maitim na bag, may dalawang pearl necklace ang nakalawit. Hawak naman sa kanan ay pera. Sa kanyang kandungan ay isang platong puno ng pagkain, nguni't tila hindi pa ito nagagalaw. Nanlilisik ang mga mata, nguni't hindi siya nakatingin kay Kristo. Isang katabing batang babae ang nakatingin sa kanya, waring nagtataka kung bakit parang hindi masaya ang batang ito sa selebrasyong nagaganap.

Para sa buwan ng Hunyo ang nakalarawan ay si Kristo na may dala-dalang gula-gulanit na watawat ng Pilipinas. Ang pula'y nasa itaas, nagpapahiwatig ng digmaan. Ang pamagat ng painting ay Take up your Flag and Follow Me. Diretso ang tayo ni Kristo, hindi Siya naka-kuba. Mahigpit ang pagkakahawak sa staff na kinakabitan ng watawat.

Ang sira-sirang bandila raw ay sumisimbolo sa kayrami nang pinagdaan ng bansa, mula pa noong Sigaw ng Pugad Lawin, hanggang sa mga digmaan laban sa mga banyaga, hanggang sa saya ng dalawang People Power. Ang hirap at sakit ng mga Pinoy ay naka-ukit sa mukha ni Kristo, nguni't ang kanyang tuwid na pagkakatayo at mahigpit na hawak ay nagsasabing hindi tayo magagapi. Sigurado raw tayong magwawagi sa laban, nguni't ang ating sigaw ay hindi galit kun'di pagmamahal.

Kay rami pang tatahakin ang ating bansa, nguni't kung sana lahat tayo'y susunod sa pag-ibig ng Diyos, sigurado akong tunay tayong magiging malaya.

Monday, June 22, 2009

Happy Father's Day (?) - Part 2

May isa akong gustong commercial ng LBC - isang delivery service company dito sa 'Pinas, para sa mga mambabasa ko na nasa abroad. (Wala lang, gusto ko lang isipin na global ang naaabot ng aking blog.)

Isang lalaki ang kararating lang sa bahay at pumarada sa kanilang harapan (wala siguro silang garahe). Pagbabang-pagbaba niya isang messenger na naka-motorsiklo ang dumaan at nag-abot sa kanya ng mga bulaklak. Pag-alis ng messenger siya namang pagbukas ng pinto ng bahay at lumabas si Misis.

Misis: Hon! Buti naalala mo!

Mister: (Hindi maipinta ang mukha) Happy ... Anniversary?

Isang madalas gawing biruan 'yung pagkalimot ng lalaki sa birthday ng kanyang asawa o sa kanilang wedding anniversary. Kaya ako, pinili kong petsa ang Mayo uno para sa aming kasal; paano ko malilimutan eh lagi namang piyesta opisyal 'yun, walang pasok, kaya pinagkaka-hintay-hintay ko.

Bakit nga ba nagagalit ang ating mga asawa kung nalilimutan natin ang kanilang kaarawan? Sa sobrang dami nating iniisip, bakit ang paglimot sa isang araw ay pinagmumulan ng ating kagat ng lamok?

Marahil, ang ating paglimot ay nangangahulugang hindi pagbibigay importansya, 'di lamang sa kaarawan ni Misis, nguni't maging sa kanyang pagiging tao. Parang na-bale-wala natin ang tao kung hindi natin naalala ang kanyang kaarawan.

Eh, paano naman ito'ng nakaraang "Happy Father's Day"? Marami-rami rin ang hindi malaman kung kelan talaga ito gaganapin. 'Di kaya isang pahiwatig din ito kung anong importansya ang ibinibigay sa mga Tatay? 'Di tulad ng para sa mga Nanay, isang buwan bago pa man ay nakasulat na sa kalendaryo ang araw ng Mother's Day. Eh, sa aming mga Tatay, hindi masiguro kung kelan. Sa katunayan, may mga bumabati ng wala sa araw. May bumati ng Happy Father's Day noong ika-17 ng Hunyo. Sabagay, oks lang 'yun. Within the vicinity, 'ika nga.

Eniweys, ititigil ko na nga ang pagrereklamo. Sinasabi ko na hindi binibigyan ng importansya ang mga Tatay kasi walang masyadong fanfare ang pag-celebrate ng Father's Day. At sinasabi ko namang masyadong commercialized naman ang Mother's Day dahil sa sobrang ingay na ginagawa upang ipaalala ito. So, ano ba talaga gusto ko?

Hindi ko alam.

Kaya nga tatahimik na ako.

May nagsabi na noong nakaraang Father's Day ay ang Summer Solstice, o ang may pinakamahabang araw (longest day). Marahil, sabi n'ya, dahil sa talino ng Diyos, sinasabi N'ya na ang mga tatay ay may mahalagang papel upang magbigay liwanag sa kanilang pamilya.

At, kanyang dugtong, ang mga ibang araw ng taon ay Mother's Day.

Sa mga tatay, muli ko kayong binabati ng Happy Father's Day!

Tuesday, June 16, 2009

Happy Father's Day (?)

'Di ko alam Happy Father's Day (take note of the placing of the apostrophe) noong nakaraang Linggo. Nakapaglaba pa naman ako; akala ko makakapag-day off ako sa Father's Day. Buti na lang hindi ko schedule mamalantsa, kun'di pati 'yun nagawa ko.

Wala ring nag-text sa akin kaya 'di ko talaga alam. Siguro, wala ring bumati sa mga kaibigan ko kaya wala silang na-i-forward na text message sa akin.

Maging sa SM Bicutan, walang masyadong nakapaskil na Father's Day na pala. Hindi rin ito na-i-announce sa misa sa SM. Baka nalimutan ng pari na Father din siya.

Kaya, 'eto, nagmamaktol na naman ako. Bakit kung sa nanay ay panay ang anunsiyo nila, sa mall, radyo, maging sa simbahan. Ilang linggo pa bago dumating ang araw ng mga Nanay ay pinapaalala na sa atin na bumili ng regalo't bulaklak.

Alam ko na. Siguro kaya ganu'n na lang ang pagpapaalala sa atin ng mga komersyo dahil ang gagastos naman daw ang mga tatay. Kung sa Father's Day nga naman, alangan namang ang tatay pa rin ang gagasta. Eh, malamang-lamang naman, walang pera ang mga ina. Baka malugi pa raw ang mga establisamento sa gagastusin nilang advertisement.

Hindi naman nagkulang ang aking pamilya na batiin ako sa araw na 'yun. Pero, feeling ko kasi, parang kulang sa fanfare. Dahil kaya meron na ibang nakatokang manlibre sa amin ng araw na 'yun? Dahil hindi rin sila nabugbog sa mga paalala na malapit na ang Father's Day? Dahil ang pera nila'y nakalaang bumili ng Mangga comics? O dahil ako 'yun?

Siguro, dito mas nararapat na ang apostrophe ay pagkatapos na "s". Dahil sa mas malamang na hindi mababati ang mga tatay, at least, kung may isang bumati ng Happy Fathers' Day, hagip na kaming lahat.

Eniweys, sa lahat ng mga ama, Happy Fathers' Day!