Sunday, June 12, 2011

Ang Pentecoste ng Ating Bayan

Atin ngayong ipinagdiriwang ang ika-isang daa't labintatlong taon ng ating kalayaan (2011 minus 1898 equals 113. Medyo naaalala ko pa ang aking History.)

Ang ibig sabihin noon, mahigit isang daang taon na nang may sumigaw ng "Mabuhay ang Pilipinas!" Dati kasi, ang isinisigaw ay "Mabuhay ang Katipunan!", "Mabuhay ang mga Ilocano/Tagalog/Cebuano o ano pang rehiyon", o kaya'y "Mabuhay tayong lahat! (at "Mamatay ang mga Kastila!")

Walang takot na iniwagayway ang bandila na ginawa pa sa Hongkong. Dito rin narinig ang Marcha Nacional Filipino, na ngayo'y ating kinakanta tuwing Lunes ng umaga sa mga eskuwelahan o kaya'y tuwing last full show sa sinhehan, although ang balita ko'y ang asawa ni Julian Felipe ang talagang nakapag-compose nito. Hindi ko naman ito pinaniniwalaan, kasi'y bastos na tao ang nagkuwento sa akin nito (Di-di-di-jan, di-jan.....).

Mula sa araw na 'yun, isang bandila, na naka-pattern sa bandila ng Cuba, ang sumagisag sa isang bansa. Kaya, magmula noon, ang lahat ng Grade School students, mula Aparri hanggang Jolo (Isang libo't isang tuwa....este, iba pala 'yun), sa tuwing malalapit ang June 12, ay pinagdadala ng kanilang mga guro ng isang bond paper at mga Crayola na kulay red, blue, at yellow. (Siyempre, hindi na 'yung puti; puti na kasi ang kulay ng bond paper.) Samahan pa ng isang barbecue stick.

Dati'y kanya-kanya ang mga rebolusyon. May kay Diego't Gabriela, may kay Hermano, at iba't iba pang mga namumo ng kani-kanilang himagsikan. 'Yun nga lang, ang ipinaglalaban ay pansarili lamang; masyado na silang nahihirapan sa pamamalakad ng mga Kastila, kaya't nagsabi sila ng "Tama na! Sobra na! Palitan na!" (Akala n'yo, unang narinig n'yo 'yun noong taong 1986, 'no?)

Pero, nang malauna'y nagkaroon na rin ng kamalayang Pilipino, gaya ng pagkakaroon ng kamalayang ito ni Christopher de Leon. (Kung hindi mo ito naintindihan, ang ibig sabihin lang ay hindi ka na Martial Law baby.)

Kaya, noong ika-12 ng Hunyo, mahigit isang daang taon ang nakakaraan, nadagdagan ang mundo ng isang bansa, na matapang na sumisigaw ng "May presidente na kami! At Pilipino pa!"

At mula noo'y ipinagdiriwang natin, sa petsang ito, ang kaarawan ng ating bansang Pilipinas.

Sakto namang ipinagdiriwang din ngayon ng Simbahang Katolika ang Pentecost Sunday, kung saan bumaba ang Espirito Santo sa mga disipulo ni Kristo.

Ito raw ang bertdey ng Simbahan, nguni't walang nakakaalam kung ano na ang edad nito. Wala naman kasing makapagsabi kung kelan talaga ipinanganak si Hesus. Hindi naman Siya iniluwal ni Maria ng saktong 0 B.C. o 0 A.D. Basta, kung anong taon nangyari ang pagbaba ng Espiritu Santo, nasisiguro kong mahigit dalawang libong taon na ang nakakalipas.

Bago pa rito, nag-aaway-away ang mga disipulo para malaman kung sino ang pinaka-astig sa kanila, kung sino ang uupo sa kanan at sa kaliwa ni Hesus, pagdating ng araw.

Tapos, nang hulihin si Hesus, ang lahat naman ng mga ito, maliban sa isa, ay nagsipagtakbuhan.

Kaya, maraming linggo ring nag-TNT ang mga ito, sa upper room, kahit na nga ba nagpakita sa kanila si Hesus, kahit na nga ba sinabi sa kanila na "Ako'y lagi ninyong kasama hanggang sa wakas ng panahon", at kahit na ilang ulit na sabihan sila ng "ang kapayapaa'y sumainyo." (Marahil, sa takot ng mga disipulo, hindi na sila nakasagot ng "At sumainyo rin.")

Pero, nang dumating ang araw na ito, nawala na ang pagiging makasarili ng mga disipulong ito. Nawala na rin ang kanilang takot, at, sa halip, ay sila'y naging matapang upang ipinahayag, hindi ang kanilang sarili, nguni't, sa mas mataas na antas (nag-level up na sila), ang kadakilaan ng Diyos.

At simula noong araw na 'yun, sila'y naging isa, sa ngalan ng Diyos.

Nagkaroon pa rin ng mga pag-aaway. Marahil ay hindi maiiwasan 'yan. Nguni't kung malaman na nila ang kagustuhan ng Diyos, ang lahat ay sumasang-ayon. Walang nag-pro-protesta sa COMELEC. Walang dinadala sa Bundok Buntis. Walang tumatambang sa Maguindanao.

Sana nga, maging gayon din ang Pilipinas. 'Wag na tayong matakot sa ibang bansa, na lagi nating iniisip ay mas magaling sila kesa sa atin. Tama na 'yung TNT, 'di lamang sa ibang bayan, kun'di pati na rin sa ating sarili.

Tama na 'yung mga pansariling pag-iisip. Sa halip, itaas natin ang ating kamalayan, na ang ating pag-isipan at gawin ay kung paano mapapabuti ang ating bayan.

Ating ideklara sa buong mundo ang kagalingan ng Pilipino at ng Pilipinas.

Na kung matanto natin ang ikabubuti ng bansa, sana'y lahat ay umayon, at gawin ang mga ito nang "walang pag-iimbot at nang buong katapatan."

Nang sa gayon, pagkaraan pa ng 1,887 pang taon, ipinagdiriwang pa rin natin ang ating Kalayaan sa petsang ito.

MABUHAY ANG PILIPINAS!!!!

No comments:

Post a Comment