NOTE: Medyo huli na itong aking artikulo. Pang-Independence Day sana ito.
Meron akong desk calendar, gawa ng Salesian Mission, na ang nakalagay ay mga paintings ni Joey Velasco.
Si G. Velasco ay isang social-realist artist kung saan inilalarawan n'ya ang mga ordinaryong kaganapan, nguni't sa isang relihiyosong konteksto.
Ang isang paborito ko ay ang kanyang Last Supper kung saan si Kristo ay napapaligiran ng labindalawang gusgusing bata. Sira na ang kanilang hapag, parang orange juice ang kanilang inumin, na nakalagay sa plastic cups. Kahit tinapay ang hinahati ni Kristo, ang mga bata'y kanin pa rin ang kinakain, gamit ang kanilang kamay. May isang pusa pa na nakikisalo sa isang batang sa lapag kumakain, samantalang may isa pang pusa na nakamasid sa kanila, naghihintay marahil ng mga tira. Isang batang lalaki ang may hawak sa kaliwang kamay ang isang maitim na bag, may dalawang pearl necklace ang nakalawit. Hawak naman sa kanan ay pera. Sa kanyang kandungan ay isang platong puno ng pagkain, nguni't tila hindi pa ito nagagalaw. Nanlilisik ang mga mata, nguni't hindi siya nakatingin kay Kristo. Isang katabing batang babae ang nakatingin sa kanya, waring nagtataka kung bakit parang hindi masaya ang batang ito sa selebrasyong nagaganap.
Para sa buwan ng Hunyo ang nakalarawan ay si Kristo na may dala-dalang gula-gulanit na watawat ng Pilipinas. Ang pula'y nasa itaas, nagpapahiwatig ng digmaan. Ang pamagat ng painting ay Take up your Flag and Follow Me. Diretso ang tayo ni Kristo, hindi Siya naka-kuba. Mahigpit ang pagkakahawak sa staff na kinakabitan ng watawat.
Ang sira-sirang bandila raw ay sumisimbolo sa kayrami nang pinagdaan ng bansa, mula pa noong Sigaw ng Pugad Lawin, hanggang sa mga digmaan laban sa mga banyaga, hanggang sa saya ng dalawang People Power. Ang hirap at sakit ng mga Pinoy ay naka-ukit sa mukha ni Kristo, nguni't ang kanyang tuwid na pagkakatayo at mahigpit na hawak ay nagsasabing hindi tayo magagapi. Sigurado raw tayong magwawagi sa laban, nguni't ang ating sigaw ay hindi galit kun'di pagmamahal.
Kay rami pang tatahakin ang ating bansa, nguni't kung sana lahat tayo'y susunod sa pag-ibig ng Diyos, sigurado akong tunay tayong magiging malaya.
No comments:
Post a Comment