Ang kagandahan na ang ang isang lider ay galing "from the ranks" ay naiintindihan n'ya ang damdamin ng mga nasa ilalim n'ya dahil naranasan din n'ya ang mga nararanasan ng mga ito. 'Di tulad ng mga taong pinalad sa "gene pool lottery" at ipinanganak na mayaman; ang mga ito'y binigyan ng mga leadership positions nguni't masyadong out-of-touch sa kanilang pinamumunuan. Ang kanilang pamamalakad ay napaka-insensitibo sa nakararami.
S'yempre, meron din namang mga galing sa ibaba na super-ambisyoso. Sila 'yung tulad ng mga langaw na nakatuntong lang sa kalabaw ay akala nila na nakahihigit sila sa iba, na natapos na ang mga araw na s'ya ay naninilbihan kaya't dapat s'ya naman ang pagsilbihan.
Kaya naman nakakatuwa ang mga binanggit ni P-Noy noong nakaraang katapusan.
"Kayo ba ay nagtiis na sa trapiko para lamang masingitan ng isang naghahari-hariang de-wang-wang sa kalsada? Ako rin," wika ni P-Noy. "Walang lamangan, walang padrino at walang pagnanakaw. Walang wang-wang, walang counterflow, walang tong. Panahon na upang tayo ay muling magkawanggawa."
Ilang beses marahil na s'ya'y naipit sa trapiko sa Quezon Blvd patungong Senado, tapos may isang aide ng isang congressman ang biglang pa-i-ingayin ang kanyang sirena na parang nagsasabing "humabi kayo d'yan at may isang importanteng tao ang daraan".
O kaya'y naka-abang s'ya sa Tandang Sora, tapos may mga naglalakihang SUV na nag-counter flow dahil maluwang naman ang kabilang lane. Pagdating n'ya sa kanto ng Visayas Ave, 'yung mga nag-ka-counter flow ay bumabalik sa dapat n'yang lane, at pagkataos ng intersection ay maluwag na. Marahil naisip ni P-Noy na kung hindi nag-counter flow ang mga ito, hindi makakabuhol-buhol ang trapiko sa intersection.
Hindi rin naman s'ya isang ambisyosong tao; hindi s'ya nag-apply bilang standard bearer ng LP. Sa halip, ito'y inialok sa kanya, at ilang araw pa n'yang pinagdasal bago s'ya pumayag.
Kaya ang kanyang pahayag na walang wang-wang ay mula sa isang taong tunay na nagdusa, at ngayong may oportunidad na s'ya, nais n'yang mabago ang pag-aabuso ng mga taong nakatataas, o ng mga langaw na nakatuntong sa taas.
Mababaw para sa isang presidente? Hindi po, dahil sa mga maliliit na bagay na ito, na malaki para sa aming mga maliliit na tao, nagsisimula ang malalaking maaari pang gawin ni P-Noy.
Kaya naman nagtataka ako ay Binay kung ano ang ikinaiinis n'ya sa pahayag nito ni P-Noy. Dapat, tinignan n'ya kung ano ang konteksto nang sinabi ni P-Noy na walang wang-wang. Hindi ang paggamit ng wang-wang, per se, ang pinupuntirya ni P-Noy, kun'di ang pang-aabuso ng mga nasa itaas, na, sa halip manilbihan ay sila pa ang nag-de-demand na pagsilbihan.
Siyempre naman, kung may dalang naghihingalong pasyente ang isang ambulansya, hindi ba dapat gumamit ng wang-wang?
Kung may sunog at nag-re-responde ang isang bumbero, hindi ba dapat gumamit ng wang-wang?
At kung may nagbabarilan sa isang bar sa Makati at nais pumunta ni meyor, hindi ba dapat gumamit ng wang-wang?
Tuloy, naging parang wang-wang si Binay -- hindi dapat patunugin dahil wala namang emergency. Ingay lang ang lumabas.
No comments:
Post a Comment