Sunday, October 11, 2020

Majority Rules?

Kamakailan lang, naglabas ang Pulse Asia na 91% ng mga Pinoy ang nagtitiwala kay Du30 Finger, samantalang 57% lang ang kay Leni. S'yempre, tuwang-tuwa ang mga DDS. Parang ang mataas na approval rating ay katumbas na tama ang ginagawa ng panggulo.  At si Leni?  Sabi ni Kumareng Roque wala naman daw ginawa si VP kun'di mamulitika.

Napa-isip tuloy ako.  Ibig bang sabihin noon, ang pananaw ng nakararami ang s'yang magdidikta kung tama o mali ang isang bagay?  Na ang katotohanan ay depende sa majority?

Naalala ko tuloy 'yung lumang kuwento:

Isang araw, nagkaroon daw ng popularity contest.

'Yung nanalo, isang kriminal, nakalaya.

'Yung natalo, ipinako sa krus.


Friday, October 9, 2020

Top 5 Reasons Bakit Hindi Ako Bobo

Kamakailan lang nalathalang ang mga Pinoy daw ang isa sa may pinakamababang low IQ sa buong South East Asia.

Sa iskor na 86, dinaig tayo ng mga bansang Singapore (108),  Vietnam (94), Malaysia (92), Brunei, Cambodia, Thailand (tig-91), Laos (89), Myanmar at Indonesia (tig-87).  Hindi ko nakita kung ilan ang nakuha ng East Timor, pero hindi nangangahulugang mas mababa ang IQ nila kesa 'Pinas.

Kamakailan lang din lumabas ang balitang 91% ng mga Pinoy ang nagtitiwala pa rin kay Duterte.

Nguni't, mabalik tayo sa usapang-IQ.

S'yempre, 'pag sinabing average, hindi lahat ng tao ay may ganoong iskor. May mga taong may IQ na mas mataas sa 86, at meron namang mas mababa pa roon.

Nasisiguro kong isa na ako sa mga iilang Pinoy na may IQ na mas mataas sa 86.

Bakit, 'ka mo?  Narito ang aking mga dahilan:

  1. Hindi ako nakipagsiksikan sa Manila Bay para tignan 'yung fake white sand.

    Naglaho ang social distancing para lang magisnan ang tinambak na dolomite sa Manila Bay.

    Sabagay, hindi ko rin naman sila masisisi.  Bago nga naman matapos ang taon, malamang inanod na ang mga buhangin.

    Pero, kahit na.  Hindi ko ipagpapalit ang aking kalusugan sa P389.8M.... Teka, ganoon kamahal 'yun?

  2.  Naintindihan ko ang salitang "komunista". 

    Bakit nga ba ang mga pumupuna sa gobyerno ay binabansagang "komunista"?  Tapos, halos halikan naman ang p'wit ng bansang Tsina?  Sino ba ang talagang komunista? Gustong lipulin ang mga komunista (kuno) na mga Pinoy pero hinahayaan namang sakupin ang ating bansa ng komunistang Tsina.

    O baka colonial mentality lang 'yan?  Pera-pera?  Kabobohan?

    Bawal Judgmental!

  3. Wala akong ibinoto sa mga senador na nanalo noong nakaraang eleksyon...

    Sabi ng FB friend kong DDS, napakabobo nating mga Pinoy kasi ang mga ibinoboto natin ay pawang mga corrupt na politiko.

    Sa puntong ito may punto s'ya.

  4. ... at proud akong amining binoto ko si Leni.

    Kasama ka sa statistics kung hindi mo ito na-gets.
At ang number 1 na dahilan kung bakit masasabi kong hindi ako bobo:
  1. Kahit kelan hindi ko pinaniwalaan sina Jay Sonza at Mocha.

Saturday, May 30, 2020

Top Five Wang-Wang Quotes sa Panahon ng ECQ

Ayan, bumalik na naman ang wang-wang mentality.  Kaya naman, naisip kong mangolekta ng mga quotes na nagpapapakita ng sense of entitlement.  Narito ang aking top five:

5. "Sarap ng buhay!"

4.  "Kinumusta rin po natin ang kalagayan ng 322 OFWs natin sa Matabungkay Lian Batangas."

3.  "Bakit bibigyan yung middle [class] eh may trabaho sila?"

2.  "Sabi mo, the law is the law. Well, akin na 'yun."

At ang number 1 wang-wang quote habang nasa-ECQ:

1.  "Happy birthday, General."


Image

Saturday, May 23, 2020

Wang-Wang, Revisited

Ang isang gusto kong ginawa ni Noynoy ay 'yung tanggalin n'ya ang mga wang-wang.  Isipin n'yo nga, isang oras ka nang nasa trapik, tapos makakarinig ka ng wang-wang para ikaw ay tumabi o kaya sila ay maka-counter flow.  Kaya, kahit sino na lang, basta't may malaki't mamahaling kotse, nagkakabit ng wang-wang.

Pero, napansin ko, bago magka-ECQ, parang bumabalik na naman ang mga wang-wang.  

At na-confirm ko na bumalik na nga sila, kahit na may dalawang buwan na akong hindi nag-dra-drive.

Ang wang-wang ay isang simbolo, metaphor, 'ika nga. Isa s'yang sagisag ng kapangyarihan, ng nakaka-angat, ng entitled.

'Pag may wang-wang ka, pwede kang ma-una, walang haharang sa 'yo

'Pag may wang-wang ka, pwede kang lumabag sa batas, walang huhuli sa 'yo.

.'Pag may wang-wang ka, pwede mong gawin ang gusto mo, walang kokontra sa 'yo.

Nakakalungkot.

Sabagay, kahit noon pa man, meron nang wang-wang.

Noong panahon ni Kristo, ang mga Pariseo ay gumagamit na ng mga wang-wang, para ipakita sa madlang people ang kabutihang ginagawa nila.

Buti pa ang mga Pariseong ito, at least, may mabuti silang ginagawa matapos nilang mag-wang-wang.

'Di tulad ngayon,  pagdaan ng wang-wang, panay mabahong usok ang iyong maaamoy.

 

Friday, May 22, 2020

Writing Tip: Give Your Protagonist A Dilemma

Isang writing tip ang nabasa ko: bigyan ang bida ng dilemma.  Pwedeng ang mga choices ay between the lesser of two evils o kaya'y the greater of two goods.  Siyempre, hindi pwedeng ang isa ay evil at ang isa ay good; no contest 'yan.

Kamakailan lang, may isang pangyayari ang nagbigay sa akin ng inspirasyong magsulat.  Dalawang positive values ang naisip kong pagsabungin, at isa lang ang pwedeng piliin ng bida.

Kaso, nag-give up na rin akong isulat ang kwento. Kasi, kahit anong sitwasyon ang isipin ko, kahit paano ko pagbalig-baligtarin ang aking istorya, hindi ko maisip kung paano tatalunin ng gentlemanliness ang integrity.

Friday, March 13, 2020

Panic Buying

Tatlong oras kaming nakapila sa grocery kagabi.  Normal grocery day lang sana namin, pero napasabay kami sa pag-panic buying ng mga tao.  Sa tagal ng aming pagpila, nakipag-panic buying na rin kami.

'Di ko naman gawain ito.  Kahit noong mga coup d'etat kay Tita Cory at 'yung inaasahang The Big One hindi ako nag-panic buying.  Hindi dahil hindi kami nag-panic; wala lang kaming pang-buying.

Nag-decide akong makisali dahil sa dalawang dahilan:

  1. Nagdeklara si Du30 Finger na magkakaroon ng lockdown ang buong Metro Manila; at
  2. Si Du30 Finger.

Sa totoo lang, noong una pa mang naupo si Du30 Finger, ipinagdasal ko na na sana'y maging matagumpay ang kanyang panunungkulan.  Sana, s'ya na ang maging pinakamahusay na naging presidente ng Pilipinas, lalo na sa mga panahon ngayon.

Kaso, parang gusto ko nang sumigaw ng "Eli, Eli, lama sabachthani".

Alam ko namang marami ang naniniwalang si Du30 Finger na ang pinakamagaling na presidente.  Ang gusto ko lang naman, sana totoo ito sa point of view ng 'Pinas at hindi ng Tsina.

Pasado alas-siyete ng gabi ubos na ang mga sardinas.

Bandang alas-nueve, ubos na ang Safeguard.

Malamang, ang alkohol, ubos na noong Lunes pa lang.

Buti't marami ako nito sa bahay,  iba-iba pa ang brand:  Black Label, Chivas, Tanduay....