Sunday, July 28, 2013

God's Answer to Prayers

"...how much more will the Father in heaven give the Holy Spirit to those who ask Him?" - Luke 11:13

Usong-uso ngayon ang Law of Attraction, kung saan sinasabi na isipin mo ang isang bagay, maniwalang iyo na ito, at mapapasaiyo nga ito.

Kaya, kung gusto mong magkaroon ng Chedeng, isipin mo lang 'yung model na gusto mo,  nakaparada na sa iyong garahe (mag-imagine ka rin na may garahe ka kung wala ka pa), at hindi magtatagal ay magkakaroon ka ng pinapangarap mong tsikot.

Idinawit ng mga naniniwala sa law na ito ang Quantum Physics.  Dahil daw sa equation ni Einstein, E=mc2, ang lahat ay enerhiya (ating kaisipan) na maaring maging mass, sa kasong ito, 'yung Chedeng.

Ki-no-quote din ang Bibliya, kung saan sinasabing "ask and you shall receive" (Luke 11:9), na nagkataong kasama din ito sa Bible reading ngayong misa.

Kaya, may tinatawag na prosperity gospel kung saan sinasabi na nasasaad sa Bibliya na gusto talaga ng Diyos na tayo ay yumaman at lumigaya dito sa mundo.

Nagulat lang ako nang aking narining, kung hindi ako nagkakamali, si Pope Benedict XVI, sa kanyang librong Jesus of Nazareth kung saan sinabi n'ya na ang resulta ng pagdarasal ay ang pagbibigay ng Diyos ng Kanyang sarili.  At tanong n'ya, "Ano pa ang mas gagaling pa kesa sa Diyos?"

Wow!  Mabigat 'yun.

Kaso, kailangan ng matinding pananalig para talagang matanggap natin 'yun.

Mas gugustuhin pa ba natin ang tanggapin ang Diyos kesa manalo sa Lotto?

Mas pipiliin pa ba natin ang Holy Spirit kesa sa Chedeng?

Gigising ba tayo ng maaga araw-araw para tanggapin ang Katawan ni Kristo kesa manatiling nakahiga sa kama?

Para magawa natin 'yun, kailangan din ng matinding pagmamahal.

Pakinggan mo na lang ang mga love songs, noon at ngayon.

"Ikaw ay akin, ako ay sa 'yo."

"You are mine."

"Be mine tonight."

At kung ano-ano pang tulad nila.

Kaya, kung talagang mahal natin ang Diyos, napaka-logical lang na hingin natin na Siya'y mapasa-atin.

At hindi N'ya tayo bibiguin.