Thursday, October 22, 2009

Ondoy Ng Buhay Ko

'Saktong isang taon ngayon nang ako'y na-exile sa Cebu. Bakit ako napadpad doon? May haka-haka ako, pero, dahil nabalik na ulit ako dito sa Maynila, hindi na mahalaga ang malaman pa kung ano talaga ang naging dahilan, o malaman kung tama ang aking hinala. Ang importante'y kasama ko ulit ang aking pamilya.

Noong ika-1 ng Oktubre ako bumalik sa Maynila, kaya hindi ako nakapag-isang taon sa Cebu. Bago pa man doon, akala ko'y hindi na rin ako magtatagal sa kumpanyang aking pinagtratrabahuhan pagdating ng Oktubre. Naging masalimuot ang buhay ko noon. Sa katunayan, nagkaroon ako ng mataas na high blood. At hindi exaggeration o redundant ang aking kasasabi lamang. Sadyang mataas siya, 150 over 100.

Binigyan ako ng gamot ng aming clinic. Nag-exercise ako, kasabay ni Jackie Lou Blanco. Nag-meditate pa nga ako, pero hindi ako nagsasabi ng "Ohmmmmm". Umiwas na ako sa mga paborito kong tsitsirya, tulad ng Chippy (bakit kaya tinanggal nila 'yung sweet corn flavor?), Big Catch, at salted mani. Hindi na ako kumain ng inihaw na chorizo at CnT Lechon. Gabi-gabi umiinom ako ng red wine, although sobra siya sa nirerekomenda ng duktor na isang baso kada gabi. Mura lang naman ang binibili ko; sa dami ng aking iniinom lumalabas na mas mahal siya ng konti sa Red Horse. Lumagok din ako ng garlic gel, 'yung reduced odor, para hindi ako magka-bad breath. Sabagay, okay lang naman 'yun; wala naman akong hinahalikan sa Cebu.

Suwerte naman dahil mga ilang araw pa bago magtapos ang buwan ng Septyembre may mga himalang nangyari na naging dahilan upang ako'y manatili sa aming kumpanya at mabalik pa sa Maynila.

Matapos kong malaman 'yun, nagpakuha ulit ako ng blood pressure. 120 over 80 na siya. Ang problema, hindi ko tuloy alam kung ano ang nakatulong sa pagbaba nito. Pinagsabay-sabay ko kasi ang mga paraan. 'Pag nagpasukat ulit ako dito at tumaas na naman, hindi ko alam kung ano ang bibigyan ko ng pansin upang bumaba ulit.

Pero, palagay ko, ang pinaka-nakapag-contribute sa aking high blood pressure ay ang tensyon. 'Yung hindi ko alam kung pagdating ng Oktubre ay kailangan kong gumising ng maaga upang pumasok sa trabaho, o 'yung kailangan kong gumising ng maaga upang maghatid ng bata sa paaralan at pagkatapos ay uuwi sa bahay upang matulog ulit.

Sabi ko nga, tapos na 'yun. 'Wag nang pag-aksayahan ng panahon at pag-iisip, kun'di'y baka tumaas pa ang aking presyon ng walang katorya-torya.

Ang naiisip ko lang ngayon ay talagang kung minsa'y may mga unos na dumarating sa ating buhay. At sa mga pagkakataong 'yun, lagi naman tayong may choice, kahit hindi tayo ladies. Madalas nga lang, halos wala kang mapagpilian. Parang choosing the lesser evil, at wala kang makitang lesser.

'Pag ganyan, babaling ka na lang sa mga malalapit sa iyong buhay, mga kaibigan at pamilya. Pero, kung minsan, iniiwan ka rin ng iyong mga kaibigan. At wala rin namang magawa ang iyong pamilya. Kaya, sino na lang ang iyong pupuntahan?

Marahil, may mga nagbabasa ngayon na magsasabing napaka-preachy ko naman, o kaya'y duwag at hindi lumaban. At may magsasabing isa ako sa mga nagpapatotoo sa sinabi ni Karl Marx na ang relihiyon ay opyo ng masa.

Hindi ko naman sinasabing napakasanto ko. Sa katunayan, kung malakas ang aking faith, tataas ba ang aking presyon? Hindi siguro. Basta, ang ginawa ko lang ay ang pasalamatan Siya, gabi-gabi, para sa lahat ng tao: ang aking pamilya, ang aking kasalukuyang staff sa Cebu, at pati mga dati ko sa Maynila (na s'yang mga staff ko ulit ngayon), ang aking mga bossing, at kung sino mang may-galit sa akin. Na'ng sa ganoon, mawala ang galit sa aking loobin.

Kung hindi baka umabot pa ng 200 over 150 ang high blood pressure ko.

1 comment: