May carinderia kami sa Zurbaran Market noong bata pa ko, ilang dekada na ang nakakaraan. Kay sasarap ng mga niluluto ng aking Mommy, parang para sa pamilya n'ya ang kanyang niluluto, at hindi basta para sa mga customer.
Ang isa sa mga paborito kong putahe ay 'yung Pork Adobo with Egg, lalo na kung halos lunurin na ng sauce ang aking kanin. Mura lang ang benta namin noon, dalawampiso para sa baboy at singkuwenta sentimos para sa itlog. Yep, pwedeng, umorder ng magkahiwalay. Pero, kahit itlog lang ang iyong hingin, pwedeng-pwede pa ring lunurin ang 'yong kanin ng sauce, meron pang kasamang libreng mainit na sabaw.
Sa paligid ng aming tindahan ay may mga batang nagtitinda ng tiket ng sweepstakes. Hindi pa uso ang lotto noon, at wala pang nakatayong off-fronton ang karera at jai-alai. Kaya't ang mga taong nais yumamang bigla ay bumibili ng mga tiket.
Magkakapatid ang mga batang ito, tatlo sila, edad mga anim hanggang sampung taon. Sa amin sila nanananghalian, kadalasa'y kasama ang kanilang ina. Tuwing ala-una na ng hapon sila kumakain, 'pag madalang nang dumating ang customer. Kaya madalas ay kasabay namin silang mananghalian.
Ang madalas nilang kaini'y 'yung itlog ng adobo, isang kanin (na nagkakahalaga ng beinte-singko sentimos) na binudburan ng sauce at libreng sabaw. Wala pa ngang piso'y makakapag-pananghalian na sila.
Minsan, nakasabay naming kumain 'yung magkakapatid, hindi kasama ang nanay. 'Yun pa rin ang order ng tatlo: tig-isang itlog at kanin. Bigla, sinabi ng aking Nanay sa aming serbidora, "Akin na nga 'yang kapirasong baboy." Isinalin ang baboy sa isang platito at inabot kay Mommy. Akala ko kakainin n'ya, pero, sa halip ay inihain n'ya sa mga bata.
Ewan kung naulit pa ito, baka hindi na. Siguro, sobra siyang naawa sa mga bata, lalo na't wala ang kanilang ina. Pero, sa isang pagkakataon, nakita ko mismo ang isang gawang Kristiyano. Walang fanfare. Hindi nga nakaimik ang mga bata sa ginawa ni Mommy.
Hindi rin naman ginawa ni Mommy ito para maka-score siya ng points sa taas. Basta, bigla na lang, naisip n'yang mamigay. 'Ni hindi s'ya humingi ng bayad, kahit isang tiket man lang ng sweepstakes.
Matagal nang nangyari ito. Hindi man siya naka-score ng malaking points sa itaas, pero nakapagtanim naman siya ng isang magandang halimbawa para sa kanyang anak.
'Di sana malanta.