Kamakailan lang, tumawag ang aking tiyahin dahil hindi n'ya masagot ang homework ng kanyang apo. Lumalabas na ang tanong ay isang Math word problem na kailangang ng Algebraic expression. 'Yung let x equals, at solve for x. Tinanong ko kung anong grade na ng aking pamangkin. Grade 4 pa lang daw.
Waaaattttt!!!! Greyd por? 'Yun na ang assignment nila?
Hindi ako kumuha ng Child Psychology o may credits sa Teaching, pero, sa aking experience, kailangan ng maturity ng isang tao upang mas maintindihan n'ya ang mga konsepto sa Math.
At hindi isolated case ang aking pamangkin. Marami pa, sa pag-aakala ng mga guro na makaka-advance ang kanilang mga estudyante kung bibigyan nila ng mga lesson na maraming grade ang angat sa kanila.
Tama ba naman 'yun?
Trained Teachers
'Ika ng ilang guro, trained daw sila, at hindi nila sasadyaing pahirapan ang mga bata.Sabihin nila kaya 'yan sa mga guro ng aking anak, na magpapadala ng clay sa araw ng Huwebes, at sasabihin sa kanila ng guro sa araw ng Martes.
O sa titser ng aking pamangkin na nabanggit ko kanina.
Kung minsan kasi, ang mga guro'y nagbibigay ng mga mahahaba't mahihirap na mga gawaing-bahay kung Biyernes. Ang dahilan, may mas maraming oras ang bata upang gawin 'yun.
Kaso, in the end, ang mga magulang na ang gumagawa ng mga homework na 'to. Kung minsan kasi, sobra na s'yang hirap na hindi na kayang gawin ng bata mag-isa.
Dapat Nga Bang May Homework?
Ayon kay TDC spokesperson Emmalyn Policarpio, ang homework ay kinakailangan upang hindi malimutan ang lesson.Ewan ko kung bakit n'ya nasabi 'yun. Meron kaya s'yang pagsusuring ginawa? Kasi, noong nag-aaral ako, hindi homework ang nakatulong sa akin, kun'di practice. Pinagtiyagaan kong sagutin ang mga tanong sa libro kahit hindi ito naka-assign sa amin. Nagkataon lang na marami akong oras ng mga panahong iyon.
Sa ngayon nga, kay dali-dali nang gumawa ng homework. Punta ka lang sa Google, ilagay ang ilang key words, tapos, cut and paste na lang.
Matututo ba ang mga bata ng ganoon? Mapipigilan ba ng titser 'yun?
Ang kaso, paano kung walang access ang bata sa Internet? Paano kung walang librong mababasa? Paano kung hindi naintindihan ng estudyante ang lesson? Paano kung ang mga magulang nila'y hindi alam kung paano tutulungan ang kanilang anak sa kanilang homework? May saysay pa ba ang pagbibigay ng homework kung nagkaganito?
Sa aking palagay, kung mahuhusay magturo ang mga titser, kung mailalahad nila ang mga lesson na very interesting para sa mga bata, kung maipapakita nila ang kahalagahan ng bawa't lesson sa buhay ng mga estudyante, madali nang maaalala ng mga mag-aaral ang mga itinuro nila.
Kung magkagayon, baka hindi na nila kailangang pang magbigay ng homework.