Cholesterol-filled stories to kill the old self, and, hopefully, give birth to a better one.
Thursday, April 2, 2009
Happy Graduation, Bunso!
Si Bunso naman ang nag-graduate noon ika-27 ng Marso. Sa elementarya naman siya nagtapos. Nag-aral siya sa isang Montessori school, isang paaralang nagsusumikap na maging karapat-dapat na tawaging isang Montessori school. Ang mga estudyante'y hindi binibigyan ng numeric grade, maliban na lang kung lilipat sila ng ibang paaralan. Kung kaya, walang valedictorian sa kanila, o ano mang with honors sa mga nagtapos.
Bilib ako kay Maria Montessori upang makaisip siya ng ganoong programa. Tingin ko isa siyang henyo, kahanay nina Albert Einstein, Johann Sebastian Bach, at Danilo Baltazar.
Isang daang taon na rin ang methodology na ito, pero, sa tingin ko, hindi pa masyadong na-i-implement at nauunawaan ng mga tao, lalo na dito sa 'Pinas. Marami akong nakikitang paaralang may nakalapat na "Montessori" sa kanilang pangalan, pero, sa aking palagay, 'yun ay para lang makasingil ng mas mahal; ang paraan ng pagtuturo ay tulad din ng paraan sa ibang "traditional" o non-Montessori schools. Buti na lang at doon din nagtuturo ang aking asawa kaya't napakaliit lang ng aming ibinayad na matrikula para kay Bunso.
Nagsimula ang seremonyas eksaktong alas-kuwatro ng hapon. Isa-isang pumasok ang mga magsisipagtapos, habang pinapatugtog ang Triumphal March mula sa Aïda. Mabagal ang pagpasok nila kaya't ilang beses ding paikot-ikot na pinatugtog ang martsa.
Dahil walang valedictorian, pawang mga representative lang ng iba't ibang section ang nagpahayag ng kanilang karanasan sa paaralan. Hindi ko alam ang paraan ng pagpili kung sino-sino ang mga magsasalita, ang mamumuno ng pagkanta ng Pambansang Awit, ang mamumuno sa pagdarasal, ang magpapakilala sa pangunahing mananalumpati. Actually, ang iniimbitahan ng paaralan ay hindi isang kilalang politiko, negosyante, artista, o sino pa mang nababasa natin sa dyaryo o napapanood sa TV. Isang dati ring graduate ng paaralan ang iniimbitahang magsalita sa mga magtatapos, isang magtatapos na rin sa High School naman. Kung kaya, mga apat na taon lang ang pagitan ng mga magtatapos sa magbibigay ng speech. Noong una ngang ginawa ng paaralan ito, may walong taon na ang nakakaraan, nagtataka 'yung nagsasalita kung bakit siya ang naimbitahan. Ganoon na raw ba siya katanda? Nguni't, maganda ang mga sinasabi ng mga nagdaang naimbitahan, at ngayon din. Isinasalaysay nila ang kanilang experience sa High School, at paano nila nairaos ito, sa pamamagitan ng pag-apply nila ng kanilang natutunan sa elementarya.
Kaya nga nabilib ako kay Montessori at sa paraan ng kanyang pagtuturo. Sa lahat ng mga sinabi ng mga alumni, hindi lamang naka-"raos" ang mga ito sa High School, nguni't may mga honors din silang nakuha. At hindi dahil maganda ang programa ng nilisan nilang paaralan sa Math, Science, o English, nguni't dahil sa mga bagay-bagay na natutunan nila upang mamuhay sa mundo, gaya ng pagkakaroon ng concentration, pagiging responsable, sanay pakipagsalamuha sa mga taong nakakatanda at nakakabata sa kanila. Maging ang simpleng pagngiti sa mga taong kanilang nakakasalubong ay isang bagay upang sila'y maka-"survive", at mag-excel sa isang environment na hindi nila nakasanayan.
Ang pangarap ni Montessori, na sa pamamagitan ng paraan ng kanyang pagtuturo, malalaman ng mga bata na pare-pareho lang silang lahat, at dahil sa kaalamang ito ay magkakaroon ng world peace.
Nawa, hindi mabigo ang pangarap na ito ni Montessori sa aking anak.
Congrats, anak!
Subscribe to:
Posts (Atom)