Saturday, March 31, 2012

In Memoriam

Thursday, March 1, 2012

"Sometimes"

Pinaka-productive ako sa araw bago ako magbakasyon ng matagal. Doon, sulit na sulit ang kumpanya sa akin. Ang dami kong nagagawa: mga reports na ilang linggo nang due, mga projects na biglang nagkakaroon ng mga updates, at kung hindi matatapos, walang pakundangang delegation sa mga kawawang maiiwan.

May nagsabi nga, dapat, araw-araw, isipin natin na bukas ang simula ng mahaba nating bakasyon, para lagi tayong productive.

Bakit nga kaya ako ganoon, na kung kelan aalis saka doon nagiging masipag?

Siguro, ginagawa ko 'yun, para hindi ako tawagan sa aking bakasyon upang tanungin sa mga naiwang trabaho.

O kaya naman para may peace of mind ako dahil walang nakabiting trabaho, parang may closure.

O baka naman nahihiya ako dahil, kay tagal-tagal nang walang nangyayari sa aking trabaho, heto't nakukuha ko pang magbakasyon.

Ang mahirap kasi, naiisip ko ang naiwan at nabiting trabaho, dahil wala akong ginawa.

Para bang isang kaibigan, o magulang, o mahal sa buhay na bigla na lang nawala sa mundong ito, tapos, ni hindi ko man lang nasabi na mahal ko sila.

Naalala ko tuloy 'yung paborito kong kanta ng The Carpenters:

Sometimes,
Not often enough,
We reflect upon the good things,
And those thoughts always center around those we love.
And I think about the people
Who mean so much to me,
And for so many years have made me
So very happy.
And I count the times
I have forgotten to say,
"Thank you,"
And just how much I love them.

'Yun siguro ang pinakamalungkot na mangyayari sa buhay ng isang tao: 'yung hindi man lang n'ya nasabi, o napadama, sa mahal n'ya kung ano ang kanyang sinasaloob.

Tapos, kung malubha na ang minamahal, magdarasal s'ya, "Lord, 'wag Mo muna s'yang kunin."

At kung nakaburol na, lakas ng kanyang hagulgol. Sasabihin n'yang "I love you, Dad!" Sisigaw s'ya ng "Sorry, Mom." Itatanong n'ya kung "Bakit mo ako iniwan, Mahal?"

Samantalang, noong nabubuhay pa ito, halos murahin n'ya.

"Nakakainis na ang matandang 'yan. Sana, kunin na s'ya ni Lord."

"Ano ba naman si Dad, tanong ng tanong sa akin kung kumusta ang araw ko. Wala naman kaming common interest, kaya 'di ko siya masyadong kinakausap."

"Si Mom, mas marunong pa sa akin. Eh, makaluma na ang mga pinagsasabi n'ya. Modern na ngayon. Modern!"

"Masyado akong nasasakal sa asawa ko. Ayaw akong payagang makipag-hapi-hapi sa mga kabarkada ko."

Kung minsan, matagal nating nakakasama ang mga mahal natin, at nagmamahal sa atin. Sampu, dalawampu, limampung taon. Gayon pa man, kung mawala na sila, parang napakabilis ng panahon, at kulang pa ang oras na nakapiling sila. Parang bitin, na, sana, marami pa tayong nagawa para sa kanila.

Nakakalungkot.

May nabasa ako, hindi ko na alam kung saan at kung sino ang sumulat. Pero, ang awtor ay may dalawang tanong:

Ang una'y "Kung alam mong bukas mamamatay ang mahal mo, ano ang gagawin mo ngayon para sa kanya?"

Ang ikalawa'y "Bakit hindi mo pa ito ginagawa?"

Nawa'y hindi mangyari sa atin na tayo'y nagsisisi dahil hindi natin napadama sa ating mga minamahal kung gaano natin sila kamahal, at kung gaano ka-importante sila sa ating buhay.