Friday, August 24, 2007

Lengguwahe

Basahin ang mga sumusunod na mga letra sa Tagalog:

B K W L K M G W.
P R M S Y T W K.
H H H!
T W P.
H H H!
M S Y K N?
T W K P.
H H H!
L L L!
H H H!
T M N.
P R K N T NG!

Nakakatuwa. Sa pamamagitan lang ng mga letra ay nakagawa na ng isang kwento. (Napansin n'yo ba na hindi ko ginamit ang salitang "titik"? Ayaw kong gamitin iyon dahil, bawasan lang ng isang letra, may ibang kahulugan na, na ayaw kong maisip. Ibon siya. Maitim o kulay tsokolate. Kamag-anak ng pato.)

Noong nasa 1st year High School ako, nagkaroon sa paaralan ng extemporaneous speech contest para sa Linggo ng Wika. Palibhasa, bagong salta, akala namin na lahat ng school activities ay kailangang salihan. Dahil ako ang may pinakamakapal na mukha, ako ang isinali ng aming section.

Ito ang topic ng contest: Bakit sinabi ni Rizal na ang Pambansang Wika ay dapat base sa isang katutubong wika, at hindi sa isang wikang banyaga? (Or something like that.)

Ang yabang ng asta ko, pahatak-hatak pa ng aking kwelyo, na parang alam na alam ang paksa. Nakuha ko raw ang atensyon ng mga manonood dahil du'n. Kaso, nang magsalita an ako, para akong isang utot; panay hangin lang ang lumabas, walang laman.

Malay ko ba sa topic! 'Ni hindi ko nga siya naintindihan. Pati 'yung mga sinabi ng iba, hindi ko rin naintindihan. Hindi ko nga maalala na sinabi ni Rizal 'yun. Ang alam ko lang sa kanya, tinapon n'ya ang isang tsinelas matapos mahulog sa ilog 'yung isa. Para raw magamit n'ung makakapulot ng pares. Siguro, narinig ni Gandhi ang kuwentong 'yun kaya ginawa rin n'ya 'yun.

Ang alam ko rin kay Rizal, gumagamit na lang siya ng asin kung maubusan siya ng Colgate. Pero, mga bata, 'wag n'yong gagayahin 'yun. Baka lalong masira ang inyong mga ngipin.

At kung tungkol sa wika, ang alam ko 'yung sa kanta ni Florante:

Si Gat Jose Rizal nuo'y nagwika,
Siya ay nagpangaral sa ating bansa;
Ang hindi raw magmahal sa sariling wika
Ay higit pa ang amoy sa mabahong isda.


Nagdaan ang maraming taon, nalimutan ko ang insidenteng iyon, at ako'y pumasok sa College. Isang subject, Speech, ang aking kinuha. Laking gulat namin nu'ng unang araw ng klase nang sabihin ng titser na ituturo ang kurso sa Filipino. Marami ang biglang tumayo't umalis upang maghanap ng ibang titser. Samantala, abot tenga naman ang ngiti ko.

Sa kursong iyon, nalaman ko na sa mga Eskimo, walang iisang salita ang kahulugan ay "snow". Ito ay dahil sa napakaimportante sa kanila ang yelo. Napag-usapan din mamin na sa ating mga Pilipino ay wala ring isang salita na ang kahulugan ay "rice". Meron tayong "palay", "bigas", "kanin", "lamig", "tutong", "sinangag", "lugaw", "puto", "kunsinta", at iba pa. Sa wikang Inggles, ang mga kahulugan ay "rice", "uncooked rice", "steamed rice", "leftover rice", "burnt rice", "fried rice", "rice porridge", "rice cake", "rice cake", etc.

At bakit hindi? Napakahalaga sa atin ang bigas. Kung sa iba, tinapay ang basic food nila, sa atin naman ay kanin. (NOTE: Sorry sa mga taga-South. Parang kasama ang mais sa kanilang staple food.) Hindi masarap ang ulam kung walang kanin, kahit na ito'y lechon o sugpo. Sa mga naghihikahos naman, kahit asin o toyo ang ulam, basta't may kanin ay makakaraos na sila. Sa katunayan, pansinin mo't halos pareho ang ispeling ng salitang "kanin" at "kain".

Kumbaga, para sa atin, ang kanin ay katumbas ng buhay.

At du'n ko naisip na kailangan ngang ibase sa isang katutubong wika ang pambansang wika. Para maipahayag natin ang ating tunay na damdamin. In English, so that we'll have the exactly right words.

Minsan, may nag-away sa aming opisina. Tatlo lamang kami, isang engineer, isang technician, at ako ang referee. Galit na galit na sinabing paulit-ulit ng isa, "You f@cked me!" Galing ito sa technician; hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral. 'Ni hindi nag-i-Inggles sa opisina. Pero, bilib ako sa kanya. Kahit matindi ang kanyang galit, nakapag-isip-isip pa siya't Ingles ang kanyang ginamit, para, marahil, hindi ganoon kasama ang dating. Pinanood ko lang silang magsigawan. Sa isip-isip ko, hindi ako makikialam hangga't sa wikang Ingles nagmumura 'yung isa. Siguro, kung sinabi n'yang "Pu@!#ng ina mo!" o kaya "Kinan@#t mo ako!",baka hindi ko naawat ang dalawa na mag-abot.

Ngayon, ang tanong, bakit Tagalog? O 'yun ba ang tamang tanong? Marahil, ang dapat na tanong ay, bakit 'di natin palaguin at ipalaganap ang Filipino upang maging tanggap sa lahat? Kasi, dapat, buhay ang isang wika. At magiging buhay lang ito kung madaragdagan ng madaragdagan ng mga salita. D'yan, marahil, papasok ang kahalagahan ng paggamit ng Filipino sa iba't ibang pulo sa bansa, nang sa gayon, madaragdagan ng mga salita mula sa kani-kanilang lengguwahe.

Hindi dapat maging "snob" ang wikang Filipino, na panay malalalim na salitang Tagalog lang ang gamit, tulad ng paggamit ng "salump'wit" sa halip na "silya". O kaya "salungs..." Ay, 'wag na. Naalala ko, pang GP nga pala itong blog ko.

'Ika nga ng lumang tanong: Ano ang kaibahan ng Pilipino sa Tagalog? Sagot: Ang Pilipino ay komiks, ang Tagalog ay klasiks. Siguro nga, nararapat na ang Filipino ay naiintindihan, tinatanggap at ginagamit ng mas nakararami.

Naalala ko na'ng ako'y nagpupunta pa sa aming probinsiya sa Bulacan. Minsan, hindi ko maintindihan ang pag-uusap nila. Pero sigurado akon'ng Tagalog ang kanilang gamit.

Hindi tayo tinuruan ng mga Kastila ng kanilang wika sa takot na magkakaisa tayo't maghimagsik laban sa kanila. Divide and conquer kasi ang ginawa nila sa atin. Sa sobrang galit natin sa kanila, pinatanggal pa natin ang required Spanish subjects sa College.

Sa kabilang banda, tinuruan tayo ng mga Amerikano ng kanilang wika. Ayan, nakuha tuloy nila ang ating puso't diwa. Kaya, heto muli, ibinabalik ang Inggles bilang medium of instruction.

Ano kaya kung lahat ng domestic helper, entertainer, nurse, titser at iba pang OFW ay ituro ang wikang Filipino sa mga taong inaalagaan at nakakasalamuha nila? 'Di kaya masakop ng bansang Pilipinas ang buong mundo? At, ang kagandahan pa ru'n, binabayaran tayo ng dollars upang gawin 'yun.

Marahil nga, kung tayong lahat ay magmamahal sa wikang Filipino tayo'y magkakabuklod-buklod, tulad ng ikinatakot ng mga Espanyol, at ating pangangahalagahan ang ating pagiging Pilipino, tulad ng naging karanasan natin sa mga Amerikano. Hindi na siguro natin ipagmamalaki na tayo lagi ang nasa unahan ng listahan pag ang pinag-uusapan ay ang may pinakamasagwang katangian. At hindi na rin ang Pilipino ang ikatlong karakter sa mga kuwentong patawa.

No comments:

Post a Comment