Sunday, February 5, 2012

Biyenan

Ang Gospel reading ngayong Linggo ay galing kay San Marco 1:29-39. Doon ikinuwento ng ebanghelista ang tungkol sa biyenan ni San Pedro, may sakit, at pinagaling ni Kristo. Tapos noon ay pinagsilbihan ng biyenan si Pedro at mga kasama.

Na-imagine ko tuloy 'yung nangyari doon.

(Dumating sa bahay nina Pedro at Andres si Hesus, kasama ang magkapatid na Santiago at Juan.)

Pedro: Tuloy po kayo. Napadalaw kayo?

Hesus: Kagagaling lang namin diyan sa simbahan. Tutal, malapit lang naman dito, sinabi ko sa dalawang ito na tumuloy kami sa bahay n'yo.

Pedro: Sige't maupo lang kayo d'yan sa sala, at kukuha ako ng makakakain.

Hesus: 'Wag ka nang mag-abala pa.

Pedro: Hindi naman abala. Tutal, oras na ng meryenda. Nagugutom din ako. Sandali lang at lalabas din agad ako.

(Lumabas si Pedro, pumunta sa kusina. Tinawag ang asawa n'yang si Esther.)

Pedro: Honey, narito ang Maestro, kasama ang mga anak ni Zebedee. Ipaghanda mo kami ng makakain.

Esther: Ikaw ang maghain ng kakainin n'yo. Busy ako. At 'wag mong kalimutang iligpit at hugasan ang inyong pinagkanan.

Pedro: Bakit naman? Nandito si Hesus, malamang pagod 'yun. Saka, gutom na rin ako. Isa pa, hindi ako marunong magluto.

Esther: Problema mo na 'yan. Hindi ako pwede't marami akong ginagawa.

Pedro: Nand'yan ba si Inang? Baka pwede siya ang magluto, 'yung espesyal n'yang tinapay, na hinaluan ng mais at linga. Sabi ko pa naman kay Hesus, 'yung ang speciality n'ya. Tamang-tama, matitikman N'ya ngayon 'yun.

Eshter: Hindi rin pwede si Inang.

Pedro: Bakit, nasaan s'ya?

Esther: Nasa kanyang kwarto, inaapoy ng lagnat. Eto nga't pupunasan ko para bumaba ang lagnat. Kaya wala akong time para ipagluto ko kayo.

Pedro: Patay! Panu 'yan? Sinabi ko pa naman na ikukuha ko sila ng makakain.

Esther: Sorry na lang kayo. Bakit 'di mo na lang sila dalhin sa SM, at kumain kayo sa Jollibee.

Pedro: Hindi pa itinatayo ang SM, 'no? Saka, Sabado ngayon, bawal magtinda ng kahit ano. Kaya, wala rin kaming mabibili.

(Bumalik si Pedro sa sala. Wala si Hesus, lumabas sandali upang maghugas ng kamay.)

Juan: O, asan 'yung ipinagmamalaki mong tinapay ng iyong biyenan?

Pedro: May sakit si Inang, hindi makapagluto.

Juan: Ganun? Gutom na gutom pa naman ako. Ayaw ko naman umuwi sa amin, at sigurado akong pagagalitan ako ni Tatay. Galit pa sa amin ni Santiago 'yun dahil sa basta na lang daw namin iniwan 'yung tinatagpi naming lambat.

Santiago: Oo nga. 'Pag nakita kami noon, siguradong batok ang aming aabutan.

(Siyang pagbalik ni Hesus sa sala, at lumapit sa kanila.)

Hesus: Ano ang pinagkakaguluhan n'yo d'yan?

Juan: 'Yung biyenan ni Ka Pedro, may sakit. Wala tuloy tayong meryenda ngayon.

Hesus: Problema ba 'yun? (Baling kay Pedro.) Gusto mo ba siyang gumaling Ko?

Pedro: Opo...kung gusto N'yo.

Hesus: O baka gusto mo para lang may makain ka.

Pedro: Hindi po. Kasundo ko naman ang biyenan ko.

Hesus: Dalhin mo Ako sa kanya.

At pinagaling nga ni Hesus ang biyenan ni Pedro.

At hindi totoo na kaya itinanggi ni Pedro si Hesus ng tatlong beses noong Huwebes Santo ay dahil sa insidenteng ito.

Naalala ko si Pepe Pimentel, si Tito Pepe, na laging inaalaska ang kanyang biyenan. Pero, sinabi naman n'ya na joke lang 'yun, at nagkakasundo sila.

Ewan kung totoo 'yung napabalitang dinemanda si Tito Pepe ng kanyang biyenan.

Ako. pareho nang yumao ang aking biyenan. Hindi ko naman masasabing maswerte ako. Hindi man ako naging malapit sa biyenan kong lalaki, kahit papano'y naging mabuti naman ang pakikitungo sa akin ng biyenan kong babae.

Sayang nga at hindi ko sila lalong nakilala. Matagal din kaming pamilya na nakituloy sa kanila, pero hindi ko nagawang lumapit sa kanila.

Sayang din at hindi nakilalang mabuti ng aking mga anak ang kanilang lolo, samantalang bumukod na kami ilang taon lang nabiyuda ang kanilang lola, kung kelan pa naman nagsisimulang magka-isip na ang mga bata. Napalapit sana sila sa kanilang lola.

Ang sa akin naman, kung ako ang nasa katayuan ni Pedro, gugustuhin ko rin na mapagaling ni Hesus ang aking biyenan.

Tutal, kung hindi dahil sa kanya, hindi ko mapapangasawa ang kanyang anak.