Ito ang unang Mother's Day ko na hindi namin ilalabas ang aking biyenang babae o tatawagan ng long distance ang aking nanay. Pareho na silang pumanaw, 'yung biyenan ko noon nakaraang Agosto samantalang ang aking nanay ay itong Marso.
Ma-mi-miss ko ba ang hindi namin pagkain sa labas o ang hindi ko pagtawag? Tingin ko hindi. Kasi, minsan lang sa isang taon ko ito ginagawa, kung Mother's Day lang.
At, marahil, 'yun ang mas nakakalungkot.
Kasi, naipapakita ko lang sa kanila kung gaano sila ka-importante sa akin tuwing may okasyon, kadalasan tuwing Mother's Day lang.
Sana, nadalas-dalasan ko ang pagtawag, ang pakikipag-usap man lang sa aking mga Mommy.
Minsan, naiisip ko na kaya lang hyped-na-hyped ang Mother's Day ay para lumaki ang kita ng mga flower shop, ng mga restoran (at hindi lang McDo o Jollibee), at ng Red Ribbon. Pero, naisip ko ngayon, kaya siguro may ganitong okasyon ay para ipaalala sa atin na may mga taong mahalaga sa ating buhay.
At hindi nagtatapos ang paalala na ito sa ating mga ina. Kung minsan, na-te-taken for granted na ang mga taong mahal natin, ating asawa, mga anak, kaibigan, magulang, etsetera, etsetera.
May bahid ba ng pagsisisi at naging kulang ang pagpapakita ko ng pagmamahal sa aking mga Nanay? Mukha.
Well, wala na sila. Wala na akong magagawa.
Sisiguraduhin ko na lang na alam ng mga mahal ko sa buhay, na buhay pa ngayon, na talagang mahal ko sila.
Nang sa ganoon, hindi ako magsisi 'pag dating ng panahon.
No comments:
Post a Comment