Ngayo'y kapistahan ng Kristong Hari, o Christ the King. Espesyal ang araw na ito sapagka't ngayon ang huling araw ng kalendaryo ng Simbahang Katolika, o ang liturgical year. Sa isang Linggo, simula na ang Adbiyento. Ang ibig sabihin, malapit na'ng ipalabas ang "Enteng Kabisote IV".
May prosisyon sa araw na ito, wala nga lang pabitin pagkatapos. 'Di pa ako nagkapag-partisipa dito, pero, ang tradisyon, panay lalaki lang ang kasama sa prosisyon, at ang mga babae ay nasa tabi lamang. Hanggang ngayon pa ba? Pero, maraming parokya, tulad ng kay Edgar, na hindi na raw ang nakakapagdaos ng prosisyon. Masyado raw kasing nagdudulot ng trapiko.
Sa ibang bansa ay napakahalaga't napakasaya ng araw na ito. Minsan, nabasa ko sa d'yaryo na sa Poland, noong nasa pamamahala pa ng mga Komunista, noong hindi pa Juan Pablo si Karol Wojtyla, noong hindi pa pinapauso ng Pinoy ang People Power, isang malaking kaganapan ang prosisyon na ito sa kanila. Parang isang uri ng rebelyon, isang paraan upang ipakita nila kung sino talaga ang naghahari sa kanilang buhay. Sa sobrang halaga ng okasyong ito, parang piyesta-opisyal doon; walang pasok ang mga paarala't opisina.
Sabagay, kahit dito. Linggo kasi.
Sa Merville at Moonwalk, mga dalawang linggo ang nakakaraan, may countdown na sila, paalala sa kapistahan. May litrato ng Kristong Hari sa bawa't kanto at sinasabi kung ilang araw na lang ang nalalabi bago sumapit ang araw na ito.
Tuloy, kapag nakikita ko ang litratong ito naalala ko ang aking tiyuhin. Mga early 70's noon, sabi n'ya na ang katapusan ng mundo ay mangyayari sa taong 2000. Hindi ito dahil sa Y2K; hindi pa uso noon 'yun. Kaya n'ya nasabi yaon, 'yun daw ang ibig sabihin ng dalawang daliring nakataas sa kanang kamay ng Kristong Hari. Hindi raw ang ibig sabihin ay "Peace, man!"
Siyempre, takot na takot ako noon. Ilang taon din akong nabalisa dahil doon.
Tapos, noong 1990, nilusob ng Iraq ang Kuwait, at nilusob naman ni Bush, Sr. si Saddam. Bago ginawa ang paglusob sa Iraq ipinalabas sa TV 'yung dokumentaryo tungkol sa mga hula ni Nostradamus. Tatlo raw ang anti-Christ na lalabas, at nahulaan n'ya kung sino 'yung unang dalawa. Sa katunayan, sinabi ni Nostradamus na ang pangalan n'ung ikalawa ay Histler. Ang ikatlo raw ay manggagaling sa Gitnang Silangan, at s'yang magpapasimula ng World War III at ng katapusan ng mundo.
Ang hindi ko maintindihan, bakit ipinalabas 'yun bago lusubin ang Iraq. Naging sanhi lamang upang mag-panic ang mga tao.
Hindi lang 'yun. Lumabas din ang isyu ng Y2K. Dahil daw lahat ay masyado na'ng nakadepende sa mga computers, hihinto ang mundo 'pag dating ng bagong taon ng 2000.
Meron ding lumabas na magkakaroon ng tatlong araw ng kadiliman. 'Pag nangyari daw 'yun, dapat isara ang mga pinto't bintana. Wala raw papapasukin, kahit gaano kalakas ang pagkatok at paghiling nito. Kahit daw tumingin sa labas ay bawal. At 'yung mga kapamilya't kapuso na naiwan sa labas ay sorry na lang sa kanila.
Kaya nga lalo akong pinagbawalan ng aking asawa na magpunta sa beer house. Baka raw ako abutan ng three days of darkness.
Sa mga araw raw na 'yun, ang tanging mag-iilaw lang ay 'yung mga kandilang nabendisyunan ng pari. Kaya naging mabenta ang mga kandila sa SM, daig pa ang Piyesta ng Patay. Naubos din 'ata 'yung holy water ng aming pari sa Baclaran.
Maraming kwento tungkol sa katapusan ng mundo. Nakakatakot na nga 'yung mga nakasaad sa Bibliya, dinadagdagan pa nila. Ang ipinagtataka ko, 'yun pang mga relihiyoso, 'yung araw-araw kung magdasal ng rosaryo, 'yung mga laging nagsisimba't tumatanggap ng komunyon, sila pa ang parang takot na takot, ang may maraming kagimbal-gimbal na mga kwento. Nananakot lang kaya sila? Kaninong aparisyon kaya nila nakuha ang mga 'yun?
Cool lang ang mga Protestante sa bagay na ito. Naniniwala kasi sila, bago pa man maganap ang mga kaguluhan, maglalaho na sila sa mundo. "Rapture" ang tawag nila dito.
Pero, mas nakakatakot 'yung sinabi ni Kristo, na binasa noong isang Linggo. Sabi N'ya, ang mga magulang, kapatid, kamag-anak, at kaibigan natin ang s'yang magkakanulo sa atin. Isipin mo, ang mga taong dapat na nagmamahal sa atin, na dapat nag-aalaga't nagproprotekta sa atin, ay sila pa ang magpapahamak sa atin. At sila ang ating makakasama sa tatlong araw ng kadiliman.
Kaya nga may dahilan na akong magpunta ulit sa "beer house".
Pero, para sa akin, gaano man nakakatakot ang mga kwento tungkol sa mga huling sandali ng mundo, hindi man ako mapasama sa "rapture", o higit pa sa "The Exorcist" ang makaharap ko, hindi ako mababahala. Pinangako ni Kristo na kung mananatili tayo sa Kanya, ni isang hibla ng ating buhok ay hindi malilipol.
'Yan ang aking pinanghahawakan. Walang duda akong mas mabisa ang pangakong 'yan ni Hesus kesa sa 'sang katutak na kandilang nabendisyunan ng Papa.
hirap ma-intindihan, sino ba yong tinutukoy mo?
ReplyDelete