Sinimulan kong basahin ang Noli Me Tangere na-download ko sa Project Gutenberg. Buti na lang at may epub format, kun'di'y maloloka ka sa kababasa ng txt format; mahirap na ngang basahin 'yung Tagalog n'ya (isinalin ni G. Pascual H. Poblete mula sa "wicang Castila" noong taong 1909, mahigit isang daang taon na ang nakakaraan), magbabasa ka pa tulad ng "...cagagawán n~g m~ga lindól at m~ga bagyó..."
Unang binasa ko ang nobelang ito noong ako'y nasa-High School pa, mahigit tatlumpong taon na ngayon (nagpaghahalata ang aking edad). At tulad ng lahat ng mga Pinoy, maliban na lang marahil sa mga titser ng Filipino, ay ito rin ang huli kong pagbasa nito.
Nakakalungkot, pero may dahilan ako. 'Yung kasing librong aking ginamit noon ay na-publish bago pa nagkaroon ng WWII (World War Two, at hindi World Wide II), siguro mga taong 1930's. 'Yun ang hinahanap kong translation, na dati'y mabibili lamang sa National Library, pero hindi na rin available ngayon doon.
Ayaw ko kasi 'yung mga nasa-bookstore ngayon; mas para silang textbook kesa nobela, 'yun meron pang "MGA TULONG SA PAG-AARAL" kada dulo ng bawat chapter. Bakit, 'yun bang mga katha nina Stephen King at Nicolas Sparks ay may kasamang "GLOSSARY"?
Abridged na rin 'yung mga librong binabasa ng mga High School students ngayon. Marahil, dahil na ngang mahirap nang basahin ang nobela sa wikang Tagalog, tinanggal na ang ilang mga nakasulat sa orihinal, mga ilang paglalarawan o descriptions ng noong panahon na 'yun, o kaya'y mga paniniwala ni Rizal, lalo na 'yung tungkol sa relihiyon. Nag-concentrate na lang ang mga kasalukuyang libro sa main story ng Noli.
Na sayang din naman. Maraming nawawawala dahil sa abridgment.
Kaya sinimulan ko muling basahin ang Noli, sa edition na luma na ang pagkaka-translate.
Siguro, kung nabubuhay si Rizal ngayon, isang blog ang kanyang isusulat, sa halip na isang libro. Mas marami kasing nagbabasa ngayon ng blog kesa libro. Ang isa pa, ang tema ng libro ay pasok na pasok sa blog. Mga komentaryo tungkol sa mga nangyayari noon, na parang si Professional Heckler sa ngayon.
Umpisa pa lang, tawang-tawa na ako. Inilarawan ni Rizal kung paano ang naging reaksyon ng mga tao tungkol sa biglaang paghahanda ng isang hapunan ni Kapitang Tiago:
"Cawangis ng kisláp ng lintíc ang cadalîan ng pagcalaganap ng balítà sa daigdigan ng mga dápò, mga langaw ó mga 'colado' (mga taong nagpupunta sa mga handaan kahit hindi imbitado - B.), na kinapal ng Dios sa canyang waláng hanggang cabaitan, at canyang pinararami ng boong pag-irog sa Maynílà."
Pinakita n'ya ang bahay ng Kapitan, na "natatayô sa pampang ng ilog na sangá ng ilog Pasig, na cung tawaguin ng iba'y "ría" (ilat) ng Binundóc, at gumáganap, na gaya rin ng lahát ng ilog sa Maynílà, ng maraming capacanang pagcapaliguan, agusán ng dumí, labahan, pinangingisdâan, daanan ng bangcang nagdádala ng sarisaring bagay, at cung magcabihirà pa'y cucunán ng tubig na inumín, cung minamagalíng ng tagaiguib na insíc."
Ganito naman niya ipinakita ang sala:
"Nasasalas ang mangagsisicain, sa guitnâ ng lubháng malalakíng mga
salamín at na ngagníningning na mga araña: at doon sa ibabaw ng
isáng tarimang pino ay may isáng mainam na "piano de cola",
na ang halaga'y camalácmalác, at lalò ng mahalagá ng gabíng itó, sa
pagca't sino ma'y walang tumútugtog. Doo'y may isáng larawang "al
óleo" ng isáng lalaking makisig, nacafrac, unát, matuwíd, timbáng
na tulad sa bastóng may borlas na tagláy sa mga matitigás na daliring
puspós ng mga sinsíng: wari'y sinasabi ng larawan:
--¡Ehem! ¡masdán ninyó cung gaano carami ang suot co at aco'y hindî
tumatawa!"
Tungkol naman kay Kapitan Tiago, may isang mahigpit na karibal ang ginoo, si Donya Patrocinio, sa pagyayabang sa pagpapakita kung gaano sila ka-relihiyoso. Kung ang Kapitan ay nag-alay sa isang imaheng Birhen ng isang bastong gawa sa pilak at may mga esmeralda't topacio, ang Donya nama'y magbibigay ng isang bastong gawa sa ginto na may mga brilyante. Ganoon na lamang ang pataasan ng dalawa hanggang sa huli'y tinalo ng babae ang lalaki at "umaasa ang mmga cacampí ni Doña Patrociniong pagcamatáy nito'y maguiguing 'canonizada', at si Capitang Tiago ma'y sásamba sa canyá sa mga altar, bagay na sinasang-ayunan ni Capitang Tiago at canyáng ipinangangaco, mamatáy lamang agád."
Alam din naman natin ang kwento ni Maria Clara, na ang tunay na ama ay si Padre Damaso. Kaya, nang ipinanganak ang babae, ito'y mas mukhang Kastila kesa Pinoy. Malayo ang pagkakahawig ni Maria Clara kay Kapitan Tiago, pero, "anáng mga nahihibáng na mga camag-anac, na caniláng nakikita ang bacás ng pagcâ si Capitang Tiago ang amá, sa maliliit at magandáng pagcacaanyô ng mga tainga ni María Clara."
May mga romantikong sandali rin ang nobela. Isa na rito ay ang usapan nina Maria Clara at Ibarra sa azotea, na parang ligawan nina Romeo at Juliet sa balkonahe. Tinanong ni Maria Clara kung hindi siya nalimutan ni Ibarra habang ang lalaki'y nasa ibang bayan, at kayraming magagandang babae ang naroroon, na isinagot naman ni Ibarra na, "cung minsa'y náliligaw acó sa mga landás ng mga cabunducan, at ang gabíng doo'y untîuntì ang pagdatíng ay naráratnan acóng naglácad pa't hinahanap co ang aking daan sa guitnâ ng mga 'pino', ng mga 'haya' at ang mga 'encina'; cung nagcácagayón, cung nacalúlusot ang iláng mga sínag ng buwán sa mga puáng ng masinsíng mga sangá, wari'y nakikinikinita co icáw sa sinapupunan ng gubat, tulad sa isáng nagpapagalagalang aninong gágalawgaláw at nagpapacabicabilâ sa liwanag at sa mga carilimán ng malagóng caparangan, at sacâ ipinarírinig ng 'ruiseñor' ang canyáng ibá't ibáng cawiliwiling huni, inaacálà cong dahil sa icáw ay nakikita't icáw ng siyáng sa canyá'y nacaaakit."
Marahil, isang dahilan ang pagka-ban nito sa maraming Catholic schools ay hindi lamang 'yung pagpapakita ni Rizal sa mga pagmamalabis ng mga Kastilang pari, kun'di pati na rin sa mga pananaw ni Rizal tungkol sa Simbahan sa Pilipinas noong panahon na 'yun. Isang masakit, nguni't makatotohanang pananalita ang sinabi ni Rizal:
"At icáw, Religióng ilinaganap na talagáng úcol sa sangcataohang nagdaralità, ¿nalimutan mo na cayâ ang catungculan mong umalíw sa naaapi sa canyáng carukhâan, at humiyâ sa macapangyarihan sa canyáng capalalûan, at ngayó'y may laan ca lamang na mga pangácò sa mga mayayaman, sa mga táong sa iyó'y macapagbabayad?"
Ang nobela'y nagsisimula nang maging dark pagkatpos malaman ni Ibarra na ang bangkay ng kanyang ama ay ipinahukay ni P. Damaso upang ilibing sa libingan ng mga Insik. Subali't ang nautusa'y palibhasa'y tinatamad, kesyo umuulan noong araw na 'yun, kesyo malayo pa ang libingan ng mg Insik, kesyo mas mabuti pa ang malunod kaysa malibing kasama ng mga Insik, minabuti ng nautusan na itapon na lang ang bangkay sa ilog. Tapos rin nito'y ang kuwento nina Crispin at Basilio, na pinagbintangang nagnakaw ng mga "onsa". Sumunod din ang kuwento ni Sisa, na minalas sa kanyang asawa.
Wala pa ako sa one-fourth ng libro. Pero, tatapusin ko ito, at aking i-e-enjoy na parang nagbabasa ng isang New York Times bestseller. Nakakalungkot kung ang nobelang ito ay hindi ko mabasa ng walang kinakatakutang recitation o quiz.
At least, para naman sa isang-daa't limampung birthday ng ating bayani, isa na itong handog ko sa kanya, ang ma-appreciate at matuto sa isa sa pinaka-mahusay na work of literature na naisulat kailan man.
No comments:
Post a Comment