Sunday, May 18, 2008

Artist

Marahil ang isa sa pinaka-unhealthy food ng mga Pinoy ay ang lechon paksiw. Ginagawa ito mula sa left over na lechon, kasama ang natirang balat (sapagka't makunat ito). Kaya naman ang lechon paksiw ay puno ng cholesterol. Dagdagan mo pa ng sauce nito, na galing sa atay ng baboy, kung kaya't puno rin ito ng uric acid. At dahil masarap ang lechon paksiw, mapapadami ka ng kain ng kanin, carbo naman. Siyempre, hindi mawawala ang malamig na Coke, sugar naman ang pinag-uusapan natin dito. Ok, Coke Zero ang iyong iinumin. Kaso, isipin mo, pag-inom mo ng malamig na softdrink gagawing sebo lahat ng kinain mong mantika.

At hindi pa natin pinag-uusapan kung ang baboy ay double dead na.

Mabuti pa ang tsitsarong bulaklak, merong kasamang tincture of garlic (sukang may bawang) upang labanan ang cholesterol.

Nabili ko lang sa SM ang lechon paksiw na aking inulam kanina. Hindi naman ako marunong magluto, lechon paksiw man o kung ano pang pagkain.

Nu'ng bata pa ako (matagal na'ng panahon ang nakakaraan), may karinderya kami sa Sta. Cruz, Manila. Ang trabaho ko dun, kapag bakasyon, ay ang maging busboy at dishwasher. Sabi ko, at least, 'pag nagpunta ako ng US ofA, may alam na akong trabaho. Araw-araw kong pinanonood ang aking Nanay na magluto, pero hindi ko talaga natutunan ito. Ayaw ko kasi 'yung pa-tantsa-tantsa. Gusto ko, 'yung eksato sa sukat lahat. Parang, pag sinabing add salt to taste, alam ko kung ilang butil ng asin ang ilalagay ko. Eh, pag tinitikman ko naman habang niluluto, hindi ko malasahan. Mainit kasi. At 'pag pinanonood ko si Nigella sa TV, 'pag sinabi n'yang a pinch of salt, eh, parang napakalaki ng kayang kurot.

Dati, nagprito ako ng bangus. Sabi nila, malalaman mo raw kung luto na kapag hindi na maingay ang mantika. Kaso, tuwing didiinan ko 'yung bangus, umiingay 'yung mantika, kaya, akala ko, hindi pa siya luto. Siguro, mga tatlumpong minuto ko niluto 'yung bangus. Kaya siguro siya mapait.

Minsan naman, nag-barbecue ako. Kaso, rare ang kinalabasan. Ok lang kasi, mula noon, hindi na ako nautusang mag-barbecue ulit.

Sabagay, ang Ate ko nga, noong bata pa kami, hindi rin marunong magluto. Ang alam lang n'yang lutuin ay miswa. Biro nga ng aking Tatay, minsang nag-init ang aking Ate ng tubig, nagkatutong pa. Pero, in fairness, marunong na siyang magluto ngayon. At masarap pa.

Pero, ako, hindi talaga matuto-tuto, kahit ano'ng gawin ko. Kumbaga, sa videoke, kahit lasing na ang mga kasama ko, sintunado pa rin ako sa kanila.

Kaya, siguro, naiinggit ako sa mga taong marunong magluto. 'Yung tipong piyanistang nakakatugtog kahit walang piyesa. Oido ang tawag d'un. Parang 'yung daga sa pelikulang Ratatouille. Mga artists ding maituturing sila. Meron mang sinusundang recipe, napapainam pa nila dahil sa pagdagdag o pagpalit ng ilang ingredients.

'Yun din siguro ang dahilang ng aking pananaba. Mahusay kasing magluto ang aking Missis. May oido rin.

Ngayon, kung matututo rin akong mag-init ng tubig na hindi nagkakatutong.

No comments:

Post a Comment