B'day ngayon ni Bunso. Trese anyos na siya. Isang napakahalagang landmark sa kanyang buhay. Siyempre nga naman, matatawag na siyang teen-ager. Hindi na siya "bata".
At, siyempre, ipinagdarasal ko na 'wag naman maging simula ito ng aming sakit sa ulo, 'yung pahanon ng pagiging matigas, pagsuway, at hindi pagdinig sa aming mag-asawa. 'Yan kasi ang panahon kung saan gusto na ng anak na makawala sa poder ng mga magulang.
Ayon kay Dr. Fitzhugh Dodson, (Buti na lang at hindi ito ang ibinigay na pangalan ng aking mahal na ina. Kay hirap i-spell ito sa barista sa Starbucks.) awtor ng How to Parent at How to Father, ang panahon daw ng teen-ager ang siyang pangalawang panahon ng pagrerebelde ng anak sa magulang.
Pangalawa? Kelan ang una?
Ang sabi n'ya, 'yung una daw ay 'yung terrible two's ng bata, 'yung edad dalawa't kalahating taon.
Teka, eh, bata pa lang siya noon. Paano siya makakapag-rebelde?
Ganu'n din daw ang layunin ng "pagrerebelde" ng isang musmos at ng isang teen-ager. Parehong gustong malaman ang kinalalagyan n'ya sa mundo, ano ang mga "boundaries" nila, paano sila mabubuhay. Gustong nilang makawala sa mga magulang, nguni't mag-aalinlangan, kaya babalik at babalik pa rin. "Age of Exploration", 'ika nga, pero nangangailangan pa rin ng katiyakan na naririyan pa rin ang mga magulang sa kanilang likuran.
Tulad ng pag-aalaga sa isang bata, o sa isang sisiw, hindi dapat putulan o bawasan ang "pakpak" ng isang teen-ager. Kaya, n'ung bata pa ang aking mga anak, iniiwasan ko ang magsabi ng salitang "no". Kung madapa sila, titignan ko lang sila't ngingitian. Hindi ako mag-pa-panic na, kung minsan, 'yun pa ang nagiging dahilan kung bakit sila matatakot at iiyak. 'Pag malapit sila sa mesa, hahawakan ko ang kanto nito, para, kung tamaan man nila ang mesa, hindi sila madidisgrasya. At kung ayaw ko ang kanilang ginagawa, iiiwas ko ang kanilang pansin, nang sa gayon doon nila maibaling ang kanilang pansin at, nawa'y, iwan nila ang kanilang ginagawa.
Siguro, gayon din dapat ang trato ko sa isang teen-ager.
Kung "madapa" siya, hindi ako dali-daling lalapit upang tumulong. Tignan ko muna kung ano ang kanyang gagawin.
Kung napapalapit siya sa isang bagay na maaaring ikasakit nila, babantayan ko siya upang hindi siya madisgrasya. Maaaring masaktan siya, pero ok lang 'yun. D'un siya mabilis na matututo.
At kung may ginagawa siya na hindi ko gusto, hahanap ako ng iba upang maibaling ang kanyang pansin.
Hindi tahasang pagrerebelde ng isang teen-ager kung sumuway man siya sa kanyang magulang. Kailangang gawin n'ya ito upang matagpuan n'ya ang kanyang sarili.
At, sana, makatulong ako sa prosesong iyon, at hindi maging balakid.
Happy Birthday, anak!
No comments:
Post a Comment