Cholesterol-filled stories to kill the old self, and, hopefully, give birth to a better one.
Friday, March 27, 2009
Happy Graduation, Panganay!
Tanungin mo ang mag-asawa, na kung saan ang babae'y buntis for the first time, kung ano ang gusto nilang maging anak, ang isasagot nila'y "kahit ano, basta't normal". Masaya na raw sila basta't tama ang bilang ng mga daliri sa kamay at paa, walang diperensya ang bata, at buo ang lahat.
Pero, bakit ganu'n? Pagkalabas ng bata gagawin ng lahat ng magulang para hindi maging normal ang bata. Gusto nila, ang anak nila ang pinakamatalino, ang pinakamagaling. Paglaki't nag-aaral na ang bata, gusto nila valedictorian ang kanilang anak. Sasama pa ang loob ng mga magulang kung nakakuha lang ang bata ng 95 sa card, at sasabihing sa susunod dapat maging 100 na 'yan. Lalo na siguro kung makakuha lang ang bata ng 85, galit na galit na ang magulang, at 'di na nila ito palalaruin. Kung minsan, ganun ang ginagawa ng ilan, kahit na nasa kindergarten pa lang ang bata.
Bago pa man ipinanganak si Panganay, sinabi ko na sa sarili ko na hindi ko ikakabit ang aking self-worth sa ano mang hahantungan ng aking anak. Kung maging valedictorian siya, kanya 'yun, at hindi dahil sa akin. Kung bumagsak siya, hindi ko siya ikahihiya.
Siyempre, naroon pa rin ang mga pangaral at patnubay. Kung bumagsak siya sa klase dahil sa katamaran, magagalit ako. Pero, kung kahit na gaanong sipag ang ginawa niya't sumemplang pa rin siya, hahanap kami ng solusyon. At hindi ko siya pagagalitan.
Nag-graduate ang aking anak sa High School noong ika-21 ng Marso. Sa field ng paaralan nila ito ginanap. Buti na lang at maaga kaming nakarating, mga mahigit isang oras lang ang aming paghihintay. At least, nakapili kami ng mauupuan. Doon sa parteng nakukublihan ng building, kaya't 'di mainit ang aming pwesto.
Medyo nahuli ng halos 15 minuto ang umpisa ng lahat. Marami rin sigurong hindi nakarating agad. Kasi naman, may kung anong okasyon si PGMA sa Luneta at sinarado ang lahat ng daan patungo roon. Kung pupunta ka sa St. Scho, saan ka pa dadaan? Sobrang trapik. Mabuti na rin nga't maaga kaming nagtungo sa paaralan.
May misa muna bago ang talagang seremonyas, at si Msgr. Soc Villegas ang nagmisa. Isang oras din 'yun. Pagkatapos ng misa saka nag-umpisa ang graduation ceremonies.
Mga 300 din silang nagsipagtapos. Pero, ang kagandahan, hindi naman masyadong mahaba ang programa.
Karamihan sa mga mag-aaral ay nakakuha ng Loyalty Award. Sila 'yung mga nag-aral doon sa elementarya at nagtuloy ng hais skul.
Nagkaroon din ng award ang aking biyenan dahil doon siya nagtapos ng hais skul, pati ang aking asawa, at ang aking anak na rin. Tatlong henerasyon 'yun. Kumbaga, parang nagpapasalamat ang paaralan kasi malaki-laki na rin ang kinita nila sa pamilya namin.
Ang isang ikinasiya ng aking asawa ay marami sa mga kabarkada ng aking anak ang nagtapos with distinction. 'Yun ay mga mag-aaral na nakakuha ng honor sa buong apat na taon nila. At least, naging mahusay ang aking anak sa pagpili ng mga kaibigan. Ang mga magulang ng mga ito ay umakyat sa entablado upang sabitan ng medalya ang kanilang mga anak.
Biglang naisip ko: naiinggit ba ako sa mga magulang na ito dahil nakatanggap ang mga anak nila ng medalya samantalang ang anak ko'y "diploma lang"? Oo, aaminin ko na nakaramdam ako ng kaunting inggit. Nguni't, ipinaalala ko sa aking sarili na hindi isang kabiguan ng aking anak, at lalong-lalo na ng aming mag-asawa, kung hindi man siya nagkaroon ng award. Ang mahalaga'y nakapagtapos siya. At ang mas lalong mahalaga'y may natutunan siya sa paaralang iyon, mga aral na magagamit n'ya sa kanyang buhay. Hindi problema sa akin kung nalimutan na n'yang mag-balance ng equation kung natuto naman n'yang maibigang magbasa ng mga akda ni Shakespeare. Wala sa akin kung hindi na niya matandaan ang ibig sabihin ng SOHCAHTOA kung maaalala naman niya ang mga magagandang karanasan n'ya sa paaralang iyon. Ayos lang kung hindi n'ya naintindihan kung bakit negative ang sign ng isang vector na patungong kanan, kung naintindihan naman n'ya kung bakit dapat pangalagaan ang kalikasan.
Sabi ni Msgr. Villegas, hindi St. Scho ang pinakamagaling na paaralan sa Pilipinas, kun'di ang tahanan, at wala sa St. Scho ang pinakamagaling na guro, kun'di ang mga magulang. Graduate na ang anak ko sa High School, papasok na siya sa kolehiyo. Ilang taon na lang din at mag-gra-"graduate" na rin siya sa amin. Sana, sa kinahaba-haba ng panahon na nasa amin siya, tunay na naging mahusay na guro kami, 'di lamang dahil sa magaling kaming magturo, nguni't dahil mahalaga ang aming naituro.
Congrats, anak!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Congratz din po sa inyo Sir B dahil nakapagtapos na kayo ng isang anak sa High School Ü Sana nga po lahat ng magulang ay tulad nyo, very understanding pagdating sa kung anuman ang kakayahan ng kaniyang anak.
ReplyDeleteOf course, congratz din kay Panganay.Ü Welcome to College! Hehehe...