A Philosophical joke:
Socrates, Plato, and Descartes were in a plane. The flight attendant went to them and asked if they want anything to drink.
"I'll have a ginger ale," said Socrates.
"How about you, Mr. Plato," asked the attendant. "Would you want anything?"
"A Diet Coke, please," said Plato.
She then turned to Descartes. "Would you like a drink?"
"I think not," he answered, and disappeared.
Ang lalim, 'no? Dalawang beses ko'ng pinakinggan 'yang joke na 'yan, at dalawang minutong pinag-isipan. Buti na lang, medyo familiar ako sa quotation n'ya.
Cogito ergo sum
Nabanggit ni Descartes ito upang patunayan sa sarili n'ya na siya ay totoo, na s'ya ay nag-e-exist.
Well, tulad n'yang pilosopo lamang ang mag-iisip noon. Kung nakilala ko lang s'ya, siguro naipakita, o naparamdan ko sa kanya na siya nga ay tunay. Isang right hook lang eh sapat na.
Noong bata ako, tinawag din akong pilosopo. Pero, wala naman akong ganoong ka-profound na naisip. Pagalit pa nga ang mga magulang ko kapag sinasabi nilang ako'y isang pilosopo.
Mabalik tayo sa sinabi ni Descartes. Merong mga tao na ang interpretasyon nila ay sila ay nag-iisip, at 'yang pag-iisip na 'yan ang bumubuo ng kanilang pagkatao. Kumbaga, kung sino sila ay dahil sa kanilang pag-iisip.
Paano na 'yung mga hindi nag-iisip?
Kaya, parang hindi ako sang-ayon doon. Ang sa akin, mauuna muna ang aking pagkatao, at doon magmumula ang lahat ng aking pag-iisp, pananalita, paggalaw, atb. Kumbaga, "I am, therefore, I think." Kung ako ay isang likas na masama, karamihan sa aking utak ay puro karumihan. Panay basura. Pero kung ako naman ay mabuti, mabuti rin ang aking maiisip at gagawin.
Siguro, 'yan ang mensahe ng Pasko para sa akin. Ipinanganak si Kristo upang masagip tayo sa kamatayan dahil sa kasalanan. Pero, maliban d'yan, nagpunta si Kristo sa mundo upang ipakita sa atin ang ating tunay na kaanyuhan -- na ginawa tayo kahugis ng Diyos, 'di lamang sa anyong pisikal kun'di sa essence. Dahil kawawa naman Siya kung, literally, kamukha ko Siya.
Higit din sa pagpapakita sa atin kung sino at ano talaga tayo, dahil din kay Kristo, tayo ay may pagkakataong maging anak ng Diyos. Ito, Diyos talaga, at hindi 'yung bossing sa opisina o 'yung kanyang peborit.
Sabi nga Hesus, "Be perfect as your heavenly Father is perfect." Sasabihin ba N'ya 'yun kung hindi natin magagawa?
Kaya hindi ako sang-ayon nang sinabi ni G. Levi Celerio:
At kung, 'yan man ay kasalanan,
Ay sapagka't kami ay tao lamang.
Du'n lang ako hindi bumilib sa kanya.
Dahil nakatakas ako sa aking mga inaanak ngayon, kakaunti lang ang aking nabigyan. At dahil hindi na ako bata, kakaunti lang din ang nakuha kong regalo. Pero, 'yung aginaldong ibinibigay sa akin ng Diyos, na ipinapaalala sa akin tuwing Pasko, ay hindi na ako malulungkot kahit hindi ako binigyan ni Santa Claus ng Wii.
Mula sa aking pamilya, nawa'y magkaroon kayo ng isang Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon.