Dalawang balitang ikinasikat (naging notorious?) ang 'Pinas ay ang pag-hostage ni Rolando Mendoza at ang pagpwesto ni Venus Raj sa Ms. Universe.
Hindi ko na dadagdagan ang mga usapin tungkol sa mga nangyari, kung ano ang mga dapat ginawa ng pulis at ni Venus. Una, wala ako roon noong nangyayari ang mga ito. Hindi ko kayang magdesisyon sa buhay (o pagkamatay) ng mga tao. Wala rin ako sa entablado upang sagutin ang hinayupak na tanong ni William Baldwin.
At ikalawa, hindi ako isang heneral na sanay magplano kung paano atakihin ang isang kalaban, at lalong-lalo nang hindi ako isang beauty contestant.
Ang reklamo ko lang ay ang naging reaksyon ng mga tao, lalo na ng ating kapwa-Pilipino. Para kasing ang huhusay nila, na alam nila ang gagawin kung sila ang nasa katayuan ng mga pulis o ni Venus.
"We elected a retarded president." My golay! Please, move on! Walang halong salamankang tinambakan ni Noynoy ang inyong kandidato. Walang daya 'yan, 'di tulad noong 2004.
"Major, major mistake 'yung sagot n'ya." Kayo kaya sumagot noon, sa harap ng maraming tao, and with very limited time. Extemporaneous. Eh, kung 'yung mga job applicants, alam na nila na itatanong sa kanila 'yun, hindi pa rin nila masagot ng maayos, 'yun pa kayang biglaang itatatanong sa'yo at biglaan mo ring sasagutin. Biruin mo, dalawampu't dalawang taon ang kanyang gugunitain para makasagot ng maayos.
Ngayong iniisip ko ang sagot ni Venus, lalo na sa mga interviews, nakita ko ang wisdom ng kanang sagot. Marahil, hindi nga lang n'ya naipaliwanag o maipaliwanag ng maayos.
Noong baguhan pa ako sa kumpanyang pinagtratrabahuhan ko ngayon, may isang senior engineer ang nagsabi sa akin, "Kung magkamali ka, ok lang. Kung uulitin mo ang iyong pagkakamali, iumpog mo ang ulo mo sa pader."
Throughout the years, natutunan ko na ang isang pagkakamali ay hindi pagkakamali kung may natutunan ka dito at hindi mo na uulitin. Ang tawag na dito, "learning experience".
'Yan din ang sinasabi ko sa aking staff. Feeling ko, mas empowered sila dahil doon.
Kaya nagtataka ako sa ibang managers na may patakarang "Do it right the first time." Tuloy, ang mga tauhan nila'y parang takot kumuha ng responsibilidad. Ayaw gumalaw kung walang payak na utos. At kung ano lang ang sabihin sa kanila, 'yun ang gagawin nila.
Walang initiative kumbaga.
Marahil, 'yun ang ibig sabihin ni Venus. Kung meron mang "pagkakamali" s'yang nagawa, dahil may natutunan s'ya't hindi na n'ya inulit 'yun, at sa halip ay naitama n'ya, hindi n'ya itinuturing na isang pagkakamali ang kanyang nagawa. Sa halip, isa itong challenge sa kanya.
Marahil, 'yun din ang ating isipin sa nangyaring pang-ho-hostage ni Mendoza. 'Di ba't lalo nating nakita ang kakulangan ng ating pulisya? Hindi ba "learning experience" sa atin lahat ito?
Kung nakinig kayo sa sinabi ni Noynoy noong kanyang inagurasyon, sinabi n'yang "[p]alalakasin at palalaguin natin ang bilang ng ating kasundaluhan at kapulisan."
Ang kaso, s'ya'y na-overcome of events na.
Dalawang buwan laban sa ilang taong pagkaka-pabaya sa ating pulisya. Hindi fair.
At least, may dahilan na kung bakit kailangang gumastos ng malaki para sa ating mga sundalo't pulis.
Kaya, sa mga kapwa ko Pinoy na bumabatikos kay Noynoy, sa ating kapulisan, at kay Venus, nawa'y 'wag kayong malagay sa sitwastyong kailangan n'yong gawin ang kanilang ginawa.
No comments:
Post a Comment