Nanood kami kagabi ng "Get Smart". Maluwag sa Premiere, at dahil pareho naman ang bayad ng taas at baba, doon kami naupo.
Sa last full show kami nanood. So, nang ipinakita na si Dolphy, nagsimula na kaming tumayo; kakantahin na ang "Lupang Hinirang" (NOTE: Hindi po siya "Bayang Magiliw".) Ang lahat ay tumayo upang magbigay pugay sa Pambansang Awit.
Sa aming harapan, may isang lalaki ang nakikipag-usap sa kanyang cell phone. Kalagitnaan na ng Awit, tuloy pa rin ang kanyang paggamit ng cell phone. 'Saktong nasa likod n'ya si Misis. Hindi 'ata nakatiis, kinalabit ni Misis 'yung mama, tapos itinuro ang screen. So, napilitang ihinto n'ung mama 'yung kanyang pakikipag-usap.
Na'ng ipinalabas na ang unang pakita, lumabas 'yung mama upang ipagpatuloy ang kanyang pakikipag-usap. Pero, bago s'ya umalis, nilingon muna n'ya si Misis. 'Ika ng aking panganay, "Ang sama ng tingin kay Nanay!"
Bakit nga ganun? Ang mga tao'y tumatayo kapag pinatugtog na ang Pambansang Awit. Pero, ilan ang kumakanta? Ilan ang naglalagay ng kanilang kanang kamay sa ibabaw ng kanilang mga puso? Ilan ang makakakanta ng Awit ng hindi nabubulol o hindi nagkakamali?
Ilan ang tunay na nagbibigay respeto sa ating Pambansang Awit?
Nakakalungkot. Maraming maingay sa Pilipinas, na nagsasabing wala nang pag-asa ang bansa, na lahat ay nagkakanya-kanya, na ang mga Pilipino ang may pinakamasamang ugali sa buong mundo. Kaso, ang mga ito ang hindi nagbibigay respeto sa ating bansa. Ang mga ito ang nabu-bwisit kung bakit isinisingit ang Pambansang Awit bago ipalabas ang last full show.
'Ika nga ni Kristo, paano ka mapagkakatiwalaan sa mga malalaking bagay kung hindi ka mapagkatiwalaan sa mga maliliit? Kung hindi mo ma-respeto ang Pambansang Awit, na hindi lalagpas ng limang minutong patugtugin, paano mo marerespeto ang bansang sumasagisag dito?
At kung hindi mo marerespeto ang bansang Pilipinas, bakit ka pa nandito?
No comments:
Post a Comment