Mahirap at malungkot ang mamatayan, lalo na kung ang taong iyon ay malaki ang nagawa para sa'yo. Yan ang naramdaman ko nang mamatay ang aking tatay at ang aking lola. Ang huli ang siyang nag-alaga sa 'kin, nagpalaki, at nagturo.
Ngayong araw, isang tao ang malaki rin ang nakagawa, 'di laman para sa akin, kun'di para sa bansang Pilipinas at, marahil, para sa buong mundo. At yan ay ang dating presidente, Corazon Aquino, o sa mas malambing na ngalan na "Tita Cory". Mga alas-tres ng umaga nang siya ay pumanaw, at isang bayani ang nawala na naman.
Bilib ako kay Tita Cory. Marahil, hindi n'ya naisip na mangyayari sa kanyang buhay ang mga karanasang naganap sa kanya. Isang tahimik at pribadong tao, napasok siya sa pampublikong buhay, sa pulitika, at naging presidente pa ng bansa. Siguro, nakatala na sa buhay n'ya na ganun ang kanyang tatahakin. Hindi naman n'ya plinano ang mga ito. Ito 'yung "ibinigay sa baraha" na kanya, at nilaro naman n'ya sa abot ng kanyang makakaya. At, sa palagay ko, naging mahusay ang kanyang "paglalaro".
Bakit ako nabilib sa kanya? 'Eto ang mga dahilan:
1. Siya'y nasa-background lamang habang ang kanyang asawa'y sikat-na-sikat.
Isang tahimik na maybahay ang ginampanan ni Tita Cory habang ang kanyang asawa'y inaakalang magiging susunod na pangulo ng Pilipinas. Hindi siya "sumakay" sa kasikatan ni Ninoy, at, sa halip, hinayaan ni Tita Cory na magningning ang kanyang asawa sa larangan ng pulitika. Nakilala ko lang si Tita Cory nang mamatay na si Ninoy.
2. Nangampanya siya para kay Ninoy.
Kalakasan ng kapangyarihan ni Marcos noon, nakakulong si Ninoy, nguni't hindi inintindi ni Tita Cory ang kanyang kapakanan nang nangampanya siya para sa kanyang asawa. Kay dali-daling ipahuli ni Marcos si Tita Cory at ipakulong, pero hindi ito ikinatakot ni Tita Cory.
3. Tumakbo siya sa pagkapangulo.
Kalaban ni Tita Cory si Marcos, isang bihasang pulitiko, sanay sa mga dayaan, hawak ang militar at mga taong magpro-proklama ng nanalo, hawak ang mga local officials na kayang-kayang baguhin ang resulta ng mga boto. Nguni't dahil sa tindi ng dasal, at paghimok ng isang milyong lagda, pumayag na siya'y tumakbo. Isang malaking kalokohan, pero lumaban pa rin.
Dito rin ako nabilib kay Doy Laurel upang pumayag na gamitin ang kanyang itinayong partido, at pumayag na tumakbo bilang bise-presidente, upang magbigay daan para kay Tita Cory. Kung hindi n'ya ginawa 'yun, siguradong matatalo sila, kahit hindi na mandaya si Marcos.
4. Itinatag n'ya ang pundasyon para sa mga susunod na mga pangulo.
Sabi ni Ninoy na kawawa ang susunod na pangulo pagkatapos ni Marcos. Siguradong mahihirapan iyun. Ironic, dahil ang sumunod kay Marcos ay ang kanyang asawa.
Hindi nga madali ang sundan ang dalawampung taon na rehimen ng diktatura. Anim na taon lang ang ibinigay kay Tita Cory. Anim na taon, laban sa dalawampung taon? Hindi lang 'yun, may kasama pang coup attempts na lalo lang nagpabagal upang tayo ay makaahon muli. At marami sa ating mga kababayan ang nainip. Ano ang gusto nilang gawin, maging diktador din si Tita Cory upang sa isang iglap ay mabago ang takbo ng bansa? 'Di ba, 'yun ang kanyang kinalaban? 'Di ba, 'yun ang inayawan ng ating mga kababayan?
Noong pahanon ding 'yun nakaranas tayo ng mga walong oras na brown outs araw-araw. Pero may ginawa pa rin si Tita Cory upang maiwasan ang mga 'yun.
Sa aking palagay, si Ramos ang pinakamaswerte dito. Siya ang nagtamasa sa lahat ng mga ginawa ni Tita Cory. Naging maunlad ang Pilipinas sa panahon ni Ramos. Nguni't, sa aking palagay, kun'di dahil sa mga ginawa ni Tita Cory, malamang hindi naging matagumpay ang termino ni Ramos.
5. Naging matatag siya sa kabila ng kanyang sakit.
Mas maraming hirap ang pinagdaanan ni Tita Cory, at isa na marahil dito ang malaman n'yang may taning na ang kanyang buhay. Nguni't, sa kabila noon, hindi nanghina ang kanyang pananalig sa Diyos. Marahil, 'yun ang nagbigay lakas sa kanya, 'di lamang noong nagkaroon siya ng sakit, kun'di na rin noong mga panahong nakakulong si Ninoy at, kalaunan, napatay siya, noong mga coup attempts, at noong kay raming bumabatikos kay Tita Cory, isa na rito na sinasabing wala siyang utak.
Hindi ko sinasabing perpekto si Tita Cory, o naging perpekto ang kanyang pamumuno. Marami rin namang mga nangyari na nakakalungkot, tulad ng pagkamatay ng ilang magsasaka sa Mediola, ang hindi pagbawi ng mga yamang-nakaw ng mga Marcos at ng kanyang mga alagad, ang kulang sa pagpapatupad ng Agrarian Reform lalo na sa sarili nilang hacienda. Ganun pa man, si Tita Cory ay nasa gitna ng kritikal na panahon ng ating bansa, at ginawa n'ya, sa abot ng kanyang makakaya, na walang iniisip para sa sariling kapakinabangan, upang mai-ahon ang ating bayan. At, hanggang sa huling sandali, naniniwala pa rin siya na darating ang panahon na makakabangon din ang Plipinas sa pagkalugmok nito sa kahirapan.
Sabi ni John Maxwell na ang tanging batayan ng isang lider ay kung ma-i-impluwensiyahan n'ya ang kanyang mga tagapasunod o hindi.
Naaala ko noon, isang linggo pagkatapos ng snap elections, at kadedeklara lamang ng Batasang Pambansa na si Marcos ang nanalo, nagkaroon ng isang rally si Tita Cory. Nanawagan siya na i-boycott ang mga kumpanyang tumulong kay Marcos. Bumagsak ang halaga ng mga stocks ng mga kumpanyang ito, ang isa na ay ang San Miguel Corporation. Akala ko hindi magagawa ng mga Pilipino, pero bumagsak din ang benta ng San Miguel beer.
Buti na lang, pagkaraan ng ilang araw, inumpisahan na nina Ramos at Enrile ang kanilang pagrerebelde. Kun'di, baka tuluyang nauhaw ang mga Pinoy sa beer.
Sa pagpanaw ni Tita Cory, ipinagdarasal ko na makita ang mga magagandang nagawa n'ya para sa bayan, kahit hindi n'ya ginusto na malagay siya sa pwesto. At kung ano mang pagkakamali na nagawa n'ya, nawa'y mapatawad siya ng ating kasaysayan.
Salamat, Tita Cory, sa lahat ng iyong nagawa, at sa lahat ng mga aral na iniwan mo sa aming mga Pilipino at sa buong mundo.
No comments:
Post a Comment