Monday, May 10, 2010

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 4

11:50 am
Isang babae ang lumapit sa amin.

"Paki-tignan nga ang problema nito?"

Ah, s'ya 'yung taga-COMELEC.

Kaso, bakit ganoon? Naka-T-shirt at jeans lang s'ya. Mukhang wala rin s'yang kapangyarihang magdesisyon.

"Miss," sabi ko. "Wala 'yung pangalan ko sa listahan kaya nagpunta ako sa COMELEC upang tignan kung maaari akong makaboto. 'Eto, binigyan nila ako ng papel na nagsasabing pinapayagan akong makaboto."

Actually, hindi ko maintindihan 'yung nakasulat sa papel. Panay mga letra lang. Assumption ko lang 'yun.

Sigurado akong 'yung ibang nakakita sa sulat ay hindi rin naintindihan ang ibig sabihin. At dahil sinabi kong pinapayagan akong makaboto, nag-assume din marahil sila na 'yun ang ibig sabihin ng nakasulat sa papel ko.

"Taga-bantay lang po ako dito."

Sabi ko na nga ba, eh. Wala rin itong magagawa.

"Wala bang p'wedeng magdesisyon?"

"Samahan ko po kayo."

Ngayon naintindihan ko na kung bakit sila matulungin. Naghahanap sila ng mapapasahan ng aking problema.

Lumipat kami sa ibang building at may hinanap s'yang kasamahan. Isang bading na naka-sando ang kanyang kinausap.

Patay, ito ba ang pinaka-bossing ng COMELEC watchers dito? Hindi ko s'ya minamaliit dahil s'ya ay bading, pero hinuhusgahan ko s'ya dahil napaka-casual ng kanyang suot.

"Wala kasi ang pangalan ko sa listahan...." Dapat pala nag-record na lang ako ng aking kuwento at patutugtugin tuwing may bagong tao akong nakakausap.

"Itanong mo na lang kay Ate...." Hindi ko maalala ang pangalang sinabi n'ya. Pero, at least, ate ang tawag n'ya. Ibig sabihin, mas may ranggo sa kanya.

12:05 pm
Lumabas kami at lumapit sa isang tent, kung saan mukhang central HQ ng mga titser.

May isang nilapitang babae ang kasama kong taga-COMELEC. Lapit din ako.

"Wala po ang pangalan ko sa listahan...." Kung nasa-1970's lang kayo, maiintindihan n'yo ang kasabihang "parang sirang plaka".

May pumapel na namang lalaki.

"Hindi ka talaga makakaboto kung wala ka sa listahan. Tinanggal na ang pangalan mo."

"Maaari n'yo po bang isulat n'yo na hindi ako nakaboto dahil wala ang pangalan ko sa listahan, tapos ay inyong pirmahan?"

"Hindi kami authorized gawin 'yun."

Kung may anak lang ako sa paaralang ito baka na-i-pull out ko na.

"Ang hinihingi ko lang po ay isulat n'yo ang inyong sinabi at pirmahan."

Nanginging na ang mga tuhod ko dahil sa inis at gutom. Pero, nangingibabaw ang gutom.

"Halika, sumama ka sa akin," sabi ni Ate Something.

12:15 pm
Umakyat kami, kasama 'yung taga-COMELEC, sa isang hagdan at nagtungo sa isang opisina. Naka-air con! Sarap ng lamig.

"May problema po ito," sabi ng titser sa isang babaeng may edad na.

S'ya ang principal ng school. Sa wakas, a person of authority.

"Kasi po wala ang pangalan ko sa listahan...." Siguro naman ito na ang huling pagkakataong ikukuwento ko ito.

Kinuha n'ya ang papel ko at may inutusan. "Paki-dala nga ito sa PPCRV."

Meron pala noon dito? Sana, doon agad ako nagkonsulta.

Pinapasok n'ya ako sa kanyang opisina at pinaupo sa silya. Samantala, nagpaalam na 'yung taga-COMELEC, dala ang packed lunch nila ng kaibigang badaf. At least, hindi n'ya ako iniwan.

Bumalik 'yung taong inutusan n'ya.

"Wala na nga raw po ang pangalan n'ya sa listahan. Ang ibig sabihin ng nakasulat sa papel ay 'failed to vote'."

So, 'yun pala ang ibig sabihin noon. Parang hindi ko 'yun mahuhulan dahil hindi naman tugma sa initials noong nakasulat as against sa mga katagang "failed to vote".

Sabi ko nga ba. Kung dumiretso ako sa PPCRV naintindihan ko 'yung nakasulat, at nalaman ko ang aking gagawin. Nasa bahay na sana ako ngayon, nag-i-Internet.

"Naiintindihan ko naman po na hindi ako makakaboto dahil 'sakto lang ang mga balota. Ang hinihingi ko lang po ay 'yung may magsulat sa isang papel ang dahilan na hindi ako makakaboto at pirmahan."

"Kailangan mo ba 'yun?"

"Opo."

"Sige, gagawa ako ng kasulatan."

Kaya siguro s'ya ang principal, at 'yung iba'y mga guro lang, kasi may "b" s'ya. 'Yung kasabihang "the buck stops here" ay buhay na buhay sa kanya.

Sa wakas ay hindi ko na uulit-ulitin ang aking kwento.

Kinuha ko ang papel, nagpasalamat at umuwi na.




Tatapucn

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 3

11:05 am
Pumila na rin ako, bahala na kung saang kuwarto ako makarating. Bigla kong naisip, tanggapin kaya ng titser itong munti kong papel? Buti pa itanong ko muna.

"Miss," tawag ko sa babaeng nakausap ko kanina, 'yung tumutulong sa mga boboto. "Wala kasi 'yung pangalan ko sa listahan, tapos nagpunta ako sa COMELEC sa munisipyo, at binigyan ako ng papel na pinapayagan akong bumoto. Tanggapin kaya sa loob itong papel ko?", sabay pakita sa maliit kong papel.

"Hindi ko po alam. Paki-tanong na lang sa loob."

"Eh, miss, paano kung 'di n'ya tanggapin? Nasayang lang ang oras ko sa pagpila."

"Oo nga po. Sandali lang po't ipapatanong ko."

Kinuha n'ya 'yung papel ko at pinatanong sa isa n'yang kasamahan.

Mabilis-bilis din ang takbo ng aming pila, pero mabagal ang pagbalik ng may hawak ng aking papel. S'yempre, concerned na ako.

"Miss, may balita na?"

"Sandali lang po."

Lumabas din ang taong pumasok.

"Hindi raw po kayo makakaboto. 'Sakto lang daw ang balota sa mga taong nakalista."

"Paano na ngayon 'yan? Sabi ng COMELEC p'wede akong bumoto."

"Tanong n'yo na lang po sa baba."

"Galing na ako kanina doon, wala 'yung pangalan ko sa Master's List, nagpunta ako sa COMELEC, at, 'eto, pinapayagan akong bumoto."

"Hindi ko kayo masasagot d'yan. Mabuti pa magtanong na lang po kayo sa baba."

Tumutulong naman s'ya kaya 'di ko na s'ya inaway.

"Miss, 'pag balik ko, dito ulit ako sa pila, ha?"

11:15 am
Nakarating muli ako sa mahabang mesa sa may gate. Nakita ko 'yung titser na sumama sa amin papuntang COMELEC. Hindi naman s'ya nagalit dahil iniwanan ko sila kanina.

"Pano po ito, hindi raw ako p'wedeng bumoto kasi wala ang pangalan ko. Nagpunta na po ako kanina sa COMELEC at ok naman daw akong bumoto."

"Paki-tignan nga ang pangalan nito sa Master's List," utos ng parang bossing nila sa isang guro.

"Tinignan ko na po kanina 'yan at wala ang pangalan ko po d'yan. Kaya nga po nagpunta ako sa COMELEC, at pinayagan naman akong bumoto. Siya nga po ang kasama namin kanina," sabay turo sa titser sa sumama sa amin.

"Oo nga, kasama namin 'yan," pero ayaw n'yang tumingin sa akin, na parang sinasabing, "tapos na ang trabaho ko sa'yo; sinamahan na kita. Iba naman ang mamroblema sa'yo."

Pinakita ko ang kaprasong papel galing sa COMELEC. Panic sila.

"Ano ang sabi sa taas?", tanong ni bossing.

"Pinapunta po ako dito sa inyo. Tapos, 'sakto lang daw po ang balota nila. Pa'no na po 'yan?"

May isang lalaking pumapel. "Hindi ka nga nila pabobotohin kasi, kung wala ang pangalan mo sa listahan, wala kang balota."

"Ok," sabi ko. Kung talagang hindi puwede, bakit ko pa ipagpipilitan ang sarili ko.

"Paki-sulat na lang po dito sa papel 'yung sinabi n'yo, at paki-pirmahan," sabi ko sa lalaki.

"Hindi ko gagawin 'yan!"

"Bakit po? Ang hinihiling ko lang ay isulat n'yo lang po ang sinabi n'yo at inyong pirmahan."

"Hindi kami authorized gawin 'yan!?

Hah? Eh, sino naman kaya ang nag-authorize na pumapel s'ya?

Mukhang naawa naman sa akin si bossing at may tinawag s'yang lalaki. "Paki-samahan na nga s'ya sa itaas."

11:30 am
Pumunta ako sa dating pwesto ko sa pila. Wala namang umangal. 'Yung lalaking sinamahan ako'y pumasok sa kuwarto upang kausapin ang nagbabantay na guro.

Maya-maya'y lumabas s'ya.

"Halika po kayo," sabi n'ya.

Pumasok ako sa kuwarto't pinalapit sa taga-bantay.

May bumoboto pa kaya hindi ko ginagambala 'yung titser. Matagal-tagal ding nag-thumb mark, naglinis ng mga daliri, at pumirma 'yung hinihintay ko. May isang mama, nakaupo sa isang desk, ang nagreklamo sa nagbabantay ng pinto. Nilapitan naman ako ng huli.

"Boboto po ba kayo?"

"Hindi, may itatanong lang ako dito." Kung sa kalye, inis na inis ako sa mga drayber na sumisingit, gagawin ko pa kaya ang laktawan ang pila?

"Makakaboto po ba ako?" tanong sa titser, nang umalis na 'yung taong kakaboto lamang.

"Nasa listahan po ba ang pangalan n'yo?"

"Wala po. At wala din po sa Master's List sa baba. Kaya po pumunta kami sa COMELEC at, 'eto," sabay pakita sa papel, "pinayagan nila akong bumoto."

Teka, parang nabasa ko na itong ganitong scenario sa email. 'Yung kwento ng kawawang taong gustong kumuha ng TIN, at kung saan-saan s'ya pinapunta. Tawang-tawa ako habang binabasa ko 'yun.

Pero, ngayon, hindi ako natatawa.

"Paki-tignan d'yan sa folder kung nad'yan ang pangalan mo."

Iba ito. Nakalagay ang orihinal na form na pi-ni-fill-up kapag nagpaparehistro. Baka sakali, dito ako makakita ng pag-asa.

Hanap. Hanap. Hanap.

Kaso, wala rin.

"Wala po, eh."

"Kelan ka huling bumoto."

"Noon pong 2001."

Hindi ako bumoto noong 2004. Sino ba naman ang pipiliin mo? Si GMA o si FPJ? Tapos, noong 2007, wala rin akong mapili.

"Ah, tinanggal na ang pangalan mo. Kaya, hindi ka makakaboto."

"Eh, bakit sinabi ng COMELEC na pu-pwede akong bumoto."

"'Di ko alam."

"Pwede po ba paki-sulat na lang dito sa papel na hindi ako nakaboto kasi wala ang pangalan ko sa listahan?"

"Hindi kami authorized gawin 'yan."

Bakit hindi? Ang hinihingi ko lang ay i-dokumento ang kanilang pinagsasasabi. Bawal ba 'yun?

"Teka, nasaan ba 'yung taga-COMELEC?" sabi ni Ma'm.

Aba, may big shot pala dito. Baka, ito, makakapag-desisyon.

Hindi ko naman ipagpipilitan na ako'y makaboto. Kung makaboto man ako, paano naman 'yung taong "kinunan" ko ng balota? Problema din 'yun. Ang hinihingi ko lang ay 'yung magkaroon sana ng lakas ng loob ang mga tao na panindigan nila ang kanilang sinabi.

Ang problema, parang walang "b" ang mga ito. 'Yan ba ang gusto nilang ituro sa kanilang mga mag-aaral?

E-2-2-loy

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 2

9:15 am
Sa wakas ay nakita ko rin ang pangalang "Baltazar". Lima pala ang nakarehistro doon. Kaso, walang "Danilo". Problema yan!

Ilang beses naming tinignan ang listahan. Pati na nga sa listahang may markang D-E-F-G ay tinignan na rin namin, baka may "Danilo" doon. Pero wala talaga ang pangalan ko.

Marami ring ganoon ang sitwasyon. May isang guro doon na nagsabing magpunta raw kami sa COMELEC, sa munisipyo, at doon magtanong kung may record kami.

Ayan, mukha talagang uuwi na ako.

"Sasamahan ko kayo doon," sabi ng isang titser na nagprisinta.

Parang ayaw pa akong pauwiin.

Pumunta kami sa Barangay Hall upang magpalista bago sumakay sa sasakyan ng barangay.

9:30 am
Sumakay kami sa isang sasakyan ng pulis, 'yung open na open sa likod, at nakaupo kami sa magkabilang bench.

"Ano ba namang sasakyan ito. Nakakahiya! Sana, walang makakita sa akin sa opisina," wika ng isang babae. 'Di ko naman nakita kung sino 'yung nagsasalita, pero, alam ko, wala kaming nakasabay na maganda. Feeling n'ya siguro'y para s'yang isang kriminal na nahuli.

Hindi ko naman problema 'yun. Ang inaalala ko lang, baka isipin ng mga kalaban ni meyor na mga supporters n'ya kami at kami'y ma-ambush.

9:40 am
Nakarating kami sa munisipyo ng Las Piñas. Marami-rami na ring tao ang naroon.

May isang mesa sa labas ng opisina ang inuupuan ng ilang tao. Sa mesa ay may mga maliliit na papel kung saan doon mo isusulat ang iyong pangalan, prisinto, cluster, at polling place. Siyempre, hindi ko matandaan 'yung huling dalawa.

Pagka-fill up ng papel, ibibigay ito sa COMELEC, na nasa loob ng isang maliit na kwarto.

Pero, sa totoo lang, naisip ko lang ito. Wala naman kasing nagsasabi kung ano ang dapat namin gawin. Buti na lang nga't tama ang naisip ko.

Maraming nais magbigay ng papel at nagsisiksikan sa pintuan ng opisina.

Meron na ring mga nauna sa amin at naghihintay na lang ng resulta. Pero, naroon pa rin sila sa bungad, kaya kumpulan sa pinto.

"Gumawa po tayo ng dalawang pila para maging maayos ang pag-asikaso sa inyo," sigaw ng isang pulis, mula sa loob ng kwarto.

Kaso, maraming ayaw makinig. Palibhasa, naroon na sila sa may pinto, at kung pipila pa sila ay malalayo sila.

Meron namang mga gumawa na ng pila, at kasama ako doon. 'Yun nga lang, iisang pila lang ang nagawa.

"Dalawang pila lang po," sabi muli ng pulis.

Hindi na nadagdagan 'yung isang pila; ayaw tuminag ng mga taong malapit sa pinto.

"Dalawang pila po. Hindi po kayo maaasikaso hangga't hindi kayo nakapila."

"Unahin n'yo na kaming nakapila para mapilitang pumila rin ang iba," sagot ko naman.

"Gumawa po tayo ng dalawang pila," sigaw pa rin ng pulis.

Hindi ko alam kung hindi n'ya ako narinig o hindi n'ya naintindihan ang logic ng sinabi ko.

Sa medyo malayong lugar, may mga pulis na nakaupo lamang, tinitignan kami. Siguro, hindi nakatiis 'yung isa't lumapit sa amin.

"Pila lang po tayo," sabi n'ya.

"Kayo na lang po ang mag-ayos ng pila. Wala kasing gagawa n'yan kung hahayaan n'yo na kami-kami lang," sabi ko naman.

Lumakad-lakad ang pulis. "Pila lang po tayo."

Bingi ba ang mga pulis sa Las Piñas? Mahina ba ang boses ko? O ayaw lang nilang umaksyon?

Kung hindi lang ako mahiyain, ako na ang mag-aayos ng pila.

"Dapat kasi kunin na lang nila 'yung mga papel, tapos tatawagin na lang 'pag tapos na, para hindi nagkakagulo d'yan sa may pinto," wika ng isang nakatayong naghihintay na lang. Maaga s'ya kaya't naipasa na n'ya ang kanyang papel. 'Yun nga lang, medyo matagal na s'yang naghihintay.

Siguro, may nakarinig sa kanya. Isang nakapila ang itinaas ang kamay at maya-maya'y ipinasa na ng iba ang kanilang papel sa kanya. S'yempre, may I abot na rin ako. Tapos, kanyang ibinigay sa loob ang mga ito.

Ayan, eh, 'di, nakaalis din ako sa pila at nakapaghanap ng mauupuan.

Mangilan-ngilan lang ay may mga taong tinawag na. May isang lalaking pumunta sa pinto, tapos umalis, umiiling-iling.

"'Di raw ako pwedeng bumoto," sabi n'ya sa walang partikular na kausap.

"Bakit daw?" tanong ng isang babae.

"Wala daw ang record ko."

"Bakit daw wala?"

"Walang sinabi."

"Aba, dapat sabihin nila! Karapatan mo ang bumoto." Siguro, kung sa babae nangyari ito, nilusob na n'ya 'yung taga-COMELEC.

"Kelan kayo huling bumoto?" Tanong ni girl.

"Noong para sa Barangay Chairman." (Kelan kaya 'yun?) May ipinakita pa s'yang voter's ID.

"Uuwi na lang ako," sabi n'ya.

Dapat 'ata sinundan ko na lang s'ya.

10:05 am
"Baltazar!" sigaw ng pulis na nagpapapila sa amin.

"Baltazar!" sigaw ko, patakbong palapit sa kanya. Baka kung kanino pa mapapunta ang aking papel.

"Pwede ka na raw bumoto."

Ibinigay n'ya ang munti kong papel na may nakasulat na hindi ko maintindihan ang ibig sabihin.

Ganoon lang ba 'yun? Ni walang pirma.

Naisip ko, kung mandadaya ako, maaari ko lang palang mag-fill up ng maraming papel, tapos sulatan ko ng tulad ng nakasulat ng sa akin. Tapos, ipakita ko lang ito sa prisinto at makakaboto na ako.


Parang may mali.

Nakita ko 'yung gurong sinamahan kami, at sinabing hintayin na namin ang iba pa naming kasamahan.

10:45 am
Kay tagal ko na ring naghihintay. Baka abutin pa ako ng pananghalian, kaya ipinasya ko nang umalis sa munisipyo. Hindi ko makita 'yung gurong kasama namin kanina para magpaalam.

Madali lang naman bumalik sa eskuwelahang aking pagbobotohan. Pitong piso lang ang pasahe. Pero, hindi rin ako nakasakay agad. Kakaunti lang ang nag-bi-biyahe patungog Pulang-Lupa.

11:00 am
Nakarating din ako sa paaralan. Nagpunta ako sa aking prisinto at pumila.

Dalawang pintuan ang kuwarto ng prisinto. May nakatayong poll watcher sa tig-isang pinto.

"Saan po ba ang pila para sa prisintong ito?", aking tanong.

"Hindi ko po alam."

"Para saan itong pilang ito?", sabay turo sa pila sa harapan n'ya.

"Yan siguro."

"Eh, 'yung pila sa kabilang kuwarto, saan ang pila?"

"Hindi ko rin alam."

Teka, teka, teka. Hindi n'ya 'ata gusto ang mga sagot n'ya. Para saan ba s'ya? Display? Hindi naman s'ya gwapo.

Tinanong ko 'yung nasa kabilang pinto, "Saan po 'yung pila para sa prisintong ito?"

"'Yan," sabay turo sa pilang nasa harapan n'ya.

"Saan 'yung pila para sa kabilang kuwarto?"

"Yan din."

"Paano malalaman noong nakapila kung papasok na s'ya sa kuwartong ito o hihintayin pa n'ya ang nasa harap n'ya kung saan ito papasok?"

Hindi na s'ya sumagot. Marahil, hindi n'ya naintindihan ang tanong ko. Tumalikod na lang s'ya na wari'y busy.

Iisa nga lang ang pila ng dalawang kuwarto. Hindi mo alam kung saang kuwarto ang iyong sinusundan. Maluwag pa naman 'yung aming prisinto at sa kabila'y masikip. Paano ko malalaman na pwede na pala akong pumasok sa aming kuwarto kung 'yung kasunod ko ay nasa labas pa?

Hirap initindihin. 'Ika nga ni Yul Brynner sa The King And I, "It's a puzzlement!"

E-2-2-loy

Disenfranchised! (Election Day Diary) - Part 1

09 May 2010, 10:00 pm
Sabi ko na nga ba dapat noon pa ako gumawa ng listahang iboboto ko bukas. Ayan, wala nang isip-isip tuloy.

S'yempre, Noy-Mar ako.

Bakit s'yempre?

Kasi, ayaw ko kay Villar. Lalo na kay Erap. Si Gibo? Ayaw ko rin. Si JC sana, hindi dahil relihiyoso ako, na hindi naman talaga, pero parang napakabata pa n'ya. Saka, lalamunin lang s'ya sa gobiyerno kung wala pa s'yang pondo "sa loob".

Saka, noon pa, paborito ko na ang LP. Parang, kung ang laban ay Crispa versus Toyota, lagi akong kampi sa Tanduay.

Limang taga-LP ang inilista ko sa pagka-Senado. Ang mga ito'y malamang matatalo.

'Di ko naman maintindihan sa mga tao. Gusto nila si Noynoy, dahil daw para mawala ang korapsiyon. Eh, isang bahagi lang ng gobiyerno si Noynoy. Isang bahagi pa, na malaki rin ang pangungurakot, ay ang Senado.

Paanong mapapaayos ni Noynoy ang takbo ng bansa kung wala naman s'yang magiging katulong sa Senado?

Kaya, nakaka-inis lang. Siguradong Revilla, Estrada, Defensor, Enrile, at kung sino-sinong wala namang naitutulong ang mananalo.

'Yung pitong iba ay taga-Kapatiran. Hindi ko kilala sila pero alam ko namang, kahit papano, may integridad ang mga ito, kesa sa mga kandidatong iboboto ng karamihan.

Sa Las Piñas ako boboto, kahit sa Parañaque ako nakatira, kaya wala akong iboboto sa pagka-konggresista at mga konsehal. Wala naman akong kilala sa kanila. Pero, baka si Nene Aguilar at ang kanyang bise pa rin ang iboto ko. Mahusay naman ang kanilang pamamalakad.

Balak kong maagang magising para maaga rin sa prisinto. Sana, bago pa mag-alas-otso, naroon na ako.

10 May 2010, 5:00 am
Tinugtog ng aking cellphone ang "Sweet Jamming" ring tone. Maaga siya para nga maaga akong makarating sa prisinto.

Kaso, tinatamad pa akong bumangon kaya't pinindot ko ang snooze.

5:05 am
Tumugtog ulit ang aking cellphone. Pinindot ko muli ang snooze.

5:10 am
Muling tumunog ang aking cellphone. In-adjust ko ang oras ng pag-alarm; mamayang alas-sais na lang ako babangon.

6:00 am
Tumunog ang aking cellphone. Kung may balak akong bumoto, dapat ay bumangon na ako. Ayaw kong abutin ng gabi sa prisinto.

7:30 am
Umalis na ako ng bahay. Malayu-layo pa ang aking biyahe.

8:15 am
Dumaan muna ako sa opisina upang iwan ang aking kotse. Baka mahirapan akong pumarada sa prisinto. Madali lang namang sumakay papunta doon.

8:20 am
Walang dumadaan na jeep patungong Baclaran. Panay may karatulang "COMELEC" ang mga dumadaan. Mukhang inarkila ng COMELEC ang mga ito, marahil upang gawing libreng sasakyan ng mga bumoboto.

Meron din namang mga jeep na may markang "Bernabe".

'Di ba bawal 'yun?

8:45 am
Hindi naman trapik patungong Pulang-Lupa, kun'saan naroon ang eskuwelahang aking pagbobotohan.

Pagdating ko sa paaralan kay haba na ng pila, lampas gate. Pero, hopeful ako na sa aking prisinto'y maikli lang ang pila. Ganoon naman madalas 'yun kaya kahit hindi na ako nakatira sa Las Piñas ay dito pa rin ako bumoboto. Ang isa pa, hindi rin ako nakapagparehistro noong nakaraang Disyembre.


9:00 am
Hinanap-hanap ko ang aking pangalan nguni't wala doon. May isang babae, mukhang poll watcher, ang lumapit sa akin.

"Ano po ang kailangan n'yo?"

"Miss, wala ang pangalan ko dito sa listahan."

"Paki-tingin n'yo na lang po sa baba, may isang mesa malapit sa gate. May Master's List po doon at baka makita n'yo ang pangalan n'yo doon."

Akala n'ya siguro naliligaw ako ng prisinto.

9:05 am
May mga nagkukumpulan sa isang mahabang mesa. Sa aking palagay 'yun na ang dapat kong pagtanungan.

May nakita akong mga gurong nakaupo doon at tinanong ko kung naroon sa Master's List ang aking pangalan.

Hindi lang iisang listahan 'yun. Naka-staple ang mga papel, at sa unang pahina ay may mga letra (A-B-C, D-E-F-G, etc.), na ang ibig sabihi'y 'yun ang mga unang letra ng apelyidong nasa listahan nila.

Nilapitan ko ang titser na may hawak ng listahang may nakasulat ng A-B-C. Ibinigay ko ang aking pangalan.

"Paki-tingin nga d'yan 'yung 'Danilo'," sabi ng isang titser.

"Hindi po," singit ko. "'Baltazar' po ang apelyido ko. 'Danilo' ang first name."

Wala s'yang nagawa. Binuksan n'ya ang kanyang listahan.

Ang kaso, hindi pala nakaayos ang mga pahina. Kumbaga, kung ang huling pangalan sa isang papel ay Andaya, ang unang pangalan naman sa susunod na papel ay Borsoto. At walang page number ang mga pahina.

Patay! Iisa-isahin din pala ang mga papel upang hanapin ang aking pangalan. Mukhang matatagalan ako bago makaboto.

Gusto ko na sanang umuwi. Tutal, sigurado na naman si Noynoy. At 'yung mga iboboto ko sa Senado ay sigurado rin...siguradong matatalo.

Pero, naisip ko, karapatan at tungkulin ko ang bumoto. At least, nakapamili ako kung sino ang gusto kong manungkulan. Tutal, konting tiyaga lang ito. Malamang, bago mag-alas-onse tapos na ako. By twelve, nasa bahay na ako.

E-2-2-loy

Sunday, May 9, 2010

Mother Song

Linggo ng hapon. Kay rami ko pang dapat gawin para sa aking buhay, kaso, tinatamad ako. Siguro bukas na lang. Tutal, araw naman ngayon ng pahinga.

Maggigitara muna ako at baka sakaling gumaling ako't maging habulin ng chicks.

Pero, 'wag kayong mag-alala; hindi na ako umaasa pa. Sa tanda kong ito, alam ko namang hinding-hindi na ako huhusay pa sa paggigitara.

Nasa harapan ko ngayon ang isang lumang kopya ng Jingle Songbook-Magazine. Ito 'ata ang kanilang unang labas -- Chapter 1 daw ito, at nalathala noong 1970. Pero re-issued lang s'ya, kaya hindi orihinal na luma.

Maraming kanta ng Beatles ang kasama sa magazine na ito. Meron din mula sa Sly and the Family, Spiral Staircase, The Lettermen, at kay Tom Jones, mga mangangantang dinadala dito ni Steve O'neal at pinanonood ng mga taong walang oras noon makinig dahil busy sila sa pakikibaka.

Meron ding mga kanta ng aking peyborit -- si Ate Guy. At isa rito ay ang kantang "Mother Song", na naaalala ko pa.

Ito ang kanta ng aking lola (pinsan ng nanay ng aking mommy) na nagpalaki sa akin. Lagi n'ya itong kinakanta sa akin bago s'ya matulog. Marahil, dahil maaga s'yang naulila sa ina kaya ito ang kanyang panghele.

Naalala ko rin na kinanta namin ito sa aming Music class noong nasa elementarya pa ako.

Kaya naman laking tuwa ko nang makita ko ang kanta sa magazine. Maaari ko na naman siyang awitin.

Naaaliw ako sa unang stanza, although, medyo corny:

I once had a dear old mother
Who loves me tenderly
For when I was a baby
She took good care of me.

Kaso, malungkot 'yung kanta. Namatay kasi ang kanyang nanay. Kaya, sa huli, ito ang kanyang payo:

So children obey your mother
Obey her faithfully
For if you lose your mother
You lost the best of all.

Siyempre, napaka-preachy n'ya. Sabit pa sa rhyming.

Pero, may katwiran.

Ako, maswerte pa dahil meron pa akong inang nababati ng "Happy Mother's Day". Merong iba d'yan, ang binabati na lang ay ang asawa, mga kaibiga't mga kamag-anak na nanay. Wala na ang sarili nilang ina.

Pero, sa mga meron pa, pakinggan n'yo 'yung sinsasabi ng kanta, habang buhay pa, maririnig at ma-a-appreciate pa nila ang sasabihin n'yo.

Dahil kung hahayaan n'yo ang pagkakataon, ayon sa kanta, "you lost the best of all".

Happy Mother's Day sa lahat ng ina!