Tuesday, May 12, 2009

Belated Happy Mother's Day

Medyo nahuli na itong pagbati ko sa mga ina na nagbabasa ng aking blog. Busy kasi ako, abalang-abala sa paglalaro ng Free Cell.

Ilang araw ko na ring pinag-iisipan kasi kung bakit nga ba may Happy Mother's Day? Siyempre, saan pa ako unang tutungo para masagot ang katanungang ito kun'di sa Wikipedia. Doon ko nalaman na ang dapat palang pagsulat ng "Happy Mother's Day" ay "Happy Mother's Day". Ano, wala kayong natutunan doon, 'no? Ako meron. Na ang apostrophe daw ay bago sa letrang "s", upang maging singular, at hindi pagkatapos. Ang iyong partikular na ina nga naman ang iyong pinaparangalan, at hindi 'yung mga ina sa buong mundo.

Siyempre, hindi naisip ni Anna Jarvis, ang nagsumikap simulan ang okasyong ito, na tayong mga Pinoy ay makikigaya sa mga Kano. Pinapadalhan natin ng "text" ang lahat ng kilala nating ina, ang ating sariling ina, ang ating biyenan (masama man sa loob natin), ang ating kapatid, ang ating anak na galit sa atin dahil masyado nating na-i-spoil ang kanilang anak, ang ating kasamahan sa simbahan, at kung sino-sino pa. Marahil, ang tanging hindi natin mabati ay 'yung si Number Two, at baka mahuli pa tayo ni Misis.

Pero, seryoso, bakit nga ba merong ganitong okasyon? Minsan lang ba sa isang taon natin napaparangalan ang ating mga ina? O, sige, dalawang beses sa isang taon, 'yung isa ay kung bertdey n'ya.

Pero, bakit hindi araw-araw? Kasi nakakasawa? Kasi magastos? Pero, hindi kailangang gumasta. Kung tumulong tayo sa pagwawalis ng bakuran, pinaparangalan na natin sila. Kung magmamano't hahalik tayo sa kanila pagdating natin sa bahay, pinaparangalan na natin sila. Kung magiging mabuti tayong tao para sa iba, pinaparangalan na natin sila. Kung magiging mabuti tayong asawa't magulang, pinaparangalan na natin sila.

Pero, marahil nga may ganitong okasyon dahil na-te-take for granted natin sila. Isang paalala para sa ating mga walang utang-na-loob.

Ang isa pa, hindi kikita ang mga restoran at pamilihan sa SM kung walang Happy Mother's Day. Malalanta rin ang mga rosas at iba pang bulaklak dahil malayo pa ang Valentine's Day.

Nabasa ko sa isang site, Mother's Day History, na pinagsisisihan ni Anna Jarvis na ipinaglaban n'ya na magkaroon ng ganitong okasyon. Marahil, para sa kanya, nawala na ang diwa sa pagbibigay importansya sa ina. Ang nangibabaw ay ang pagbibigay ng mga regalo't bulaklak. Sa halip na maging solemn ang araw na ito, napasukan na ng komersyo at ganid.

Parang Pasko.

Sa lahat ng mga Ina: Happy Mothers' Day!!!

At ang apostrophe ay pagkatapos ng "s".

2 comments:

  1. Balt,
    Salamat naman at may bago kang post, isang buwan akong araw-araw naghihintay ng bagong entry.
    One of my pet peeves nga yung apostrophe before the "s". Baka dapat palitan mo yung title ng entry. Mas tama sa ating mga pinoy yung apostrophe after the "s". Pag na bore ka na sa freecell, simple sudoku naman. ito yung webpage http://angusj.com/sudoku/. Keep on writing chong. Chaks

    ReplyDelete
  2. Hi, Chaks,

    So ikaw pala 'yung dumadaan ng server sa Us na and description ay "not available". =)

    Thanks sa pagdalaw at pag-comment. Ayan na naman ako, dami kong gustong isulat, 'di ko lang maituloy-tuloy.

    Nung umpisa ng pagsusulat ko dito, agree ako sa concept 'yung apostrophe ay before the "s". Kaso, sa huli, dun ko naisip na dapat nga after the "s".

    Try ko 'yung site for sudoku. 'Di na ako nakabalik dun sa LA Times na pinag-uusapan sa egroup dati.

    Thanks again, and kumusta sa lahat sa inyo d'yan.

    Balty

    ReplyDelete