Saturday, May 21, 2016

Vigilantism

Cebu offers reward for killing criminal - The Philippine Star, May 20, 2016

Ayan na po.  May sumunod na sa mga yapak ni Duterte.  Sabi ng mayor ng Cebu City magbibigay s'ya ng pabuya sa pagpatay ng kriminal.  Pipti tausan pesoses.  At 'yun ay kung patay.  Kung humihinga pa, payb tausan pesoses lang.

Kaya, kung gusto mong maging taymis ten ang iyong kita, tuluyan mo na.  Siguraduhin mong tatanggapin ng morge ang iyong tinira.

May panuntunan naman si Mayor.  Dapat daw, ang gagawing pagpatay ay legal, at ang gagamiting baril ay lisens'yado.

Teka-teka, pa'no kung mapagkamalan kang magnanakaw?  Wala kang kamuang-muang, bigla ka na lang tetepokin.  At makakapagreklamo ka pa ba kung ilegal ang ginawang pagpatay sa 'yo?

In the first place, legal nga ba ang pagpatay sa isang kriminal?  'Di ba, bawal nga ang death penalty dito sa 'Pinas?  

Nasa Bill of Rights din natin na walang sinumang dapat bawian ng buhay ng walang due process of law.  At ang taong pinaghihinalaang nagkasala ay magkakaroon ng isang paglilitis na walang kinikilingan.

"Walang kinikilingan"?  Aba, pipti tausan ang pinag-uusapan natin dito.  May ganans'ya ang hukon at berdugo (na iisang tao lamang) sa kasong ito.

Ewan ko nga ba.  Sinimulan kasi ng nasa taas.  Ang utos, kapag pumalag sa aresto, shoot to kill.  Kaya kapag napagkamalan ka, o kaya'y may kaaway ka't sinabing ikaw ay isang kriminal, patay kang bata ka....literally.

Ang dahilan naman nina Mayor at Presidente ay upang protektahan ang mga tao.  Para nga naman mawala na ang mga kriminal, yariin agad.

Buti naman hindi ganyan ang aking Diyos.  Ang sa Kanya, isang tupa lang ang mapa-ibang landas, hahanapin N'ya ito at ibabalik sa kawan.  At hindi lang ito literal.

Mahirap din naman kung maisasakatuparan itong utos ni Mayor at ni Presidente.  Kung nagkataon, baka wala na tayong maibotong politiko sa susunod na eleksyon.

No comments:

Post a Comment