Saturday, December 25, 2010

Paskong Pangaral ng Pelikulang "Babe"

Isang paborito kong pelikula ay ang "Babe", tungkol sa isang biik na umarteng aso. Nominated s'ya sa Oscars bilang Best Picture noong taong 1995. Hindi nakakawasang panoorin; nakakapagpatulo pa rin sa akin ng luha kahit maka-ilang beses ko na s'yang napanood.

Bakit ko ba nabanggit ang pelikulang ito? Naalala ko lang kasi ito dahil sa homily ng pari kanina sa misang pinuntahan namin. Naalala ko 'yung dalawang eksena sa pelikula.

Stupid flock


Ang una'y nang ikinuwento ni Fly, 'yung babaeng aso, kay Babe tungkol sa pagkabingi ng asawa n'yang si Rex, isang sheepdog na malaki sana ang pag-asang maging national champion.

Kuwento ni Fly, isang gabi'y may dumating na malakas na ulan, na s'yang ikinataas ng tubig sa lugar nila. Si Rex at ang kanyang amo'y sinagip ang karamihan sa mga tupa, nguni't may mga naiwan. Binalikan ni Rex ang mga ito.

Pinilit ni Rex na iahon ang mga tupa, iakyat sa mataas na lugar. Tinahulan n'ya ng tinahulan ang mga ito upang sumunod sa kanya. Sa kasamaang palad, hindi s'ya pinakinggan ng mga naiwan at ang mga ito'y nalunod at namatay.

Paki-usap ni Maa


Ang ikalawang eksena nama'y nang si Babe ay nagtangkang maging "sheepdog", at ipastol ang mga tupa.

Noong una'y pinagtatawanan lang ng mga tupa si Babe, pero, naki-usap ang biik sa parang lider ng mga tupa, si Maa, na sana'y sumunod sa kanyang pagpapastol. Kinausap ni Maa ang ibang mga tupa, at sumunod ang mga ito kay Babe.

Parang may-aral ang mga ito


Ang naisip ko agad ay parang ang tao ay tulad ng mga tupang iyon. Una, kahit na para sa ating kapakanan, ayaw nating makinig. Ikaliligtas na natin sa ating kamatayan pero kay tigas pa rin ng ating mga ulo't hindi tayo sumusunod. Lalo na nga't ang nagsasabi ay hindi "katulad natin".

Pero, ang ikalawa, kung ang magsasabi naman sa ati'y isang kaibigan, katoto, o kakampi, tiwalang-tiwala tayo sa kan'ya.

Eh, kung ikaw kaya ang maging tupa?


Kunwari, gusto ng magsasaka na kung maulit ang baha, ang pag-aari n'yang mga tupa ay makakapag-isip at makakatakas.

Biglaan, kinausap s'ya ng Diyos.

"Kung gusto mo talagang silang tulungan, kailangang maging tulad ka nila upang sila'y makinig sa 'yo.

"Ipapanganak ka na bilang tupa, lalaki at tatanda. Matututunan mo ang kanilang mga ugali, ang kanilang pananalita, at paraan ng kanilang pag-iisip. Tapos, kakausapin mo sila upang huwag silang manatili sa mababang lugar kapag tumaas ang tubig. Sasabihan mo silang maliligtas sila kung pakikinggan nila ikaw. At ang sinumang makinig sa'yo ay mabubuhay."

"Sige, game ako d'yan!" sagot ng may-ari.

"Pero, may isang problema," wika ng Diyos.

"Ano po 'yun?"

"Mananatili ang iyong kamalayan bilang tao kahit na ang iyong anyo ay tupa."

"Ano po ang ibig N'yong sabihin?"

"Na sa magiging buong buhay mo bilang tupa, alam mo na ikaw ay tao talaga. Ang isip mo'y tulad ng tao, pero ang kilos mo ay tupa. At makakasalamuha mo ang mga kapwa mo tupa, samantalang ang mga tao'y tratratuhin kang isa ring tupa."

"Makikinig po ba ang mga tupa sa akin?" tanong ng may-ari.

"Nasasa-iyo na 'yan. Kaya ka magiging tupa ay upang makumbinsi mo sila na maaari silang makaligtas."

"Magiging tao po ba muli ako?"

"Oo, pero, bago noon, ikaw muna ay pipiliin mula sa ilang daang tupa, kakatayin, at iaalay bilang isang sakripisyo."

"Masakit po ba ang aking kamatayan?"

"Malungkot dahil nag-iisa ka lamang sa altar, at iiwan ka ng mga kaibigan mong tupa. Masakit dahil dahan-dahan ang iyong pagkamatay. At pagkatapos noo'y maaaring malimutan ka na."

Kung ikaw kaya 'yung magsasaka, papayag ka sa ganitong arrangement?

Siguro, kung talagang mahal na mahal mo ang iyong mga tupa, papayag ka. Isipin mo, iwan mo ang anyong tao at magpalit ng anyong tupa. At gagawin mo 'yun para lang makaligtas ang iyong mga alaga.

Eh, kung tutuusin, kung mamatay man ang mga iyon, madali namang bumili ng kapalit. O kaya'y maghintay ka na lang na may manganak.

And the Word was made flesh.


Parang ganyan ang sermon ng pari kanina.

Ang Anak ng Amang Diyos ay nagkatawang tao upang mayroon, na katulad nating tao, na magsasabi na maaari tayong maligtas mula sa kamatayan.

Palagay ko, 'yan ang diwa ng Pasko: na sa sobrang pagmamahal ng Diyos sa atin, pumayag S'yang maging tao, at, sa kalaunan, maging isang sakripisyo para sa atin.

Kung minsan, ang hirap isipin. Kahit magkaroon na tayo ng isang example para maintindihan natin ang ginawa nito ng Diyos, ang hirap pa rin i-take. Pero, 'yan ang katotohanan. Nagkatawang tao S'ya para mai-akay N'ya tayo sa mas "mataas na lugar", at nang sa gayon, hindi tayo malunod at mamatay.

Ang tanong, pinakikinggan ba natin S'ya?

Mula sa akin at sampu ng aking pamilya, isang Maligayang Pasko sa inyong lahat!!!!

Wednesday, December 1, 2010

NaNoWriMo 2010 - Day 30 + 1

Tapos na ang National Novel Writing Month. Nakapagsulat ako ng limampung libong mga salita, na s'yang target sa mga sumali rito. Noong ika-29 ng Nob ko pa s'ya naabot, kaya may isang araw pa akong naging palugit.

Ngyon, tawag na nila sa akin "novelist".

Para 'atang 'di ko matanggap 'yun.

'Di pa kasi tapos ang aking nobela. At ang siste pa, matapos kong maabot ang aking target, hindi na ako nakapagsulat ulit.

Sayang naman. Nag-i-imagine pa naman ako na 'pag natapos ko ang nobela, i-se-self-publish ko s'ya sa Lulu. Tapos, may dalawampung libo na ang bumibili ng aking aklat. At sa expected net ko na US$ 5.60 kada benta, may halos US$ 120k na ako. Tay-mis 45, aba! Fayb po-int por milyon pesoses din 'yun! Tama na pambili ng bahay at bagong kotse.

At naiisip ko rin na may magkakagusto na Hollywood producer sa aking nobela at bibilhin n'ya ito. May paunang bayad na wan milyon dolyares, US, na tumataginting. Tapos, hihingin ko na ang aking royalty sa pelikula ay 10% ng gross, kasama na rito ang mga benta sa DVD (kaya sisiguraduhin kong walang DVD ng pelikula ang maibebenta sa Quiapo).

Eh, kumita s'ya ng US$ 500M. "M", hindi "k". Kaya, 10% noon, eh...pipti milyon dolyares, US!

Talo ko pa si Pacman!

Mukhang magandang pangitain 'yun, ah. Sige, pag-iigihan ko ang aking pag-imagine. Baka makuha ko s'ya sa Law of Attraction.

Kaso, kailangang matapos ko muna 'yung nobela.