May nabasa akong komiks noong nakaraang Disyembre: Si Dennis the Menace ay naka-panjama, nakaluhod, at nagdarasal. Pinagdarasal n'ya na sana'y makauwi si Santa sa North Pole ng matiwasay.
Hindi naman siguro n'ya hiniling 'yun para sa susunod na taon ay makakarating si Santa sa bahay nila. Tingin ko, pinagdasal n'ya 'yun bilang pasasalamat. Tanging ang paghingi n'ya sa D'yos na maging ligtas ang biyahe ni Santa pauwi ang kanyang paraan upang magpasalamat sa lahat ng mga regalong natanggap n'ya noong Paskong iyon.
Kay gandang halimbawa ng pagkakaroon na tinatawag na "attitude of gratitude."
Naalala ko tuloy 'yung kwentong nabasa ko sa Wakasan noong bata pa ako (sobrang tagal na 'yun). May isang matulunging mama ang naglalakbay kung saan-saan. Sa bawa't taong matulungan n'ya, ang tanging kabayaran sa kanya ay ang kanilang pasasalamat, na kanyang isinusulat sa isang libro. Mahirap lang siya, at ang tanging yaman n'ya ay ang kanyang libro ng mga pasasalamat.
Isang araw, may isang hari ang nakakita sa kanya at gustong bilhin ang kanyang libro. Bibilhin ng hari ang libro sa katumbas na bigat nito sa ginto. Kaya, sa isang weighing scale, ang libro ay nasa isang panig samantalang pinupunan naman ng ginto ang kabilang panig. Nagtaka sila sapagka't kahit na napakarami na ng gintong nailagay, mas mabigat pa rin ang libro. Ibig sabihin lang, tunay na napakahalaga ang pasasalamat.
Ang problema kasi, karamihan sa atin ang laging iniisip ay ang "aking karapatan". 'Yun bang lahat ng natatanggap sa buhay ay isang karapatan, at hindi regalo, kaya't nalilimutan na natin ang magpasalamat.
Mea culpa! Magtatapos na ang ang unang buwan ng taon, hindi pa ako nakakapagpasalamat sa nakaraang taon. Bueno, 'yan ang gagawin ko ngayon:
1. Nagpapasalamat ako sa aking paningin, kahit na ang grado ko ay mahigit 800. Pero, nagpapasalamat din ako sapagka't ang grado ni Misis ay mahigit isang libo; akala n'ya ako'y gwapo kaya niya ako pinakasalan.
2. Nagpapasalamat ako sa aking pandinig, kaya napapakinggan ko si Dr. Harold Sala tuwing 7:30 n.u. at si Francis Kong tuwing 8:30 n.u, parehas sa 98.7 DZFE-FM. Okey lang kung humihina na ang aking pandinig. At least, nakakatulog ako ng mahimbing kahit na kumakanta ang aming kapitbahay ng "My Way".
3. Nagpapasalamat ako sa aking pamilya. 'Ika nga ni Evan Esar (hindi ko siya kilala, pero maganda ang kanyang sinabi), "Compare what you want with what you have, and you'll be unhappy; compare what you deserve with what you have, and you'll be happy." Masasabi kong maligayang-maligaya ako sa pagmamahal na ibinibigay nila sa 'kin.
4. Nagpapasalamat ako sa aking kumpanya. Hindi ako nagrereklamo sa aking sahod, hindi dahil sa ito'y malaki, kun'di dahil meron akong perang pambayad sa aking pinagkakautangan. May natutunan din ako sa isa kong kasamahan. Ang sabi niya, kung makakagawa siya ng isang proyekto kung saan makakapagtipid ang kumpanya na higit sa kanyang sweldo, masasabi n'yang hindi na lugi ang kumpanya sa kanya. Buti na lang at hindi ito naiisip ng may-ari. Kun'di, matagal na siguro akong nasesante.
5. Nagpapasalamat ako sa aking mga kaibigan. Lagi akong masaya kung nakakausap ko sila, personal man o sa pamamagitan ng email o text. Naging malaki ang impluwensiya nila sa akin.
6. Nagpapasalamat ako sa aking mga kaaway. Wala lang, para lang magmukha akong santo dito sa aking blog.
7. Nagpapasalamat ako sa aking mga magulang. Sila ang nagbigay sa aking ng pundasyon upang marating ko ang kinalalagyan ko ngayon. Kun'di sa mga palo't pingot at kurot nila, marahil ako'y isang palaboy ngayon. Sila din ang nagturo sa akin tungkol sa Diyos. Wala rin akong narinig na mura mula sa kanila. Ang pinakamabigat lang na narinig ko mula sa aking Nanay ay ang mga salitang "Anak ka ng tatay mo!" Teka, 'di ba nagkakasundo ang aking mga magulang?
8. Nagpapasalamat ako sa Diyos. Lagi kong iniisip ang mga pangyayari sa aking buhay. Paano kung naging mayaman ako? Paano kung nanatili akong maging guro at hindi pumasok sa PAL? Paano kung naging gwapo ako? Isang maliit na pagkaka-iba lang sa aking buhay at hindi ako magkakaroon ng maganda't mapagmahal na asawa't dalawang naggagandahang anak (kahit 'yung isa ay kamukha ko, maganda pa rin siya). Kaya, naniniwala ako na ang lahat ng nangyari sa akin ay ayon sa plano N'ya. Sobra-sobra na ang naibigay N'ya sa'kin, pero panay kabalastugan pa rin ang aking iginaganti. Tapos, bago ko paandarin ang kotse, magdarasal muna ako na sana'y patnubayan N'ya ang aking biyahe.
Marami pa akong dapat pasalamatan. Pero, parang sa Oscars, kailangang putulin ko ang pasasalamat at marami pang commercial na dapat ipakita.
Anyways, sa lahat-lahat, maraming salamat.