Tuesday, January 20, 2009

Pit Señor! (Sinulog 2009, Part 3)


Mga alas-dos y media na nang lumabas ako ng Basilica. Dumaan muna ako ng CR. Ang isang kagandahan sa pagiging lalaki hindi mahaba ang pila sa CR. 'Di tulad ng sa babae. Kawawa naman 'yung naiihi na.

Mahal din siguro ako ng Panginoon kasi pagkalabas ko ng Basilica siya namang pag-ulan. Hindi naman buhos. Actually, mahina siya sa ulan, pero malakas naman sa ambon. Ano tawag d'un, "ulbon"? Ang resulta, maluwag na ngayon maglakad sa kalsada. Ang sidewalks naman ang puno. At hindi na rin ako makahinto para tumingin-tingin sa mga paninda; may takip na telon ang mga 'yun para hindi mabasa.

Naisip ko rin ang Grand Parade. Kawawa naman at mababasa sila. Karamihan pa naman mga bata ang kasama.

Naghanap muna ako ng makakainan. Ayaw kong pumasok sa McDonald's o Jollibee; wala akong kasama kaya walang mag-re-reserve ng silya para sa akin. Kaya napadpad ako sa Orange Brutus kung saan wala halos kumakain.

Sa harap ng restoran ay may grupo ng Born Again Christians na ang isa'y may bullhorn na nagsisisigaw. Hindi ko siya maintindihan. Parang sinasabi na "...and God so loved the world that He gave His only Son...!" Ang kaso, ang nasa kabilang kalye, katapat n'ya, ay isang mall na may nakalabas na naglalakihang speakers at nagpapatugtog ng mga himig pang-Sinulog. Ano naman ang laban nila doon? Siguro, galit na galit sila kasi pinagdiriwang ang kapiyestahan ng Sto. Niño. Lalo silang hindi mapapakinggan n'yan.

Pagkalabas ko ng restoran wala na ang grupo. Hindi naman siguro sila pinaalis ng may-ari. Baka nagkusa na lang sila. 'Di ko alam kung saan sila nagpunta.

Naglakad-lakad ako kung saan ang Grand Parade. Ayaw ko sanang manood. Nakapanood na ako, may sampung taon na ang nakakaraan, at na-bore ako. Tutal, wala naman akong gagawin sa bahay kaya nagpunta na rin ako. Ang isa pa, maganda ring topic ito sa aking blog, para naman may maisulat ako. Hindi na lang ako magtatagal. Ang isa pa, baka mahirapan akong umuwi.

Malayo-layo rin ang nilakad ko, kasi sarado ang mga kalye patungong Parade. Nang makita ko na ang ilang naglalakad na effigy alam ko nang tama ang aking pinuntahan.

Sa isang parte ng kalye ang daan ng parada, at sarado rin ang kabila, kaya walang dumadaan na mga sasakyan. Ang mga tao'y nasa island, at d'un ako humanap ng pwesto.

Maganda ang parada ngayon, 'di tulad ng natatandaan ko. Makulay ang mga pananamit ng mga kasama, at nagsasayaw sila sa daan. Medyo swerte din ang napuwestuhan ko. Dinig ko'y meron daw judge doon at kailangan nilang magpalabas. 'Yun nga lang lampas na sila sa akin, kaya 'yung likod na lang nila ang napapanood ko.


May parang muse ang kada kasali, at parang may sarili rin silang paligsahan. Nakita ko ang 3rd at 2nd runner up. Hindi ko masyadong nag-focus sa pagkuha ng litrato sa mga muse; 'pag nagkita ng misis ko ang mga kuhang iyon siguradong away na naman.


May higit isang oras na akong nanonood at ngawit na ang aking mga binti. Sa aking kinatatayuan ay may bleacher na initayo. Ang kaso, maraming nakapwesto na roon. Paano kaya ako makakaupo doon? Kailangan ng timing. Maganda ang pwesto kasi medyo mataas siya't kitang-kita ang mga dumaadaan. Nakaupo ka pa. Meron kayang aalis doon?

Tuloy pa rin ang aking panonood, habang sumusulyap sa bleacher kung may bakante na. Matagal-tagal din at nawalan na ako ng pag-asa, kaya't nanood na lang ako. Nang muling tinignan ko ang bleacher ibang grupo na ng tao ang nakapwesto. Sayang! Isa na sana ako doon.

Tumawid ako ng kalye, dahil maluwang-luwang doon, at makakaupo ako. 'Di nga lang ako makaupo sa bangketa dahil basa. At 'di ko rin magagawang kumuha ng litrato.

Magkano din kaya ang ginastos ng bawa't kasali? Ang iba'y galing pa ng Mindanao. Pero, marami ring sponsored ng mga politiko. Saan naman kaya nanggaling ang panggastos nila?

Maya-maya pa'y nakakita din ako ng bakante sa bleacher. Dali-dali akong tumawid ulit ng kalye, at nakapwesto rin. Haaayyy! Sarap maupo!

Mga hanggang alas-sais ako duon. Nagdidilim na't hindi na maganda mga kuha ko. Kaya nagpasiya na akong umuwi. Baka nga rin ako mahirapang sumakay. At kakain pa ako ng hapunan.

e-2-2-loy

Monday, January 19, 2009

Pit Señor! (Sinulog 2009, Part 2)

Matapos ang ilang blokeng paglalakad, naisip-isip ko na baka hindi papuntang Basilica ang mga sinasabayan ko. Dalawa actually ang pwedeng puntahan ngayon: ang misa sa Basilica at ang Grand Parade. Kaya, sa isang kanto, kinailangan kong gumawa ng desisyon: liliko ba ako sa kanan, kung saan marami ang patungo, o sa kaliwa? Susundan ko ba 'yung maganda't seksing babae o magbabakasakali ako sa kabila? Well, I took the road less traveled. Tutal, magpapakabanal naman ako ngayon, kaya't hinayaan ko na 'yung babae; tumungo ako sa aking kaliwa. 'Di bale, makapal pa naman ang swelas ng aking Reebok. Babalik na lang ako kung mali.

Malayo-layo pa'y alam ko nang tama ang aking direksyon. Natanaw ko na may mga nagbebenta ng lobo. Nandun din, sigurado, ang simbahan.

Nang papalapit na ako nakita kong 'di lang lobo ang ibinebenta. Meron din doong mga sumbrero na may sticker na binili sa National Bookstore na may nakasulat-kamay na "Sinulog 2009", may shades, mga kandila, relo, pamaypay, at DVD na tig-bente pesos lang.

Kay daming tao sa paligid ng simbahan. Sarado ang kalye. Upang maging maayos ang daloy ng mga tao may mga gate na pasukan lamang at meron para labasan lang. Hindi lang malalaki ang mga karatula, color-coded din: green para sa Entrance at yellow para sa Exit. But na lang at hindi si Bayani Fernando ang namamahala ng trapik dito sa simbahan.

Ang mali ko 'di agad ako pumasok sa unang Entrance na aking nakita. 'Dun pa ako sa kabilang gate, kaya dadaanan ko ang isang Exit gate. At dahil nasa Communion Rites na ang kasalukuyang misa marami na ang naglalabasan. 'Di ko naman maintindihan sa mga taong ito. 'Di ba nila alam na ang tapos ng misa ay kung sabihin na ng pari na "The mass has ended. Go in peace.", at sasagot ang mga tao ng "Thanks be to God!"? Dapat nga sana umalis ang mga tao 'pag talagang wala na 'yung pari. Kaso, dahil sa dami ng nagmamano sa pari hindi kaagad siya nakakaalis. Kaya, kahit matapos na lang ang huling kanta bago sana lumabas ang mga tao.

Nagkakasalubong ang mga tao, may papuntang kanan, may pakaliwa, may padiretso, at may nakatayo lang na nagbebenta ng kung ano-ano. Nagkakabuhol-buhol tuloy ang daloy ng mga tao. Punong-puno talaga. Kung hindi lang sana ako magsisimba, nakapag-tsansing na sana ako. Pakiramdam ko tuloy nasa prusisyon ako ng Poong Nazareno.

Hindi sa loob ng Basilica mismo nagmimisa. Sa sobrang dami ng tao sa Pilgrims' Center nila ito ginaganap. Ang Center ay parang isang plaza na may mga bleachers sa magkabilang tabi na nasa 2nd floor. Sa silong ng mga bleachers na ito ay may mga upuan na inilagay para lang sa misa. Sa gitna ay isang malaking espasyo. Naglalagay sila ng mga harang upang daanan ng mga pari, lay ministers, at taga-kolekta ng mga "love offerings". Pagsapit ng komunyon doon pupunta ang mga lay ministers at doon lalapit ang mga tao. Hindi nga naman mahihirapan ang mga lay ministers pumuwesto. Sa dulo ng plaza, kumbaga sa pasimano ng isang mesa, may stage kung saan naroon ang mga pareng nagmimisa.

Makulimlim ang panahon, ngun't paminsan-minsan ay lumalabas ang araw. Buti na lang at may babaeng nakapayong sa aking likod samantalang nakaharap ako sa Silangan.

Cebuano ang misa ng ala-una. Pati ang sermon Cebuano rin. Tingin ko komikero ang bishop. Kasi, habang nagbibigay siya ng sermon, ang mga tao'y tumatawa. Akala siguro ng mga tao sa paligid na mataimtim akong nagdarasal dahil hindi ako nakikitawa.

Sapagka't alas-diyes pa nang ako'y huling kumain kumakalam na ang aking tiyan habang ako'y nasa misa. May isang pamilya na aking katabi na gutom na rin ang isa nilang anak. Kaya't inilabas nila ang baon nilang kanin at sausage, at ipinakain sa bata. Lalo tuloy akong nagutom.

Akala ko hindi mapupuno ang Center. Isipin mo, buhat pa kaninang alas-sais ng umaga ang mga misa. Kada isa't kalahating oras ang schedule. Kasing puno ngayon 'yung mga nagdaang misa. May Red Cross na ngang nakahanda. At marami na ang nanonood ng Grand Parade. Puno pa rin ngayon, at, malamang, mapupuno pa rin ang mga susunod na mga misa. Saan kaya nanggaling ang mga ito? Parang noong una kong punta sa SM Megamall hindi ko naisip na mapupuno iyon. Pero, ngayon, nagsisiksikan na rin ang mga tao doon.

Masaya rin ang parte ng offertory. Pagdating dito, nagtataas ng kamay ang mga tao at kinakaway nila. Parang sa isang rock concert. Wala nga lang silang mga nakasinding lighter. Ang iba'y nagpapalipad ng mga lobo. Meron 'ata silang isinusulat doon, na parang dasal. Kaso, ang iba'y sumabit na sa mga banderitas. Paano kaya 'yun? Hindi nakaabot sa langit ang mga dasal nila? Hindi na 'yun mapapakinggan? Kaya pala may mga lobo sa mga banderitas. Akala ko pa naman galing 'yun sa mga batang nabitawan ang lobo't umiiyak na habang pinagagalitan sila ng kanila ama. Sadya palang pinalipad ang mga iyon. video

Pagdating ng komunyon, marami ring tao ang nakinabang. May mga posteng nagsasaad kung saan pupunta't pipila ang mga tao. May limampung poste na gan'un. Buti na lang ang bawa't isang nagbibigay ng komunyon ay may maraming dala. 'Di tulad sa SM na aking pinupuntahan; madalas nauubusan sila kaya't pagdating ng huli ay hinahati na lang ng lay minister ang mga hostia para makinabang ang lahat ng may gusto. Sabi naman ng pari, buong katawan pa rin ni Kristo ang kanilang natanggap, at hindi 'yung paa lang o kamay.

Hindi agad ako lumabas pagkatapos ng misa. Nagpasalamat muna ako't nagkaroon ako ng pagkakataong magpunta doon sa Basilica upang magmisa. Ang dami ring taong lumalabas. Ang isa pa, gusto ko rin munang mag-CR.


E-2-2-loy

Sunday, January 18, 2009

Pit Señor! (Sinulog 2009, Part 1)

Tanghali na nang nakaalis ako ng bahay. Sa katunayan, may nanananghalian na sa paborito kong turo-turo nang ako'y mapadaan. Medyo pa-easy-easy pa kasi ang aking pagkilos. Nais kong mag-attend sa 11 o-clock mass sa Sto. Niño Basilica. True to form, alas-onse na ako umalis ng bahay.

"All roads lead to Sinulog", 'ika nga. Sa Mactan ako nanggaling, at trapik na papuntang Cebu City. Maraming nag-aabang ng jeep. Parang rush hour sa Pasay Rotunda. Well, hindi naman gan'un kasama. Sa Pasay, ang mga tao'y nasa gitna na ng kalsada. Hindi pa naman umaabot ang mga tao dito; nasa 1/4 pa lang.

Medyo bago pa lang ako sa Cebu, kaya hindi ko alam ang pasikot-sikot at kung anong jeep ang sasakyan. 'Pag ganu'n, ang pinaka-safe gawin ay sumakay ka papuntang "Hi-way", na siyang pinaka-sentro ng mga jeepney. Parang Quiapo o Cubao, kung saan makakakuha ka ng jeepney saan man ang iyong patutunguhan. Hindi nga lang kasing sikip o delikado tulad ng Quiapo o Cubao; dito sa Cebu hindi mo kailangang kapain paminsan-minsan ang iyong wallet para malaman kung nand'yan pa.

Kay raming jeepney ang dumadadaan sa Hi-way. Panay maluluwag. Wala nga lang sumasakay. Siyempre, dahil alam ko namang pare-pareho lang ang aming pupuntahan, 'di rin ako sumakay sa mga jeep na 'yun o nagtanong sa mga driver; baka isipin pa nilang taga-probinsiya ako.

Biglang may isang maluwag na jeepney ang huminto. Kay raming taong nagtakbuhan para makasakay. Sign na ito na dapat masakyan ko ang jeepney na 'yun. Naalala ko tuloy, noong nag-aaral pa ako, na nagtatakbuhan at naghahabulan din kami 'pag nakakita kami ng jeepney na biyaheng UP na nag-ka-cutting trip.

Napuno agad ang jeepney, kaya sabit na lang ako. Naisip ko na okay lang marahil sumabit kasi meron namang konduktor ang jeepney na naka-sabit din. Bawal kasi ang sabit sa Cebu. Siguro, dahil Sinulog, exception ngayon.

Mahaba-haba rin ang aming biyahe, at may mga nadaanan kaming mga naghihintay din ng jeepney. Maraming naghihintay. May mga sumabit pa, kaya nadagdagan kaming mga sabit.

Buti na lang at hindi na ma-trapik, dahil ngawit na ako. Maya-maya pa'y may isang babaeng nagsasalita sa wikang Cebuano. Siyempre, hindi ko siya maintindihan. Pero, kahit paano, na-infer ko na hinihingi na n'ya ang pasahe ng mga hindi pa nagbabayad. Malapit na siguro ang dulo ng biyahe. Kaya, sa isang kamay, binunot ko ang aking coin purse, binuksan ang zipper, at kumuha ng dawalang limang pisong barya. Mahirap ding gawin 'yun, lalo na't matagtag ang biyahe. Pero hindi ako natatakot mahulog, may nakasabit pa naman na humaharang sa likod ko.

Alam ko na ang bababaan ko ngayon, 'di tulad noong nakaraang Linggo na sinubukan ko ring magsimba sa Basilica. 'Yung nakaraan, sa ibang simbahan ako pumasok, sa Metropolitan Cathedral. Kaya pala, pinagtakhan ko, bakit ang luwag-luwag ng simbahan. 'Pag labas ko, noon ko lang nalaman na mali pala ang napasukan ko. Parang mag-a-attend ka ng kasal sa San Agustin Church pero sa Manila Cathedral ka pumasok. Ngayon, alam ko na. 'Ika nga ng mga Pinoy pagkatapos ng EDSA I, "Never again!"

Huminto ang jeep, at may narinig akong pasahero na parang sinasabing pabalik na ng biyahe ang jeep. Nagbabaan ang lahat. Siyempre, ako rin. Pero, hindi ito ang binabaan ko noong isang Linggo. Nabale wala tuloy ang aking knowledge. So, sunod na lang ako sa paglalakad ng mga tao. Tutal, sa Sinulog din ang punta nila.

E-2-2-loy

Saturday, January 10, 2009

Videoke, Part 1

Ang naalaala ko, si Robert del Rosario, Pinoy, ang nag-imbento ng Minus One. 'Yun 'yung amplifier box tulad ng ginagamit ng bulag na gitarista sa Underpass sa Quiapo. Ang Minus One box ay meron lang cassette player.

N'ung una, ang mga cassette tapes ay 'yung tinatawag na minus one, na walang lead voice na kumakanta, kun'di tugtugin lang ang lamang at mga chuwa-riwa-riwa. 'Pag bili mo ng cassette tape may kasama itong maliit na booklet, na, sa aking palagay, ay nilimbag ng mga taong may edad na hindi hihigit sa dalawampu't limang taon. D'yan nakalagay ang lyrics.

Tapos, sumunod na ang multiplex. Ngayon, meron nang lead singer, na halos kaboses ng original. Halimbawa, kung si Tom Jones ang orihinal na kumanta ng isang awit, sa multiplex naman ang kumanta'y si Tom Jonas. Ang musika at ang boses ay naka-record sa magkaibang track, kung kaya, kung ilalagay mo ang balance knob sa extreme right tugtog lang ang iyong maririnig, na parang sa minus one na rin. Kung 'di mo masyadong alam ang kanta, ipihit mo ang balance medyo pagitna para marinig mo 'yung kumakanta, at makasabay ka. At kung ipihit mo ang knob sa extreme left 'yung umaawit lang ang iyong maririnig, at wala 'yung tugtog. Ang tawag naman dito'y Plus One. Kung ika'y musician, p'wede kang tumayong accompaniment.

Ang Karaoke raw ay naimbento ng isang Hapon, si Daisuke Inoue, noon pang 1970's, bago pa ito dumating sa 'Pinas. Matalino lang si del Rosario kasi siya ang nagpa-patent nito, at hindi si Inoue.

Ang Karaoke ay 'yung malalaking makina, may video monitor, may saksakan ng mga mike, may mga dumadagundong na speakers, at may maliit ng butas panghulog ng limang pisong barya.

Ang Karaoke ay sikat na sikat sa Japan, US of A, at iba't ibang sulok ng daigdig. Pero dito sa 'Pinas, iba ang bansag natin dito: Videoke. Kasi nga may video.

Hindi na rin iba sa akin ang concept ng Videoke. Nu'ng bata pa ako, may mga napapanood akong cartoons kung saan may mga kantang tinutugtog, nakasulat ang lyrics sa ibaba, at may bouncing ball upang sundan ang kanta. 'Ika nga, "Just follow the bouncing ball." Tapos, naglabas din ang Disney ng mga sing-a-long video tapes ng kanilang mga kanta. Ito nga lang, si Jiminy Cricket ang nagsasalita at sasabihin sa ating, "Just follow the bouncing Mickey."

Sa Videoke, wala na'ng bouncing. Sa halip, nag-iiba ang kulay ng mga titik upang malaman natin kung anong parte na ng awit ang ating dapat kantahin. May color coding din ito: asul para sa lalaki, pula para sa babae, at berde kung duet. Sabagay, mas maganda nga 'yung nag-iiba ang kulay. Isipin mo kung sina bouncing Mickey at bouncing Minnie ang iyong susundan. Baka pagkatapos ng iyong kanta ay tatango-tango ka na parang dri-ni-dribble ang iyong ulo, kahit na ang kakatapos mo lang kantahi'y My Way.

Tayong mga Pinoy ay mahilig talaga sa musika. Kaya, kahit hindi Pinoy ang nakaimbento ng Karaoke, para na rin sa ating galing ito. At 'di lang 'yung naglalakihang karaoke ang meron tayo. Sa bawa't tahanan, may mga sing-a-long na rin, VCD, WOW, Magic Sing, Wee Sing...este, sa anak ko pala 'yun. Palakasan pa ng power ang kanilang mga amplifier.

Ngayon, kung sana, mahusay rin ang pagkanta ng nakakarami.

Thursday, January 1, 2009

Swerte-Swerte Lang

Isang oras na ang nakakalipas ng unang araw ng 2009. Happy New Year!!!!

Dito kami nag-Bagong Taon sa bahay ng aking biyenan sa Baclaran. Ilang taon na rin akong hindi nakapagdiwang ng bagong taon dito. Kumpara sa mga panahong nandito ako, tahimik ang pagdiriwang ngayon. Hindi, marahil, dahil umulan at nabasa lahat ng paputok ng mga tao, nguni't pati ang pagpapatugtog ng karaoke ay nananahimik na rin. Marahil, ang mga kapitbahay ay nagpunta sa MOA, The Fort, o kaya sa Makati upang makapanood ng fireworks display. Mas mura nga naman 'yun. Isipin n'yo, ang isang Sinturon ni Hudas, umaabot ng two thousand pesoses, at ilang minuto lang 'yun. At ano ang mapapala mo? Well, at least, tanggal ang lahat ng luga mo, kung hindi matanggal lahat ng daliri mo.

Sabi sa d'yaryo, 92% daw ng mga Pinoy ay hopeful sa darating na taong 2009. Sabagay, no where to go but up nga naman ang karamihan sa kanila. Pero, kung umaasa tayo sa magandang bagong taon, bakit marami sa atin ang mga sumusunod sa mga pamahiin upang pumasok ang swerte? Tulad ng pagkakaroon ng iba't ibang hugis bilog na prutas. Ilang nga ba 'yun? Ang tanda ko, tig-anim na piraso, at pitong klase. Meron akong narinig sa TV kanina, labindalawa o labintatlo raw. 'Di ko lang malaman kung piraso 'yun o klase. Kaya naman kay daming namimili ng mga prutas buhat pa kahapon. Hindi ko 'yun nagawa, kasi, kay hirap namang maghanap ng pitong klase ng prutas na kulay bilog: mansanas, orange, dalanghita, chico, bayabas.... Ayan, lima lang ang naisip ko. Pinagtatalunan pa naming mag-ama kung kasama ang kastanyas doon. At, marahil, p'wede na ring isama ang ponkan; tutal, ibang specie naman 'yun sa orange.

N'ung bata ako, marami rin akong mga ginagawa upang maging maswerte ako. Dati, binubuksan ko lahat ng bintana, kabinet, at wallet para pumasok ang swerte. Inihinto ko na 'yun na'ng nabalitaan ko 'yung isang bahay na, sa halip swerte ang pumasok, magnanakaw ang dumating. Ayun, tangay lahat ng damit nila, pati 'yung wallet. Isa pa, sa dami ng nagpapaputok noon, pagkatapos ng putukan, panay usok sa loob ng bahay namin. Hindi lang ang aming ilong ang maitim, pati na rin ang aking mga damit. Tapos, naisip ko rin, kung bukas lahat ng bintana, maaari ring makalabas ang swerte matapos itong pumasok. Paano ang gagawin ko? 'Yung isang bahagi lang ng bahay ang nakabukas, at 'yung kabila ay nakasara, para one way lang ang daloy ng swerte? Alin ang bubuksan ko? 'Yung nakaharap sa North? Sa East? Eh, kung makita ng swerte 'yung nakasarang pinto't bintana, 'di kaya siya lumabas doon sa kanyang pinasukan, na nakabukas? Kay hirap pag-isipan, kaya't minabuti ko na lang na magsara ng mga pinto't bintana.

Dati ri'y tumatalon ako upang tumangkad. At para sigurado, sa tuktok ng double deck ako tumatalon. Kaso, huminto na ako simula ng ako'y mauntog sa kisame.

Dati-rati ri'y lumalabas ako para manood ng mga paputok. Kaso, n'ung minsang nakarinig ako ng sunod-sunod na paputok, na may sequence pa siya ("1-2, 1-2-3, 1-2-3-4, Let's go!"), umayaw na ako. Baril lang ang may kakayahang gumawa noon. At dahil gusto kong malaman kung kelan ako mamamatay, upang makapagsisi, dito na lang ako sa silong ng bahay ng biyenan ko nanonood ng paputok...paputok na ipinalalabas sa TV.

Meron din namang mga taong nagsusuot ng may bilog na damit. 'Yung bilas ko, nagsabit na lang siya ng mga perang papel sa kanyang damit. 'Di lang symbolism ang ginawa n'ya; actual na pera talaga ang nakakabit. Ako, panay bilog din ang aking puting undershirt. Panay kasi ito butas.

Ewan ko, pero, naniniwala pa rin ako na tayo ang gumagawa ng ating swerte. At hindi lamang 'yung iisipin mo lahat ng iyong gusto na parang nasa iyo na (tulad ng isinasaad sa The Secret), nguni't pinagtratrabahuhan din 'yun. At mas lalo nating pinagtratrabahuhan, mas lalo tayong sinuswerte.

Nawa'y maging masagana at pinagpala ang bawa't araw ng inyong taong 2009.