Wednesday, September 26, 2018

Ang Mamatay Ng Dahil Sa'yo

Gusto raw palitan ni Tito Sen ang huling linya ng ating pambansang awit, mula sa "Ang mamatay ng dahil sa'yo", ay gagawing "Ang ipaglaban ang kalayaan mo."  Masyado raw defeatist  ang kasalukuyang linya.

Sa huli'y hindi na rin n'ya ipinagpatuloy ang mungkahing ito.  Marami raw mahinang umintindi (bobo?), kaya, ayawan na.

"Ayaw n'yo?  Huwag!"

Pero, bago muna nating i-dismiss ang panukalang ito, maganda rin naman sigurong suriin natin ito.  Malay mo, baka nga may punto naman si Tito Sen.

Sino na nga ba ang handang magpakamatay para sa bayan?

Ayon kay Du30 Finger, hindi ang mga sundalo.  Hindi raw papayag ang mga ito na pumunta sa Spratley para makipagbanatan sa mga Tsino dahil iisipin ng mga sundalong suicide mission and kanilang gagawin.  Magkakaroon lang daw ng coup d'etat kung uutusan n'ya ang Hukbong Sandatahan na magtapang-tapangan sa area na 'yun.

Eh, kung walang tiwala ang Commander-in-Chief sa kanyang mga sundalo, sino pa ang gustong "mamatay ng dahil sa 'yo"?

Paano naman 'yung sinabi ni Ninoy na "The Filipino is worth dying for"?  Ayan nga't gustong palitan ang mga mukha nila ni Cory sa limang-daang piso, at si Lapu-lapu ang ilalagay.  'Di kaya nagsisisi si Ninoy?

'Yung mga politiko nais daw maglingkod sa bayan? Redi ba sila?

Eh, 'yung mga opisyales nga ng Tacloban, nagsipagtakbuhan sa Maynila noong dumaan ang Yolanda. 

Ang mga kabataan, ang "Pag-asa ng Bukas", ayon kay Rizal?  Baka mas gugustuhin pa nilang magpakamatay para sa mga gadget nila kesa sa bayan.

Kaya, nakakalungkot.  Baka nga wala nang gustong mamatay para sa bayan.

Sabagay, kahit siguro noon. Sino bang bayani ang talagang nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan?  Parang iilan lang.

Pero, sa palagay ko, marami rin.

Sila ang mga ordinaryong taong lumaban sa mga mananakop, mula sa mga Kastila hanggang sa mga Hapon.

At meron ding mga taong hanggang ngayo'y lumalaban para sa ating mga karapatang pantao.

Kahit walang kalyeng naka-pangalan sa kanila.

Kaya hangga't may isang Pilipinong handang ibuwis ang kanyang buhay para sa bayan, relevant pa ring kantahin ang linyang "Ang mamatay ng dahil sa 'yo."


No comments:

Post a Comment