Pumila na rin ako, bahala na kung saang kuwarto ako makarating. Bigla kong naisip, tanggapin kaya ng titser itong munti kong papel? Buti pa itanong ko muna.
"Miss," tawag ko sa babaeng nakausap ko kanina, 'yung tumutulong sa mga boboto. "Wala kasi 'yung pangalan ko sa listahan, tapos nagpunta ako sa COMELEC sa munisipyo, at binigyan ako ng papel na pinapayagan akong bumoto. Tanggapin kaya sa loob itong papel ko?", sabay pakita sa maliit kong papel.
"Hindi ko po alam. Paki-tanong na lang sa loob."
"Eh, miss, paano kung 'di n'ya tanggapin? Nasayang lang ang oras ko sa pagpila."
"Oo nga po. Sandali lang po't ipapatanong ko."
Kinuha n'ya 'yung papel ko at pinatanong sa isa n'yang kasamahan.
Mabilis-bilis din ang takbo ng aming pila, pero mabagal ang pagbalik ng may hawak ng aking papel. S'yempre, concerned na ako.
"Miss, may balita na?"
"Sandali lang po."
Lumabas din ang taong pumasok.
"Hindi raw po kayo makakaboto. 'Sakto lang daw ang balota sa mga taong nakalista."
"Paano na ngayon 'yan? Sabi ng COMELEC p'wede akong bumoto."
"Tanong n'yo na lang po sa baba."
"Galing na ako kanina doon, wala 'yung pangalan ko sa Master's List, nagpunta ako sa COMELEC, at, 'eto, pinapayagan akong bumoto."
"Hindi ko kayo masasagot d'yan. Mabuti pa magtanong na lang po kayo sa baba."
Tumutulong naman s'ya kaya 'di ko na s'ya inaway.
"Miss, 'pag balik ko, dito ulit ako sa pila, ha?"
11:15 am
Nakarating muli ako sa mahabang mesa sa may gate. Nakita ko 'yung titser na sumama sa amin papuntang COMELEC. Hindi naman s'ya nagalit dahil iniwanan ko sila kanina.
"Pano po ito, hindi raw ako p'wedeng bumoto kasi wala ang pangalan ko. Nagpunta na po ako kanina sa COMELEC at ok naman daw akong bumoto."
"Paki-tignan nga ang pangalan nito sa Master's List," utos ng parang bossing nila sa isang guro.
"Tinignan ko na po kanina 'yan at wala ang pangalan ko po d'yan. Kaya nga po nagpunta ako sa COMELEC, at pinayagan naman akong bumoto. Siya nga po ang kasama namin kanina," sabay turo sa titser sa sumama sa amin.
"Oo nga, kasama namin 'yan," pero ayaw n'yang tumingin sa akin, na parang sinasabing, "tapos na ang trabaho ko sa'yo; sinamahan na kita. Iba naman ang mamroblema sa'yo."
Pinakita ko ang kaprasong papel galing sa COMELEC. Panic sila.
"Ano ang sabi sa taas?", tanong ni bossing.
"Pinapunta po ako dito sa inyo. Tapos, 'sakto lang daw po ang balota nila. Pa'no na po 'yan?"
May isang lalaking pumapel. "Hindi ka nga nila pabobotohin kasi, kung wala ang pangalan mo sa listahan, wala kang balota."
"Ok," sabi ko. Kung talagang hindi puwede, bakit ko pa ipagpipilitan ang sarili ko.
"Paki-sulat na lang po dito sa papel 'yung sinabi n'yo, at paki-pirmahan," sabi ko sa lalaki.
"Hindi ko gagawin 'yan!"
"Bakit po? Ang hinihiling ko lang ay isulat n'yo lang po ang sinabi n'yo at inyong pirmahan."
"Hindi kami authorized gawin 'yan!?
Hah? Eh, sino naman kaya ang nag-authorize na pumapel s'ya?
Mukhang naawa naman sa akin si bossing at may tinawag s'yang lalaki. "Paki-samahan na nga s'ya sa itaas."
11:30 am
Pumunta ako sa dating pwesto ko sa pila. Wala namang umangal. 'Yung lalaking sinamahan ako'y pumasok sa kuwarto upang kausapin ang nagbabantay na guro.
Maya-maya'y lumabas s'ya.
"Halika po kayo," sabi n'ya.
Pumasok ako sa kuwarto't pinalapit sa taga-bantay.
May bumoboto pa kaya hindi ko ginagambala 'yung titser. Matagal-tagal ding nag-thumb mark, naglinis ng mga daliri, at pumirma 'yung hinihintay ko. May isang mama, nakaupo sa isang desk, ang nagreklamo sa nagbabantay ng pinto. Nilapitan naman ako ng huli.
"Boboto po ba kayo?"
"Hindi, may itatanong lang ako dito." Kung sa kalye, inis na inis ako sa mga drayber na sumisingit, gagawin ko pa kaya ang laktawan ang pila?
"Makakaboto po ba ako?" tanong sa titser, nang umalis na 'yung taong kakaboto lamang.
"Nasa listahan po ba ang pangalan n'yo?"
"Wala po. At wala din po sa Master's List sa baba. Kaya po pumunta kami sa COMELEC at, 'eto," sabay pakita sa papel, "pinayagan nila akong bumoto."
Teka, parang nabasa ko na itong ganitong scenario sa email. 'Yung kwento ng kawawang taong gustong kumuha ng TIN, at kung saan-saan s'ya pinapunta. Tawang-tawa ako habang binabasa ko 'yun.
Pero, ngayon, hindi ako natatawa.
"Paki-tignan d'yan sa folder kung nad'yan ang pangalan mo."
Iba ito. Nakalagay ang orihinal na form na pi-ni-fill-up kapag nagpaparehistro. Baka sakali, dito ako makakita ng pag-asa.
Hanap. Hanap. Hanap.
Kaso, wala rin.
"Wala po, eh."
"Kelan ka huling bumoto."
"Noon pong 2001."
Hindi ako bumoto noong 2004. Sino ba naman ang pipiliin mo? Si GMA o si FPJ? Tapos, noong 2007, wala rin akong mapili.
"Ah, tinanggal na ang pangalan mo. Kaya, hindi ka makakaboto."
"Eh, bakit sinabi ng COMELEC na pu-pwede akong bumoto."
"'Di ko alam."
"Pwede po ba paki-sulat na lang dito sa papel na hindi ako nakaboto kasi wala ang pangalan ko sa listahan?"
"Hindi kami authorized gawin 'yan."
Bakit hindi? Ang hinihingi ko lang ay i-dokumento ang kanilang pinagsasasabi. Bawal ba 'yun?
"Teka, nasaan ba 'yung taga-COMELEC?" sabi ni Ma'm.
Aba, may big shot pala dito. Baka, ito, makakapag-desisyon.
Hindi ko naman ipagpipilitan na ako'y makaboto. Kung makaboto man ako, paano naman 'yung taong "kinunan" ko ng balota? Problema din 'yun. Ang hinihingi ko lang ay 'yung magkaroon sana ng lakas ng loob ang mga tao na panindigan nila ang kanilang sinabi.
Ang problema, parang walang "b" ang mga ito. 'Yan ba ang gusto nilang ituro sa kanilang mga mag-aaral?
E-2-2-loy
No comments:
Post a Comment