Tuesday, July 1, 2008

Pinoy Sportsmanship

Panalo na naman si Manny Pacquiao! Yehey!

Tulad ng laban n'ya kay Marquez, alam ko na ang resulta habang pinapanood ko ang round 6. Palibhasa, hindi ako nag-subscribe sa Pay Per View, ayaw kong manood sa SM, at wala akong illegal na koneksyon sa Dream Network kaya sa free channel na lang ako nanood, na ipinalabas sa Kapuso Network. Inalam ko lang kung paano natalo si Diaz, kung bumagsak ba siya o inihinto ng duktor ang laban dahil sa sobrang dami ng dugong lumalabas sa kanyang kilay.

Bilib ako kay Pacquiao; mabilis at malakas sumuntok. Sabi nga nila, komportableng-komportable si Manny sa timbang n'yang 'yun.

Pero, mas bumilib ako na'ng manalo na siya. Kung ibang boksingero 'yun, na'ng mapatumba n'ya ang kanyang kalaban at sumenyas ang referee na tapos na ang boksing, magtatatalon 'yun at magwawala sa ring. Pero, iba si Manny. Ang una n'yang ginawa ay nilapitan si Diaz, kinausap, at pinilit itayo. Bago pa siya mag-celebrate sa kanyang natamong panalo, sa ikaapat na korona n'ya, at sa milyong-milyong dolyar na makukuha n'ya, ang una naisip ni Manny ay ang nakalaban n'ya, na ngayo'y nakahiga sa lona.

Siguro, ganyan talaga s'ya. Naalala ko, na'ng nakalaban n'ya si Marquez, hindi pa man sinasabi kung sino ang nanalo, lumapit na si Manny sa kampo ni Marquez. Doon, binati n'ya ang mga kasamahan ni Marquez. Inisip ko, baka pakiramdam ni Manny na talo siya kaya nag-congratulate na agad siya. Pero, mukha talagang mabait si Manny. Kumbaga, trabaho lang, walang personalan.

Tignan mo nga, may balita pang si Manny ang nag-finance kay Morales n'ung ang huli'y dumalaw dito sa 'Pinas.

Pero, tingin ko, hindi lang si Manny ang gan'un. Naalala ko, mga '80's 'yun, ang ating basketball team ay nagpunta sa Europe (Italy 'ata) at sumali sa isang tournament. Ito'y ensayo para sa Asian Basketball Conference. Sina Hector Calma, Samboy Lim, Allan Caidic, at 'yung tatlong naturalized Pinoys (kasama sina Jeff Moore, Dennis Still, at Chip Engelland) ang nasa koponan na 'yun. Wala silang naipanalo sa torneo pero sila ang naging paborito ng mga manonood. Pati na rin ang mga kalaban, gusto sila. Kasi naman, kung ang bola ay nasa panig kung saan nakaupo ang Philippine team, tuwing may dead ball, aabutan ng tuwalya ang mga kalaban upang magpunas ng pawis.

Meron din 'yung nanalo si Ronnie Alcano kay Ralf Soquet sa 2006 World Pool Championship. 'Di ba't nag-cheer pa ang mga Pinoy audience kay Soquet? Kaya nabansagan ang mga Pinoy na classiest audience.

Ganu'n din sana sa ibang larangan ng ating buhay. 'Pag talo, talo. Wala na'ng sisisihin pa. Pero 'pag panalo, 'wag nating kalimutan 'yung mga natalo. At, higit sa lahat, walang dayaan. Napaka-hollow ng panalo kung dadaanin sa daya.

At talo ka, sa mata ng Diyos.

Wednesday, June 25, 2008

What's Happening To Our Country?

Nanood kami kagabi ng "Get Smart". Maluwag sa Premiere, at dahil pareho naman ang bayad ng taas at baba, doon kami naupo.

Sa last full show kami nanood. So, nang ipinakita na si Dolphy, nagsimula na kaming tumayo; kakantahin na ang "Lupang Hinirang" (NOTE: Hindi po siya "Bayang Magiliw".) Ang lahat ay tumayo upang magbigay pugay sa Pambansang Awit.

Sa aming harapan, may isang lalaki ang nakikipag-usap sa kanyang cell phone. Kalagitnaan na ng Awit, tuloy pa rin ang kanyang paggamit ng cell phone. 'Saktong nasa likod n'ya si Misis. Hindi 'ata nakatiis, kinalabit ni Misis 'yung mama, tapos itinuro ang screen. So, napilitang ihinto n'ung mama 'yung kanyang pakikipag-usap.

Na'ng ipinalabas na ang unang pakita, lumabas 'yung mama upang ipagpatuloy ang kanyang pakikipag-usap. Pero, bago s'ya umalis, nilingon muna n'ya si Misis. 'Ika ng aking panganay, "Ang sama ng tingin kay Nanay!"

Bakit nga ganun? Ang mga tao'y tumatayo kapag pinatugtog na ang Pambansang Awit. Pero, ilan ang kumakanta? Ilan ang naglalagay ng kanilang kanang kamay sa ibabaw ng kanilang mga puso? Ilan ang makakakanta ng Awit ng hindi nabubulol o hindi nagkakamali?

Ilan ang tunay na nagbibigay respeto sa ating Pambansang Awit?

Nakakalungkot. Maraming maingay sa Pilipinas, na nagsasabing wala nang pag-asa ang bansa, na lahat ay nagkakanya-kanya, na ang mga Pilipino ang may pinakamasamang ugali sa buong mundo. Kaso, ang mga ito ang hindi nagbibigay respeto sa ating bansa. Ang mga ito ang nabu-bwisit kung bakit isinisingit ang Pambansang Awit bago ipalabas ang last full show.

'Ika nga ni Kristo, paano ka mapagkakatiwalaan sa mga malalaking bagay kung hindi ka mapagkatiwalaan sa mga maliliit? Kung hindi mo ma-respeto ang Pambansang Awit, na hindi lalagpas ng limang minutong patugtugin, paano mo marerespeto ang bansang sumasagisag dito?

At kung hindi mo marerespeto ang bansang Pilipinas, bakit ka pa nandito?

Sunday, June 15, 2008

Hapi Erpats' Dey

Sa mga habulin at pinapantansiya,
mga guwapo at macho,
mga makisig at maginoo,
mga cute,
mga crush ng bayan:

Ito ang inyong PINUNO
na bumabati ng
Happy Fathers' Day!


Bakit nga parang natatabunan lagi ng Happy Mothers' Day ang Happy Fathers' Day? At least, dito sa Pilipinas. Kahit ano'ng gawin ng SM na pasikatin ang Fathers' Day, mas marami pa ring nakukuhang regalo't blow out ang mga ina. Siguro, nag-aalangang manghingi ang mga anak ng pera sa kanilang Tatay para bumili ng necktie o universal remote control. It's the thought that counts naman, 'di ba?

Kawawa nga naman kaming mga Tatay. Napaka-sexist naman kung ang tingin lang sa amin ay taga-bigay ng pera sa mga anak at, lalong-lalo na, sa asawa.

Kelan lang nakapanood ako ng binyagan sa Shrine na malapit sa amin. Bilang huling bahagi ng seremonyas, tinawag sa harap ang mga ama ng mga binibinyagan upang tanggapin ang kandilang sinindihan at ipasa sa kani-kanilang mga asawa, kumpare't kumare. Sinabi ng pari, 'yan daw ay dahil ang mga ama ang magbibigay ng liwanag sa kanilang mga anak.

Ayan, ha? Ang ama ang ilaw ng tahanan, at hindi ang mga ina.

Oops! Sana hindi ito mabasa ng aking asawa; baka awayin n'ya ako.

'Wag na nating pagtalunan pa kung sino ang dapat maging ilaw ng tahanan. Dapat pareho, ang ina at ang ama. 'Di pwede ang ama ay 'di makialam sa pagpapalaki ng mga bata. O solohin ng ina ang responsibilidad na 'yun. Malaki ang epekto kung isa lang ang gumagawa noon.

Saan ko ba nabasa 'yun? May epekto raw ang ama sa sexuality ng kanilang mga anak. Kung ang ama ay malayo sa kanyang pamilya, 'di lamang sa pisikal na distansya nguni't pati na rin sa emosyon, ang anak na babae'y nagiging tibo at ang anak na lalake'y nagiging bading. Kumbaga, pinipilit palitan ng anak na babae ang pagkawala ng kanyang ama, samantalang ayaw ng anak na lalaki na maging katulad n'ya ang kanyang tatay.

Marami na rin akong kilalang bading na galit na galit sa kanilang mga ama. Hindi ko alam kung naging bading sila dahil sa relasyon nila sa kanilang tatay, o ipinanganak na sila ng ganun, o may hindi magandang karanasan sila noong sila'y bata pa. Pero, parang totoo nga na naging ganu'n sila dahil sa kanilang 'di-magandang relasyon sa kanilang mga ama.

Sa aking palagay, ang araw na ito'y hindi lamang upang ipakita natin ang ating pasasalamat sa ating mga ama, kun'di, marahil, upang ipaalala din sa atin, mga tatay, na dapat ay maging karapat-dapat tayong tawaging mga ama.

Kaya sa mga humahabol at nagpapantasya, sa na-guwa-guwapuhan at nama-macho-han, sa nakyu-cute-an at nagkaka-crush sa akin, pasensya kayo 'pagka't ako'y taken na. Humagulgol man kayo d'yan, 'di ko kayo papansinin.

At sa mga umiiling habang binabasa ang huling talata, pagbigyan n'yo na ako. Tutal, araw ko ngayon.

Friday, June 6, 2008

Duet

Kay sarap ng biyahe namin papuntang LAX, galing ng MNL. Business class, umiinom ng red wine, habang nakikikinig kay Frank Sinatra.

Inuulit ko po, hindi ako isang government employee; ako'y isang hamak na empleyado ng isang airline. Ito ay aming benepisyo, ang makarating sa US of A sa halagang Philippine Pesos 890 only. 'Ika nga sa amin, fly free - marry me. Kaso, may asawa na ako, eh. Pero, maraming naghahanap sa amin. =)

Gaya ng sabi ko, pinakikinggan ko ang mga kanta ni Frank, mga awit na pinasikat n'ya mula early 40's hanggang 90's.

Pinakikinggan ko ngayon ang kantang "Something Stupid", na ka-duet n'ya ang kanyang anak na si Nancy. Ito lang 'ata ang kantang nag-number 1 na mag-ama ang kumanta.

Gustong-gusto ko ang blending ng mag-amang ito. Si Nancy ay nag-se-second voice samantalang si Frank ang melody. Tingin ko, kung wala si Nancy, magiging boring ang kantang ito. Sa halip, lalong umangat ang pagkanta ni Frankie.

Gusto ko ang arrangement ng mag-ama, 'di gaya ng mga napapanood ko sa TV t'wing Linggo ng tanghali. Although magagaling ang mga mang-aawit doon, palibhasa mga diva (at divo?) sila, nagkakanya-kanya sa pagkanta. Palakasan ng boses. May biglang tataas ang tono. May isang magpapasikat. Walang blending o arrangement na masasabi. Para silang Baroque music; iba't ibang melody ang maririnig mo ng sabay-sabay.

Mayroon akong mga CD ni Frank, ang "Duets" at "Duets II". May kasama si Frank sa lahat ng kanta doon, at mga sikat na mang-aawit. Kaso, 'di ko gusto ang pagkakagawa. Parang gan'un din, walang blending. Salitan lang sila ng pagkanta, tapos, magsasabay. Pero, 'di talaga magkasabay. May kanya-kanyang bersiyon sa pagkanta.

D'yan ako nabibilib kay Dolphy, sa kanyang pag-awit. Kung solo lang siya, hindi maganda. Pero kung may ka-duet s'ya, nag-se-second voice si Dolphy, umaangat ang kanta, at hindi ang mga kumakanta.

Gan'un din siguro sa mag-asawa, sa trabaho, o sa bansa. Hindi 'yung "nagpapataasan ng ihi". Lahat magaling. Ang tao ang umaangat, hindi 'yung resulta ng trabaho. At dahil may umaangat, may bumababa. May natatapakan. Ang resulta, samaan ng loob. Gantihan. Tirahan.

Tulad sa pamilya, gusto ng lalaki s'ya lang ang pinagsisilbihan, s'ya lang ang gumagawa ng desisyon. Kung ano ang gusto n'ya masusunod.

Sa trabaho naman, gusto ng isa s'ya lang ang nakakaalam ng trabaho. Ibig ng boss sa kanya lahat ng glory kapag may magandang nangyari, at sisi naman sa mga tao n'ya 'pag pumalpak.

Sa bansa, gusto ng lahat ng pulitiko na sila ang maging lider, walang follower. Magpapabango, mag-iingay, babatikusin ang nakaupo. Wala namang nagagawang ikabubuti ng bansa.

Siguro nga, kailangan nating tanggapin na kung minsan second voice tayo, kung minsan solo, at kung minsan panay rest ang ating nota. At kahit Baroque music ang ating tinutugtog, basta't may harmony kay ganda pa ring pakinggan. Isang masterpiece ang kalalabasan.

Kay sarap nitong blue chees na ipinahid sa cracker at itutulak ng red wine habang kumakanta si Frank ng "New York, New York". Parang sa pelikulang "Ratatouille", ipinipikit ko ang aking mata upang lasahan at pakiramdaman ang aking kinakain.

Well, all good things must end, 'ika nga nila. Ubos na ang keso't alak. At si Frank Sinatra'y kumakanta ng "My Way". Panahon na para ilipat ang channel.

Sunday, June 1, 2008

Pambansang Araw ng Watawat

Ika-27 ng Mayo, 2008.  Nakapila ako sa Immigration ng US of A, nagtatangkang mabigyan ng pahintulot na makuha ko ang aking mga checked-in baggages at makasakay ng taksi sa labas.  Ito ang ikatlong pagkakataong makapasok sa bansang ito sa loob ng dalawang buwan.  Inuulit ko, hindi po ako isang government employee; ako po ay isang hamak na empleyado ng isang airline.  Ang naunang dalawang punta ko'y dahil sa trabaho.  Ngayon nama'y dahil sa bakasyon.

Mahaba ang pila ngayon.  Sa paghihintay, lumingon-lingon ako sa paligid-ligid, upang makakita ng kung anu-ano'ng kanais-nais na tanawin.  Napansin ko ang naglalakihang mga watawat (bandera, flag, atb.) ng Amerika na nakasabit.  Dahil malayo pa ako sa Immigration Officer, at na-coach ko na ang aking mga anak kung ano ang sasabihin sa kanya, naisipan kong pag-aralan ang watawat.  Labintatlong stripes meron, na sumasagisag sa labintatlong colonial mentalities, este, colonial states pala.  Limampung estrelya (stars), na sumasagisag sa limampung states ng United of America.  Kay ganda ng pagkakaayos ng mga estrelya: may limang linyang tig-anim na estrelya, at apat na linya na tig-lima.  Kung kaya ang suma-total ay 5 x 6 + 4 x 5 = (using MDAS) 30 + 20 = 50.  Malinis ang pagkaayos, horizontally and diagonally.

Bigla ko tuloy naisip: kaya siguro hindi magiging state ang Pilipinas.  Paano pa maiaayos ang mga estrelya?  Pero, knowing the Pinoys, sigurado ako na i-i-insist ng mga ito na dapat laging may estrelya sa flagpole.  Kun'di naman, may isang malaking estrelya sa ginta ng mga stripes.  Pero meron na ring mga solusyon kung magdadagdag ng estados ang Unidos.  Nandoon na nga sa Wikipedia, eh.

Naisip ko rin: ika-27 ng Mayo, ika-pito ng gabi, nakapila ako.  Ika-28 na ng Mayo sa Pilipinas.  At doon, idineklara ang  Pambansang Araw ng Watawat.  Hinihikayat ang mga tao na i-display ang watawat mula sa araw na ito hanggang sa Araw ng Kalayaan.  

Ang watawat daw natin ay kakaiba, sapagka't maaari itong baligtarin sa panahon ng digmaan.  Litong-lito naman ako kung paano dapat isabit ang watawat sa dingding.  Ang sabi, dapat ang asul ay nasa kaliwa ng tumitingin kung payapa ang panahon, at sa kaliwa ang pula kung panahon naman ng giyera.  Paano kung sa mga malls, na kung saan kinakabit nila sa pintuan na gawa sa salamin?  Sabagay, p'wede rin pala.  Pagpasok ng mga tao, sa kaliwa nila ang kulay asul ng watawat, kaya mapayapa silang papasok sa mall.  Pag labas naman nila, sa kanilang kaliwa ang kulay pula;  mag-gi-giyera sila dahil sa dami ng mga pinamili ni asawa.

Ang kulay bughaw, o blue, ay nagsisimbolo sa kapayapaan, at ang pula ay para sa kabayanihan at katapangan ng mga Pilipino.  Ang turo sa amin noon, ang puti naman ay nagpapahiwatig sa kapurian ng mga Pinoy.  Tunay na puti ito, hindi dirty white.  'Di ko lang alam ang ibig sabihin ng dilaw.

Ang walong rays ng araw ay nagsisimbolo sa walong probinsiyang naghimagsik laban sa mga Kastila noon.  'Di ko memoryado ang mga ito.  Alam mo naman, hanggang pito lang ang natatandaan ng ating utak.  At ang tatlong estrelya ay sumasagisag sa Luzon, Visaya at Mindanao.  Ngayon,  kung ang pangalan mo ay Luzviminda, isang estrelya lang ang para sa'yo.


Ang isa pang simbolo ng ating watawat, na sa aking palagay ay nalilimutan ng marami, ay ang trayanggulo o tatsulok na may pare-parehong sukat ang tabi.  Isa itong isoceles triangle na nangangahulugan ng pagkakapantay-pantay at kapatiran ng mga Pilipino.

Maraming naglabasang usapin kung paano ipapakita ang paggalang natin sa ating watawat.  Ito ay sanhi ng pagkakaroon ng proklamasyon ng Pambansang Araw ng Watawat.  Sa usaping ito, nariyan ang nagsasabing dapat palitan ang watatawat kung ito ay luma't gula-gulanit na.  Meron naman nagsasabi na 'wag gagamitin ang disenyo ng watawat sa damit.  Paano naman kaya kung ikaw ay Olympian o representative sa Miss Universe?

Sapagka't ako'y isang Pinoy, makikisawsaw din ako sa usapang ito.

Sa aking palagay, maipapakita mo ang paggalang sa watawat kung susundin mo ang kahulugan ng bawa't bahagi ng ating watawat:
  • Kung ikaw ay nagnanakaw sa kaban ng mamamayan, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung alam mo na may maling ginagawa ang iyong pinuno sa pamahalaan, at pinapapabayaan mo lang ito't wala kang imik, o kaya, mas masahol pa, ikaw pa ang nangungunang manuhol upang mapagbigyan ang sarili mong interes, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung ikaw ay isang pulis at huhulihin mo ang mga mahihirap nguni't hahayaan mo ang mga mayayaman, o isa kang judge at paparuasahan mo ang isang tao dahil siya ay mahirap, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung ikaw ay isang waiter at mas pinagsisilbihan mo ang isang foreigner kesa sa isang Pinoy dahil mas malaki ang ibinibigay na tip ng una, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung ikaw ay isang Kristiyano at pag-iisipan mo ng masama ang mga Muslim, o isa kang Muslim na pag-iisipan ng masama ang mga Kristiyano, o sinasabi mong lahat ng mga Bisaya ay katulong, lahat ng Bicolana ay pakawala, lahat ng Kapampangan ay may "dugong aso", at iba pang prejudice dahil ang isang tao ay galing sa isang probinsiya, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung ikaw ay isang negosyante na nagpapasweldo sa iyong mga empleyado na hindi sapat ang halaga at hindi ibinibihay ang mga benepisyo, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung ikaw ay isang empleyado na nagnanakaw sa iyong kumpanya, tulad ng pagkakaroon ng mahabang lunch break, pag-uwi ng mga ballpen at papel para sa iyong anak, pag-print ng kanilang assignment, o pagsingil ng taxi fare kahit ikaw ay nag-bus o naglakad lamang, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung ika'y kumakanta ng My Way na napakalakas, at nakakabulahaw ka na sa mga kapitbahay, nguni't lalo mo pang nilalakasan ang volume ng iyong videoke, hindi mo iginagalang ang watawat.
  • Kung itinatapon mo ang iyong basura sa bakuran ng iyong kapitbahay, o sa bakanteng lote  na hindi sa'yo, o sa ilog na puno na ng basura, o sa kalsada, hindi mo iginagalang ang watawat.
Kay rami pang mga bagay-bagay na magpapakitang hindi mo iginagalang ang watawat.  Iniimbitahan ko kayong isulat sa comment ang mga naisip ninyo.

Hindi lang ang pagwagayway ng isang bagong watawat maipapakita na iginagalang natin ito.  Sa halip, kung isasabuhay natin ang mga simbolo't sagisag ng bawa't parte ng watawat, maipapakita natin ang ating paggalang dito.

At kung hindi mo iginagalang ang ating watawat, hinding-hindi ko panghihinayangan kung kaharap mo ang Immigration Officer sa Los Angeles, Sydney, Toronto, o Timbuktu, at ika'y nakapila sa linya ng mga immigrant o citizen.

Sunday, May 18, 2008

Artist

Marahil ang isa sa pinaka-unhealthy food ng mga Pinoy ay ang lechon paksiw. Ginagawa ito mula sa left over na lechon, kasama ang natirang balat (sapagka't makunat ito). Kaya naman ang lechon paksiw ay puno ng cholesterol. Dagdagan mo pa ng sauce nito, na galing sa atay ng baboy, kung kaya't puno rin ito ng uric acid. At dahil masarap ang lechon paksiw, mapapadami ka ng kain ng kanin, carbo naman. Siyempre, hindi mawawala ang malamig na Coke, sugar naman ang pinag-uusapan natin dito. Ok, Coke Zero ang iyong iinumin. Kaso, isipin mo, pag-inom mo ng malamig na softdrink gagawing sebo lahat ng kinain mong mantika.

At hindi pa natin pinag-uusapan kung ang baboy ay double dead na.

Mabuti pa ang tsitsarong bulaklak, merong kasamang tincture of garlic (sukang may bawang) upang labanan ang cholesterol.

Nabili ko lang sa SM ang lechon paksiw na aking inulam kanina. Hindi naman ako marunong magluto, lechon paksiw man o kung ano pang pagkain.

Nu'ng bata pa ako (matagal na'ng panahon ang nakakaraan), may karinderya kami sa Sta. Cruz, Manila. Ang trabaho ko dun, kapag bakasyon, ay ang maging busboy at dishwasher. Sabi ko, at least, 'pag nagpunta ako ng US ofA, may alam na akong trabaho. Araw-araw kong pinanonood ang aking Nanay na magluto, pero hindi ko talaga natutunan ito. Ayaw ko kasi 'yung pa-tantsa-tantsa. Gusto ko, 'yung eksato sa sukat lahat. Parang, pag sinabing add salt to taste, alam ko kung ilang butil ng asin ang ilalagay ko. Eh, pag tinitikman ko naman habang niluluto, hindi ko malasahan. Mainit kasi. At 'pag pinanonood ko si Nigella sa TV, 'pag sinabi n'yang a pinch of salt, eh, parang napakalaki ng kayang kurot.

Dati, nagprito ako ng bangus. Sabi nila, malalaman mo raw kung luto na kapag hindi na maingay ang mantika. Kaso, tuwing didiinan ko 'yung bangus, umiingay 'yung mantika, kaya, akala ko, hindi pa siya luto. Siguro, mga tatlumpong minuto ko niluto 'yung bangus. Kaya siguro siya mapait.

Minsan naman, nag-barbecue ako. Kaso, rare ang kinalabasan. Ok lang kasi, mula noon, hindi na ako nautusang mag-barbecue ulit.

Sabagay, ang Ate ko nga, noong bata pa kami, hindi rin marunong magluto. Ang alam lang n'yang lutuin ay miswa. Biro nga ng aking Tatay, minsang nag-init ang aking Ate ng tubig, nagkatutong pa. Pero, in fairness, marunong na siyang magluto ngayon. At masarap pa.

Pero, ako, hindi talaga matuto-tuto, kahit ano'ng gawin ko. Kumbaga, sa videoke, kahit lasing na ang mga kasama ko, sintunado pa rin ako sa kanila.

Kaya, siguro, naiinggit ako sa mga taong marunong magluto. 'Yung tipong piyanistang nakakatugtog kahit walang piyesa. Oido ang tawag d'un. Parang 'yung daga sa pelikulang Ratatouille. Mga artists ding maituturing sila. Meron mang sinusundang recipe, napapainam pa nila dahil sa pagdagdag o pagpalit ng ilang ingredients.

'Yun din siguro ang dahilang ng aking pananaba. Mahusay kasing magluto ang aking Missis. May oido rin.

Ngayon, kung matututo rin akong mag-init ng tubig na hindi nagkakatutong.

Sunday, May 11, 2008

Happy Mothers' Day

A man was complaining:

"Oh Lord, please have mercy on me, I work so hard. In the meantime, my wife stays at home. I would give anything if you would grant me one wish. Switch me into my wife, she's got it easy at home. I want to teach her a lesson of how tough a man's life is."

As God was listening, He felt sorry for this soul and granted his wish.

The next morning, the man awoke as a "new woman" at dawn. Under no control of his own, he embarks upon his day.

He makes lunch boxes, prepares breakfast, wakes up the kids for school, puts a load of clothes in the washer, takes the meat out of the freezer, and drives the kids to school. On his way back, he stops at the gas station, cashes a check, pays the electricity and phone bills, picks up some clothes from the cleaners, and quickly goes to the market.

It was 1: 00 o'clock already. He made the beds, took the clothes out of the washer and put another load in. He vacuumed the house, made some rice, went to pick up the kids from school, and had an argument with them on the way home.

As soon as he got home he prepared dinner, fed the kids, and washed the dirty dishes. He hung the damp clothes he had washed on the chairs because it was raining outside. Then he ran in and broke up the kids fighting.

He helped the kids with their homework, watched some TV while he ironed some clothes, gave the kids a bath and put them to sleep.

Of course there were some more duties, and somehow he managed to get them done. Finally at 9:00 o'clock he was so tired, he went to bed, and fell asleep.

The next morning he prays to God once again:

"Oh Lord, what was I thinking when I asked you to grant my wish! I can't take it anymore. I beg you please switch me back to myself, please, oh please."

Then he heard God's voice speaking to him, saying:

"Dear son, of course I'll switch you back into yourself. But there's one minor detail. You will have to wait 9 months because last night you got pregnant."

Medyo sexist ang post ko ngayon. At bakit hindi? Ngayon lang ako makakaganti.

Isipin mo, ang salitang "mother" ay synonymous sa mga salitang "home" at "love". Ang "father" naman ay synonymous sa mga salitang "house" at "discipline"; ang huli'y may 'di pa magandang connotation.

'Pag ang mga anak ko'y nagulat, nalungkot, o nagkaroon ng 'di magandang karanasan, ang bukang-bibig nila ay "Nanay ko!" In fairnes, binabanggit din naman ng nila ang aking pangalan, "Tatay ko...may lakad ako!"

Kanina, sa misa, habang pinagdarasal namin ang mga ina, biglang tumulo ang aking mga luha. Well, mababaw lang talaga ako. Pero, bigla kong naisip, ang mga taong ito, tulad ng aking ina't asawa, ay may mga napakahalagang ginampanan sa ating mga buhay. Sabi nga ng pari, sila ang nagturo sa ating tumayo, maglakad, at magdasal. At, sabi din doon, sila na nag-aruga sa atin ng siyam na buwan sa kanilang sinapupunan, nawa'y kupkupin din natin sila't arugain pagdating ng araw.

Sa lahat ng ina, Happy Mothers' Day!

Sunday, May 4, 2008

Cost of Living

Alimasag ang ulam namin ngayong hapunan. Kaya siguro sumakit ang batok ko; hindi dahil sa kakakain ng aligi, nguni't dahil sa taas ng presyo ng bilihin ngayon.

Pitong piraso ang aking binili kanina sa Hypermart, SM Bicutan. P 350 para sa lahat, so, lumalabas na tig-sikwenta kada isa. Kung itatapon ko ang aligi, mga labinlimang piso rin ang aking itinapon. P 25 para sa balat, sapagka't hindi ko rin naman makakain 'yun. (Sabi nga nila, kalahati tapon.) Kung kaya, sampung piso lang ang halaga ng aking nakain. Kasama na 'yan ang laman ng mga galamay, anim na mahahaba at dalawang lapad. Kung 'di ko sinimot 'yun, malamang limang piso lang ang halaga ng aking nakain. Tinipid ko ang mga sipit; ayaw ko namang ubusin lahat sa isang upuan lamang.

Ang aligi raw ng alimasag ay purong cholesterol. 'Di tulad ng taba ng baboy, na gagawin pang cholesterol kaya't may losses pa, ang aligi ay 100%, pure and unadulterated stroke. Anyway, tadtad naman ng bawang ang sukang aking sawsawan. Wala naman si Misis, kaya wala akong hahalikan ngayong gabi.

Gaya ng nasabi ko, mahal na ang bilihin ngayon. Buti sana kung unti-unti ang pagtaas. Kaso, masyadong mabilis. Gaya ng anak ko; nalingat lang ako, ngayo'y halos kasing-tangkad ko na.

Halimbawa na lang 'yung bigas. Noong isang buwan (may apat na linggo ang nakakaraan), P 25 ang isang kilo. Makaraan ng isang linggo, nagkaubusan ng bigas, as in wala ka talagang mabili. Noong isang linggo, P 35 ang bawa't kilo. Kanina, P 45 na. Sa isang linggo kaya, magkano na?

Sabi nga ng nagtatakal ng bigas, ang balita raw ay tataas ang gasolina ng isang piso bawa't linggo. At 'pag tumaas ang gasolina, tataas pa lalo ang bilihin. Ang presyo naman ng gasolinang itinataas nila ay ang nabili na nila may tatlong buwan na ang nakakaraan. Nasa $ 90 siguro bawa't barrel. Tubo na naman sila.

Kahit ang galunggong, na ginamit ni Tita Cory noon sa kanyang pangangampanya laban kay Marcos, ay mahal na rin. Hindi na siya pagkain ng mahihirap. Kung ngayon ginawa ang Snap Election, ano kaya ang gagamiting halimbawa upang ipakita kung paano lalong naghihirap ang mga Pinoy? Presyo ng beer? Kakaaunting nabibili ng perang padala ng mga asawa galing sa abroad? O dami ng mga taong naglilipatan na sa Sun Cellular?

Mahirap na ang buhay ngayon. 'Ika nga ng kaibigan ko, "People are dying to get into the cemeteries because of the high cost of living." Masuwerte pa ang ako't nakakabili pa ako ng alimasag. Anyway, credit card naman 'yun. Bayaran ko na lang ang minimum sa katapusan.

Pero, at least, may credit card ako. At may pambayad ng minimum. Paano kaya 'yung mga iba? 'Yung nakakarami? Kaya, tuloy, ang daming umaalis para kumita ng mas malaki. Tulad ni Madonna Decena.

'Di naman siguro kailangang mamigay ng pera ang gobyerno. 'Wag lang nilang ibulsa ang napakaraming perang galing din sa mga mahihirap. At 'wag namang masyadong kumita ang mga negosyante. Bawasan kasi nila ang kanilang pani-nyiks. Malas sa buhay 'yun.

At ako, magpapakatino na rin ako. 'Di na ako mag-uuwi ng lapis mula sa opisina.

Tuesday, January 29, 2008

Salamat, Salamat

May nabasa akong komiks noong nakaraang Disyembre: Si Dennis the Menace ay naka-panjama, nakaluhod, at nagdarasal. Pinagdarasal n'ya na sana'y makauwi si Santa sa North Pole ng matiwasay.

Hindi naman siguro n'ya hiniling 'yun para sa susunod na taon ay makakarating si Santa sa bahay nila. Tingin ko, pinagdasal n'ya 'yun bilang pasasalamat. Tanging ang paghingi n'ya sa D'yos na maging ligtas ang biyahe ni Santa pauwi ang kanyang paraan upang magpasalamat sa lahat ng mga regalong natanggap n'ya noong Paskong iyon.

Kay gandang halimbawa ng pagkakaroon na tinatawag na "attitude of gratitude."

Naalala ko tuloy 'yung kwentong nabasa ko sa Wakasan noong bata pa ako (sobrang tagal na 'yun). May isang matulunging mama ang naglalakbay kung saan-saan. Sa bawa't taong matulungan n'ya, ang tanging kabayaran sa kanya ay ang kanilang pasasalamat, na kanyang isinusulat sa isang libro. Mahirap lang siya, at ang tanging yaman n'ya ay ang kanyang libro ng mga pasasalamat.

Isang araw, may isang hari ang nakakita sa kanya at gustong bilhin ang kanyang libro. Bibilhin ng hari ang libro sa katumbas na bigat nito sa ginto. Kaya, sa isang weighing scale, ang libro ay nasa isang panig samantalang pinupunan naman ng ginto ang kabilang panig. Nagtaka sila sapagka't kahit na napakarami na ng gintong nailagay, mas mabigat pa rin ang libro. Ibig sabihin lang, tunay na napakahalaga ang pasasalamat.

Ang problema kasi, karamihan sa atin ang laging iniisip ay ang "aking karapatan". 'Yun bang lahat ng natatanggap sa buhay ay isang karapatan, at hindi regalo, kaya't nalilimutan na natin ang magpasalamat.

Mea culpa! Magtatapos na ang ang unang buwan ng taon, hindi pa ako nakakapagpasalamat sa nakaraang taon. Bueno, 'yan ang gagawin ko ngayon:

1. Nagpapasalamat ako sa aking paningin, kahit na ang grado ko ay mahigit 800. Pero, nagpapasalamat din ako sapagka't ang grado ni Misis ay mahigit isang libo; akala n'ya ako'y gwapo kaya niya ako pinakasalan.

2. Nagpapasalamat ako sa aking pandinig, kaya napapakinggan ko si Dr. Harold Sala tuwing 7:30 n.u. at si Francis Kong tuwing 8:30 n.u, parehas sa 98.7 DZFE-FM. Okey lang kung humihina na ang aking pandinig. At least, nakakatulog ako ng mahimbing kahit na kumakanta ang aming kapitbahay ng "My Way".

3. Nagpapasalamat ako sa aking pamilya. 'Ika nga ni Evan Esar (hindi ko siya kilala, pero maganda ang kanyang sinabi), "Compare what you want with what you have, and you'll be unhappy; compare what you deserve with what you have, and you'll be happy." Masasabi kong maligayang-maligaya ako sa pagmamahal na ibinibigay nila sa 'kin.

4. Nagpapasalamat ako sa aking kumpanya. Hindi ako nagrereklamo sa aking sahod, hindi dahil sa ito'y malaki, kun'di dahil meron akong perang pambayad sa aking pinagkakautangan. May natutunan din ako sa isa kong kasamahan. Ang sabi niya, kung makakagawa siya ng isang proyekto kung saan makakapagtipid ang kumpanya na higit sa kanyang sweldo, masasabi n'yang hindi na lugi ang kumpanya sa kanya. Buti na lang at hindi ito naiisip ng may-ari. Kun'di, matagal na siguro akong nasesante.

5. Nagpapasalamat ako sa aking mga kaibigan. Lagi akong masaya kung nakakausap ko sila, personal man o sa pamamagitan ng email o text. Naging malaki ang impluwensiya nila sa akin.

6. Nagpapasalamat ako sa aking mga kaaway. Wala lang, para lang magmukha akong santo dito sa aking blog.

7. Nagpapasalamat ako sa aking mga magulang. Sila ang nagbigay sa aking ng pundasyon upang marating ko ang kinalalagyan ko ngayon. Kun'di sa mga palo't pingot at kurot nila, marahil ako'y isang palaboy ngayon. Sila din ang nagturo sa akin tungkol sa Diyos. Wala rin akong narinig na mura mula sa kanila. Ang pinakamabigat lang na narinig ko mula sa aking Nanay ay ang mga salitang "Anak ka ng tatay mo!" Teka, 'di ba nagkakasundo ang aking mga magulang?

8. Nagpapasalamat ako sa Diyos. Lagi kong iniisip ang mga pangyayari sa aking buhay. Paano kung naging mayaman ako? Paano kung nanatili akong maging guro at hindi pumasok sa PAL? Paano kung naging gwapo ako? Isang maliit na pagkaka-iba lang sa aking buhay at hindi ako magkakaroon ng maganda't mapagmahal na asawa't dalawang naggagandahang anak (kahit 'yung isa ay kamukha ko, maganda pa rin siya). Kaya, naniniwala ako na ang lahat ng nangyari sa akin ay ayon sa plano N'ya. Sobra-sobra na ang naibigay N'ya sa'kin, pero panay kabalastugan pa rin ang aking iginaganti. Tapos, bago ko paandarin ang kotse, magdarasal muna ako na sana'y patnubayan N'ya ang aking biyahe.

Marami pa akong dapat pasalamatan. Pero, parang sa Oscars, kailangang putulin ko ang pasasalamat at marami pang commercial na dapat ipakita.

Anyways, sa lahat-lahat, maraming salamat.