Sa sobrang trapik ngayong Disyembre, magandang makinig ng audiobook habang nasa daan. May natututunan ka na, hindi pa nasasasayang ang iyong oras. At kapag nag-e-enjoy ka sa iyong pinakikinggan, mas gusto mong ma-trapik ka pa.
Ang aking pinakikinggan ngayon ay ang Jesus of Nazareth ng dating Cardinal Ratzinger, na ngayo'y Pope Benedict XVI. Malalim ang sinasabi, pero ang dami kong natututunan.
Ang isang pinagnilayan ng Papa sa libro ay ang tatlong tukso ng demonyo kay Kristo, matapos na Siya ay mag-fasting sa ilang. Kinuha ng Papa ang version ni San Mateo, pagka't mas logical daw 'yung pagkakasunod-sunod ng mga tukso, mula sa chicken feed hanggang sa heavy.
Bakit nga ba itinuturing na temptations ang mga 'yun? Kung tutuusin, 'yung ikatlong tukso lamang ang talagang may pinagagawa si Satanas na labag sa Sampung Utos: "Lahat ng mga bagay na iyon ay ibibigay ko sa iyo kung magpatirapa ka at sambahin ako."[Mat 4:9] 'Yung iba naman, parang hindi naman mga mabibigat na kasalanan. Kumbaga, 'yung unang dalawa'y parang venial sins lamang kung gagawin ni Kristo: ang gawing tinapay ang bato, at ang magpakahulog sa templo para saluhin Siya ng mga anghel. Matapos N'yang gawin ang mga ito'y maaaring isawsaw lang Niya ang Kanyang daliri sa holy water, mag-sign of the cross, at OK na. Clean slate na muli.
Kaso, ano nga ba ang kasalan kung sakaling gawing tinapay ang bato? Tutal, gutom na Siya. Tapos, talaga namang sasaluhin Siya ng mga anghel kahit hindi Siya magpakahulog [Ps 91:12] Kaya, ano ba ang masama sa mga ito?
Ang sabi ng Papa, kapag ginawa ni Hesus ang mga ito, lalabas na nagiging independent na Siya sa Diyos, hindi na Niya kailangan ang Diyos.
At 'yun ang talagang kasalanan, kaya naging tukso ang mga pinaggagawa ng demonyo.
Naalala ko naman ang isa pang audiobook na matagal ko nang napakinggan. Ito ay 'yung Good News About Sex and Marriage: Answers to Your Honest Questions about Catholic Teaching, ni Christopher West. Hango ito mula sa "Theology of the Body" ni Blessed John Paul II.
Sabi ni West, ang pagtatalik (sex) ng mag-asawa ay ang consummation ng kanilang pagpapakasal sa simbahan. Parang, kung sa simbahan sila'y nag-isang dibdib, sa pagtatalik sila'y naging isang laman [Gen 2:24], 'di lamang dibdib kun'di pati braso, binti, at lahat ng parte ng katawan. Tanungin mo ang mag-asawang nagmamahalan kung hindi nila naramdaman 'yun.
Ngayon, kung ang kasalan sa simbaha'y kasama ang Diyos, eh, 'di, sa pagtatalik kasama rin Siya.
Whoa! Teka, teka, teka. 'Di ba parang bastos 'yun, na kasama pa ang Diyos sa unang gabi ng honeymoon? Ano S'ya, scorer?
Wet a minit, kapeng mainit. Una sa lahat, hindi malisyoso ang Diyos. Tayo lang ang nag-iisip na marumi ang sex.
Ikalawa, ang pakikipagtalik ay isang pakikipagtulungan sa Kanya na makagawa ng isa pang tao. Tayo ay nagiging co-creators N'ya. Kaya banal ang sex.
At ikatlo, Siya naman ang nag-imbento ng sex. Kung hindi ba, disin sana'y ginawa na lang tayong lahat na puro lalaki, o puro babae, o puro balake. Tapos, kung gusto nating gumawa ng baby, para tayong mga amoeba na maghihiwalay na lang basta, at makakabuo na tayo ng isang tao.
Kaya, dapat lang na bigyan natin ng halaga ang pakikipagtalik dahil galing ito sa Diyos.
Ayon kay West, ang paggamit ng contraceptive ay isang pakikipagtalik na ini-itsa-puwera ang Diyos. Para bang sinasabi sa Kanya na, "Wait lang, diyan Ka muna sa labas, samantalang dito kami sa loob."
Ang paggamit ng contraceptive ay isang aksyon na nagiging independent ang isang tao sa Diyos, at gagawin n'ya ang nais n'yang gawin, na hindi kasama ang Panginoon.
In essence, dun ngayon nagkakapareho ang mga tukso ng demonyo kay Kristo at ang paggamit ng contraceptive. Hindi na natin isinasama ang Diyos sa ating balak gawin.
Eh, hindi naman pwede 'yun.
Nang ipinag-utos N'ya na S'ya'y ating mamahalin ng buong puso, isip at kaluluwa [Deut 6:5], ang ibig sabihin ay one hundred percent compliance. Hindi pwedeng 50%, o 80%, o 99.99%. Kaya nga "buo".
At ang utos na ito ay hindi lamang para sa Papa, o mga pari't madre, o mga relihiyoso.
Ito'y para rin sa mga Katoliko, Hudyo, Protestante, Born Again, at marahil, sa mga Muslim. Basta't ang isang tao ay naniniwala sa Old Testament, o sa iisang Diyos at wala nang iba pang diyos, dapat lang sundin natin ang utos na ito.
Dahil, kung hindi, tayo ay nagkasala na, laban sa Unang Utos...
...pumasa man ang RH Bill o hindi.