Sunday, May 4, 2008

Cost of Living

Alimasag ang ulam namin ngayong hapunan. Kaya siguro sumakit ang batok ko; hindi dahil sa kakakain ng aligi, nguni't dahil sa taas ng presyo ng bilihin ngayon.

Pitong piraso ang aking binili kanina sa Hypermart, SM Bicutan. P 350 para sa lahat, so, lumalabas na tig-sikwenta kada isa. Kung itatapon ko ang aligi, mga labinlimang piso rin ang aking itinapon. P 25 para sa balat, sapagka't hindi ko rin naman makakain 'yun. (Sabi nga nila, kalahati tapon.) Kung kaya, sampung piso lang ang halaga ng aking nakain. Kasama na 'yan ang laman ng mga galamay, anim na mahahaba at dalawang lapad. Kung 'di ko sinimot 'yun, malamang limang piso lang ang halaga ng aking nakain. Tinipid ko ang mga sipit; ayaw ko namang ubusin lahat sa isang upuan lamang.

Ang aligi raw ng alimasag ay purong cholesterol. 'Di tulad ng taba ng baboy, na gagawin pang cholesterol kaya't may losses pa, ang aligi ay 100%, pure and unadulterated stroke. Anyway, tadtad naman ng bawang ang sukang aking sawsawan. Wala naman si Misis, kaya wala akong hahalikan ngayong gabi.

Gaya ng nasabi ko, mahal na ang bilihin ngayon. Buti sana kung unti-unti ang pagtaas. Kaso, masyadong mabilis. Gaya ng anak ko; nalingat lang ako, ngayo'y halos kasing-tangkad ko na.

Halimbawa na lang 'yung bigas. Noong isang buwan (may apat na linggo ang nakakaraan), P 25 ang isang kilo. Makaraan ng isang linggo, nagkaubusan ng bigas, as in wala ka talagang mabili. Noong isang linggo, P 35 ang bawa't kilo. Kanina, P 45 na. Sa isang linggo kaya, magkano na?

Sabi nga ng nagtatakal ng bigas, ang balita raw ay tataas ang gasolina ng isang piso bawa't linggo. At 'pag tumaas ang gasolina, tataas pa lalo ang bilihin. Ang presyo naman ng gasolinang itinataas nila ay ang nabili na nila may tatlong buwan na ang nakakaraan. Nasa $ 90 siguro bawa't barrel. Tubo na naman sila.

Kahit ang galunggong, na ginamit ni Tita Cory noon sa kanyang pangangampanya laban kay Marcos, ay mahal na rin. Hindi na siya pagkain ng mahihirap. Kung ngayon ginawa ang Snap Election, ano kaya ang gagamiting halimbawa upang ipakita kung paano lalong naghihirap ang mga Pinoy? Presyo ng beer? Kakaaunting nabibili ng perang padala ng mga asawa galing sa abroad? O dami ng mga taong naglilipatan na sa Sun Cellular?

Mahirap na ang buhay ngayon. 'Ika nga ng kaibigan ko, "People are dying to get into the cemeteries because of the high cost of living." Masuwerte pa ang ako't nakakabili pa ako ng alimasag. Anyway, credit card naman 'yun. Bayaran ko na lang ang minimum sa katapusan.

Pero, at least, may credit card ako. At may pambayad ng minimum. Paano kaya 'yung mga iba? 'Yung nakakarami? Kaya, tuloy, ang daming umaalis para kumita ng mas malaki. Tulad ni Madonna Decena.

'Di naman siguro kailangang mamigay ng pera ang gobyerno. 'Wag lang nilang ibulsa ang napakaraming perang galing din sa mga mahihirap. At 'wag namang masyadong kumita ang mga negosyante. Bawasan kasi nila ang kanilang pani-nyiks. Malas sa buhay 'yun.

At ako, magpapakatino na rin ako. 'Di na ako mag-uuwi ng lapis mula sa opisina.

1 comment:

  1. Hay...GAS at P60+/liter...mag-bi-bisikleta na lang po ako papasok ng opisina.

    ReplyDelete