Alam ko na kung bakit ako mahirap; bata pa ako'y nasabi ko sa aking sariling ayaw ko ang yumaman. Hindi pa man lumalabas ang The Secret ni Rhonda Byrne, umiral na agad sa akin ang Law of Attraction. Kaya, 'eto, kalahating century na ako sa mundong ito, mas malaki pa rin ang aking liabilities kesa assets, at, 'di tulad ni Mikey Arroyo, sigurado akong hindi mag-ta-taymes tuwenti ang aking assets sa loob lamang ng anim na taon.
Hindi ko alam kung nasabi ko 'yun dahil talagang ayaw kong yumaman, o isang kaso ito, ayon nga kay Bo Sanchez, ng romanticizing poverty. 'Yun bang inaakalang mas masaya ang buhay ng isang mahirap kesa buhay ng isang mayaman.
Well, hindi ko naman masasabi kung aling buhay ang mas masaya. Hindi ko naman na-experience ang maging mayaman.
Ang gusto ko lang naman sa maraming pera ay 'yung marami kang choices.
Mas gusto ko na may choice ako ngayong unang araw ng bagong taon kung ako'y pupunta sa SM Sucat, SM Alabang, o MOA, kesa wala akong choice kun'di mamasada ng taksi at dalhin ang mga pasahero sa SM Sucat, SM Alabang, o MOA.
Mas gusto ko na may choice ako kung kakain ako ng puto bumbong, bibingka, o banana cue, kesa wala akong choice kun'di ipagliban ko ang meryenda at hintayin na lang ang hapunan.
Mas gusto ko na may choice ako kung manonood ako ng "Enteng Ka Ng Ina Mo", "My House Husband - Ikaw Na", o "The Asiong Salonga Story", kesa wala akong choice kun'di panoorin ang "Segunda Mano" dahil 'yun agad ang mayroong pirated DVD.
Masaklap din kung ang aking Noche Buena ay kanin at asin lamang, kung ang aking anak ay nangangailangang dalhin sa ospital dahil tinamaan ng ligaw na bala, o kung ano pang pangangailangan ng pera sa buong taon at wala akong panggastos.
Hindi ko ikakaila: nagnais din ako na magkaroon ng maraming pera. Kaya marami rin akong sinunod na mga pamahiin, pero may tweaks, para mas maraming pera ang sa aki'y dumating.
Gaya dati, hindi ako nagsuot ng damit na may polka dots dahil baka mga barya lang ang aking makuha. Naghanap ako ng damit na may mga hugis rectangle. Ang problema, wala akong nakita, kaya pinag-gugupit ko na lang ang aking damit. Effective naman; n'ung taong 'yun, laging butas ang aking bulsa.
Nagsuot din ako ng kulay green, dahil simbolo daw 'yun ng kasaganaan, at para kumita rin ako ng dollars. Kaso, ang kinita ko ay panay limang piso. At nang ginawang barya ang limang piso, wala na ring umakyat na pera sa akin.
Hindi na rin ako naghanda at kumain ng tig-pi-pitong mansanas, dalandaan, chico, ubas, kiat-kiat, bayabas, at Sunkist. Ang inihanda't kinain ko ay iba't ibang klase ng pears. Sa pangalan na pangalan na lang, feeling ko'y yayaman na ako.
Pinag-bubuksan ko rin lahat ng aming mga bintana't pintuan noong magpalit ng taon, para maraming grasya ang pumasok sa amin. Sa halip na narumihan ang aming loob dahil sa sobrang usok mula sa mga paputok, luminis pa ang aming bahay; ninakaw ang lahat ng aming kagamitan.
Wa' epek ang mga 'yun. Kaya, kung minsan, gusto ko na ring tumaya sa Lotto. Malay mo, baka suwertehin.
Kaso, naisip ko rin, ano naman ang gagawin ko sa limpak-limpak na salaping mapapanalunan ko sa Grand Lotto?
Alam ko na, patatayuan ko ng bakod ang aming bahay. Mataas na bakod. Mas mataas pa sa aking bungalow. Para hindi makita ng mga tao ang aming looban. At hindi ko rin sila makikita.
Ipapa-bullet proof ang aking Model 1992 Mitsubishi Lancer, para kahit tutukan kami ng mga kidnapper, wala akong takot ipagpatuloy ang aking pagmamaneho.
Kakain ako sa mga mamahaling restoran, panay eat-all-you-can, tapos magpapatingin ako sa mga magagaling na espesyalista para magpagamot. Can afford ko na rin naman ang kanilang irereseta.
Mahirap nga ang maging mahirap, pero, naisip ko, mahirap din marahil ang maging mayaman. Lagi siguro akong takot sa safety naming mag-anak. At darami rin ang aking mga kamag-anak.
Hindi naman mabibili ng pera ang lahat. 'Ika nga ng The Beatles, "Money can't buy me love."
Siguro, tulad ng pag-inom ng San Mig Light, panonood ng CinemaOne, o pagkain ng dinuguan, ang pagkakaroon ng pera ay dapat ding in moderation.
Gaya nga ng dasal ni Agur, "Huwag Mo akong payamanin o paghirapin. Sapat na pagkain lamang ang ibigay Mo sa akin. Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na Kita kailangan. Baka naman kung maghirap ako'y matutong magnakaw, at pangalan Mo'y malapastangan." (Proverbs 30: 8-9)
Tama na sa akin ang magkaroon ng sapat: upang makakain kami ng tatlong beses, at dalawang merienda, araw-araw; upang hindi na ako makipila sa maraming naghihintay ng taksi sa SM; upang makapagpalit kami ng wardrobe kada limang taon.
Kaya, ang unang dasal ko sa Diyos ay nawa'y bigyan N'ya kami ng sapat sa darating na bagong taon.
Ang ikalawang dasal ko'y nawa'y bigyan N'ya ako ng kaalaman upang matanto ko kung ano ang "sapat". Kung minsan kasi'y sobra-sobra na, pero ang pakiramdam ko'y kulang pa rin.
At ang huling dasal ko'y nawa'y bigyan N'ya ako ng isang generous heart upang makapagbigay ako sa mga taong nalalagay sa forced poverty. 'Yun, marahil, ang magandang paraan upang magpasalamat sa mga biyayang Kanyang ibinibigay.
Mula sa akin at sa aking pamilya, nawa'y mgakaroon kayo ng isang bagong taong mapayapa, maligaya, at punong-puno ng biyaya.
No comments:
Post a Comment