Sunday, December 25, 2011

Pasko

Sinabi ni Brother Eli na hindi siya naniniwala na ang birthday ni Hesus ay Dec 25. Kasi, 'ika n'ya, malamig ang panahon kapag Disyembre, kaya hindi maaaring ipag-utos ni Augusto Ceasar ang pagtatala ng mga tao. Maiisip ni Ceasar na dahil ma-yelo ang daan, malamang magkakadulas-dulas ang mga tao, o hayop, sa paglalakbay.

Dasalasanansens! Sino bang mananakop, lalo na noong unang panahon, ang naisip ang kapakanan ng kanyang nasasakupan? Basta, kung ano ang ginusto n'ya, dapat itong sundin, kesihoda pa kung ang mga tao'y manigas sa tag-lamig o mamatay ng uhaw sa tag-init, o kung ano pang inconvenience ang abutin nila sa gitna ng thermometer.

Sabi din ni Brother Eli na wala naman sa Bibliya na ipinanganak si Hesus noong Disyembre 25.

Siyempre, wala nga. Una, hindi naman ginagamit ng mga Hudyo ang Julian calendar noon, lalo na ng mga nagsusulat ng Bibliya. Ikalawa, hindi nakaugalian ng mga nagtitinda na magregalo ng kalendaryo sa kanilang mga suki. At ikatlo, hindi election year noong ipinangak si Hesus, kaya ang mga politiko'y hindi nag-aabot ng mga pocket calendar, kung saan nakalarawan sa kabilang side ang kanilang mukha, kahit sa sinong makasalubong nila.

Ayon sa mga historian, ang araw ng Kapaskuhan ay dating araw kung saan ipinagdiriwang ang isang paganong piyesta, gaya ng winter's solstice, kung saan magtatapos ang pinakamahabang gabi ng taon, o ang Saturnalia, bilang piyesta ng isang mahalagang diyos.

Marahil, kaya ginawa ng Simbahang Kristiyano ang pagpapalit ng piyesta ay upang mabago ang pag-iisip ng mga paganong ito at, sa halip, ay si Kristo ang kanilang ipagdiwang.

Ang problema, mukhang nababalik tayo sa pagiging pagano.

Sa halip na si Kristo ang ating ipagdiwang, nagiging si Santa Claus.

Sa halip na maging masaya tayo sa regalo ng Diyos sa atin, na ibinigay N'ya ang Kanyang kaisa-isang Anak, nagsasaya tayo sa mga regalong ibinigay sa atin ng ating mga kamag-anak, kaibigan, ka-opsina, kaklase, supplier, subordinate, estudyante, o iba pang sipsip.

Sa halip na kumakanta tayo ng "Alleluiah" bilang papuri at pasasalamat sa Diyos dahil binigyan muli tayo ng bagong buhay, kumakanta tayo ng "My Way" na nakamamatay.

Kaya marahil binibigyan ng emphasis ng Simbahan ang paghahanda sa Pasko: nariyan ang Adviento at ang Simbang Gabi. Marahil, dahil sa antisipasyong ito, lalong magiging religiously important ang piyestang ito.

Nawa'y kahit sa ginta ng ingay ng mundo - na punong-puno ng advertiesments para sa perpektong regalong Pamasko, ng gabi-gabing videoke ng kapitbahay, ng nagsisikipang mga mall - hindi natin malimutan ang tunay na dahilan kung bakit may specific na araw na idineklara ang Simbahan, kahit walang nakakasiguro sa eksaktong petsa, para ipagdiwang ang kapanakan ng ating Tagapag-ligtas.

Mula sa aking pamilya, nawa'y magkaroon kayo, at ng inyong pamilya, ng isang makabuluhang Pasko!

No comments:

Post a Comment