Panalo na naman si Manny Pacquiao! Yehey!
Tulad ng laban n'ya kay Marquez, alam ko na ang resulta habang pinapanood ko ang round 6. Palibhasa, hindi ako nag-subscribe sa Pay Per View, ayaw kong manood sa SM, at wala akong illegal na koneksyon sa Dream Network kaya sa free channel na lang ako nanood, na ipinalabas sa Kapuso Network. Inalam ko lang kung paano natalo si Diaz, kung bumagsak ba siya o inihinto ng duktor ang laban dahil sa sobrang dami ng dugong lumalabas sa kanyang kilay.
Bilib ako kay Pacquiao; mabilis at malakas sumuntok. Sabi nga nila, komportableng-komportable si Manny sa timbang n'yang 'yun.
Pero, mas bumilib ako na'ng manalo na siya. Kung ibang boksingero 'yun, na'ng mapatumba n'ya ang kanyang kalaban at sumenyas ang referee na tapos na ang boksing, magtatatalon 'yun at magwawala sa ring. Pero, iba si Manny. Ang una n'yang ginawa ay nilapitan si Diaz, kinausap, at pinilit itayo. Bago pa siya mag-celebrate sa kanyang natamong panalo, sa ikaapat na korona n'ya, at sa milyong-milyong dolyar na makukuha n'ya, ang una naisip ni Manny ay ang nakalaban n'ya, na ngayo'y nakahiga sa lona.
Siguro, ganyan talaga s'ya. Naalala ko, na'ng nakalaban n'ya si Marquez, hindi pa man sinasabi kung sino ang nanalo, lumapit na si Manny sa kampo ni Marquez. Doon, binati n'ya ang mga kasamahan ni Marquez. Inisip ko, baka pakiramdam ni Manny na talo siya kaya nag-congratulate na agad siya. Pero, mukha talagang mabait si Manny. Kumbaga, trabaho lang, walang personalan.
Tignan mo nga, may balita pang si Manny ang nag-finance kay Morales n'ung ang huli'y dumalaw dito sa 'Pinas.
Pero, tingin ko, hindi lang si Manny ang gan'un. Naalala ko, mga '80's 'yun, ang ating basketball team ay nagpunta sa Europe (Italy 'ata) at sumali sa isang tournament. Ito'y ensayo para sa Asian Basketball Conference. Sina Hector Calma, Samboy Lim, Allan Caidic, at 'yung tatlong naturalized Pinoys (kasama sina Jeff Moore, Dennis Still, at Chip Engelland) ang nasa koponan na 'yun. Wala silang naipanalo sa torneo pero sila ang naging paborito ng mga manonood. Pati na rin ang mga kalaban, gusto sila. Kasi naman, kung ang bola ay nasa panig kung saan nakaupo ang Philippine team, tuwing may dead ball, aabutan ng tuwalya ang mga kalaban upang magpunas ng pawis.
Meron din 'yung nanalo si Ronnie Alcano kay Ralf Soquet sa 2006 World Pool Championship. 'Di ba't nag-cheer pa ang mga Pinoy audience kay Soquet? Kaya nabansagan ang mga Pinoy na classiest audience.
Ganu'n din sana sa ibang larangan ng ating buhay. 'Pag talo, talo. Wala na'ng sisisihin pa. Pero 'pag panalo, 'wag nating kalimutan 'yung mga natalo. At, higit sa lahat, walang dayaan. Napaka-hollow ng panalo kung dadaanin sa daya.
At talo ka, sa mata ng Diyos.
No comments:
Post a Comment