May isa akong gustong commercial ng LBC - isang delivery service company dito sa 'Pinas, para sa mga mambabasa ko na nasa abroad. (Wala lang, gusto ko lang isipin na global ang naaabot ng aking blog.)
Isang lalaki ang kararating lang sa bahay at pumarada sa kanilang harapan (wala siguro silang garahe). Pagbabang-pagbaba niya isang messenger na naka-motorsiklo ang dumaan at nag-abot sa kanya ng mga bulaklak. Pag-alis ng messenger siya namang pagbukas ng pinto ng bahay at lumabas si Misis.
Misis: Hon! Buti naalala mo!
Mister: (Hindi maipinta ang mukha) Happy ... Anniversary?
Isang madalas gawing biruan 'yung pagkalimot ng lalaki sa birthday ng kanyang asawa o sa kanilang wedding anniversary. Kaya ako, pinili kong petsa ang Mayo uno para sa aming kasal; paano ko malilimutan eh lagi namang piyesta opisyal 'yun, walang pasok, kaya pinagkaka-hintay-hintay ko.
Bakit nga ba nagagalit ang ating mga asawa kung nalilimutan natin ang kanilang kaarawan? Sa sobrang dami nating iniisip, bakit ang paglimot sa isang araw ay pinagmumulan ng ating kagat ng lamok?
Marahil, ang ating paglimot ay nangangahulugang hindi pagbibigay importansya, 'di lamang sa kaarawan ni Misis, nguni't maging sa kanyang pagiging tao. Parang na-bale-wala natin ang tao kung hindi natin naalala ang kanyang kaarawan.
Eh, paano naman ito'ng nakaraang "Happy Father's Day"? Marami-rami rin ang hindi malaman kung kelan talaga ito gaganapin. 'Di kaya isang pahiwatig din ito kung anong importansya ang ibinibigay sa mga Tatay? 'Di tulad ng para sa mga Nanay, isang buwan bago pa man ay nakasulat na sa kalendaryo ang araw ng Mother's Day. Eh, sa aming mga Tatay, hindi masiguro kung kelan. Sa katunayan, may mga bumabati ng wala sa araw. May bumati ng Happy Father's Day noong ika-17 ng Hunyo. Sabagay, oks lang 'yun. Within the vicinity, 'ika nga.
Eniweys, ititigil ko na nga ang pagrereklamo. Sinasabi ko na hindi binibigyan ng importansya ang mga Tatay kasi walang masyadong fanfare ang pag-celebrate ng Father's Day. At sinasabi ko namang masyadong commercialized naman ang Mother's Day dahil sa sobrang ingay na ginagawa upang ipaalala ito. So, ano ba talaga gusto ko?
Hindi ko alam.
Kaya nga tatahimik na ako.
May nagsabi na noong nakaraang Father's Day ay ang Summer Solstice, o ang may pinakamahabang araw (longest day). Marahil, sabi n'ya, dahil sa talino ng Diyos, sinasabi N'ya na ang mga tatay ay may mahalagang papel upang magbigay liwanag sa kanilang pamilya.
At, kanyang dugtong, ang mga ibang araw ng taon ay Mother's Day.
Sa mga tatay, muli ko kayong binabati ng Happy Father's Day!
No comments:
Post a Comment