Isang oras na ang nakakalipas ng unang araw ng 2009. Happy New Year!!!!
Dito kami nag-Bagong Taon sa bahay ng aking biyenan sa Baclaran. Ilang taon na rin akong hindi nakapagdiwang ng bagong taon dito. Kumpara sa mga panahong nandito ako, tahimik ang pagdiriwang ngayon. Hindi, marahil, dahil umulan at nabasa lahat ng paputok ng mga tao, nguni't pati ang pagpapatugtog ng karaoke ay nananahimik na rin. Marahil, ang mga kapitbahay ay nagpunta sa MOA, The Fort, o kaya sa Makati upang makapanood ng fireworks display. Mas mura nga naman 'yun. Isipin n'yo, ang isang Sinturon ni Hudas, umaabot ng two thousand pesoses, at ilang minuto lang 'yun. At ano ang mapapala mo? Well, at least, tanggal ang lahat ng luga mo, kung hindi matanggal lahat ng daliri mo.
Sabi sa d'yaryo, 92% daw ng mga Pinoy ay hopeful sa darating na taong 2009. Sabagay, no where to go but up nga naman ang karamihan sa kanila. Pero, kung umaasa tayo sa magandang bagong taon, bakit marami sa atin ang mga sumusunod sa mga pamahiin upang pumasok ang swerte? Tulad ng pagkakaroon ng iba't ibang hugis bilog na prutas. Ilang nga ba 'yun? Ang tanda ko, tig-anim na piraso, at pitong klase. Meron akong narinig sa TV kanina, labindalawa o labintatlo raw. 'Di ko lang malaman kung piraso 'yun o klase. Kaya naman kay daming namimili ng mga prutas buhat pa kahapon. Hindi ko 'yun nagawa, kasi, kay hirap namang maghanap ng pitong klase ng prutas na kulay bilog: mansanas, orange, dalanghita, chico, bayabas.... Ayan, lima lang ang naisip ko. Pinagtatalunan pa naming mag-ama kung kasama ang kastanyas doon. At, marahil, p'wede na ring isama ang ponkan; tutal, ibang specie naman 'yun sa orange.
N'ung bata ako, marami rin akong mga ginagawa upang maging maswerte ako. Dati, binubuksan ko lahat ng bintana, kabinet, at wallet para pumasok ang swerte. Inihinto ko na 'yun na'ng nabalitaan ko 'yung isang bahay na, sa halip swerte ang pumasok, magnanakaw ang dumating. Ayun, tangay lahat ng damit nila, pati 'yung wallet. Isa pa, sa dami ng nagpapaputok noon, pagkatapos ng putukan, panay usok sa loob ng bahay namin. Hindi lang ang aming ilong ang maitim, pati na rin ang aking mga damit. Tapos, naisip ko rin, kung bukas lahat ng bintana, maaari ring makalabas ang swerte matapos itong pumasok. Paano ang gagawin ko? 'Yung isang bahagi lang ng bahay ang nakabukas, at 'yung kabila ay nakasara, para one way lang ang daloy ng swerte? Alin ang bubuksan ko? 'Yung nakaharap sa North? Sa East? Eh, kung makita ng swerte 'yung nakasarang pinto't bintana, 'di kaya siya lumabas doon sa kanyang pinasukan, na nakabukas? Kay hirap pag-isipan, kaya't minabuti ko na lang na magsara ng mga pinto't bintana.
Dati ri'y tumatalon ako upang tumangkad. At para sigurado, sa tuktok ng double deck ako tumatalon. Kaso, huminto na ako simula ng ako'y mauntog sa kisame.
Dati-rati ri'y lumalabas ako para manood ng mga paputok. Kaso, n'ung minsang nakarinig ako ng sunod-sunod na paputok, na may sequence pa siya ("1-2, 1-2-3, 1-2-3-4, Let's go!"), umayaw na ako. Baril lang ang may kakayahang gumawa noon. At dahil gusto kong malaman kung kelan ako mamamatay, upang makapagsisi, dito na lang ako sa silong ng bahay ng biyenan ko nanonood ng paputok...paputok na ipinalalabas sa TV.
Meron din namang mga taong nagsusuot ng may bilog na damit. 'Yung bilas ko, nagsabit na lang siya ng mga perang papel sa kanyang damit. 'Di lang symbolism ang ginawa n'ya; actual na pera talaga ang nakakabit. Ako, panay bilog din ang aking puting undershirt. Panay kasi ito butas.
Ewan ko, pero, naniniwala pa rin ako na tayo ang gumagawa ng ating swerte. At hindi lamang 'yung iisipin mo lahat ng iyong gusto na parang nasa iyo na (tulad ng isinasaad sa The Secret), nguni't pinagtratrabahuhan din 'yun. At mas lalo nating pinagtratrabahuhan, mas lalo tayong sinuswerte.
Nawa'y maging masagana at pinagpala ang bawa't araw ng inyong taong 2009.
Tumatalon pa rin po ako at nagpapaputok pa rin kami sa New Year...may mga bilog na prutas din kami (pwede nyo po'ng idagdag ang grapes, cherries, peras, melon, at pakwan sa listahan...at hindi nga po pala "kulay" ang bilog..."hugis" po sya..."kay hirap namang maghanap ng pitong klase ng prutas na KULAY bilog:..." hehehe)...at nagsusuot ako ng stripes, hindi polka dots, kasi gusto ko po perang papel ang dumating sa taong ito at hindi barya...HEHEHE!
ReplyDeleteHappy New Year Sir Balty! Kamusta naman? Hihihi...Hope you have a better blogging year this 2009...mukhang naging tag-tuyo nung 2008 eh...hehehe!