Monday, April 29, 2013

SBNR

Isang survey ang ginawa ng SWS may ilang linggo na ang nakakaraan, at sinabi'y iilan na lang sa mga Pinoy ang nagsisimba ngayon, kumpara noong 1991.  Wala pa sa kalahati ng mga Katoliko ang nagtitiyagang maligo 'pag Linggo para magpunta sa mall, este, sa simbahan.   Kasama na sa bilang ang gumagawa ng sabay: magsimba sa mall.

Kasama na rin sa bilang ang mga taong sisipot na lang sa dulo ng misa at aalis na.

Bakit kaya kumukonti na ang mga nagsisimba?

Kasi, mas marami na'ng Katolikong beybi kesa matanda?

Kasi, marami na ang nakapasok sa mga call centers kaya pati Linggo may trabaho sila?

Kasi, sa TV na lang sila nagsisimba?  Tutal, parang simbahan na rin ang TV -- may misa kada oras. Nakahiga ka pa.

Meron mga nagsasabi, boring daw ang pari.  Bakit, ang pari ba ang dahilan kaya may misa?  Saka, nandu'n ba ang pari para mag-entertain?  Kung gusto nila ng entertainment, umuwi na lang sila sa bahay at manood ng "The Buzz".

Meron naman nagsasabi na hindi nila gusto ang sinasabi ng mga pari, lalo na kung ang pinag-uusapan ay ang RH (dating) Bill, o kaya tungkol sa bawal na relasyon.  Ay, patay ka!  Kung nandito pala si Kristo hindi nila Siya pakikinggan.  Meron bang sinabi si Kristo na hindi ka magiging uneasy?

At meron namang mga nagsasabi na sila ay SBNR, Spiritual But Not Religious.  Internal daw ang kanilang pagiging Kristiyano, at hindi kailangang ipakita sa madla.  Wala na raw kasing relevance ang Simbahan.  Mas makabuluhan sa kanila ang magdasal mag-isa, o magnobena sa Baclaran 'pag Miyerkoles, kesa magsimba 'pag Linggo.

Okay, pagbigyan.  Hindi ako huhusga na ganito ang kanilang paniniwala dahil ganoon talaga ang kanilang nararamdaman, at hindi dahil tinatamad lang sila.  Marahil nga, hindi na nila feel ang maging parte ng Simbahan.

Ano ba ang requirements para maging parte ng Simbahang Katolika?  Sapat na ba ang mabinyagan noong ikaw ay beybi pa, at makumpilan 'pag teen-ager na?  Enough na ba ang magsimba tuwing Linggo (at the minimum)?  Ayos na ba ang paniwalaan ang lahat ng itinuturo ng Simbahan, tulad ng infallibility ng Papa?

Baka nga sapat na ang mga 'yun para maging kasapi ng Simbahang Katolika.

Pero -- maaaring mali ang aking theology -- tingin ko meron pang iba kung gusto nating maging Kristiyano.

"Sa pamamagitan nito ay malalaman ng lahat ng mga tao na kayo ay Aking mga alagad.  Ito ay kung may pag-ibig kayo sa isa't isa." - Juan 13:35

'Yan ang Gospel reading noong nakaraang Linggo.  Malinaw na malinaw.  Pag-ibig ang ating passport.  Pero hindi kung ano lang na pag-ibig.  Kasi, kung ganoon, eh 'di, 'yung mga teen-ager na love-struck ay Kristiyanong-Kristiyano.

Kaya pala noong bata pa ako'y napaka-relihiyoso ko.

Balik tayo sa topic.

"Kung papaanong inibig Ko kayo ay gayundin naman kayong mag-ibigan sa isa't isa." - Juan 13:34

Ayan, mas malinaw.  Walang kaduda-duda kung anong klaseng pag-ibig at dapat igawad natin.

Kakatapos ko lang pakinggan ang My Life with the Saints ni Fr. James Martin, SJ.  Na-realize ko kung papano ginawang magmahal ang mga santo, ng tulad ng pagmamahal ni Kristo, gaya nina Francis ng Asisi, Mother Theresa, at Dorothy Day.  Ang pag-ibig nila, lalo na sa mga itinakwil ng society, ay hindi nadama sa puso, nguni't ipinakita sa gawa.

At tulad ng mga santo, kailangang magmahal din tayo tulad ng paano tayo minahal ni Kristo.  Na hindi inalintana ang sarili masilbihan lang tayo.  Na inasikaso ang mga inaayawan sa lipunan.  Na nagsakripisyo para tayo'y mai-angat.

'Yan, marahil, ang challenge sa Simbahan, sa ating mga Katoliko, at sa lahat ng  Kristiyano.

Sapagka't sa pagmamahal tulad ni Kristo, 'di lang tayo magiging kasapi ng isang religious organization (ang pagiging Kristiyano), siguradong magiging ispirituwal din tayo.

At isang challenge na rin ito sa mga SBNR.

No comments:

Post a Comment