Isang announcement ng DepEd kamakailanman, at naging kontrobersiyal, ay ang pagbabawal ng pagbibigay ng homework sa mga estudyante kapag Biyernes. Ito raw ay para magkaroon ng bonding sa pagitan ng mga bata't kanilang mga magulang.
Para sa akin, laudible ang patakarang ito. Sa katunayan, noong ako'y nagtuturo ng Grade 7, ang rule ko ay "No assignment on a Friday, no exam on a Monday."
Hindi ko ito ginawa para magkaroon ng bonding ang mga bata't magulang. Sa katunayan, kung gustong may bonding sa bahay, ang paggawa ng assignments ay isang epektibong paraan.
'Yan ang aking experience. Gabi-gabi'y tinutulungan ko ang aking anak sa kanyang assignment. Wala siyang tutor dahil, una, hindi ko kayang magbayad, at, ikalawa, ayaw din ni Anak.
Sa pagtulong ko sa aking anak, marami rin akong natututunan, hindi tungkol sa kanyang mga lessons, kun'di tungkol sa kanya at sa aking sarili na rin.
Napansin kong honest s'ya; gusto n'yang ang mga sagot n'ya'y "in her own words." Kahit hindi s'ya mahusay mag-drawing, pinag-aaralan n'ya ito, at masasabi kong napakalaki na ng kanyang improvement dito. Mas may confidence s'ya sa Math, resulta marahil sa pagpasok n'ya ng ilang taon sa Kumon.
Ang sa akin naman, napansin kong kahit ganito na ako katanda, madali pa ring mag-init ang aking ulo; mabilis pa rin akong mawalan ng pasens'ya. Saka, feeling ko, makakagawa ako ng magandang textbook. Kung ang mga librong ginagamit ni Anak na may mga mali, o hindi malinaw, o halos imposibleng sagutin ang mga tanong, ay lumulusot sa isang pribadong paaralan, kaya ko ring gumawa ng ganoon. Siyempre, wala nang mali, maliwanag ang mga eksplanasyon, at kayang sagutin ng mga bata...pati na rin ng mga magulang.
Hindi nangangailangang magpunta ang pamilya sa mall upang makapag-bonding. Hindi kailangang gumastos upang maging close sa isa't isa ang pamilya. Ang kailangan lang ay ang simpleng pagsasama, pagtulungan ang isang gawaing-bahay, at siguraduhing ina-acknowledge ang presensiya ng bawa't isa.
Ang importante lamang ay ang magkaroon ng oras sa bawa't miyembro ng pamilya.
No comments:
Post a Comment