Friday, November 30, 2007

Maligayang Kaarawan, Ka Andy!

Sa dami ng National Public Holidays sa Pilipinas, dalawa lamang ang kaarawang ating ipagdidiriwang: ang Pasko at ang kaarawan ni Andres Bonifacio. O, sige, tatlo, kasama na ang June 12.

Tignan naman natin ang ibang piyesta opisyal:

1. Bataan Day (na dati'y Fall of Bataan) - April 9

2. Kamatayan ni Kristo - Biyernes Santo (at ang bispiras, kung kelan siya ipinagkanulo)

3. Kamatayan ni Ninoy Aquino - August 21

4. Kamatayan ni Jose Rizal - December 30

5. Araw ng Patay - November 1

6. Huling araw ng taon ("kamatayan" ng taon) - December 31

Entonces, lalabas na 2 is to 1 ang ratio ng piyesta opisyal na ipinagdiriwang natin ang kamatayan sa kaarawan. 'Di kaya nagpapahiwatig n'yan kung ano ang pinahahalagahan nating mga Pinoy?

Talking about holidays, bakit nga ba ipinagdiriwang natin ang kaarawan ni Andres Bonifacio samantalang ang kamatayan naman ang kay Jose Rizal? 'Eto ang aking mga opinyon:

1. Isa itong apology kay Ka Andres dahil hindi siya ang naging pambansang bayani natin.

Wala naman daw opisyal na deklarasyon na meron tayong isang Pambansang Bayani. Well, hindi gan'un ang itinuro sa amin noong nasa Elementarya ako. Ang kwento pa nga, pinili ng mga Kano si Jose Rizal bilang Pambansang Bayani kasi pacifist at reformist siya. Eh, si Ka Andres, masyadong delikado 'yun. Baka sobra siyang maging idol ng mga Filipino at may mag-isip pasukin ang Manila Hotel. Although, wala naman sigurong gagawa noon n'yun. Hindi pa ipinapanganak si Trillanes.

2. Yari ang ibang kinikilala nating bayani kung ating alalahanin ang kamatayan ni Ka Andres.

Alam n'yo na marahil ang kwento. Isang bayani ang nagpunta sa balwarte ng presidente, tapos iniutos ng presidente na ipapatay ang ating bayani. Nakulong ang mga inaakalang kasangkot sa pagpatay, maliban sa presidente. Kamakailan, isa sa kanila ay binigyan ng Presidential Pardon. Tapos....

Teka, ibang bayani pala 'yung pinag-uusapan natin. Pero, may similarity, 'di ba?

Isipin mo nga naman, lagi nating maalaala ang nag-utos na patayin si Ka Andres kung kamatayan niya ang ating ipagdiriwang.

Kaya ayaw ideklarang piyesta opisyal ang August 21 sa Ilocos.

3. Pinoy lang kasi ang pumatay sa kanya.

Isa pang tsismis sa'kin noon, kaya raw hindi si Ka Andres ang napiling pambansang bayani ay dahil kapwa Pilipino ang mga pumatay sa kanya. 'Di tulad ni Ka Pepe, mga banyaga ang gumastos ng bala. Siguro, dahil sa ating colonial mentality, mas bigatin ka kung "forenjer" ang tetepok sa'yo.

Dati, nasa dalawam piso ang litrato ni Ka Andres. Kaso, nawala na 'yun. Kaya nalipat siya sa sampum piso. Ka-equal billing na n'ya si Mabini. Ironic din. 'Yung trusted adviser pa ni Aguinaldo 'yung kasama-sama n'ya. Sabagay, mas mabuti na 'yun. Kesa napunta pa ang larawan ni Ka Andres sa limam piso. Doble sampal na 'yun.

Which leads me back to my original question: Ano ba ang pinahahalagahan nating mga Pinoy? Pagpapatawad, kaya may mga Marcos at Estrada na nakaluklok sa Konggreso't Senado? Mapagkumbaba, kaya lagi nating minamaliit ang ating sarili, na wala na'ng pag-asa ang bayan, at ang ibang bansa na lamang ang magaling? 'Di kaya na dahil sa dami ng pagdiriwang natin na nakaugat sa kamatayan ay mayroon tayong defeatist attitude?

Gustong-gusto ko ang manood ng mga era films ng mga Chinese, Koreans, at Hapon. Lalong-lalo na 'yung kay Akira Kurosawa. Kay gaganda ng mga costume nila, ang kukulay. Kay rami rin nilang istorya, na parang napakayaman ng kanilang kultura. Kaya, siguro, maunlad sila dahil may maipagmamalaki silang nakaraan. Parang isang tao na dahil maganda ang kanyang buhay n'ung bata pa siya, maganda rin ang kanyang self-concept. Kaya madali ang kanyang asenso. 'Di tulad ng isa na may madilim na nakaraan. Laging insecure.

Well, sabi nga ni Stephen Covey, "Be proactive." Ang isang tao'y may kakayahang baguhin ang kanyang kinabukasan, maging ano pa man ang kanyang naging nakaraan. Gan'un din siguro sa isang bansa. Ang mga mamamayan nito'y may kakayahang baguhin ang takbo ng bayan upang ito'y umunlad. Kailangan lamang na magkaisa ang mga ito, at magsumikap tungo sa ikabubuti ng bansa.

Kaya siguro ngayong panahon tayo nabuhay.

1 comment:

  1. Magaling.... Magaling..... Magaling.....!
    Magaling talaga ang asawa ko!

    ReplyDelete